"WELCOME to Wellington High School, Olga! It is so nice na you chose our school!" Nakangiting sabi ni Sabina kay Olga matapos niyang ipakilala ang kanyang sarili. Ipinakilala na rin niya sa bagong estudyante sina Alyson at Lucy.
"Salamat, Sabina... Masaya ako na kahit bago pa lang ako dito ay may mga kaibigan na ako. Hindi talaga ako nagkamali na dito ako nag-transfer..."
"Wait. Bakit ka nga pala nag-transfer?" usisa ni Lucy.
"Mahabang kwento, eh."
Kumibit-balikat si Sabina. "Kung mahabang kwento 'yan, mas mabuti sigurong sa ibang araw mo na ikwento. Hmm... Ano nga pala ang pinag-usapan niyo kanina ni... Dario?"
"Nagpaturo lang siya sa akin sa aralin natin sa Math. Nahihirapan daw kasi siyang intindihin, eh."
"Gusto mo ba siya?" diretsang tanong ni Alyson.
Lihim na napangiti si Sabina sa tanong na iyon ni Alyson kay Olga. Kanina pa siya kating-kati na itanong iyon ngunit nag-aalangan lang siya dahil baka kung ano ang isipin nito. Inaasahan ni Sabina na itatanggi ni Olga na may gusto ito kay dario ngunit nagkamali siya.
Halata ang kilig sa tono ng boses ni Olga nang sumagot ito. "Sa totoo lang, mabait si Dario... At oo, g-gusto ko siya..." Pag-amin ni Olga. Inipit pa nito sa likod ng tenga nito ng ilang hibla ng buhok na tumatabing sa pisngi.
'b***h!' Gigil na sigaw ni Sabina sa kanyang utak. 'Napakalandi mong Olga ka!'
Huminga ng malalim si Sabina sabay ngiti ng pilit. "Well, hindi naman nakakapagtaka na magustuhan mo si Dario. Heartthrob siya dito sa Wellington at talagang sikat siya lalo na sa mga kababaihan dito... Kaya lang, hindi ba nasabi sa iyo ni Dario na may girlfriend na siya?"
Natigilan si Olga sa sinabi niya. Hindi ito agad nakapagsalita. "T-talaga? May k-kasintahan na si Dario?" anito nang makabawi sa pagkabigla.
"Yes! At ang girlfriend niya ay walang iba kundi si Elizabeth Herrera--- ang weirdo ng Wellington," si Alyson ang sumagot. "We're wondering nga kung bakit pumatol si Dario sa babaeng iyon. Siguro ay ginayuma n'on si Dario. Mukha naman kasing mangkukulam ang Elizabeth na iyon!" At natapos ang pagsasalita ni Alyson sa pagtawa nito.
"Baka naman, mabait si Elizabeth kaya nagustuhan siya ni Dario..." ani Olga.
Itinirik ni Sabina ang kanyang mga mata. "Mali ka, Olga. Kung mabait si Elizabeth, bakit siya binigyan ng one week suspension? Hindi mo ba alam, binato niya ako sa ulo kahit na wala naman akong ginagawa sa kanya. Kaya kung ako sa iyo, Olga, oras na bumalik na dito si Elizabeth ay iwasan mo siya..."
"Salamat sa paalala niyo, Sabina. Hayaan niyo at tatandaan ko ang mga sinabi niyo," anito.
"So, friends ka na ba namin?" tanong ni Lucy habang nakangiti.
"Oo naman. Friends..." pagkumpirma ni Olga.
-----***-----
"OLGA! OLGA! Saglit!"
Tumigil sa paglalakad si Olga nang marinig niya sa kanyang likuran ang boses ni Dario na tinatawag ang kanyang pangalan. Uwian na ng oras na iyon at papalabas na sana siya ng gate ng school. Kokonti na lang ang estudyante na nakikita niya sa school. Sinasabay siya kanina nina Sabina sa pag-uwi pero pinauna na niya ang mga ito dahil sa may ire-research pa siya sa library para sa report niya sa English.
"Dario?" aniya nang makalapit na ang lalaki sa kanya.
Hindi agad nakasagot si Dario dahil hinihingal ito. Yumukod pa ito habang nakatuon ang dalawang kamay sa mga tuhod nito. Habol ang hininga. Napagod yata sa paghabol sa kanya.
Umayos ito ng tayo at saka nagsalita. "Maaari ba kitang ihatid sa inyo? Saan ka ba nakatira?"
Papayag sana si Olga ngunit naisip niya iyong sinabi nina Sabina na may nobya na ito kaya nakangiti siyang umiling. "Huwag na, Dario. Malapit lang naman ang sa amin."
"Eh, di mas okey. Malapit lang pala. Hatid na kita!"
"Huwag na talaga... Baka makaabala pa ako sa iyo."
"Wala naman akong gagawin, eh," pilit nito.
"Dario... Sinabi sa akin ni Sabina na meron kang n-nobya at hindi magandang tingnan na nakikipaglapit ka sa akin."
Tumaas ang dalawang kilay ni Dario. "Nakikipagkaibigan ka kina Sabina? Olga, hindi mo kilala ang grupo nila. Hangga't maaga pa ay mas makakabuti kung lalayuan mo sila."
Hindi niya pinansin ang sinabi nito. "Sige na, mauna na ako..." pamamaalam ni Olga at wala nang nagawa si Dario nang talikuran niya at ito.
-----***-----
SUMALUBONG kay Olga ang kadiliman pagkapasok niya sa bungalow-type na bahay na inuupahan nila sa ngayon. Mula sa probinsiya ng Quezon ay lumipat sila dito sa Laguna dahil sa isang dahilan.
