CHAPTER 2

2325 Words
"Hays– ano ba naman 'yan! Bakit ba naman ngayon ko pa naiwan ang payong ko! Kainis!" Napabuntong hininga na lamang ako habang nagpupunas ng aking mga braso. Eksaktong pagbaba ko ng jeep ay bumuhos ang malakas na ulan, kaya ngayon ay para akong isang basang sisiw. Medyo may kalayuan din ang waiting shed na sinisilungan ko ngayon papuntang hospital, kaya kung mangangahas akong tumakbo papuntang hospital ay lalo lamang akong mababasa at magmumukhang katawatawa. Ano ba naman! Nakakaiinis talaga! Bakit kasi ngayon pa umulan. Pambihira! Kinuha ko ang aking cellphone upang tawagan si Aira, dahil alam kong naghihintay na rin ito sa akin, tulad ng usapan namin kahapon na magkikita na lamang kami sa canteen ng hospital. Subalit bago pa lamang ako maghe-hello kay Aira ay bigla akong natigilan nang biglang may lumapit sa aking lalake na labis ko pang ipinagtaka nang iniabot nito sa akin ang isang itim na payong. "B-Bakit po?" nauutal kong tanong habang nakatingin sa payong na iniaabot nito. "Ipinabibigay po sa inyo ni sir. Gamitin n'yo raw po para hindi kayo mabasa ng ulan. Kunin n'yo na po dahil naabala na rin po kami." Mabilis akong napaangat ng tingin sa mukha nito kasabay nang mabilis na pagkunot ng aking mga kilay dahil sa huling mga salitang tinuran nito. Ay– bakit naman parang kasalanan ko pa kung naaabala sila. Hindi naman ako nanghingi o nanghiram ng payong, ah. Tapos sasabihing naabala ko na ang oras nila. Galing, ha! Pabida rin 'to, eh. "Ha– ah, eh! S-Salamat po." Sabay kuha ko sa payong na iniaabot nito. Lihim na lamang akong napatawa sa aking sarili dahil sa iilang mga salitang lumabas sa aking bibig na taliwas naman sa sinasabi ng aking isip. Tumango naman ito, at agad na ring tumalikod sa akin. Nagtataka na lamang akong napasunod ng tingin sa papalayong lalakeng iyon. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla-bigla na lamang may susulpot na lalakeng may dalang payong at ibibigay sa akin. Teka, ang sabi n'ya ipinabibigay ng sir n'ya? Sino 'yong sir n'ya?! Hayss– ano ba 'yan. Nakakakaba naman ang lalakeng 'yon. Aaminin kong bigla rin akong kinabahan, lalo na't unang beses lamang itong nangyari sa akin. Ngunit sa hindi ko maintindihan ay tila hindi takot ang kabang sumibol sa aking dibdib. Kaba na hindi ko maipaliwanag o mabigyan ng kahulugan. "Hi, Ciel! Sinon–––" "Ay kabayo!" sigaw ko, na agad namang ikinahinto ni Aljune sa pagsasalita. Hindi ko man lang naramdaman ang paglapit nito sa akin dahil sa pag-iisip ko sa lalakeng nagbigay sa akin ng payong. "Ano ba'ng iniisip mo, at sino'ng tinitingnan mo do'n sa kotseng 'yon? Para kang naeengkanto d'yan, eh." Agad namang tumikwas ang aking mga kilay dahil sa tinuran nito. "Hayss– ano ka ba naman, Aljune! Muntik na akong mapaihi dahil sa gulat. Sa susunod naman lumikha ka muna ng ingay bago ka magsalita nang hindi ako nagugulat." "Ano ka ba, Ciel. Malayo pa lang ako tinatawag na kita. Kinakawayan pa nga kita, eh. Kasi akala ko sa akin ka nakatingin, kaso nang makalapit na ako, saka ko lang napagtanto sa ibang direksyon ka pala nakatingin. Sino ba kasing tinitingnan mo sa kotseng 'yon?" "Hay naku! Halika na nga, 'wag ka nang mag-usisa pa d'yan." Sabay hila ko sa kamay nito. Hindi naman na ito nagreklamo pa at nagpatianod na lamang sa akin. Pansin ko ang ilang beses pa nitong