PART 4

1936 Words
HINDI pa man siya nagtatagal sa pagkakaupo sa corridor ay nakita niyang lumabas narin ng classroom si Michelle. “Pwede ako dito?” tanong nitong itinuro ang tabi niya. Natawa siya saka muna pinagmasdan ang mukha nito bago nagsalita. “Sure” aniya. Ilang sandali pa, gaya kanina pareho nanaman nilang pinagsaluhan ang matindi at nakabibinging katahimikan na iyon. Ang totoong nagpapahirap sa kanya, ang kakatwang damdaming nararamdaman niya para kay Michelle. At ang kabuhayan niyang nagbibigay ng matinding insecurity sa kanya. Ni ngayon nga wala akong pambili kahit buko juice lang, paano pa kapag naging girlfriend kita? Ikaw ang gagastos para sakin? Hindi ko gusto iyon. Mabilis na protesta ng isipan niya saka siya wala sa loob na napabuntong hininga para lang matigilan nang marinig na ginaya iyon ng katabi niyang dalaga. May mga pagkakataon naman kasi talagang pumapasok siya nang walang baong pera. At iyon ang talagang dahilan kung bakit mas pinipili niyang maglakad kahit noon pa man. “Hey!” aniyang nangingiti nang hindi makatiis. Nangingislap ang mga mata siyang tiningala ni Michelle. At noon nga nagtama ang kanilang paningin. Kung gaano katindi ang ginawa niyang pagpipigil para huwag itong kabigin at halikan ay hindi niya masabi. Totoong tukso sa kanya ang mapupula nitong mga labi, ang mabango nitong hininga. Pero alam niyang hindi niya dapat na nararamdaman iyon. Kaibigan ang turing sa kanya ni Michelle. “Kanina ka pa kasi eh, ayaw mo namang sabihin kung anong nangyayari sa’yo samantalang andito lang naman ako” humimig pang tila nagtatampo ang dalaga kaya hindi niya napigilan ang mapangiti. “Ginagaya mo ako eh” aniyang ang tinutukoy ay ang pagbuntong hininga niyang ginaya ng dalaga. Umikot ang magagandang mga mata ni Michelle. “Ganito nalang, tutal ayaw mo namang magsalita, gagayahin nalang kita. Kung paano ka huminga, in that way kahit hindi tayo nag-uusap madamayan kita.” Hinaplos ng mainit na damdamin ang puso ni Ace sa sinabing iyon ng dalaga. At ang mainit na damdaming iyon ang nagbigay ng lakas ng loob sa kaniya para hawakan ng mahigpit ang isa nitong kamay. MARAHAS na napasinghap si Michelle sa ginawing iyon ng binata. At kasabay ng malakas na boltahe ng kuryenteng nanulay sa kabuuan niya ay ang masarap na kilabot na mabilis niyang naramdaman. Minabuti niyang bawiin ang sariling kamay mula kay Ace pero hindi iyon binitiwan ng binata. Sa halip ay mas hinigpitan pa nito ang pagkakahawak doon kaya wala sa loob siyang napatitig rito. “Please?” anito sa nakikiusap pang tinig sabay kindat. Nag-iinit ang buong mukha siyang tumango saka nagbaba ng tingin at hinayaan ang binata sa gusto nitong mangyari. Nanatiling magkalapat ang mga palad nila. At may palagay siyang hindi babalik sa normal ang t***k ng puso niya hangga’t nasa ganoong ayos sila ni Ace. Pero parang wala rin namang balak ang binatang bitiwan ang kamay niya. Nang matanawan marahil ng binata ang papalapit na bulto nina Lhea ay agad nitong binitiwan ang kamay niya. “Thank you sa pagdamay” bulong nito. Humaplos sa mukha niya ang mabango nitong hininga kaya siya pinanuyuan ng lalamunan. “Y-You’re welcome” sagot niya saka tumawa ng mahina. Maganda ang kislap ng mga matang ngumiti si Ace. Pagkatapos ay tumayo ito saka iniabot sa kanya ang kamay para siya alalayan. Hindi niya alam kung dahil iyon sa madulas na sahig ng corridor na alaga sa floorwax kaya siya nawalan ng balanse at kamuntik nang matumba. Mabuti nalang at agad na nahawakan ni Ace ang baywang niya kaya hindi siya natuluyan. At iyon ang nakitang eksena ng mga kaibigan niya. “Ay wala akong nakita!” buska ni Lyn na sinundan ang sinabi ng impit na hagikhik. Noon niya inayos ang sarili saka nilingon si Ace na ngumiti naman sa kanya. “Thanks” bulong niya sa binata. “Baka naman meron na kaming kailangang malaman na hindi ninyo inaamin ha?” si Lhea iyon na nahuli niyang siniko sa tagiliran si Myka. “Oo nga” salo ni Myka. “sige na umamin na kayo kasi magbabarkada naman tayo eh” dugtong pa nito. “A-Anong sinasabi ninyo?” sa wakas ay nakaisip rin siya ng pwedeng sabihin. Tumingi sa kisame si Myka saka pinaglipat-lipat ang paningin sa kanilang dalawa ni Ace. “Iyong nakita namin ano pa?” Pagak siyang natawa sa kabila ng matinding pamumula ng mukha. “Hoy huwag nga kayong ganyan! Baka mamaya may makarinig isipin totoo” saway niya sa mga ito. Nagkibit lang ng balikat nito ang tatlo saka pumasok sa loob ng silid. Sa labi ng mga ito ang hindi naniniwalang ngiti kaya lalo siyang kinabahan. “Hayaan mo na sila, binibiro lang naman tayo” si Ace nang pareho na silang nakaupo. “O-Okay” sang-ayon niya. Maganda ang pagkakangiting isinandal ni Ace ang likuran sa sandalan ng upuan. Ilang sandali bago nito muling inilapit ang mukha sa kanya at saka nagsalita. “Bakit ang ganda mo? Simple pero napakaganda” puno nang paghanga nitong sambit habang titig na titig sa kanya. Napigil ni Michelle ang paghinga sa sinabing iyon ng binata saka mabilis na umiwas ng tingin at muling binuklat ang binabasang pocketbook kanina. “M-Mambobola ka talaga” aniyang nagpilit pang tumawa kahit pa pinanginigan na siya ng tinig. “Totoo, maganda ka. Hindi mo ba nakikita at nararamdaman iyon kapag tinititigan kita? Subukan mo rin kasi akong basahin para mapansin mo iyong mg importanteng detalye sa mga kilos ko” makahulugan ang sinabing iyon ni Ace kaya siya napatitig ng matagal rito. Nagbuka siya ng bibig para magsalita pero naisip niyang hayaan nalang ang sinabing iyon ng binata. Kahit ang totoo, nang mga sandaling iyon ay nilamon ng matinding kalituhan ang isipan niya. PRESENT DAY…             “PULL OUT daw muna ako, may emergency si Jenna eh, hindi nakapasok” kinabukasan araw ng Sabado ay bungad ni Mitch kay Lily. Ang tinutukoy niyang Jenna ay ang kasamahan nilang nurse na naka-assign sa PICU o Pediatric Intensive Care Unit kung saan ang mga pasyente ay mga batang hindi humihigit sa edad na eighteen.             Tumango ang kaibigan niya. “Go, kaya mo iyan” anitong sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.             “Lahat naman dapat kayanin, kasi buhay ang hawak natin hindi ba?” sagot niya.             “Yeah, oo nga pala tuloy tayo mamaya ha? Nasabi na kita kay Erwin at interasado siya sa’yo” ani Lily na kinikilig pang inikot ang mga mata.             Natawa siya doon. “Oo na, grabe talagang ibinubugaw mo na ako ah? Parang mas kabado ka pa sakin ah?” Inirapan siya ni Lily bagaman nakangiti. “Mahal kasi kita at ayokong umaasa ka sa wala” anito. “Alam ko, pero sana huwag ka munang mag-expect. Alam mo namang hindi ganoon kadaling turuan itong pasaway kong heart eh” aniyang pinaunahan na ang matalik na kaibigan. “Eh bakit kasi hindi mo pilitin? May magagawa pa ba iyan pag gusto mo na?” sermon nito sa kanya. Huminga siya ng malalim saka nagpaliwag. “May pagmamahal na kahit magkalayo, nararamdaman. Kahit walang pinagkasunduan, parang mayroon. Kaya ang puso alam ang gagawin. Patuloy itong aasa at hindi mapapagod maghintay hanggang sa muli nilang pagkikita” siya man ay nasorpresa sa sinabi niyang iyon dahil gaya niya, ganoon rin ang emosyong nakita niyang rumehistro sa mukha ni Lily. “Basta, mamaya okay?” ang sa halip ay isinagot ng kaibigan niya. Tumango siya. “Sige mauna na ako” paalam pa niya saka na tinungo ang PICU ng ospital kung saan siya du-duty.             “SIR, sir Ace si N-Nina po!” ang umiiyak na bungad kay Ace ni Juliet nang umagang iyon.             Mabilis siyang kinabahan at mula sa pagkakasubsob sa maraming trabahong inuwi niya ay agad siyang napatayo. “A-Anong nangyari sa kanya?” iyak lang ang isinagot sa kanya ni Juliet kaya malalaki ang mga hakbang siyang lumabas ng silid at pagkatapos ay nang kabahayan.             Hindi niya alam kung bakit nang matanawan niyang bukas ang gate ay lalong tumindi ang kabang nararamdaman niya. Halos takbuhin niya iyon para lang manlamig nang mabungaran ang iniiyak ni Juliet.             “A-Anong nangyari? Bakit nagkaganito ang anak ko?” ang kabang nararamdaman niya ay tuluyan nang napalitan ng takot. Matinding takot saka nagmamadaling nilapitan ang anak niyang nakahiga sa kalsada at duguan ang ulo. Nasa tabi nito si Aling Doray, ang matandang katulong na siyang kasama nila sa bahay na katulad ni Juliet ay umiiyak rin. Habang nakita naman niyang bumaba ng sasakyan ang isang binatilyong nagmamadaling lumapit sa kanila.  “H-Hinubad ko po ang helmet niya kasi kakain siya ng meryenda.Pero pagtalikod ko pinasibad niya ang bike niya. Kaya po siya nahagip ng paparating na kotse, tapos tumilapon po siya” ang humahagulhol na paliwanag ng yaya.             “Dalhin natin siya sa ospital” ang lalaki nang makalapit. “I’m sorry bigla nalang siyang lumitaw kaya nahagip ko siya ng hindi sinasadya” ang magkakasunod na paliwanag ng binatilyong halatang takot na takot.             Gustuhin mang magalit ni Ace pero alam niyang hindi iyon ang tamang oras kaya hindi na niya hinintay ang iba pang sasabihin ni Juliet. Kasunod ito ay pinangko niya ang anak na walang malay saka nagmamadaling isinakay sa kotse para isugod sa ospital. Habang daan ay totoong nag-iinit ang mga mata niya dahil sa nagbabadyang mga luha. Pero kailangan niyang magkontrol, gaya nalang ng paniniwala niyang hindi mapapahamak si Nina at hindi ito mawawala sa kanya.             “PATAWAD po sir Ace, hindi ko po talaga ginusto ito na mangyari kay Nina” ang walang tigil paring hingi ng paumanhin ni Juliet sa kanya habang nasa labas sila ng emergency room at tinitingnan ng doctor ang kanyang anak.             Tumango siya saka niyakap ang yaya ng anak niyang nasa mid-twenty ang edad. “A-Alam ko, naniniwala ako sa kwento mo at alam kong hindi mo sasaktan ang anak ko” totoo iyon. Dahil mismong si Aling Doray narin ang nagpatunay sa kanyang aksidente ang nangyari.             Pagkatapos nilang kumain ng almusal ay nagpaalam si Nina sa kanya na magba-bike. Pinuntahan siya ng anak niya sa kanyang kwarto kasama ang yaya nito at nagpaalam. At dahil village naman at bihira ang mga sasakyan ay pumayag siya. Bukod pa sa panatag siya dahil nandoon si Juliet.             Ang kwento ni Juliet ay iniwan nitong sandali si Nina na nakasakay sa bisikleta nang maglabas ng meryenda si Aling Doray para sa bata. At dahil nga nakatalikod ang yaya ay mabilis na pinatakbo ng anak niya ang bisikleta. Noon naman sumulpot ang isang kotseng nakahagip kay Nina kaya tumilapon at nabagok ang ulo ng bata. Hindi rin naman magkandatuto sa paghingi ng paumanhin si Gary, ang binatilyong nakabangga kay Nina. Handa itong makipagtulungan maging ang pamilya nito mapabuti lang ang bata. Pero hindi naman pera ang problema niya, at hinihintay pa niya ang resulta sa pag-aaral na gagawin ng mga pulis sa mismong CCTV ng kanilang village bago niya simulan ang susunod na hakbang.              “Doc” nang bumukas ang pintuan ng ER at iniluwa ang doktor na tumitingin kay Nina.             Huminga muna ng malalim ang matandang doctor bago nagsalita. “Tatapatin na kita hijo, malaki ang chance na ma-comatose ang anak mo” deretsahan nitong sabi.             Nanlamig si Ace sa narinig habang si Juliet naman ay napalakas ang iyak. “A-Ano ho?”             Tumango ang matandang doctor. “Sa lakas ng bagsak niya nang tumilapon siya malaki ang chance na mangyari iyon. Sa ngayon hindi pa natin masasabi kung hanggang kailan. Ililipat natin siya sa PICU o Pediatric Intensive Care Unit at doon muna siya hangga’t hindi siya nagkakamalay” anito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD