Hindi mapigilan ni Leah ang labis na pag-aalala sa anak niyang si Alejandra. Lalo na ngayon na marami na siyang naririnig na usapan sa labas at tama ang sinabi ng kanyang asawa. Ayon sa mga tao, nakita raw si Levi na buhat-buhat si Alejandra, walang malay at duguan pa.
Bagama’t nakausap na niya si Hugo at siniguro nitong maayos lang ang lahat, hindi pa rin siya mapalagay. Paulit-ulit siyang nagte-text kay Alejandra, ngunit ni isang sagot ay wala siyang natanggap. Buong maghapon ay inabala na lamang niya ang sarili sa kanilang maliit na sari-sari store, pilit na pinapakalma ang puso kahit halos mabaliw na sa pag-aalala.
Malaki na ang ipinagbago ng kanilang buhay simula nang maging asawa ni Alejandra si Hugo. Noon pa man ay hindi naman sila ganoon kahirap sa buhay; nakapagtapos si Alejandra at nakapagtrabaho sa isang pampublikong ospital. Ang bunsong anak nilang si Angelo naman ay isa nang pulis—at dahil na rin sa tulong ni Hugo, mabilis itong nakaangat sa ranggo.
Hindi maikakaila ni Leah na malaki ang naitulong ni Hugo sa kanilang pamilya. Binilhan sila ng townhouse, binigyan ng puhunan sa negosyo, at ipinakita kung gaano niya kamahal si Alejandra. Kaya’t labis siyang nagtataka ngayon sa mga kumakalat na balita tungkol sa kanilang mag-asawa. Paano mangyayari iyon? Si Hugo na mabait, magalang, at mapagkumbaba?
Habang nakaupo siya sa harap ng tindahan, napahawak si Leah sa dibdib at napabuntong-hininga. Galit pa rin siya kay Levi, ang dating kasintahan ng anak. Hindi niya malilimutan ang araw ng kasal nina Alejandra at Levi ang araw na hindi dumating si Levi at iniwan sa ere ang kanyang anak. Nasaksihan niya kung paano umiyak, masaktan, at halos masira si Alejandra sa kahihiyan.
Bilang isang ina, hindi na niya gustong makita pang muli ang anak na nasasaktan. Kaya nang dumating si Hugo sa buhay ni Alejandra at pinasaya ito, labis ang kanyang pasasalamat. Pero ngayon, tila bumabalik ang bangungot ng nakaraan at higit sa lahat, galit siya kay Levi sa muling pagbabalik nito.
“Para saan pa? Para muling saktan ang anak ko?” mahina niyang sabi sa sarili, sabay iling. Habang pinagmamasdan ang papalubog na araw, unti-unting tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Hindi niya alam kung anong dapat paniwalaan ang mabait na imahe ni Hugo, o ang mga bulung-bulungan tungkol sa pagdurusang pinagdaraanan ngayon ng anak niya.
Nawala ang kaba ni Leah nang marinig ang pagtunog ng kanyang cellphone. Agad niya itong sinagot ng makita sa screen ang pangalan ng anak.
“Hello, Ma. Tumawag daw po kayo kay Hugo? May kailangan po ba kayo?” tanong ni Alejandra mula sa kabilang linya, mahinahon ang boses ngunit halatang pinipigilan ang pag-aalala.
“Hello, anak. Kumusta ka na? Oo, napatawag ako,” sagot ni Leah, bakas ang pag-aalala sa tinig. “May mga naririnig kasi akong usapan dito sa mga kapitbahay natin. Sabi nila, may nangyari daw noong birthday ni Hugo — at masamang balita pa ang kumalat. Totoo ba ‘yon, anak?”
Sandaling natahimik si Alejandra. Napatingin siya sa tabi, kung saan naroon si Hugo — nakaupo sa sofa, nakatingin sa kanya, tila naghihintay sa bawat salitang bibitawan niya. Mahigpit niyang hinawakan ang cellphone, pinilit ngumiti kahit ramdam ang malamig na titig ng asawa.
“‘Yun ba, Ma?” pilit niyang tumawa ng mahina. “Hindi ko rin po alam kung saan nanggaling ang mga chismis na ‘yon. Hindi naman po totoo ang mga sinasabi nila. Nagkaroon lang ng konting hindi pagkakaunawaan noong birthday ni Hugo. Lasing kasi si Levi noon at lumapit sa akin. Pinilit siyang paalisin ni Hugo, pero dahil lasing na siya, hindi na niya alam ang ginagawa niya. Kaya siguro may mga nag-imbento ng kwento.”
“Sigurado ka bang ayos lang kayo ng asawa mo?” muling tanong ni Leah, hindi maikubli ang pag-aalala sa boses.
