Fifth Chapter: The Meeting

2230 Words
Para akong zombie na naglakad papalabas ng kuwarto. Handa na 'ko sa pagpasok, pero ang isip ko parang hindi pa. "Mag-aasawa na si Ate?" Napahinto ako sa gulat na tanong na 'yon ni Reine. Tiningnan ko naman siya ng masama. "Hindi pa! Ayaw ko pa! Wala pa akong balak mag-asawa! Seventeen lang ako! Narinig niyo? Se-ven-teen!" paghi-hysterical ko. Lahat sila mukhang nagulat sa inasal ko. "Ano po bang pangalan no'ng lalaki?" tanong pa ni Reine kay Mama. Bago pa magsalita si Mama ay umepal na 'ko, "Rendel Caden Baltazar Morgenstern? Sino ba 'yong hinayupak na 'yon?!" "Ilang taon na ba siya?" tanong pa ni Reine. "Eighteen na siya," sagot ni Mama. "Oo, eighteen na siya. Freshmen siya sa University of the Philippines sa kursong BS Chemical Engineering!" pa-hysterical kong pag-epal. "Binasa mo talaga ha?" sambit ni Mama. "Malamang! Sinabi niyo sa'kin eh. Na gawin ko 'yon bago ang meeting na sinasabi niyo. At ngayong Sabado na 'yon! Ah hindi pala, bukas na! Bukas! Masunurin at mabuti akong anak 'di ba? Kaya nga ginagawa ko 'to eh," paghi-hysterical ko pa. "Guwapo ba?" tanong pa ni Reine. Lalo ko siyang tiningnan ng masama. May gana pa talaga siyang itanong sa'kin 'yan ha? Pambihira. "Wala akong pakialam kung guwapo man siya o hindi!" pasigaw kong sagot. "Bakit? Interesado ka?" inis na tanong ko sa kanya. Nakangiti lang siya na nagkibit-balikat. Interesado nga ang loka. "Kung interesado ka, ikaw na lang ang pumunta! Kasi ako, hindi!" sambit ko. Tutal mas mukhang matured naman 'tong si Reine kaysa sa'kin. Kahit mas bata siya sa'kin, mas mukha naman akong dose anyos kaysa sa kanya. "Ayoko nga. Baka mamaya, chaka pala 'yon," pangangatwiran niya. Napabuntonghininga ako sa inis, "Bahala na nga kayo. Makaalis na nga!" Padabog akong lumabas ng bahay kaya't lumagabog din ang pintuan. Nilapitan ko ang bike ko na nakaparada lang sa tabi. Pero nandilat ang mga mata ko sa nakita ko. What the? "Anak ng tinapa naman oh! Sinong nakialam ng bike ko?!" tanong ko sa sobrang inis. Paano ba naman kasi? Flat ang gulong at sira ang kadena. Paniguradong walang aamin sa mga baliw kong kapatid. Pambihirang buhay talaga, oh. Bakit ba ang malas ko ngayon? Reincarnation ba 'ko ng isang kriminal para malasin ng ganito? Grabe. Napatingala ako sa langit. Ang kulimlim naman. Mukhang nagbabadya pa ang ulan. Baka mabasa pa 'tong drawing ko na request ni Jacob. Bayad pa naman din 'to. Kaya naman kahit sobrang badtrip ko na ay naglakad na lang ako. Wala naman akong magagawa, eh. Sira ang bike ko at walang masasakyan dito. Kalalabas ko lang ng shortcut at mayamaya, may bumusina sa'kin. "Mang Danny," sambit ko matapos kong huminto at lingunin siya. Siya namang hinto niya sa tapat ko. "Hindi mo yata dala bike mo ngayon, hija," sambit niya. "Oho, sira ho kasi eh. Kayo po? Saan ho kayo papunta?" sambit ko naman. "Naiwan kasi ni Sujin 'yong project niya kaya dadalhin ko ngayon sa school niya," sagot niya. Si Mang Danny ay driver ng Korean family na pinagtatrabahuhan ni Mama kaya naging magkaibigan sila. "Gusto mo sumakay ka na?" alok niya sa'kin. Tumingin ako sa relo ko. May 20 minutes pa 'ko bago ang klase ko. "Sige ho," tugon ko. Tapos ay pinasakay niya 'ko sa backseat. 'Di naman kalayuan 'yong private international school na pinapasukan ng mga alaga ni Mama na mga Korean mula sa school ko. Makakarating ako on time sa school dahil dito. Salamat talaga at dumaan itong si Mang Danny. Kahit papaano, suwerte pa rin ako sa araw na 'to. Pero mayamaya'y huminto ang sasakyan. "Tsk tsk tsk." Narinig kong sinabi ni Mang Danny. Tapos ay bumaba siya at binuksan ang hood ng sasakyan. Napansin kong umiling siya na parang may problema. "Naku, pasensya na, Roma. Mukhang nasiraan yata tayo. Pasensya na, ha," sambit niya sa'kin matapos niyang lumapit. Nasa kalagitnaan na kami ng daan. Pero nasiraan kami kung saan may kalapitan na sa school ni Sujin. Mga ilang metro pa bago ang school ko. Time check, may 10 minutes na lang ako. Agad akong bumaba ng sasakyan, "Ayos lang 'yon, Mang Danny. Salamat sa pagpapasakay sa'kin." "Hindi ka pa male-late niyan?" nag-aalala niyang tanong. "Hindi pa naman po," sagot ko. Kaya naman kung tatakbo ako. Kaya naman nag-stretching muna ako sandali. Hindi ko na pinansin si Mang Danny na nagtataka sa ginagawa ko. Pumuwesto na 'ko na parang tatakbo ako sa marathon, "Sige ho!" Tapos ay tumakbo na 'ko sa bilis na kaya ko. Ayaw ko kayang ma-late, ano! Tapos mukhang uulan pa. Hindi nga talaga yata para sa'kin ang araw na 'to! Sa pagtakbo ko, mayamaya'y nakaramdam ako ng patak ng tubig sa mukha ko. Uh-oh, naambon na! Mas binilisan ko pa ang takbo ko. Please, malapit na 'ko eh. Paabutin mo muna ako sa school bago ka bumagsak! Lumakas na nga ng tuluyan ang ulan. Pero mabuti na lang ay nakapasok na 'ko ng school at malilong na dito. Dumeretso na agad ako sa room ko. Maaga ako ng five minutes. Salamat. "Uy, Roma! 'Yong drawing ko!" Pagsalubong kaagad sa'kin ng kumag na si Jacob. "O, ayan na," sambit ko sabay salpak sa mukha niya no'ng illustration board na may drawing ko. "Wow! Drawing ba talaga 'to? Mukhang printed!" pagkamangha niya sa gawa ko. Tapos ay nakiusyoso na sa kanya sina Eric at Rico. "I-drawing mo rin ako, Roma," sambit ni Eric. Pero hindi ko na lang siya pinansin. -- Huling subject na namin bago ang recess, Araling Panlipunan. Nasa kalagitnaan kami ngayon ng klase pero kanina ko pa naririnig ang mga kumag kong katabi na parang nagtatawanan. Pag napansin sila ni Ma'am, lagot 'tong mga 'to. "Ms. Martinez and company!" Natinag ako sa sigaw na 'yon ni Ma'am. Teka, tama ba ang narinig ko? Binanggit niya ang pangalan ko? "Bakit ang iingay niyo? Face the wall!" sigaw niya sa'min habang nakaturo sa pader. "Pero, Ma'am-" pagtutol ko pero... "I said FACE THE WALL! Kayong apat!" 'Di na 'ko nakatutol pa. Galit na talaga si Ma'm kaya't wala na akong nagawa kundi ang sundin siya. Napabuntonghininga na lang ako. At ngayon na sa sulok kami ng classroom at mga naka-standing ovation na nakaharap sa pader. Great. Napakaganda talaga ng araw na'to. "Ano ba kasing kalokohang pinaggagagawa ninyo at nagtatawanan kayo?!" bulong ko kay Jacob na may halong inis. Kasama ko rin siya ditong naka-face the wall. "Si Eric kasi. Tinatago niya 'yong wallet ni Rico. Kaya natatawa ako," katwiran niya. "Para kasi kayong mga tanga. Tinatago 'yong wallet ko. Dapat kayong dalawa lang dito ni Eric ang nakatayo eh. Nadamay pa tuloy ako," reklamo naman ni Rico. Inirapan ko lang sila, "Para kayong mga bata," sambit ko sabay yuko. Hindi dapat ako nakatayo dito, eh! Wala naman kasi akong ginawa. Pag