Matagal na siyang pinagmamasdan ni Dale Arvid. Isang magandang dalaga, nga lang nakasuot ng round eyeglass at matahimik. Itim ang buhok at mga mata nito. Ang pangangatawan naman ay sakto lamang. Hana Dmitri ang pangalan ng dalaga.
Marami ang nagkakagusto sa babaeng ito. Ngunit dahil sa pagiging suplada dala siguro ng pagkamahiyain, kaya malimit na namamansin si Hana. Hanggang ngayon ay iilan lamang ang mga kaibigan nito.
Kasalukuyan ay nasa parehong silid sina Dale at Hana. Magkaklase kasi sila sa parehong kurso na kinuha. Ngunit kahit isang buwan na ang nakakalipas nang magsimula ang klase, hanggang sa pagkakataong ito ay iilang salita pa lamang ang nabibitiwan ng dalawa sa isa’t isa.
“Okay, everyone. See you on next meeting. Class dismiss,” wika ng General Chemistry teacher nila na agad ding umalis sa silid.
Nang marinig iyon ay tila wala man lang lakas para magbunyi ang section ng ME1E dahil tapos na ang klase nila sa hapong ito. Marahil pagod na ang mga ito matapos ang buong apat na oras na puros mga chemicals lamang ang napapakinggan.
Isa-isa na ngayong naglilipit ng mga gamit ang mga estudyante para makaalis na rin sa classroom. Si Dale naman habang nagliligpit din ng mga gamit ay pasimple pa ring napapasulyap kay Hana. Nakita niya ang matahimik na kaklase na nilapitan ng tatlo pa nilang kaklase. Nagkwentuhan ang mga ito sunod. Si Hana ay mga tipid na salita lamang ang binibitiwan na paminsan-minsan ay tumatawa. Sa tingin ni Dale, ang tatlong lumapit kay Hana ay ang mga natatanging kaibigan ng kaklaseng matahimik.
“Oh, Dale, hindi ka pa riyan tapos?”
Mula ang pansin sa apat na magkakaibigan ay mabilis na napalingon si Dale sa kaliwa nang may narinig ditong napakapamilyar na boses na tinatanong siya. Nang magtama ang tingin nila ay agad na napangiti si Dale sa katitig. Kasalukuyan siyang tinutungo ng napakagandang babae na magiging asawa niya sa hinaharap. Siya ay si Jess Bourbon na ipinagkasundo na ipikasal kay Dale kapag naging bente-singko na silang pareho.
“Ah, hindi pa,” sagot ng binata sa tanong ni Jess kung tapos na siya. Muling ipinagpatuloy ni Dale ang pagliligpit ng mga gamit. Saktong pagkatapos niyang ipasok sa bag ang periodic table ay napuntahan na siya ni Jess sa kinauupuan.
“Ahm, Dale, pagkalabas natin dito sa classroom, diretso muna tayo sa banyo, ha?”
“Iihi ka?” agad na tanong ni Dale.
“Hindi naman. Pero sa tingin ko ay iihi na rin ako pagkatapos kong mag-me-makeup.”
“Grabe, mag-me-makeup ka talaga? Gusto mo talagang magmukhang maganda sa mga magulang ko, ‘no?”
“Siyempre naman, Dale. Isang beses lang ito bawat buwan kaya dapat lang na maging presentable ako sa harap ng pamilya mo.”
Ang pinag-uusapan ngayon ng dalawa ay ang tungkol sa magaganap na salu-salo mamayang 6:30 ng gabi. Dadaluhan iyon ng pamilya ni Dale at pamilya ni Jess. Ginagawa nila ito tuwing unang Miyerkules ng bawat buwan. Ito ay para mapanatili ang magandang relasyon sa pagitan ng dalawang pamilya at bilang preperasyon na rin sa tuluyang pag-iisang dibdib ng mga panganay nila pagdating ng tamang panahon…
“Pasok na ako, Dale,” wika ni Jess nang tuluyan na nilang masapit ang pinakamalapit na comfort room mula sa classroom nila.
“Sige,” patango-tangong tugon ni Dale at pinagmasdan ang kasintahan na pumasok sa banyo. Dahil sa hindi naman siya naiihi, ang ginawa ni Dale ay sumadal na lang sa pader habang hinihintay na matapos ang kasintahan. Pinagmasdan niya ang tanawin ng malawak na BSU na pagmamay-ari ng pamilya ni Jess na susunod nang ipapamana sa panganay nila kapag naikasal na ito kay Dale.
Nang…
Sa patuloy na pagtingin-tingin ni Dale sa paligid ng BSU o Bradford Sauvignon University ay may naaninag siyang isang taong naglalakad sa kanan niya. Itinuon niya ang paningin dito at nakita ang isang babaeng estudyante. Kung magpapatuloy lamang ito sa paglalakad ay sigurado si Dale na dadaan ang babae sa tapat niya.
Kilala ni Dale ang naglalakad na estudyante. Kaklase niya ito at huling nakita bago umalis ng classroom. Ngunit kahit na matahimik ito at hindi palakaibigan, pagtataka pa rin ni Dale kung bakit ito mag-isa ngayon. Kanina kasi bago sila umalis ni Jess sa classroom, nakita niya pa si Hana na kakwentuhan sa tatlong kaibigan nito. Ngunit kung titingnan mo ngayon, tila iniwanan na siya ng mga ito. Ano kaya ang dahilan?
“Hello, Miss Dmitri,” simpleng sabi ni Dale nang dumaan na ang kaklase sa tapat niya. Ngunit nang inaakala ng binata na tutugon sa kanya ang dalaga, sa pagtataka niya ay binigyan lamang siya nito ng tingin bago muling itinuon ang mga mata sa nilalakaran. Naiwan si Dale na napapatanong sa sarili kung may mali ba siyang sinabi para pagsupladahan ng kaklase.
“Parang wala naman?” mahinang wika ni Dale at pinagpatuloy lamang ang pagtingin kay Hana hanggang sa mawala na ito sa paningin niya. Lumiko kasi ito pakanan.
Si Hana Dmitri ay isang matalinong estudyante. Magaling sa Academics, ganoon din sa demonstration. Katunayan, kung nagbibigay lang ng mga ranking ang paaralan ay walang duda na nasa top si Hana sa section nila. Ngunit kung babasihan ngayon ang naging tugon sa kanya ni Hana, parang hindi nito kilala si Dale. Posible kayang may ganoon? Na hindi kilala ng isa sa pinakamatalino sa klase nila ang kaklase nito?
“Dale, may problema ba?”
Mula ang tingin sa pinaglikuan ni Hana ay mabilis na napalingon si Dale sa banda kung saan niya narinig ang nagtanong sa kanya.
Agad naramdaman ni Dale na tumigil ang mundo niya nang makita ang babaeng mahal na kahit simpleng makeup lang ang inilagay sarili ay para nang dyosa sa ganda nito ngayon.
“Ah, wala,” parang natutulala na sabi ni Dale. “May dumaan lang, pinansin ko pero hindi ako pinansin balik.”
“Hala talaga? Baka hindi ka kilala?”
“Hayaan mo na. So, okay na ang lahat?”
Tumango naman si Jess. “Oo.”
Kayanaman, mula sa kinaroroonan ay tinungo na ng dalawa ang sasakyan ni Dale. Pumasok sila rito at bumiyahe papunta sa isang magarang restaurant. Pagkarating nila sa lugar ay nalaman nilang sila na lang palang dalawa ang hinihintay. Inukopa nila ang magkatabing bakanteng upuan. Sa hudyat ni Lance Arvid na tatay ni Dale Arvid ay sinimulan na ng dalawang pamilya ang hapunan.
“So, kumusta ang pag-aaral ninyong dalawa, Dale at Jess?” tanong ni James Bourbon sa anak nito na si Jess Bourbon at sa mapapangasawa nito kalaunan na si Dale Arvid. Kung si Lance Arvid ay nakaupo sa kanang dulo ng mahabang mesa, si James Bourbon naman ay nakaupo sa kaliwang dulo. Ang dalawang ilaw ng tahanan naman na sina Denise Arvid at Jane Bourbon ay napapagitnaan ng mga kanya-kanyang asawa at ng mga panganay nilang anak na sina Dale at Jess. At kung ang mga ina at mga panganay ng mga ito ay nakaupo sa kaliwang banda ng mesa, ang apat namang ibang mga anak ng pamilya Arvid at Bourbon ay nakapwesto sa kanang bahagi ng mesa. Dalawa rito ay mga anak ni Lance at Denise na si Cale na kambal ni Dale, at ang bunso nilang si Nilan Arvid. Sa kabilang banda, ang dalawa pang iba ay mga anak nina James at Jane na sina Ace na pangitna at si Anne na bunso.
Nagkatitigan muna sina Dale at Jess bago nagkasundo ang dalawa na si Dale na ang tutugon. “So far ay okay naman po, Tito. Nakakaya at kinakaya .”
Dahil sa hindi pa kasal kaya ‘Tito’ na muna ang tawag ni Dale sa magiging father-in-law nito kalaunan. Okay naman ito sa lahat kasi nakakaasiwa nga naman kung tatawagin na niya agad itong ‘Papa’ kahit na hindi pa sila nag-iisang dibidb ng anak nito.
“Kung alam mo lang kung ano ang naging struggle ni Mama Denise mo, Dale, sa college ay tiyak matatawa na mamangha ka sa mapapakinggan mo,” wika ni Jane at muli nang sumubo ng makakain.
“Ah, opo, Tita Jane, naikwento na sa akin nina Mama at Papa ang tungkol diyan,” pasimpleng sabi ni Dale. “Siguro super na-enjoy n’yo ang mga college life n’yo no?”
“Oo naman, Anak,” agad na tugon ni Denise sa panganay. “At tiyak sa inyong generation ay ma-e-enjoy n’yo rin. Kaya nga rin namin kayo nilagay sa section ME1E ay para hindi kayo ma-focus sa kompetisyon sa pag-aaral at mai-enjoy n’yo lang ang buhay estudyante. Pero Baleeng Jane, grabe ka sa akin sa ‘struggle’ ko sa college, ha?”
Dahil sa narinig ay nagtawan ang lahat ng mga miyembro ng parehong pamilya.
Sa pagpapatuloy ng dinner ay marami pang pagkukwento ang naganap. Mayroon napunta ang pag-uusap sa panliligaw ni Lance kay Denise at sa panliligaw rin ni James kay Jane, sa mga roadtrip ng mga ito kasama pa ang iba nilang mga college buddies, tulungan sa thesis, sama-sama na review para sa board exam, at ang sabay na pagkapasa nila sa pagkuha ng mga lisensya at pagkakaroon ng ‘Engineer’ na titulo bago ang mga pangalan nila.
Pasado alas nuebe ng gabi ay nagdesisyon na ang dalawang pamilya na tapusin na ang hapunan. Dahil sa may sariling sasakyan, matik nang si Dale ang maghahatid sa girlfriend nito. Ngunit nang naihatid na niya si Jess papauwi sa bahay nito…
Sa isang madilim na eskinita habang namamaneho ng sasakyan si Dale pauwi sa bahay nila ay may nakita siyang dalawang motorsiklo’ng nakaparada . Nakabukas ang mga headlights nito dahilan para magkailaw rin ang paligid ng lugar. Sa may hindi kalayuan sa motorsiklong iyon ay may tatlong tao ang nakatayo. Pareho ang tatlong naka-helmet. Pero unang tingin mo pa lang sa mga taong ito, mapapasabi ka talagang may problema.
Paano ba kasi, ang isang naka-helmet na may hulmang babae ang katawan ay tinututukan ng kutsilyo ng isa sa dalawang tao na may lalaki ang hulma ng katawan. Dahil sa tingin ni Dale na magiging dehado ang babae, agad na itigil ng binata ang minamanehong sasakyan para lumapit sa tatlong naka-helmet.
“Ano ang ginagawa n’yo?” tanong ni Dale nang makalapit na nang husto sa tatlong tao na hindi kita ang mukha. Pati kasi ang mga eyeshield ng helmet nila ay nakababa.
“Huwag kang makialam dito! Umalis ka na bago ka pa namin isunod pagkatapos ng babaeng ito,” sabi ng lalaki na may hawak ng kutsilyo.
“Ano ba ang problema?” kalmadong tanong ni Dale dahil wala namang magandang idudulot kung ikakatakot na niya ang ganitong senaryo. Tutukan pa lang ito ng kutsilyo, wala pang baril na ipinapalabas.
“Ang babae kasing ito ay pinakialam ang tina-target sana naming holdapan,” sagot ng lalaki na kasama ng tumututok ng kutsilyo sa babae. “Ayon nakatakas. Kaya hinabol namin ang babaeng ito at nasundan hanggang dito.”
Sa kabilang banda, tuwid lamang na nakatayo ang naka-helmet na babae na hindi alam ni Dale kung natatakot na ba ito at nanigas na lamang sa kinatatyuan.
“Pwede n’yo na lang ba pakawalan ang babae? Kawawa naman kasi siya kapag sinaksak n’yo.”
“Ah, maawa kami sa kanya samantalang hindi siya naawa sa amin at sinabotahe ang binabalak naming holdapin?” tanong ng nanunutok ng kutsilyo.
Napakunot naman ang noo si Dale dahil sa narinig. Napaisip ito sunod sa mas mainam nga gwain. Hanggang sa may pumasok na nga sa utak nito. Sabi ni Dale, “Paano kaya kung ganito na lang. Papakalwalan n’yo ang baabe, at ibibigay ko na lang ang nakuha n’yo sanang pera sa hinoldap n’yo?”
Ngunit nang sa tingin ni Dale ay sasang-ayon na ang mga lalaki, ikinagulat nito ang mabilis na pagsalita ng babae.
“Gago ka ba?” tanong nito na sa tingin ni Dale ay siya ang pinatuturingan ng babae dahil ang helmet nito ay nakaharap sa kanya. Pagpapatuloy niya, “Huwag ka ngang magbiro ng ganyan. Kalalaking tao, iyan ang inaalok. Mr. Arvid, tingnan mo ako kung paano ako makikipagtransaksyon sa mga tamad na taong ito.”
Mula sa kinatatayuan ay nakita ni Dale kung paano inisa-isa ng babaeng naka-helmet ang dalawang lalaki. Ang bilis ng mga galawan nito na mapapasabi ka na lang na experienced ang babae sa melee combat. Nagpatuloy ang p*******t ng babae hanggang sa tuluyan nang natumba ang dalawang kalaban dahil bali na ang parehong pares ng mga paa at kamay nila. Mula ang pansin dalawang nakahilatang lalaki na umaaray ngayon sa sakit, sunod na pinuntahan ng babae si Dale.
“Mag-aral ka na lang nang mabuti, Mr. Arvid. At kapag naging twenty-five ka na ay magpakasal ka na at maging ama. Akala mo kung sinong astig-astig sa paaralan, wala naman palang magagawa kundi mag-alok lang ng pera kapag nagkagipitan na ang sitwasyon.”
Sumakay na ang babae sa motorsiklo at naiwan si Dale na nakatayo at takang-taka sa bilis na pag-ikot ng pangyayari.
Mga tanong ni Dale sa sarili: sino ang babae at bakit kilala siya nito?