“Opo, Ma,” mabilis na sagot ni Alejandra, sinulyapan si Hugo na ngayon ay bahagyang nakangiti ngunit malamig ang mga mata. “Ayos lang po kami. Si Hugo po, mabuting tao. Lagi niya akong inaalagaan at ginagabayan sa lahat ng bagay. Nahihiya nga ako kasi nadadamay pa siya sa mga tsismis na ‘yan dahil lang sa akin at sa nakaraan ko.”
Tumango si Hugo, tila nasiyahan sa sagot ng asawa. Hinaplos pa nito ang balikat ni Alejandra bilang paalala na huwag magkamali ng sasabihin.
“Basta, Ma, huwag po kayong mag-alala, ha?” mahinang sabi ni Alejandra, halos pabulong. “Okay po ako. Si Hugo po ang pinakamabuting asawa. Hindi niya ako pinapabayaan.”
Hindi nakasagot agad si Leah. Ramdam niya ang kakaibang tono ng anak, ang pilit na kasiyahan sa bawat salita. Ngunit pinili na lang niyang manahimik at magtiwala.
“Sige, anak. Kung sabi mo ay maayos kayo, mag-iingat ka palagi. Sabihin mo kay Hugo, salamat sa pag-aalaga sa’yo.”
“Opo, Ma,” sagot ni Alejandra, bahagyang nanginginig ang tinig. “Salamat po.”
Pagkababa ng tawag, marahang ibinaba ni Alejandra ang cellphone. Ngunit bago pa siya makapagpahinga, lumapit si Hugo at ibinulong sa kanya, malamig at mabagal ang tono:
“Good job, honey. That’s exactly what a loyal wife should say.”
Napayuko si Alejandra, pilit na pinipigilan ang panginginig ng labi. Sa labas, tahimik ang gabi. Ngunit sa loob ng bahay, nakakulong pa rin siya sa katahimikan at takot na hindi niya maipahayag kahit sa sariling ina.
“Nagawa ko na ang gusto mo, Hugo,” mariing sabi ni Alejandra, nanginginig ang boses sa galit at takot. “Siguro naman, hahayaan mo na ang pamilya ko. Huwag mo na silang idamay sa lahat ng ito! Wala silang kasalanan, kahit ako, wala akong kasalanan sa’yo! Pero bakit mo ako pinapahirapan ng ganito? Tinanggap kita sa buhay ko, pinilit kong mahalin ka, pinilit kong ilagay ka sa listahan ng mga taong dapat kong pahalagahan—pero ito ang iginanti mo sa akin?”
Ngumisi si Hugo, malamig at mapanukso. Lumapit siya sa asawa, mabagal ang bawat hakbang, parang hayop na handang manila.
“Hindi ako madaling ma-please ng isang tao, Alejandra,” aniya, malalim ang boses. “Hindi porket pinakasalan kita, iikot na ang mundo ko sa’yo. At lalong hindi dahil mahal kita.”
Huminto siya sa harap ni Alejandra, tinitigan ito ng malamig na tingin.
“Mas mahal ko naman yata ang sarili ko kaysa sa ibang tao,” tuloy niya. “Wala akong ibang kayang mahalin kundi ang sarili ko lang. Tandaan mo ‘yan.”
Nanigas si Alejandra sa kinatatayuan. Ramdam niya ang malamig na hangin na galing sa boses ng asawa, hangin ng kawalan ng damdamin.
Hugo chuckled, a low and cruel sound. “You thought love would change me? That your tears would make me feel guilty? Oh, sweetheart…” ngumisi siya nang masama, “I don’t feel guilty. I don’t even feel pity. Not for you, not for anyone.”
Marahang hinaplos ni Hugo ang pisngi ni Alejandra, ngunit hindi ito malambing—ang bawat galaw ay puno ng pananakot. “I gave you everything—money, status, a name people respect. In return, all you have to do is stay quiet and play the role of a perfect wife. Is that too hard?”
“Hindi ako laruan, Hugo,” mariing sabi ni Alejandra, pinipigilan ang luha. “Hindi mo ako pag-aari!”
Ngumiti siya ng mapanganib. “You’re wrong, Alejandra. I own you. Body, mind, and soul. You breathe because I allow you to. You speak because I let you. Without me, you’re nothing.”
Nanginginig si Alejandra habang pinagmamasdan ang asawa, isang lalaking walang puso, walang pakialam sa kahit sino maliban sa sarili.
At sa mga mata ni Hugo, nakita niya ang isang katotohanang lalong nagpalamig sa kanyang dugo, hindi siya kailanman magiging ligtas habang nasa piling nito.