minamalas ka nga naman oh! -- Sa wakas naman at recess na. Nakabalik na kami sa mga upuan namin matapos lumabas ni Ma'am. Yumuko agad ako sa armrest ko. Saglit lang ay naramdaman ko na parang nagmamadaling nagpasukan sa room ang mga kaklase ko tapos ay tumahimik, kaya't napaangat ako. And'yan pala ang adviser namin. Bakit kaya? "Pasensya na kung medyo naantala ko ang recess niyo. Nandito lang ako just to announce the class ranking!" masayang sambit ni Ma'am sabay may pinakita siya sa'ming dalawang long bond paper kung saan naka-print ang ranking ng klase from 1-65. Tama, 65 kami sa isang section. Marami ba? Well, expected na 'yon sa isang public high school. Partida two shifts pa 'to. Nang i-announce 'yon ni Ma'm ay nagkanya-kanyang bulungan ang mga kaklase ko. Sa totoo lang, hindi ako ganoong interesado sa ranking na 'yan. Hindi rin naman kasi ako grade-conscious na gaya ng iba. Just go with the flow lang at ginagawa ko lang ang makakaya ko. "Congratulations, Martinez Roma Cassandra for being on the top!" sambit ni Ma'am nang nakangiti sa'kin. Nabigla ako sa naging announcement na 'yon. Biglang naging light ang mood ko dahil dito, tapos naririnig ko pa ang palakpakan ng mga classmates ko. Napangiti na lang ako ng 'di sinasadya. Okay pa rin naman pala ang araw na 'to. Matapos ipaskil ni Ma'am ang ranking namin sa tabi ng blackboard, umalis na rin siya agad. Back to business na naman ang mga kaklase ko, tapos tinitingnan din nila ang mga rank nila. "Cass!" Napalingon ako sa gawing pintuan at nandoon ang mga kaibigan ko kaya naman agad ko silang nilapitan. "Kamusta? Naglabas na rin ba kayo ng ranking?" tanong sa'kin ni AJ. Tumango lang ako. "Sinong top one niyo?" excited niyang tanong. "Tingnan mo," nakangiting sambit ko. Ginawa naman niya. Pagkatapos niyang tingnan ay lumapit ulit siya sa'kin na may malapad na ngiti sabay hinawakan niya 'ko sa magkabilang balikat ko. "Ang galing mo, Cass! Nagawa mo! Nagawa natin!" masaya niyang sambit habang niyuyugyog ako. Nakangiti pa rin ako kahit nahilo ako sa ginawa niya. Si AJ din kasi ang top one sa class nila. "Kayo? Kamusta?" tanong ko naman sa kanila. "Second ako!" sambit ni Phine na may kasamang hagikhik. "Fourth ako," sabi naman ni Jeyra. Madaya 'tong tatlong 'to, eh. Sila, magkakaklase. Ako lang ang nahiwalay ng section sa kanila. Napansin ko naman ang pananahimik ni Evan. "Hoy bro. Ikaw? Kamusta sa klase mo?" tanong ko naman sa kanya. Tumingin siya sa'kin at nakita ko ang mukha niyang parang pinagsakluban ng langit at lupa. "Pang-19 lang ako, bro," sagot niya. Nilakihan ko siya sabay pamaywang. "Anyare?" tanong ko. "Ayan. Masyado ka kasing nagpabaya," sambit ni Phine. "Kayo naman?" tanong naman ni AJ kina Rico. "Sixth ako," sagot ni Rico. "Ninth ako," sagot naman ni Eric. "Ikaw, Jacob?" usisa nila. Tiningnan niya kami na parang nahihiya. "Forty," mahina niyang sagot. Natahimik muna sila AJ tapos ay biglang bumulalas ng tawa. Pati tuloy ako nahawa na. "Ang sasama niyo!" angal ni Jacob na parang bata. "Akala ko malala na 'ko. Mas malala ka pa pala. Thanks, pre!" sambit sa kanya ni Evan na natatawa-tawa pa. "Sinusumpa ko sa inyo. Aakyat din ang rank ko! Makakapasok din ako sa top ten!" sambit niya ng buong kumpyansa. Wow ha. Sige lang. Pakatatag kayo ng confidence mo. "Sige. Basta sipagan mo lang ang pagpasok, iwasan ang pagiging late, gumawa ka ng assignment, at higit sa lahat, ipasa mo ang exams! Jusmiyo," sambit ko naman sa kanya. "Oo hanggang makuha ko ang spot mo sa ranking!" pagmamayabang niya sa'kin. Ningitian ko lang siya ng pang-asar. 