paglingon sa kotse hanggang sa tuluyan na iyong makaalis. Alam kong naguguluhan din ito, lalo na't alam nitong hindi rin ako basta-basta nakikipag-usap kung kani-kanino lang. Aminado rin naman akong sa loob ng dalawang taon kong pagtatrabaho sa hospital na ito ay wala na akong ibang mga naging kaibigan pa maliban sa mga ito. Kina Aira, Donna at Aljune. Hindi rin ako nakikipagkwentuhan sa mga nurse o doktor dito kung hindi rin lamang related sa trabaho o sa mga pasyenteng aming ginagamot ang pinag-uusapan. "Oh, bakit ngayon ka lang, Ciel— teka, bakit kasama mo ang lalakeng 'yan? Wala naman akong sinabing pati s'ya ililibre ko, ah–––" "Tumahimik ka nga d'yan, Aira. Ke-aga aga, magsisimula na naman 'yang matabil mong dila." Putol ni Aljune sa pagsasalita ni Aira, kasabay nang paghila nito sa upuan at agad na ring naupo. Napatawa na lamang ako sa biglang pagtaas ng kaliwang kilay ni Aira habang masama itong nakatitig kay Aljune. At sa puntong iyon ay alam kong napipikon na naman ito. "Hoy, Aljune! Nagsasabi lang ako ng totoo! Hindi ka naman talaga kasama sa budget ko ngayon, kaya 'wag kang ano d'yan." "Hays— ang daldal talaga! May pera ako, Aira! May pera ako. At isa pa, wala akong pakialam sa budget mo. Baka gusto mong ipaalala ko na naman sa 'yo ang kung sino talaga sa ating apat ang totoong mapagkawanggawa." "Tse! Isa ka rin namang madaldal, eh!" pagtataray pa ni Aira, na lalo ko lamang ikinatawa dahil alam kong sa sinabing iyon ni Aljune ay bahagya na itong napahiya. "Oh, ano? Ipapaalala ko na naman ba uli? Sagot!" paghahamon pang muli ni Aljune. Hindi naman na umimik pa si Aira at tanging pag-irap na lamang nito ang ibinato kay Aljune. Sa loob kasi nang dalawang taon ay hindi na rin mabilang pa sa mga daliri naming apat kung ilang beses na rin kaming inilibre ni Aljune, lalo na kung may magdiriwang sa amin ng kaarawan. Isa iyon sa ugali ni Aljune na nagustuhan ko o namin. Mabait ito at hindi madamot. Puno rin ito nang pagpapahalaga at pang-unawa sa aming tatlo nina Aira at Donna. "Tama na nga 'yan!" awat ko sa mga ito, "Nagkita lang kaming dalawa ni Aljune sa waiting shed kanina. Inabot kasi ako ng ulan nang eksaktong makababa na ako ng jeep." "Oo, tama s'ya! Nakita ko lang s'ya sa waiting shed kanina habang nakatulala sa isang kotse na parang naeengkanto." Pagbibiro naman ni Aljune na sinabayan pa nito ng pag-iling. "Nakatulala sa kotse? Bakit?" tila naguguluhan namang tanong ni Aira. "Oy– nandiyan na pala kayo." Sabay-sabay kaming napalingon sa aming likuran nang magsalita si Donna. Papalapit ito sa amin habang may dalang tray na naglalaman ng mga pagkain. Agad namang tumayo si Aira at mabilis itong tinulungan. "Hala– si Aljune. Nandito ka pala? Teka, o-order uli ako. Hindi ko kasi alam na darat–––" "'Wag na!" agad namang pigil ni Aljune kay Donna, "Baka hindi pa makatulog n'yan si Aira pag nabawasan pa ang budget n'yan ng dahil lang sa akin." Mabilis na napalingon si Aira kay Aljune, habang nakatikwas ang kaliwang kilay. "Ang drama talaga– D'yos ko! 'Wag ka nang umarte d'yan, hindi bagay." "Okay! Isang order ng carbonara at pansit. Tapos apat na pancake at apat ring waffle. Samahan mo na rin na kape. 'Yon lang, Donna. Thank you." Sabay kindat ni Aljune kay Aira. Napaawang namang ang bibig ni Aira habang nakatingin kay Aljune. "Ang tindi, D'yos ko." "Sabi mo 'wag na akong mag-inarte pa, 'di ba? Sinunod lang naman kita, ah. Bakit parang galit ka pa d'yan." Sabay kindat nito kay Aira. "Ay– hindi, ano ka ba?! Bakit ako magagalit. Okay lang 'yan. Mukha kasing gutom na gutom ka, eh. Konsensya ko pa pag hinimatay ka d'yan dahil sa gutom, 'di ba?!" "Okay! Thank you, Aira." Sabay ngisi nito. Hindi naman na tumugon pa si Aira at inirapan na lamang nito si Aljune. Habang nasa kalagitnaan kami ng pagkain ay bigla akong napahinto sa tangkang pagsubo nang marinig ko ang ilang pag-uusap ng dalawang nurse na nakaupo sa katabi naming lamesa. Tungkol sa may-ari ng hospital ang pinag-uusapan ng mga ito. "Oh, ano? Curious ka, 'no? Hay naku, Ciel, 'wag mo na kasing itanggi pa. Kitang-kita naman d'yan sa itsura mo na gusto mo ring marinig o malaman ang tungkol kay Dr. Nuñez, eh." Mabilis akong napalingon kay Aira dahil sa tinuran nito, pagkatapos ay sunod-sunod akong umiling. "Hay naku, tigilan mo ako, Aira. Wala akong pakialam sa bagay na 'yan at hindi ako interesado. Napalingon lang ako sa kanila kasi ang lakas-lakas ng mga boses nila, naisip ko lang na baka may iba pang makarinig sa kanila, at dahil lang d'yan baka mawalan pa sila ng mga trabaho. Alam naman natin ang patakaran dito, 'di ba?!" "Asus! Palusot pa ang manang. D'yos ko, Ciel, 'wag ako— puwede? Kitang-kita d'yan sa mga mata mo, oh! Kaya 'wag ka nang tumanggi pa." Gan'on na ba ako kahalata! Bwisit tong babaeng 'to. "Tumahimik na nga d'yan. Sige na, mauuna na kami ni Aljune. May trabaho pa kami. Ingat kayo sa pag-uwi." Naramdaman ko naman ang mabilis na pagtayo ni Aljune at agad na ring sumunod sa akin. Subalit muli akong napahinto bago pa man kami tuluyang makalabas ng canteen dahil sa ginawang paghila ni Aira sa aking bag. "Hoy, payong mo." Sabay abot nito ng payong sa akin. Sandali akong napahinto at napatitig sa itim na payong na iyon nang muli ko na namang naalala ang nangyari kanina. "Hays– naengkanto na naman. Akin na nga 'yan, Aira. Ako na ang magdadala, dahil baka tuluyan nang sapian 'yang kaibigan n'yo." Bigla naman akong natauhan sa tinuran ni Aljune at mabilis na inagaw ang payong mula kay Aira, bago pa man iyon makuha ni Aljune, saka ako mabilis na lumakad papalayo dahil alam kong lalo lamang mangungulit sa akin si Aira. "Hala? Ano'ng problema no'n? Ayos lang ba s'ya?!" Rinig ko pang tanong ni Donna bago pa man ako tuluyang makalayo sa mga ito. Wala naman akong narinig na tugon mula kay Aljune, maliban na lang sa nakakaloko nitong ngisi. Lumipas ang maghapon na halos hindi ako mapalagay dahil sa kong hanggang ngayon ay laman pa rin ng aking isip ang nangyari kanina, lalo na ang tungkol sa taong tinutukoy ng lalakeng nagbigay ng payong sa akin. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung ano ang dahilan ng taong iyon ay pinabigyan ako ng payong, lalo na't alam ko rin naman sa sarili kong wala akong ibang mga kaibigan na maaaring gumawa nang bagay na iyon. Isa pang nakapagpagulo ng isip ko ay kung sino ang taong nasa loob ng itim na kotseng iyon na pinasukan ng lalakeng nagbigay sa akin ng payong. Hays! Ano ba naman 'tong mga pinag-iiisip ko. Nakakainis! Maghapon na lang, hindi pa rin ako makapagpokus sa trabaho. "Mariciel, okay ka lang ba?" boses ni Lyn mula sa aking likuran. Isa sa mga kasamahan ko rito sa emergency department. Bahagya akong