Chapter 18

1554 Words
─── ・ 。゚☆: *.☽ .* :☆゚. ─── Halos hilahin ni Kyle ang mga paa niya para lang makahakbang patungo sa pupuntahan niya. Sa dalawang araw na dayoff niya, dalawang araw niya ring hindi nakita si Junjun. Inugat na siya kakahintay pero wala. Ni paramdam, wala. Nagtataka ang binata kung bakit naglaho ito bigla. Pilit niyang binabalikan ang huling pag-uusap nilang dalawa. Imposibleng nagalit sa kanya si Junjun dahil lang hindi ito napagbigyan sa request niyang cordon bleu. Sa pagitan nilang dalawa, mas higit na alam ni Junjun na madaling pilitin si Kyle sa kung anumang gustuhin nito. Alam ni Junjun na magpa-cute lang ito ng kaunti ay bibigay na ang binata. Kaya ang pinagtataka niya, bakit siya nawala? Parang lantang gulay na naglalakad si Kyle papuntang office building nila. Halos wala itong tulog kakaintay sa multong si Junjun. Iniisip niya na dahil maloko si Junjun, baka bumalik ito kapag tulog na siya. Pero hindi. Nanuyo na ang mata ng binata, ni anino ng multo ay wala siyang nakita. Kahit na sanay siya sa puyatan, ibang klaseng pagod ang dala ng walang tulog na may kasamang pag-aalala. "Pagagalitan ko talaga yang gago na yan pag nakita ko." ang mahinang bulong ni Kyle sa sarili. Pagpasok ng binata sa building at makalagpas sa security, isang tagpo ang hindi niya inaasahan. Sakto ang pag-angat ng ulo ng isang lalaki na nakaupo sa gilid ng pader sa pagtama ng mga mata nila. "K-Kyle...!" Malayo man ang pagitan, pero kilalang kilala niya kung sino ang anyong iyon. Ang navy blue na jacket, puting tshirt at maong na pantalon. "Junjun..." ang mahinang sabi ni Kyle. Napakuyom ang kamao nito habang pinagmamasdan ang pagtakbo ni Junjun palapit sa kanya. Pinaglapit ni Kyle ang natitirang distansya sa kanilang dalawa makaraan ang ilang hakbang, at walang pasabi nitong hinila ang kamay ni Junjun at nagmamadali itong tinangay kung saan. Sa mata ng karamihan, mukhang nagmamadali lamang itong naglalakad papuntang CR. Tanging si Kyle lang ang nakaka-alam kung gaano kalamig ang kamay na hawak-hawak niya ngayon. Ramdam naman ni Junjun kung gaano kahigpit ang pagkakakapit ng kaibigan sa kanya. Kung pwede lang ay baka kanina pa nito nabali ang mga buto niya. Mainit ang mga kamay ni Kyle at may halong panginginig na marahil ay dala ng galit. Napalunok naman si Junjun. Tiyak na galit ang kaibigan niya dahil hindi siya umuwi ng ilang araw. Hindi naman ito kagustuhan ng multo. Sino ba naman ang ayaw umuwi kay Kyle? Kahit na ipagtabuyan niya pa ito, babalik at babalik si Junjun sa kanya. Noong araw na maalala niya ang kanyang pangalan at parte ng nakaraan, bigla niyang naramdaman ang pwersa na humila sa kanya pabalik sa office building na dating pinamamahayan niya. Sinubukang lumabas ni Junjun pero gaya ng dati, may hindi nakikitang bakod ang pumapagitan sa loob at labas ng lugar na ito. Sinubukan niya ang lahat para lang makabalik kay Kyle. Nagawa pa nga niyang tumalon mula sa 9th floor, nagbabakasakali na babagsak siya sa labas ng building pero walang nangyari. Nakakulong pa rin siya sa gusaling iyon. Tahimik siyang nag-intay umaga at gabi. Alam niyang dadating si Kyle kasi dito siya nagttrabaho. Nasaktuhan lang talaga na day-off nito kaya nahiwalay sila ng ilang araw. Pero ngayon natatakot siya sa kinikilos ng binata. Binuksan ni Kyle ang isang pinto sa tabi ng male and female washroom at hinila papasok dito ang nagtatakang si Junjun bago sinara ang pinto. Isang makitid na kwarto ang pinasukan nila na parang kasing laki lang ng cubicle ng CR. Magkatapat ang mga katawan nina Kyle at Junjun at kaunting espasyo lang ang pumapagitan sa kanila. Hawak pa rin ng binata ang kamay ni Junjun. Dinama niya ang lamig nito, at pinakiramdaman ang pulso nitong hindi tumitibok. Walang gustong gumalaw. Walang gustong magsalita. Tanging mga mata lang nila nangungusap. "A-Ano... Kyle... kasi—" Kinakabahan si Junjun na umutal ng salita. Hinanda na niya ang sarili na magpaliwanag pero walang pasabing hinila ni Kyle ang katawan niya palapit at saka pinalibutan ito ng maiinit na yakap. Napakahigpit ng yakap ni Kyle. Kung buhay lamang si Junjun, marahil ito ang magiging sanhi ng pagkamatay niya. Nag-uumapaw naman ang nararamdaman ng binata nang muli niyang makita si Junjun. Parang nawala ang bloke ng sementong nakapatong sa dibdib nito nang malamang nandito pa ang multo. Akala niya ay wala na ito at nakatawid na sa kabilang-buhay. "Kyle, I'm sorry. Hindi ko gustong umalis—" "Shhh..." Hindi pinatapos ni