'Di ako takot sa'yo, ano. "Hindi! Ako ang kukuha ng spot ni Roma!" biglang singit naman ni Eric. "Hindi! Kung meron man sa'ting kukuha ng spot ni Roma, ako 'yon at wala nang iba," pagsingit naman ni Rico. Tapos ay nagtalo-talo na ang tatlong itlog. Napailing na lang ako sabay face palm. Bahala na nga kayo. -- Sabado. At ngayon mismo ang araw na 'yon. Na makakaharap ko ang 'mapapangasawa' ko. May choice ba ako? Ang cliche naman kung tatakas ako. Bahala na kung sino man 'yong Poncio Pilato na 'yon. Kasama ko sila Mama at Papa. Semi-formal ang attire. Kaya napilitan akong mag-dress. White buttoned blouse on top at navy blue skirt na hanggang tuhod. Nakatago lang ang damit na 'to sa kaila-ilaliman ng damitan ko dahil 'di naman ako nagsusuot ng ganito. Sa isang mamahaling restaurant ang meeting place. At hindi ako nahihiyang sabihin na first time kong makapasok dito. Ang sophisticated ng atmosphere kaya nakaka-intimidate. Pumunta kami ng second floor at doon may kumaway sa amin na isang lalaki na may edad na. Mga mukhang nasa 35 ang edad, pero alam kong lampas na doon ang tunay niyang edad. Nakaupo siya sa isang six-seater table na malapit sa glass wall. "Hello, Mr. Martinez," magalang na pagbati sa amin ng lalaki matapos namin maupong tatlo sa harap niya. "Guwapo," bulong sa'kin ni Mama. "Ma!" pabulong kong saway sa kanya. 'Di na 'ko nagtataka kung kanino nagmana si Reine. "Before anything else, I am Michael Morgenstern, Caden's father. Let's just wait for him for a while. Mayamaya, nandito na rin 'yon," paliwanag sa amin ng lalaking nagpakilalang tatay no'ng Caden. Medyo bata pa siya tingnan. May pagka-Ian Veneracion ang dating niya. "So, you must be Rhea, his wife. Nice to meet you," sambit no'ng Michael kay Mama. "Opo. Ako nga po," sagot ni Mama na parang nagpapabebe. "And, she must be Roma. She's prettier than I thought." Muntik na 'kong masamid sa sinabi niya. Talaga lang, ha? "Oh, andyan na pala siya." Biglang sambit ni Michael. Kinabahan ako bigla. Kaya't dahan-dahan akong lumingon sa likod. Teka, 'yan si Caden? Hindi katangkaran, mukhang nerd na uhugin, at moreno? Parang 'di yata siya kamukha ng dad niya. Mestizo 'tong si Michael eh. Ampon yata ‘yong Caden. Sa bagay, wala naman akong pakialam kung ano o sino pa siya. Wala pa sa isip ko talaga ang pag-aasawa. Ni mag-boyfriend o magpaligaw, hindi sumasagi sa isip ko. Magpakasal pa kaya? Papalapit siya dito. Mayamaya, ngumiti siya at kumaway. Nang malapit na siya dito, lumampas lang siya at pumunta sa kabilang table. "Teka, hindi 'yon si Caden?" pagtataka ko. Napataas ng kilay si Michael, tapos ay natawa siya. "Ayun siya o," sambit niya sabay turo kaya't lumingon kami ulit. Nanlaki ang mga mata ko. 'Yan si Caden? Seryoso? 'Di ko inaalis ang tingin ko sa kanya habang nakakunot-noo pa 'ko. Nang magtama ang mga tingin namin, biglang nagdahan-dahan ang lakad niya. Nakakunot din ang noo niya na nakatitig sa'kin. Hanggang makalapit na siya. "Ikaw?" sabay naming sambit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD