Tahimik ang buong mansyon ng mga Gallarzo nang lumabas si Alejandra mula sa silid. Ang pisngi niya ay mamula-mula pa rin sa sampal ni Hugo, at sa dibdib niya, mabigat ang mga salitang iniwan ng ina ng asawa.
“Linisin mo ang mga kulungan ng aso,” iyon lang ang utos ni Doña Leticia, ngunit sapat na iyon para iparamdam kay Alejandra kung gaano kababa ang tingin nito sa kanya.
Bitbit ang hose at brush, mabagal siyang naglakad papunta sa likod-bahay kung saan naroon ang pitong malalaking kulungan ng aso. Ang bawat hakbang ay nagpapaalala ng pagkakamali niyang minahal ang lalaking tulad ni Hugo Gallarzo. Kasalanan niya naman ang lahat, hindi niya kinilala ang taong pinakasalan niya. Tulad lang noon ni Levi, na iniwan siya sa simbahan at pinagmukhang tanga. Paulit-ulit na lang na pagkakamali.
Pagdating niya sa likod bahay ay sinalubong siya ng amoy ng basang lupa at tahol ng mga alagang aso. Ang mga kasambahay ay tahimik na nagmamasid mula sa malayo sa kanya, mga matang may halong awa, takot, at kawalan ng magawa.
“Ma’am Alejandra…” tawag ni Lita, isa sa mga tagasilbi ng mansyon. Halata sa boses nito ang pag-aalala. “Ako na po sana ang gagawa niyan. Hindi kayo dapat—”
Umiling si Alejandra, pilit na ngumiti kahit ramdam ang kirot ng bawat galaw. Kahit naman mahirap sila ay hindi siya sanay sa ganito. Maayos naman kasi ang trabaho niya. Isa siyang psychiatrist sa public hospital sa Ilocos pero nang naging asawa siya ni Hugo ay pinaalis na siya nito sa ospital. Ang gusto na lamang nito ay magpirme siya sa bahay. Tinalikuran niya ang kanyang trabaho para sa kanyang asawa at ngayon ay labis niyang pinagsisihan.
“No, Lita. Please don’t. Alam mong mas lalong magagalit si Mama kapag nakita kang tumutulong sa akin.”
Napayuko si Lita, bahagyang namutla. “Pasensya na po, Ma’am…”
Ngumiti si Alejandra ng pilit, sabay sabing, “It’s okay. I’m used to it.” Ngunit sa loob-loob niya, alam niyang kasinungalingan iyon. Hindi siya kailanman masasanay sa ganitong klaseng pagtrato na parang alipin sa bahay na minsan ay tinawag niyang tahanan dahil ibang-iba ang mga Gallarzo sa loob ng bahay kumpara sa labas.
Isa-isang nilinis ni Alejandra ang mga kulungan. Ang malamig na tubig mula sa hose ay bumubuhos sa kanyang mga kamay, sinasabayan ng luha na pilit niyang pinipigil. Habang nagkikiskisan ang brush sa semento, maririnig ang mga bulungan ng mga kasambahay sa likod niya.
“Grabe si Doña Leticia, grabe ang pang-aapi nila kay Maam Alejandra.”
“Asawa ni Congressman, pero parang kasambahay na lang.”
Hindi pinansin ni Alejandra ang kanyang mga naririnig. Sa halip, itinuloy niya ang trabaho hanggang sa panghuling kulungan, kahit namumula na ang mga daliri at nananakit ang likod.
Ilang sandali pa, lumabas si Doña Leticia sa terrace, bihis na bihis na at may hawak na tasa ng kape. Ang ngiti nito ay malamig, puno ng pangungutya.
“Good. At least now you know how to be useful,” anitong mariin habang tinitingnan si Alejandra mula ulo hanggang paa.
Pinunasan ni Alejandra ang pawis sa noo at marahang nagsalita, “Ma, I did what you asked. Can I go back to my room now?”
Ngumisi si Doña Leticia, sabay lagok ng kape. “Oh, sweetheart,” wika niya na may halong pang-aasar, “you can rest… after you scrub the floors inside. I don’t want any dirt when my son comes home.”
Tahimik lang si Alejandra. Walang magawa kahit pagod na pagod na. Lima naman ang katulong sa mansyon maliban sa hardinero at ilang boy. Isa pa malinis naman ang sahig pero ipapalinis pa rin sa kanya.
“Nagrereklamo ka ba? Gumalaw-galaw ka naman hindi yun nakahilata ka nalang palagi sa kama. Ano ka Donya? Samantala ang anak ko kumakayod?”
“Hindi po Ma,” sagot niyang walang nagawa.
Hapon na nang dumating si Hugo. Malakas ang tunog ng makina ng kanyang itim na sasakyan habang papasok sa driveway ng mansyon. Sa loob, abala pa rin si Alejandra sa pagkukuskos ng marmol na sahig, nakaluhod, pawisan, at basang-basa ang laylayan ng kanyang damit.
Nang bumukas ang malaking pinto, sumalubong sa kanya ang boses ni Doña Leticia, malambing, ngunit may halong pagmamalaki.
“Oh, hijo, you’re finally home! I had the floors cleaned for you. Look,” itinuro nito si Alejandra na nakayuko sa sahig, hawak ang basahan.
Napahinto si Alejandra, nanigas ang katawan. Dahan-dahan niyang iniangat ang tingin at doon niya nakita si Hugo. Matikas pa rin, gwapo, ngunit malamig ang mga mata. Tila ba walang nakikita kundi ang kanyang ina.
“Hugo…” mahinang sambit ni Alejandra, halos pabulong. Nagtagpo ang kanilang mga mata, at sa isang iglap, umasa siyang may awa pa itong nararamdaman. Na baka sa wakas, ipagtatanggol na siya.
Ngunit tumalikod lamang si Hugo sa kanya.
“Good,” mahinang tugon nito kay Doña Leticia. “I like a clean house.”
Parang binuhusan ng yelo ang dibdib ni Alejandra. Ang bawat salita ni Hugo ay tila matalim na kutsilyong tumusok sa puso niya.
Ngumiti si Doña Leticia, halatang nasiyahan. “She’s learning, hijo. Finally realizing her place.”
Tumango si Hugo, hindi man lang tiningnan ang asawa. “Make sure she does it right,” malamig na sabi nito, bago umakyat sa hagdan.
Naiwan si Alejandra sa gitna ng sala, nakaluhod pa rin, habang patuloy na pinagmamasdan ni Doña Leticia.
“See?” anito, bahagyang ngumisi. “Even my son knows where you belong.”
Hindi siya sumagot. Pinagpatuloy lang niya ang pagkukuskos, kahit nanginginig ang mga kamay at namumuo ang luha sa kanyang mga mata. Sa bawat galaw ng basahan sa marmol, para siyang unti-unting binubura, isang babae na dati ay puno ng pangarap, ngayon ay nilalamon ng katahimikan ng mansyon dahil sa pasakit.
“Nagugutom na ako, ipaghanda mo ako ng pagkain,” utos pa sa kanya ni Hugo ng hindi siya tumayo ay sumigaw ito kung kaya napapitlag siya. “Bingi ka ba?”
“Kasi Hugo---madumi ako.”
“Matagal ka ng madumi,” sagot nito sa kanya kung kaya natigilan siya. “Sino ang inaasahan mong mag-asikaso sa akin? Si Mama?”
Napakagat labi siya. “Sige, ihahanda ko na.”