HINDI makatulog si Juliet. Tahimik na tahimik na hindi lang sa loob ng buong villa kundi sa labas. Paano ba naman ay pasado alas diyes na ng gabi. Kung sa Maynila ay buhay pa rin doon sa mga ganitong oras, sa Hasyenda Victoria ay tulog na ang mga tao at nagpapahinga mula sa isang mahabang trabaho buong araw. Pero hindi pa si Juliet. Sa mga nakalipas na araw ay nakasanayan na rin niyang matulog ng maaga pero hindi ngayong gabi. Maraming tumatakbo sa kanyang isip at bumagabag sa kanyang dibdib. Una na roon ang pagkakarinig ni Magus sa kanya kanina. Maghapon siyang umiwas dito at nagpapasalamat naman siya dahil hindi siya nito hinanap. Ayon kay Aling Conching ay lumabas daw ito ng villa pag-alis niya sa silid nito. Hindi ito nagsabi kung saan nagpunta. Hanggang maghapunan ay wala raw ang amo

