"Kailangan po ba talaga na isprayin ang mga puno ng mangga?" tanong ni Kamille kay Mang Nestor.
Nakakalumbaba sya habang pinagmamasdan ang ginagawa nito at ng mga iba pang tauhan nila. May takip na tela sa ilong ang mga ito dahil sa amoy ng gamot na inilalagay sa mga puno.
"Opo Ma'am Kamille para mas madaling magbunga. Lumayo ka Senyorita hindi mabuti para sayo ang amoy ng gamot," paalala nito at lumayo sa kanya upang hindi nya masyadong maamoy ang gamot.
Bahagya syang lumayo pero nanatiling pinagmamasdan ang nga ito. Ang daming puno ng mangga na kailangan lagyan ng gamot para daw mas maging mabilis at maganda ang pamumulaklak ng mga ito.
"Hindi ba nakakasama iyan Mang Nestor?" tanong nya, inaatake na naman sya ng kuryosidad pagdating sa ganitong mga bagay. Pero nagpapasalamat sya sa ugali niyang iyon dahil marami syang natututunan sa bawat pagtatanong nya. Sabi nga nila matalino daw ang taong pala-tanong.
"Hindi naman po Senyorita, karamihan talaga ay gumagamit ng ganito" sagot nito.
Nakangiting tinanaw nya ang malayong sila Franco. Abala rin ang mga ito sa pagtatrabaho. Kasama nito sila Elmer at James. Kahit malayo ay natatanaw nya ang salubong na kilay ng binata. Ganoon ba talaga ito? Hindi yata marunong tumawa. Bukod sa napakasuplado nito ay ang laki yata ng galit nito sa mundo.
Bumuntong hininga sya.
Naglakad-lakad sya habang nakasuot ang malapad na sumbrero.
"Senyorita masyadong tirik ho ang araw para maglakad lakad kayo," nag aalalang sabi ni Aling Eba.
"Okay lang po ako mamaya ay papasok na rin ho ako sa loob," nakangiting sagot nya.
Isang babae ang natanaw nya mula sa labas ng kanilang malawak na bakuran. Palinga-linga ito na tila ba may hinahanap. Simple lamang ang babae kaya nilapitan nya ito upang tanungin. Base sa nakita nyang kilos nito ay tila may hinahanap ito.
"Hello! Sinong hinahanap mo?" tanong nya kaagad sa dalaga. Bagsak ang itim na buhok nito at bumagay dito ang pagiging morena. Maganda rin ang mga mata nito at mahahaba ang pilikmata.
Tiningnan sya nito at tila ba namamanghang ngumiti ito sa kanya.
"Ikaw ba si Senyorita Kamille? Ikaw ang anak nila Sir Ricky at Ma'am Verna diba?" ngumiti ito sa kanya ng may pagkamangha, tila ilang saglit na kinabisado nito ang mukha nya.
Hindi sya nagtataka kung kilala man sya kaagad ng taong ito. Malawak ang lupain nila at mga magulang nya ang isa sa pinakamayaman na tao sa kanilang lugar.
"Oo ako nga," ngumiti sya.
"Tama nga pala sila na napakaganda mo at mukang mabait pa," nakarehistro pa rin sa muka nito ang matinding paghanga.
Ngumiti lang sya sa dalaga hanggang sa nagsalita muli ito.
"Ah oo nga pala nandyan ba si Franco?"
Bigla syang natigilan sa tanong nito.
"H-hinahanap mo si Franco?"
"Oo, dinalhan ko kasi sya ng miryenda," itinaas nito ang dalang plastic na may lamang kakanin para sa binata.
Unti-unting sumagi sa isip nya ang sinabi ni Elmer na may nobya si Franco.
"Ikaw si Paula?" tanong nya.
Nagulat naman ito.
"Oo. Bakit mo ako kilala?" nagtatakang tanong nito.
"Ah-"
"Anong ginagawa mo dito Paula?"
Naputol ang sasabihin nya nang sumulpot si Franco mula sa likuran nya.
"Franco! Dinalhan kita ng miryenda Mahal," nakangiti ang dalaga habang inaabot dito ang plastic na dala. Sya naman ay tila napapasong iniwasan ng tingin ang dalawa.