Kinapa niya ang switch ng ilaw sa mag gilid ng pintuan. Nang bumaha ang liwanag ay nakita niya ang kanyang ina na si Sonia na nakaupo sa pang-isahang upuan at nakatulala. Sa wari niya ay wala itong ginawa mag-hapon kundi ang umupo at tumulala.
Nilapitan niya ang ina at kinuha ang kamay nito na nakayukyok. "Mano po, Nanay..." pagbibigay-galang niya.
Bata pa ang kanyang Nanay Sonia. Treinta-nueve pa lang ito.
"Nakapagluto na po ba kayo?" tanong ni Olga sa ina nang hindi ito nagsalita.
Wala siyang nakuhang sagot dito. Bumuntung-hininga siya. Ano pa bang bago? Halos isang taon na itong ganoon. Tulala at mahilig mag-isa. Minsan lang magsalita...
Hindi na lang niya pinansin ang ina. Dumiretso na siya sa silid nilang mag-ina at nagpalit ng damit-pambahay. Paglabas niya ng kwarto ay ganoon pa rin ang ayos ng kanyang ina. Nilampasan niya ito at nagtungo sa kusina na kanugnog lamang salas nila. Tama nga ang kanyang hinala na wala pang nilulutong pagkain ang kanyang ina.
Ininit na lang ni Olga ang nakita niyang adobong baboy sa kaldero habang nagsasaing.
Napapitlag siya nang biglang tumunog ang telepono na nasa salas. Hinintay niya na ang ina ang sumagot niyon ngunit nagpatuloy lang sa pagtunog ang telepono kaya siya na lang ang dumampot n'on.
"Hello?" ani Olga pagkaangat niya ng awdotibo ng telepono.
"Olga?" sagot ng babae sa kabilang linya.
"Ate Sandra!" Bumangon ang saya kay Olga nang malaman niya na ang ikalawa sa panganay niyang kapatid ang tumawag. Tatlo sila na magkakapatid at puro sila babae. Ang panganay nila ay naiwan sa Quezon upang asikasuhin ang maliit nilang sakahan doon.
Sa kasalukuyan ay wala sa Pilipinas ang dalawampu't dalawang taon na ate niya. Nakapag-asawa kasi ito ng isang sundalong amerikano at nasa Amerika na ito. Napakaswerte ng kapatid niya dahil sa maykaya ang napangasawa nito.
"Kumusta ka na, Olga? Ang nanay?" Ramdam ni Olga ang pagkasabik at kalungkutan sa boses ng kanyang kapatid. Ilang buwan na kasi simula ng umalis ito.
Nangilid ang luha sa gilid ng mata ni Olga. "Okey lang ako, Ate Sandra. Ang nanay, ganoon pa rin. Kung ano nang umalis ka, wala siyang ipinagbago... Ikaw, ate, kumusta ka diyan?" aniya at sinulyapan ang inang nakatulala pa rin.
"'Wag kang mag-alala, okey lang ako dito. Gusto ko sanang ipagamot ang nanay kaya lang nag-iipon pa ako. Magpapadala nga pala ako bukas ng pera para pambayad niyo sa bahay at pang-kunsumo niyo diyan..."
"Salamat, ate. Napakabuti mo!"
"'Ku! 'Wag kang magdrama, Olga. Ayokong umiyak ngayon!" At nagkatawanan silang magkapatid.
Matapos ang tawag na iyon ay binalikan na niya ang sinaing. Pagkaluto ay naghain na siya at pinuntahan niya ang kanyang ina upang ayain ito na kumain na.
"Sige, susunod na ako. Tatawagin ko lang si Oliver..." tukoy ng ina niya sa kanyang ama. Tumayo ito at nagtungo sa kwarto.
Naiiling na lamang si Olga na pumunta sa kusina kung saan naroon na rin ang kanilang komedor. Umupo na siya at nilagyan ng kanin ang plato. Maya-maya ay dumating na ang kanyang Nanay Sonia.
"Oliver, ang gusto ko ay sa tabi ko ikaw umupo..." nakangiting turan ng kanyang ina matapos umupo sa katapat na upuan ni Olga.
"'Nay..." saway ni Olga sa ina.
Tiningnan siya ng Nanay Sonia niya. "Ano ka ba naman, Olga?! Lagyan mo ng pagkain ang pinggan ng Tatay Oliver mo. Pagod siya sa trabaho."
"Tumigil n kayo, Nanay..."
"Napakawalang kwenta mo talaga, Olga! Hindi mo man lang pagsilbihan ang iyong ama!"
"'Nay, tama na! Isang taon na pong patay si Tatay Oliver. Hanggang ngayon ba naman ay hindi niyo pa rin iyon matanggap?" saway niya sa kanyang nanay dahil kanina pa siya kinikilabutan.
Hindi niya alam kung imahinasyon lang ba nito o talagang nakikita nito ang kaluluwa ng tatay niya na isang taon nang patay dahil sa nahulog ito sa building na ginagawa nito. Construction worker kasi ang tatay niya noong buhay pa ito. At simula nang mawala ito ay naging ganoon na ang behavior ng kanyang nanay.
Mariing umiling si Nanay Sonia. "Hindi! Hindi pa patay si Oliver! Ano bang kahangalan iyang sinasabi mo, Olga?!" bulyaw sa kanya nito.
"'N-nay..." sambit niya. Ang totoo ay naaawa siya dito dahil sa depresiyon na pinagdadaanan nito.
"Umalis ka! Ayokong makasabay ka sa pagkain!"
Dahil ayaw niyang umiyak sa harap ng kanyang ina ay tumayo na si Olga at nagtungo sa kwarto at doon ay ibinuhos niya ang emosyong kanina pa gustong kumawala sa kanya.