Ilang linggo ko nang napapansin kay Chay na palagi siyang wala sa sarili. Napapansin ko rin na tuliro siya o para bang nagiging praning na siya sa paligid namin. Kapag lumalabas kami o gumagala ay palagi siyang tumitingin sa paligid namin. Hindi ko alam kung dahil ba inoobserbahan niya ang bagong lugar na pinupuntahan namin, o dahil may hinahanap siyang bagay o tao sa paligid namin. Hindi ko siya magawang tanungin kung ano ang mayroon. Napansin ko lang na may bumabagabag sa kaniya at gumugulo sa isipan niya. Dahil madalas ay mukhang malalim ang iniisip niya. Nagawa ko na siyang tanungin ng isang beses noong nakaraan. Tinanong ko kung ano ba ang iniisip niya at bakit parang may bumabagabag sa kaniya. Ngunit ang sinagot niya lang sa akin ay nag-iisip lang siya ng mga bagong ipipinta niya.