"Nag abala ka pa," sagot ni Franco. Wala itong anumang reaksyon at tinapunan sya nito ng tingin. Hindi nya mabasa ang sinasabi ng mga mata nito.
"Sige na aalis na ako Mahal. Dinala ko lang talaga sayo yan, sana ay maaga kang makauwi mamaya namimiss na kita," paglalambing nito kay Franco.
Para bang kinukurot ang pagkatao nya sa mga naririnig nya. Hindi nya alam kung bakit parang nasasaktan sya.
Pinawi nya ang mga sumasagi sa isip nya at tumalikod na. Kita nyang humalik pa ang babae sa labi ni Franco bago ito tuluyang umalis.
Nakaramdam sya ng pagkadismaya nang mapagtantong totoo ang sinasabi ni Elmer na may kasintahan na ito.
Eh ano naman Kamille? Kayang kaya mo agawin si Franco. Wag ka nga magpatalo sa babaeng yun. Isa pa ay hindi naman sila kasal.
Nakakaloko ang mga bagay na pumapasok sa isipan nya. Bakit parang gusto nyang magpakagaga ngayon para lamang maagaw ang lalaki?
Pakiramdam nya'y nasapawan sya kanina at kailangan niyang kumilos para makalamang sa babae.
Hindi naman sya kaano-ano ni Franco at wala naman namamagitan sa kanila, malinaw nga na may kasintahan ito pero bakit gusto yata nyang makipagkompitensya maagaw lang ito?
Nababaliw ka na Kamille. Nababaliw ka na!
Ipinilig nya ang ulo at dire-diretsong pumasok sa loob ng mansyon.
Nawalan tuloy sya ng gana at nagsalang na lang ng mapapanood.
Kumuha sya ng chips at nilantakan na lamang iyon. Paulit ulit pa rin sa isipan nya ang mukha ng babae kanina. Kung paano ito maglambing kay Franco at ang paghalik nito sa binata. Naiinis sya!
Kahit walang reaksyon si Franco kanina ay malinaw naman sa kanya na magkasintahan nga ang mga ito.
Tumunog ang seradura ng pintuan nya at niluwa nun si Yaya Hilda. May dala itong miryenda para sa kanya.
"Yaya nag-abala pa po kayo," sabi nya
Ibinaba nito ang tray ng pagkain sa side table ng kama nya.
"Bakit yan ang kinakain mo? Wala naman sustansya iyan," may tinig ng panenermon ang boses nito kahit na malumanay.
"Madalang lang naman po ito," pinilit nyang ngumiti.
"Bakit hindi yata maganda ang mood mo ngayon may problema kaba?"
Nahalata yata nito ang pananamlay nya. Naiinis sya sa sarili. Bakit ba kailangan nyang magpaapekto? Mukha lang syang tanga.
Sinikap nya muling ngumiti sa matanda.
"Ho? Yaya okay na okay ako. Wala po akong problema," pagsisinungaling nya.
"Naku ikaw talaga! Akala ko ay may problema ka, bigla ka kasing nawala sa labas kanina,"
"S-sumakit po kasi ang puson ko Ya," pagdadahilan nya.
"Naku! siguro ay malapit ka ng datnan,"
"Opo nga po" sagot nya.
"O sya sige at maiwan na kita dyan. Malapit ng umuwi ang Daddy at Mommy mo, kumain ka ng kumain," paalala nito.
Oo nga pala, ilang araw na lang ay babalik na ang mga magulang nya. Pati graduation nya ay malapit na. Siguradong hindi na muna sya makakauwi sa Hacienda dahil sasabak agad sya sa paghahanap ng trabaho, kahit hindi naman kailangan ay ito ang pinili nyang propesyon. Marangya ang buhay nila, pero gusto pa rin nyang magtrabaho para sa sarili.
Naiisip pa lang nya na aalis sya ay tiyak na mamimiss na kaagad nya ang mga tauhan ng Hacienda, ang rancho at ang mga hayop doon. Ang mga katiwala na lagi nyang kabiruan. Iniisip pa lamang nya ang mga iyon ay parang naninikip na ang dibdib nya. Nalulungkot sya.