Third Person’s Point of View
Makikita sa mukha ni Blizzard ang galit at poot dahil sa kaniyang nararamdaman patungkol sa organisasyong Dark Assassin.
Paano ba naman kasi, kasama sa mga namatay ang kaniyang mga magulang noong sumugod ang Dark Assassin sa Sorzendom at isa siya sa mga nakaligtas doon. Hanggang ngayon ay gusto niya pa ring ipaghiganti hindi lang ang kaniyang pamilya kung hindi pati ang mga taong namatayan o nagluksa nang mangyari ang hindi inaasahang pagsugod na iyon. Kung kaya’t ganoon na lang din ang kaniyang pagluha nang tanungin siya ni Zeniya patungkol sa pagkakalag ng kadena sa lalaking hindi pa napapatunayan na miyembro ng Dark Assassin.
Ang Dark Assassin ang pinakamapanganib na nabuong organisasyon na pinagsama-samang tribo mula sa iba’t ibang kontinente sa loob ng Achiozaven Empire. Hindi lang sa kanilang angking bilis at liksi sila nabuo kung hindi ang pagnanais na mabigyan ng hustisya ang mga antas ng tao sa buong imperyo sapagkat ang antas ng mga ito ay nahahati sa tatlo:
Ang karaniwang tao na siyang walang kakayahan upang makapag-aral sa akademya dahil wala silang salapi upang makapasok doon. Kung kaya’t tanging nasa liblib na lugar sila namamahay o hindi kaya’y malayo sa mismong bayan ng bawat kontinente upang sa gayon ay hindi sila masingilan ng buwis sa lupa na pinagtitirikan ng kanilang bahay. Bukod pa roon, dahil limitado lang ang kanilang nalalaman bukod sa class o gift na mayroon sila, kung saan-saan sila napapadpad na lugar, dahil na rin sa wala silang nalalaman kung paano tamang gamitin ang kanilang mga abilidad.
Sa kabilang banda naman ay ang maharlika o ang middle class people na may sapat na salapi upang makapag-aral sa akademya at mayroon din silang kakayahang magbayad ng buwis. Ngunit hanggang doon lang ang kanilang kakayahan–ang mabuhay ng may nakakain sa araw-araw at sapat na salapi upang mabuhay. Maaari din silang manungkulan sa akademya bilang guro o tagapamasid.
Ang panghuli naman ay ang maginoo. Sila ang mga taong may gintong kutsara sa kanilang bibig o ang may pribilehiyo at mayayamang tao. Kahit wala silang ginagawa ay diretso pa rin ang paghain ng salapi sa kanilang bawat mesa. Bukod pa doon ay nasa matataas silang posisyon sa akademya tulad ng anak o isang punong-guro o headmaster o hindi kaya’y tagapamahala ng isa sa mga pasilidad na mayroon ang akademya tulad ng silid-aklatan.
Dahil doon ay sumiklab ang galit ng mga ito sa mga maharlika at maginoo dahil gusto nila ay pantay ang pakikitungo ng mga ito sa bawat antas ng tao ngunit ang pagnanais na iyon ay inabuso ng mga miyembro ng Dark Assassin dahilan kung bakit bawat araw ay may namamatay sa iba’t ibang kontinente.
Samantala, dahil naman sa pagnagnanais na pamunuan ang buong imperyo ng Achiozaven, isang miyembro mula sa Sorcerer Tribe ang trumaydor sa pinuno ng organisasyon. Isa siya sa pinagkatiwalaan ng pinuno ngunit siya rin pala ang tatraydor sa kaniya.
Nang mapatay niya ang pinuno ay siya ang itinanghal na pinuno kaya lalong umalab ang pagnanais nito na makuha ang kapangyarihan mula sa akademya. Nawala rin ang lahat ng tunay na layunin ng organisasyon gayong napalitan iyon ng pagpaplano tungkol sa pagpapatalsik ng mga pinuno ng bawat tribo kaya’t malaking oras ang iginugugol nito sa mabisang plano para doon.
“Ikaw ang nag-utos sa lalaking iyon, hindi ba?” galit na galit na wika ni Blizzard sa kausap ngunit hindi sumagot si Chartreuse sa naging tanong niyang iyon.
“Tama na, Blizzard!” singit ni Zeniya habang pilit niyang itinatago sa kaniyang likod si Chartreuse upang protektahan ito sa ano mang maaaring mangyari dahil unti-unti nang nilalamon ng galit si Blizzard sa oras na iyon.
Marahas na tinabig ni Blizzard si Zeniya patungo sa kaliwa nito kaya’t marahas din itong tumilapon patungo sa direksyon nina Cerulean at Sapphire na ngayo’y nakatayo at nanonood sa sunod na mangyayari.
Malakas na tumama ang likod ni Zeniya sa isa sa mga puno na naroon at nag-iwan ng mapinsalang marka ang pagtama ng kaniyang likod sa katawan ng puno.
Agad na sinalubong si Zeniya nina Cerulean at Sapphire ng pagtakbo upang sana’y saluhin siya ngunit nabigo sila. Ilang metro rin ang layo niyon sa kanilang pwesto kanina kaya’t bahagya silang napagod sa pagtakbo.
Sa hindi inaasahan ay napatingin sila sa isang bagay na nakatarak sa puso nito kaya’t agad na kinabahan ang dalawa. Agad na dinaluhan nila si Zeniya ng mahinang pagsampal dito upang gisingin ang halos napapapikit na mata ni Zeniya.
“Z-Zeniya!” pagtawag ni Cerulean sa pangalan ng dalaga habang umaagos ang pulang likido sa bibig nito pati sa dibdib na ngayon ay unti-unting umaagos pababa sa kaniyang tiyan. Halos dungisan na rin ang suot niyang pangtulog na paborito mismo niya sa tuwing siya ay matutulog dahil sa patuloy na pag-agos ng dugo roon.
“Zeniya, kumapit ka lang!” mahina muling wika ni Cerulean saka naupo at ipinatong sa kaniyang kandungan ang katawan ni Zeniya. “Huwag mo kaming iwan, pakiusap!” dagdag pa ng binata. Malakas na kumakabog ang dibdib nito dahil sa kalagayan ng dalaga. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin kasi ang alaala na nangyari noong araw na mahulog ito sa ilog at mabuti na lang ay nailigtas niya ito.
Sa unang araw ni Zeniya mula sa hindi niya kinikilalang mundo ay nasaksihan ni Cerulean na nahulog si Zeniya mula sa ilog kaya’t agad siyang tumakbo patungo roon at sumisid sa ilog upang iligtas ito.
Mabilis na kumakabog ang dibdib niya nang hindi niya makita ang katawan ni Zeniya mula sa ilalim sapagkat masyado ring madilim ang paligid ngunit isang liwanag ang napansin niya mula sa kaniyang kaliwa kaya’t agad niya iyong pinuntahan at doon, nakita niya ang dalaga na inaabot ang liwanag na iyon sa ilalim ng buhangin hanggang sa mawalan na ito ng hangin sa katawan at mawalan ng malay.
Cerulean saved him from there. He did everything to revive the girl but a guy came from the forest so he hid immediately, afraid of maybe it was an official from the academy.
Mula sa kaniyang pinagtataguan ay pinagmasdan niya lang ang dalaga habang tinitingnan ng isang lalaki ang kalagayan nito. Nang hindi pa rin magising ang dalaga ay binuhat niya ito at dinala sa kung saan. Mariing kinabahan si Cerulean gayong baka kung saan dalhin ang dalaga kaya’t sinundan niya ito hanggang sa matuklasan niya ang isang nayon na kakaiba ang yari ng bahay kung ikukumpara sa bahay na nasa bayan at pasilidad sa akademya.
Mula sa pinagtagpi-tagping kawayan at kahoy mula sa sanga ng mga puno ang halos makikita sa buong kabahayan na naroroon. Ngayon niya lang nalaman ang bagay na ganoon sapagkat lagi lang siyang naroroon sa kaniyang silid upang magbasa ng librong babasahin o hindi naman kaya’y sa silid-pagamutan dahil matahimik sa lugar na iyon.
Hinintay niya ang dalaga gayong maaaring nahanap na ito ng mga kawal dahil sa pagroronda nito sa bawat tribo at sa kabutihang palad ay nagtagumpay nga ito. Nakita niya ang dalaga sa loob ng empermeryal at hinintay na magising ito.
Dahil tila mahimbing na natutulog si Zeniya ay hinintay niya na lang itong magising kinabukasan. Halos hindi siya mapakali gayong maaaring may ginawa ang taga-nayon kay Zeniya.
At hindi nga siya nagkamali roon dahil nawalan ng alaala si Zeniya nang magising ito at idinidiin na hindi Zeniya ang pangalan nito kung hindi Phoenix na isang estudyanteng nahihirapan dahil sa online class.
Hindi niya naman masisisi ang taga-nayon gayong wala rin siyang kaalam-alam tungkol sa sinasabi ni Zeniya. Isa pa, kung may gagawin man ang taga-nayon, iyon ay ang gamitin si Zeniya bilang alas upang iahon sila sa hirap ngunit wala naman siyang nakikitang ganoong intensyon kay Zeniya na ngayon ay kanilang kasama.
Marahang binuksan ni Zeniya ang kaniyang mga mata nang marinig ang boses na iyon at agad na sumilay sa kaniya ang mukha na inaasahan niya.
Sa maikling oras na iginugol niya sa mundo na mayroong mahika, hindi rin aakalain ni Zeniya na mahuhulog siya rito. Tila may humihila sa kaniyang puso upang lalong mahulog sa kaniya na hindi niya mapigilan. Ni hindi niya rin alam kung anong naging nakaraan sa pagitan ni Cerulean at ng totoong Zeniya gayong hindi man siya ang totoong Zeniya at kahit wala man ang alaala nito sa kaniya ay tila hindi nakakalimot ang puso na limutin kung anong nararamdaman nito para sa taong gusto niya.
Hindi alam ng dalawa ang gagawin upang tanggalin ang isang matulis na ice spike nakatarak pa rin sa may bandang dibdib ni Zeniya habang patuloy pa rin ang pag-agos ng dugo mula roon.
“Huwag kang bibitaw, Zeniya!” umiiyak na wika naman ni Sapphire habang marahang hinahaplos ang buhok ng kaniyang kaibigan. “Hindi ko alam ang gagawin ko kapag nawala ka!” Nakahikbing pinunasan nito ang kaniyang luhang patuloy na pumapadausdos sa kaniyang pisngi.
Mahaba na rin kasi ang pinagsamahan ng dalawa bago pa man mawala ang alaala nito at ngayon na nasasaksihan ang kaibigan na nag-aagaw buhay ay sobra siyang nasasaktan na makita nang ganoon ang kaniyang kalagayan.
“Mahabaging Bathala, iligtas niyo ang aming kaibigan!” Pikit-matang nanalangin si Sapphire at nananawagan sa kanilang Bathala na mabuhay pa ito at huwag munang kunin sa kaniya. “Hindi pa ito ang oras upang kunin niyo siya sa amin. Pakiusap aming Bathala!” dagdag pa nito habang muling tumulo ang luha nito sa kaniyang pisngi sa hindi mabilang na beses.
Hindi na alam ng dalawa ang gagawin upang iligtas ang kanilang kaibigan. Nahihirapan na rin si Zeniya na imulat ang kaniyang mga mata sa panghuling pagkakataon. Tila ito na ang kaniyang katapusan at sa isip-isip niya ay sa wakas ay mangyayari na rin ang magandang nangyari sa kaniya.
Mawawala na ang kaniyang problema sa pag-iisip na hindi na siya muling makaririnig ng masasakit na salita mula sa kaniyang mga magulang. Ngayong nalalapit na rin ang pagtatapos ng pahina ng kaniyang buhay ay masaya siya na nakilala ang kaibigan ni Zeniya mula sa ibang mundo sa maikling panahon.
Marahang pumikit si Zeniya mula sa bisig ng kaibigan at nang tuluyan na siyang pumikit ay may tumulong luha mula sa kaniyang mga mata at marahang bumulong.
“Paalam.”