napaigtad dahil hindi ko agad napansin ang pagdating nito. "H-Ha– ah, oo. Bakit? May kailangan ka ba?" nauutal kong tanong na agad naman nitong ikinakunot ng mga kilay, kasabay nang pagsilay ng simpleng ngiti nito sa labi. "Wala naman. Napansin ko lang kasi parang wala ka sa sarili mula pa kanina. Maysakit ka ba? Para kasing ang tamlay mo ngayon." Bahagya naman akong nakaramdam ng katuwaan sa tila pag-aalala nito para sa akin. At hindi lang din ito ang unang beses na nagpakita ito sa akin ng ganitong pag-aalala. "Naku– ayos lang ako, Lyn. Medyo masakit lang ang ulo ko dahil na rin siguro sa ulan kanina. Biglang buhos kasi kanina ng malakas na ulan nang makababa ako ng jeep." "Ah, gan'on ba? Pero dapat ininuman mo na agad ng gamot kanina." Saka ito bahagyang ngumiti. Ngumiti ako. "Ah, oo. Nakainom na rin naman ako kanina. Teka, pauwi ka na ba?" tanong ko rito nang makita kong alas singko na rin pala ng ng hapon. Tumango naman ito, saka ako ginatihan ng ngiti. "Sige, mauna na ako sa 'yo, Mariciel." Tumango na lamang ako at hindi na tumugon pa. Inayos ko na rin ang aking gamit para sa pag-uwi. Hindi na rin naman kami magkakasabay ni Aljune ngayon sa pag-uwi dahil may pupuntahan pa rin daw ito ngayon. Habang naglalakad ako papalabas nang hospital ay sandali akong natigilan nang marinig ko na naman ang ilang nurse na nag-uusap sa aking unahan tungkol kay Dr. Nuñez, kaya't sa halip na lumakad ako sa unahan ng mga ito ay binagalan ko na lamang ang aking paglalakad at pasimpleng kinuha ang aking cellphone at nagkunwaring may china-chat upang lihim kong mapakinggan ang pinag-uusapan ng mga ito. "Usap-usapan lang naman dito, pero wala pa rin naman makapagpatunay kung totoo nga 'yon. May nakakita raw kasi kay Dr. Nuñez na may hawak na baril habang may kasamang parang mga tauhan. At isa pa, para daw susugod sa giyera no'ng araw na 'yon. Hayss— grabe talaga! Kaya naman ang daming nai-inlove kay Dr. Nuñez, eh. Ang lakas ba naman ng dating kahit may edad na. Napaka-cool, tapos ang seryoso pa." Napabuga na lamang ako ng mahina sa mga salitang narinig ko sa isang nurse. Hindi ko maiwasang mapaisip sa kung anong klaseng tao nga ba talaga ang may-ari ng hospital, bukod sa pagiging doktor nito. "Lalo na kagabi nang dumating dito. Kulang na lang talaga malaglag na ang panty ko, bruha. My God! Bakit ba naman kasi sinalo ng lahat ni Dr. Nuñez ang kaguwapuhan no'ng nagsabog ang D'yos sa mundong 'to." "Pero alam mo sabi ni head nurse, kahit kailan hindi pa rin daw dinadala rito ni Dr. Nuñez ang asawa n'ya, maliban lang sa cute n'yang anak. Teka, hindi mo ba 'yon nabalitaan? Noong na-confine dito ang anak ni Dr. Nuñez no'ng nagkasakit 3 years ago?!" "Ah, oo! Nabalitaan ko 'yon, kaso pili lang daw noon ang nurse na puwedeng tumingin sa bata pag wala si Dr. Nuñez. 'Tsaka, sabi nila mahigpit daw talaga si dok." Hays— ano ba naman 'tong mga 'to! Hindi ba sila natatakot na maaari silang mawalan ng mga trabaho dahil sa mga kadaldalan nila. Hay naku! "Excuse me! Puwede bang mauna na ako sa inyo? Baka kasi maubusan na ako ng masasakyan kung hihintayin ko pa kayong matapos sa pagchichismi— este sa pag-uusap." Sabay hawi ko sa gitna ng mga ito. Napangiti na lamang ako nang mapansin ko ang bahagyang pagkagulat ng mga ito dahil sa aking ginawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD