NIKITA’S POV
“ANONG KAILANGAN NINYO SA AKIN?! HINDI N’YO BA ALAM NA KlDNAPPING ANG GINAGAWA N’YO?!” sugaw ko sa pagmumukha ng lalaking nasa tabi ko.
Hindi naman nila binusalan ang bibig ko, wala rin nakatutok nab aril sa akin kaya medyo lumakas ang loob ko.
Kinalikot ng lalaki ang tenga niya dahil sa may tenga talaga niya ako sumigaw. Nabingi yata sa ginawa ko.
“Pwede bang huwag kang sumigaw, ang sakit sa tenga.”
“Aba, anong gusto ninyo? Magpa-party ako dahil dinukot n’yo ako? Alam n’yo bang late na ako sa trabaho ko?”
Malalagot na naman ako nito sa manager ko.
Tumingin ako sa driver na seryoso lang sa pagmamaneho, pagkatapos sa katabi ko. Hindi naman sila mukhang kidnapper. Naka-simpleng jacket na manipis ito, iyong parang ginagamit ng mga magsasaka o boy minsan, hindi gaya noong maangas na napapanood ko sa tv. Pero anong kailangan nila sa akin? Tauhan ba sila ni Ali? Baka naman pinadukot na ako ni Ali dahil hindi ko siya mabayaran sa utang ko. Wala pa kasi akong sweldo, pero babayaran ko rin naman siya.
“Ibaba n’yo na ako!” patuloy ko. “Mawawalan ako ng trabaho, kung kinidnap ninyo ako dahil gipit kayo, pare-pareho lang tayo!”
Wala silang mapapala sa akin. Maganda lang ako pero dukha ako. Madami akong utang, kung alam lang nila.
“Miss, wala kaming masamang gagawin sa iyo. Gusto ka lang makausap ng boss namin kaya huwag kang sumigaw, masakit sa tenga ang boses mo,” reklmano ng katabi ko.
Tiningnan ko siya ng masama. Parang ang sarap niyang sikuhin.
“HUWAG MO AKONG PINAGLOLOKO! KUNG GUSTO NIYA AKONG KAUSAPIN SANA TUMAWAG O NAG-TEXT NA LANG SIYA SA AKIN. HINDI IPAPADUKOT PA AKO! ISUSUMBONG KO KAYO SA PULIS! MAKUKULONG KAYO!” pananakot ko pa sa kanila.
Parang maagang mauubos ang energy ko sa kanila. Kanina pa ako sigaw ng sigaw pero ayaw naman nila ihinto ang sasakyan.
Sinubukan kong kunin ang phone ko para tawagan si Jelly nang makahingi ako ng tulong pero inagaw iyon sa akin ng lalaking katabi ko.
“IBALIK MO SA AKIN IYAN!”
“Tangina, full volume palagi,” narinig kong reklamo nito nang sigawan ko siya sa pagmumukha niya.
“Ibalik mo kasi phone ko.”
“Mamaya ko ito ibabalik sa iyo. Sa ngayon manahimik ka muna, naririndi na ako sa bunganga mo. Daig mo pa ang speaker nan aka full ang volume,” naasar na saad nito kaya nanahimik ako.
Sino ba kasi ang amo nila? Wala naman ako natatandaang may kaaway ako. Iyong trabaho ko, baka masisante ako. Huwag naman sana. Kung kailan nagmamadali akong pumasok dahil late na ako saka naman may ganitong eksena.
Kinabahan ako ng pumasok ang sasakyan sa isang mataas na gate. Hindi kaya nangunguha sila ng organs? Ganoon kasi mga nababasa ko na dinudukot ng putting van. Bigla akong napa-sign of the cross. Baka kunin nila ang organs ko tapos matatagpuan na lang akong lumulutang sa ilog. Sabi nila wala silang gagawing masama sa akin pero hindi ba nila alam na masama na itong ginagawa nila? Sapilitan nila akong isinama sa kanila.
Ayaw ko pang bumaba ng sasakyan kaya hinila ako ng lalaki. Luminga-linga ako sa paligid. Nasa harap kami ng isang malaking bahay. Mukhang mayaman ang may-ari nito kaya hindi ko alam kung bakit pinakidnap ako ng may-ari.
Hindi kaya ampon lang ako at ang tunay na magulang ko ang may-ari ng mansion na ito? Ipinilig ko ang ulo ko, imposible iyon. Alam kong tunay na anak ako ng magulang ko lalo na ni Nanay dahil lahat sinasabing sa kaniya ako nagmana.
Nakita ko pa ang ilang mga katulong, sumenyas pa ako sa isa ng tulong pero nagtatakang tumingin lang siya sa akin. Ang hina naman noon maka-gets. Nagtungo kami sa may papuntang garden.
“Ano ba talagang kailangan n’yo sa akin?” mahinahong tanong ko sa dalawang lalaking nasa harapan ko.
Kusa na akong umupo sa upuang naroon kahit hindi naman nila ako pinapaupo. Kinidnap na nga nila ako, hindi pa nila ako pauupuan.
“Maghintay ka lang dito, pababa na si Ma’am Sarina,” saad ng driver kanina na long hair pero nakapuyod naman iyon.
Hindi ko kilala ang tinutukoy niya. Pero kung sino man ang iyon, gusto kong malaman kung bakit gusto niya akong makausap.
Napatingin ako sa isang katulong nang bigla siyang magdala ng meryenda, juice at cookies iyon.
Nang tumalikod na sila at iwan akong mag-isa ay mabilis akong kumuha ng isang cookies. Mamayang tanghali na lang ako papasok, ihahanda ko na lang ang sarili ko sa mga sermon na matatanggap ko, basta huwag lang ‘You’re fired’ ang maririnig ko, okay lang sa akin. Sanay naman na ako sa maaanghang na salita ng manager namin. Sa ngayon, gusto ko lang malaman kung sino bai yang Ma’am Sarina na bigla na lang nagpadukot sa akin.
Kinuha ko ang juice at uminom ako pero agad ko rin iyong naibaba nang makita ko ang isang matandang babaeng papalapit sa akin.
Mukha siyang Donya. Kahit paglalakad niya, mapapansin agad na mayaman talaga siya, tapos kita ko pa ang nakakasilaw na hikaw na suot niya.
“Hello,” bati nito sa akin. “I am Sarina Jimenez,” pagpapakilala nito bago naupo sa katapat ko.
“Hello po? Ako po si Nikita, pero hindi ko po kayo kilala kaya bakit pinadukot ninyo ako?” diretsang tanong ko sa kaniya.
“Pasensya ka na sa mga tauhan ko. Pwenersa ka ba nila? Nasaktan ka ba?”
Umiling ako. Nagulat lang ako kanina nang biglang bumukas ang van kaya hindi agada ko naka-react nang bigla nila akong hilahin at isakay. Nag-panic din ako, kasi sino ba naman ang hindi magpapanic sa sitwasyon ko. Pero kahit nabibingi na yata iyong isang lalaki sa lakas ng boses ko ay hindi naman niya ako sinaktan. Inagaw lang niya ang phone ko.
“Mabuti kung ganoon. Huwag kang mag-alala. Kakausapin lang kita.”
“Teka, huwag ninyong sabihin na may utang din sa inyo ang tatay ko?” Kinakabahang tanong ko. “Hindi pa nga ako nakakabayad sa mga utang namin at sa Bombay. Kung sisingilin n’yo po ako, pwede bang huwag muna. Wala na talaga akong pera.” Walang prenong saad ko.
Mayaman ang kaharap ko kaya baka noong kailangang-kailangan naming ng pera para sa pagpapagamot kay nanay ay nangutang din si tatay sa kaniya. Kaso hindi kami nakakabayad kaya sapilitan na niya akong pinadukot para kausapin. Iyon lang talaga ang naisip kong dahilan ngayon.
Marahan itong natawa sa akin. Kahit pagtawa niya ang sosyal tingnan.
“Actually, hindi ganoon. Wala kang utang sa akin, balak pa nga kitang bigyan ng malaking halaga.”
Biglang nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Muntik na akong mapaangat sa kinauupuan ko para mapatayo ako dahil sa narinig ko. Iyong tenga ko parang pumapalakpak pero bigla akong umayos ng upo at nagdududang tumingin sa kaniya.
“Sabihin n’yo sa akin, Lola ko ba kayo? Nawawalang anak n’yo ba ang ina ko?”
Kasi bakit naman niya ako bibigyan ng malaking halaga kung hindi ko naman siya kaano-ano? Baka naman mayaman dati si nanay tapos tinakwil lang kasi pumatol kay tatay.
“I am not your grandmother, but I have a grandson and I asked you to be here right now, because I need your help.”
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Kahit naman senior high lang ang natapos ko, naiintindihan ako ang sinabi niya. Nakakaintindi naman ako ng English, hindi ko lang kayang magsalita.
“Ano pong ibig ninyong sabihin?”
“Kailangan mo ng pera hindi ba? I searched about your background, marami kang utang na kailangang bayaran.”
Alanganing ngumiti ako sa kaniya. “Nabayaran ko naman na po iyong iba. Pero bakit ako po ang napili ninyo?”
Makahulugang ngumiti siya sa akin.
“Dahil alam kong ikaw lang ang makakagawa ng ipagagawa ko.”
Parang kinakabahan naman ako bigla sa gusto niyang ipagawa.
Umiling ako sa kaniya at tumayo sa pagkakaupo ko. Ayaw ko nang marinig pa kung anong ipapagawa niya sa akin. Baka mamaya, madala ako dahil sa perang ino-offer niya tapos sa kulungan maging bagsak ko.
“Pasensya na po kayo pero kahit tambak ang utang ko, wala pa rin akong planong gumawa ng masama. Kung ano man ang gusto ninyong ipagawa, sa iba na lang ninyo iutos. Mauna na ako po ako,” paalam ko sa kaniya.
“Are you sure? Ayaw mo ng pera?”
Ngumiti ako ng pilit sa kaniya. Sino bang ayaw ng pera? Lalo na akong pera na lang ang kalagiyahan pero ayaw kong gumawa ng masama para lang magkapera. Mababayaran ko rin ang utang ko sa malinis na paraan.
Tumayo na rin ito. May inabot siya sa’king calling card. “Just call me once na magbago ang isip mo.”
Kinuha ko ang card at umalis na ako.
Hindi ko siya kilala, tapos pinadukot niya ako dahil may gusto siyang ipagawa sa akin. Hindi kaya sindikato ang matandang iyon? Kapag sindikato kasi hindi naman sila obvious minsan. Kasi inalam pa talaga niya ang tungkol sa akin. Siguro akala niya porke’t kailangan ko ng pera at kapos ako ay kakagatin ko na ang i-o-offer niya.
Ayokong makulong kung sakali. Baka mas lalong hindi ko mababayaran ang mga utang ko kapag nakulong ako.
Ang weird lang ng matandang iyon. Bakit ako pa? Nanghihinayang ako sa malaking halagang ibibigay niya sa akin pero natatakot naman ako sa ipapagawa niya.
Inilagay ko na lang sa likod ng bulsa ko ang calling card na binigay niya sa akin. Wala akong balak na tawagan pa ulit siya.
Dumiretso na ako sa trabaho. Inihanda ko na ang sarili ko sa galit ng manager namin. Sa back door ako pumasok pero agad akong napahinto nang makita ko ang manager naming na masama ang tingin sa akin.
Heto na nga ba ang sinasabi ko.
“At naisipan mo pang pumasok? Anong oras na? Magdadalawang oras ka nang late, anong akala mo VIP ka? Empleyado ka rito, hindi boss, ” mapang-insultong tanong niya sa akin.
“Pasensya na po, may emergency lang,” pagdadahilan ko.
Kapag sinabi ko naman sa kaniya na pinadukot ako, hindi naman siya maniniwala.
“Wala akong paki, sana pinaalam mo agad! Kabilin-bilinan ko sa’yo kagabi na huwag na huwag kang magpapa-late today. Bakit ngayon ka pa hindi umagap kung kailan dumating ang mismong big boss! Alam mo bang pwede kitang tanggalin sa trabaho mo? Napaka-incomptetent mo,” galit na galit na tanong nito pero pinipigilang huwag tumaas ang boses na tila natatakot may makarinig sa kaniya. Samantalagang dati naliligo ako sa laway niya kapag tinatalakan ako ng baklang ito. Habang ako naman ay hinahayaan lang siya na magsalita, tinatatanggap ang masasakit na salitang ibinabato niya sa akin. “Umayos ka, nangigigil ako sa iyo,” dinuro pa ako nito bago ako iniwan.
“Hayaan mo na lang, nagpapa-good shot kasi siya kay Sir Xerxes kaya ganiyan,” saad naman ni Samsam sa akin.
“Nandito si sir Xerxes?” nanlalaki ang mga matang tanong ko sa kaniya.
“Oo, ang gwapo talaga niya,” kinikilig na saad ni Samsam.
Actually, three months na ako sa trabaho ko dito sa restaurant pero hindi ko pa nakikita si Sir Xerxes, kilala ko lang siya dahil madalas siyang pag-usapan. Isang sikat na restaurant ang pinagtatrabahuhan ko at may mahigit isang daang branch na ito sa buong bansa.
At sa tatlong buwan ko dito, ito ang ikalawang beses na pumarito si Sir Xerxes, noong una ay day off ko pa. Basta ang alam ko, maraming nagpapantasya sa kaniya. Pero hindi ko pa naman siya nakikita kaya hindi ko alam kung anong hitsura niya.
Nagpunta na ako sa locker room at mabilis akong nag-ayos ng sarili ko at para iwan ko rin ang bag ko. Cheneck ko pa ang mukha ko sa salamin. Medyo nahaggard ang mukha ko dahil sa dalawang lalaking nag-ala kidnapper kanina. Pwede naman akong kausapin ng maayos para sumama sa kanila, hindi iyong bigla na lang akong isasakay sa van. Nag-panic tuloy ako.
Sinipat kong mabuti ang mukha ko sa salamin. Napasimangot pa ako nang makita ko ang isang pimples ko na tutubo sa may ilong ko. Napansin ko rin na parang nabawasan na ang lipstick ko, kaya muli akong nag-apply. Napangiti ako nang makita kong pulang-pula na ang tuka ko.
Agad akong lumabas ng locker room at nakita kong isa sa mga kasamahan ko na waitress ang nasa pwesto ko ngayon. Lalapit na sana ako sa kaniya pero bigla akong bumangga sa taong bigla na lang sumulpot sa harapan ko.
Tumama ang mukha ko sa dibdib niya. Napasinghot ako nang maamoy ko ang mabangong pabango nito pero agad din naman ako lumayo sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang lipstick kong pulang-pula na dumikit sa damit niya. Bumakat ang nguso ko may dibdib niya dahil puting long sleeves ang suot niya.
“Naku po, sorry po!” pupunasan ko sana ang damit niya pero bigla niyang hinawakan ang kamay ko kaya napatingin ako sa kaniya.
Parang biglang tumigil ang mundo ko habang nakatingin sa lalaking nasa harapan ko ngayon. Ang tangkad niya, malapad ang mga balikat, at kahit naka-salamin siya ay kita ko ang makapal na kilay niyang magkasalubong habang nakatingin sa akin. Pero hindi iyon ang problema.
Kilala ko siya. Kahit matagal ko na siyang hindi nakita, hindi ko makakalimutan ang pamumukhang nasa harapan ko ngayon.
Parang nakakita ako ng multo na pinakatitigan ko siya. Multo talaga siya para sa akin.
“Joa…Joaquin? Tangina, buhay ka pa pala!” Hindi ko na rin mapigilang mapamura.
Tumaas ang kilay nito sa sinabi ko.
“Do I know you?”
Naglaglag ang panga ko sa sinabi niya. Hindi niya ako kilala? Hindi ba siya si Joaquin? Iyong first boyfriend ko na ghinost ako? Magkamukha lang ba sila?
“Hindi mo ba ako natatandaan?”
Mas lalong kumunot ang noo niya.
“Babe!”
“Sir Xerxes.”
Sabay kaming napatingin nang may tumawag. Nakita ko ang isang babaeng parang wala nang dugo sa puti pero sobrang payat , iyong nguso niya parang puputok na sa kapal. Halatang hindi na original. Hindi ko alam pero parang pamilyar din siya sa akin. Para bang nakita ko na siya, hindi ko lang matandaan, lumapit ito sa lalaking nasa harapan ko at agad na humawak sa braso nito na para bang aagawin ko. Kasunod nito ang Manager naming na masama na naman ang tingin sa akin.
Pero ang tingin ko ay naka-pokus lang sa matangkad na lalaking nasa harapan ko. Ang pogi niya pero parang ang sungit.
Siya si Sir Xerxes? Ang Big boss namin. Ibig sabihin, hindi siya ang ghoster kong ex. Baka hawig lang talaga siya ng ex. Baka magalit siya na napagkalaman ko siyang ex ko. Siya iyong matured at pinagwapong version ng ex kong ghinost ako.
“Nikki, anong ginawa mo? Go to your post,” utos sa akin ng manager ko kaya madali akong tumango sa kaniya at nag-excuse para pumunta sa pwesto kung saan ang cashier.
Pero napahinto ako sa paghakbang ko nang marinig ko ang boses ni Sir Xerxes nang magsalita ito.
“Fire her.”