Kyle magsalita ang binata bagkus ay mas hinigpitan pa nito ang pagkakayakap dito. Wala siyang pake kung anong dahilan ni Junjun para hindi umuwi nang hindi nagpaparamdam. Ang mahalaga ay bumalik na ito. Nararamdaman naman ni Junjun ang init ng katawan na nanggagaling kay Kyle. Napakakomportable sa mga bisig nito, at pakiramdam niya ay ligtas siya. Pinatong niya ang kanyang pisngi sa balikat na binata at tahimik na dinama at presensya nito. "Mabuti at nandito ka pa." Parang tinig ng langgam sa sobrang hina ang boses ni Kyle pero hindi ito nakawala sa pandinig ng multo na siya namang ikinangiti nito. "Mmmmm..." Alam ni Junjun na may gusto pa itong sabihin kaya naman hindi muna ito nagsalita. Binaling nito ang ulo sa kabila at sumiksik sa leeg ng binata. "Akala ko hindi ka na babalik." "Bakit naman hindi ako babalik?" mahinang tanong ni Junjun. Naramdaman ni Kyle na may kung anong malambot ang dumampi sa leeg niya at napangiti ito sa naisip. "I'm yours." ang dagdag pa ni Junjun. "Di ba may contract tayo?" Thump. Thump. Napatawa naman si Kyle sa sinabi nito. Tama, may kontrata lang tayo. Dinama ng binata ang lamig na nagmumula sa katawan ni Junjun sa huling pagkakataon bago niya ito unti-unting binitawan. Dumako ang palad nito sa makinis na pisngi ng multo at pinagmasdan ang walang buhay na mga mata nito. Aalis ka din. Sinamantala naman ni Junjun ang pagkakataon na pagmasdan ang napakagandang mukha ni Kyle. Sa normal na pagkakataon ay nakakatakot ang seryosong mukha nito. Pero alam niya, at nasaksihan niya ang matamis na ngiti na kayang gawin ng labi ng binata. Kahit anong pang-aasar ang gawin nito, alam ni Junjun na mabait ang puso niya. "Hindi ka pwedeng tumawid ng wala ako." ang seryosong sabi ni Kyle. "Gusto ko ako ang huling makikita mo sa mundong 'to." Lumawak ang ngiti na namuo sa labi ni Junjun. Hindi nito alam kung nagbibiro lang ba ang binata, pero gusto niya ang ideyang ito. Para sa kanya, hindi niya alam kung ano ang tatakahin niya kapag nakatawid na siya, pero kung matandaan pa niya ang mukha ni Kyle, siguradong walang problema. Kakaibang saya ang nararamdaman niya habang ini-imagine ang paghahatid ni Kyle sa kanya sa kabilang buhay. "Why?" ang tanong ni Junjun. "Why are you like this?" Alam ni Kyle na ginagago na siya ng mundo ngayon. Napaka-unfair ng buhay para sa kanya at gusto niyang itanong kung bakit sa kasalukuyan pa sila nagkatagpo ni Junjun. Bakit kailangang buhay at kamatayan ang pumagitan sa kanilang dalawa? Aalis ka din. Aalis ka din. Parang itong mantra na bumubulong sa tenga niya. Aalis ka din. Aalis ka din. "Why? Syempre ako ang guardian angel mo dito sa lupa." ang sagot ni Kyle. Iba ang lumabas na salita sa bibig niya kasya sa totoong nilalaman ng puso niya. Tumawa ng malakas si Junjun. "Then what about me? Di ba ako dapat ang guardian angel?" "Anong guardian angel? Mahiya ka naman." ang biro ni Kyle na siya namang dahilan para pabirong hampasin siya ng multo. Parang musika sa tenga ni Kyle ang pagtawa ni Junjun. Sa oras na ito, alam na niya na may namumuong pag-ibig sa puso niya para sa binata pero alam din niya na hindi niya ito pwedeng aksyunan. Magkaiba silang dalawa. Para silang nasa magkabilang dulo ng bangin na sa oras na tawirin nila ang distansya sa pagitan, pareho silang masasaktan. Gustong kwestyunin ni Kyle ang kung sino man ang may pakana na pagtagpuin sila sa magkaibang oras na ito: ang oras niya na tumatakbo pa at ang oras ni Junjun na huminto na. "Well, thank you for still waiting for me." ang sinserong sabi ni Junjun. "Basta nandito lang ako, Junjun. Tutulungan kita hangga't sa abot ng makakaya ko." Isang ngiti ang pinakawalan ni Kyle. May ngiti man sa mga labi ay hindi makakatakas sa paningin ni Junjun ang kalungkutan sa mga mata nito. Hindi na siya nag-isip pa. Umakto si Junjun sa kung ano ang gusto niya. Binura niya ang distansya sa pagitan nila ni Kyle. Isang marahang halik ang dinampi niya sa noo ng binata. Kung gaano kabilis ang pangyayari, ay ganoon din kabilis nawala ang sensasyon na dumapo sa mukha ni Kyle. Hindi kaagad ito nakapag-react. Mukha atang bumagal ang pagpo-proseso ng utak nito. "Call me Ezekiel." ─── ・ 。゚☆: *.☽ .* :☆゚. ─── Sabi nila wishing star daw 'yon. Sabi nila matutupad ang kahit anong hilingin mo. Kung gayon... Sana maayos na makatawid si Junjun sa kabilang-buhay. At sana mabigyan ako ng pagkakataon na mahalin siya sa susunod naming pagkikita sa ibang buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD