Masayang-masaya si VENICE habang nakaupo siya sa garden ng mansyon. Isang araw na ang nakalipas pero hindi parin matanggal ang ngiti niya sa labi.
Panay nga ang haplos niya sa eternity necklace na bigay ni Damon. Ang ganda kasi, at hindi siya magsasawa na hawakan iyon.
"Babe, heto na ang buko na gusto mo. Nilagyan ko ng powder milk 'yan." sabi ni Damon na inutusan niya na ikuha siya ng gatas. Natatakam kasi siya bigla rito. Nilapag nito iyon sa harap niya kaya kinuha niya agad at sumimsim. Naupo naman si Damon sa tabi niya at inakbayan siya.
"Hmm. Ang sarap. Salamat, Daddy." nakangiti niyang sabi kay Damon na kinangiti nito habang pinaglalaruan ang buhok niya.
"Ang sarap pala lalo pakinggan na tinatawag mo ako na Daddy. Isa pa nga. Gusto ko ulit marinig." sabi ni Damon.
"Daddy." nakangiting sabi ni Venice habang sumasandal kay Damon.
"Pakiss nga ako." sabi ni Damon habang humahalik ito sa pisngi niya.
"Ano ba! Nakakakiliti ang balbas mo." natatawang sabi ni Venice at umalis sa pagkakasandal kay Damon. "Ah!" pero napahinto siya ng may maramdaman na kakaiba sa tiyan niya.
"Bakit, babe?" nag-aalala agad na tanong ni Damon sa kanya, habang hinahawakan siya ito.
May sumipa sa tiyan niya at alam na niya kung ano ito. Napangiti siya na tumingin kay damon. "Daddy, sumisipa si baby." nakangiti niyang sabi rito.
"Really?" agad din na napangiti si Damon. Tumango si Venice sa kanya kaya agad niya itong inayos ng upo at siya naman ay niyuko ang ulo at tinapat ang tenga sa tiyan nito upang pakiramdaman ang sinasabi nito. At tuwang-tuwa siya na sumisipa nga ito tila naglilikot sa loob ng tiyan ni Venice. "Our baby boy is so happy, babe." tuwang-tuwang sabi ni Damon. "Baby, I'm your daddy. You love me, right?" kausap niya sa supling na nasa loob pa ng tiyan ni Venice. Sumipa ulit tila sumasagot sa sinasabi niya. "Whoa! He love me, Babe." tuwang-tuwang bulalas ni Damon na kinangiti ni Venice. Masaya siya dahil talagang natutuwa si Damon dahil sa magiging anak nila. Noon, akala niya ay hindi na siya makakatagpo ng isang lalake na mamahalin siya, aalagaan, at pananagutan. Kasi, marami na din siyang nakikita na magkasintahan, tapos 'pag buntis na ang babae ay iiwanan nalang dahil natatakot at hindi kayang panagutan. Pero humahanga din siya sa mga kapwa niya kababaihan na nakakaranas no'n. Dahil kahit na iniwan ay naging matatag at mas nagpursige pa sila upang ipagpatuloy parin ang buhay kapiling ng anak.
Napakaswerte niya at ibang-iba si Damon. Kahit na parang pakiramdam niya ay hindi siya bagay kay Damon ay pinaparamdam naman nito na magkapantay lang sila. Parang ito 'yung bumaba para lang mapantayan at masabay siya sa buhay niya.
"Mukhang nagkakasiyahan kayo, ah?" napaangat sila ng tingin ng magsalita si Celine na kasama si Peter at Erika.
Tumayo si Damon habang si Venice ay umayos ng upo.
"What are you all doing here?" tanong ni Damon.
"Aayain ka sana namin. Kaso buntis ng pala si Venice." sabi ni Celine at lumapit kay Venice at humalik sa pisngi nito. "Ilang months na ang tiyan mo?" tanong pa nito.
"Four months and Twenty days." tugon ni Venice na nakangiti habang hinahaplos ang tiyan.
"Konting panahon nalang pala at magkakaanak na kayo." nakangiting sabi ni Celine sa kanya.
"Oo nga." sagot niya at tumingin kay Peter na kausap si Damon. Napatingin siya kay Erika na ilag parin ang turing sa kanya. "Oo nga pala. Saan ba dapat kayo pupunta?" tanong niya kay Celine.
"Sa bar sana para i-celebrate ang anniversary ni Peter at Erika. Kaso hindi ka nga pala pwede dahil bar iyon. Mausok at puro alak. Bawal sa kalagayan mo." sabi nito sa kanya kaya napatango siya. Napatingin siya kay Damon na wala atang balak na sumama.. Simula ng magbuntis siya ay hindi na ito masyadong nakakalabas at nakakapag-enjoy sa mga kaibigan nito ng dahil sa kanya. Lagi nitong inaalala ang kalagayan niya kaya hindi ito umaalis sa tabi niya.
"Damon, sumama ka na." sabi niya rito na kinalingon nito sa kanya.
"Hindi pwede, Babe. Wala kang kasama rito." sabi nito.
"Huwag kang mag-alala sa akin. Matutulog din naman ako mamaya. Kaya sige na, nandyan din naman ang Mama mo at ilang kasambahay." pagpilit niya rito. Napahinga ito ng malalim.
"Okay. Hintayin n'yo nalang ako at magsha-shower lang ako saglit." sabi ni Damon kela Peter at inalalayan si Venice na tumayo. "Babe, doon ka nalang sa loob at mahamog na rito." sabi niya rito at binuhat ito na kinatili nito kaya napahalakhak siya.
"s**t Ka! Aatakihin ako sa 'yo." sabi nito sa kanya at pinalo ang dibdib niya.
"Syempre para hindi ka na mahirapan maglakad pa." nakangiti njyang sabi rito habang lumalakad papasok habang buhat-buhat si Venice.
Naiwan sa labas si Celine, Erika, at Peter.
"Bakit tila close na kayo ng babaeng iyon, Celine?" naiiritang tanong ni Erika at naupo sa isang upuan.
"Naisipan ko kasi, na magbagong buhay." nakangiting sabi ni Celine na naupo din at nagc-ross legs. Nak-asexy dress ito na makapal ang make-up at maging ang labi ay mapula ng dahil sa Red Lipstick. Naka-black backless dress ito at black high heels.
"b***h, ako ba ay pinagloloko mo? Ikaw magbabago? Don't me." mataray na sabi ni Erika.
Ngumisi lang si Celine at nakibat-balikat.
-
Sa kabilang Banda
"Babe, sure ka ba na gusto mo akong umalis? Paano kung manakit ang tiyan mo? Tapos wala ako sa tabi mo?" nag-aalangan na sabi ni Damon.
"Huwag ka nang mag-alala sa akin, Daddy. Promise tatawagan kita kung may mangyari. Tsaka saglit lang naman kayo doon, 'di ba?" ani nito habang inaayos ang pagsuklay sa buhok niya.
"Oo naman, uuwi agad ako. Kung ako lang ay ayoko nang sumama. Ikaw kasi." aniya habang nakahawak sa baywang nito. Nahinto ito sa pagsuklay ng buhok niya at kinurot nito ang pisngi njya na kinangiwi niya.
"Talagang sinisisi mo pa ako. Mabuti nga at makakalabas ka paminsan-minsan kasama ng mga kaibigan mo, para naman na hindi lang laging ako ang inaalala mo." ungos nito sa kanya.
"E, mas gusto ko na laging ikaw ang kasama ko. Wala akong panahon sa pagbabarkada. Gusto kong ma-focus lang ang atensyon ko sa 'yo at sa magiging baby natin." seryoso niyang sabi sa nobya at hinaplos haplos ang baywang nito.
"Tumigil ka na nga! Kinikilig ako." nangingiting sabi ni Venice at mahinang hinampas ang dibdib niya.
Napangiti din siya. "Hindi ako titigil para lalo kang ma-in love sa akin." tukso niya rito at ninakawan ng halik ang labi nito.
"Oo na. In love na in love na ako sa 'yo. Umalis ka na nga, para maaga ka ring makauwi." tugon nito.
"Okay. Ibibilin nalang kita kela manang at 'wag ka nang lalabas." sabi niya rito.
"Okay." sabi nito at tumango. Hinalikan muna niya ito ng malalim at sa noo nito.
"Mahiga ka na at aalis na ako.." sabi niya rito na kinatawa nito.
"Bitawan mo kaya muna ang baywang ko nang makaalis ka na." natatawa nitong sabi.
"Parang ayokong umalis, Babe. Sandaling oras lang kita hindi makita namimiss na agad kita." nakangiti niyang sabi at inakbayan ito palapit sa kama. Inalalayan niya na mahiga ito at inayos ang kumot nang makahiga ito.
"Sige na, umalis ka na at naghihintay na sila Celine. Matutulog na ako. At ayos din na mamiss mo ako para lalo mo akong hanapin." sabi nito na kinangiti niya lalo. Hinalikan niya ulit ang noo nito at umayos na ng tayo.
"Sige, aalis na ako. Tawagan mo ako 'pag may problema." bilin niya rito na kinatango nito.
"Ingat ka, Daddy."
Tumango siya at lumabas na ng kwarto nila. Napabuga siya ng hangin ng masara ang pinto. Ayaw niya sanang sumama dahil mas gusto niya na bantayan lang ito. Bakit kasi naisipan na puntahan siya nila Peter dito.
Paglabas niya ay nakita siya ng mga ito.
"Let's go." aya niya sa mga ito. Pinatunog niya ang sasakyan niya at umikot sa driver seat. Pagpasok niya at magsi-seatbelt sana siya ng bumukas ang pinto sa front seat at nakita niya si Celine ang may gawa.
"Pasabay ako, Damon. Hindi na ako kasya sa kotse ni Peter." sabi nito na nakaupo na at nag-seatbelt. Napahinga siya ng malalim dahil nakasakay na ito tsaka lang nagpaalam na sasabay pala. Pinaandar na niya ang sasakyan habang tahimik lang siya habang nagmamaneho.
Kinuha ni Celine ang picture ni Venice na nakapatong sa dash board ng sasakyan niya.
"You really love her, ha?" sabi nito.
"Yes." tugon niya habang nakatingin sa daan. "Mas mahal ko siya kesa sa buhay ko. At napakaswerte ko dahil minahal niya ako." nakangiti niyang dagdag.
"She's so lucky to have you, Damon. Every girl wish is to get your attention. Like me, I'm so in love with you--"
"Pagpipilitan mo parin ba iyan, Celine? Look. Ayokong magalit sa 'yo, pero kung ipagpapatuloy mo 'yan ay mabuti pa na 'wag ka nang magpapakita sa akin kahit kailan." putol niya rito dahil hindi niya gusto ang pinaparating nito. Kahit na sino mang babae ang iharap sa kanya ay hinding-hindi niya ipagpapalit si Venice.
"Patapusin mo muna ako, Damon." sabi nito. Napailing siya at tumahimik. "In love ako sa 'yo...dati. Ngayon ay masaya na ako dahil natagpuan ko na ang right guy for me. Kaya hindi mo kailangan na magalit dahil hindi ko na guguluhin ang pag-iibigan niyo ni Venice. Masasabi ko na isang friend love lang ang nararamdaman ko sa 'yo. Kasi, dati ikaw ang pinaka close ko kaya siguro akala ko ay may pagtingin talaga ako sa 'yo." pagpapatuloy nito. Napapatango siya at nakahinga ng maluwag sa kaalaman na iyon. Akala niya ay patuloy parin nitong ipagsisiksikan ang sarili.
"Good. Atleast ngayon ay alam ko na ang nararamdaman mo. And I'm happy that you found yours" sabi niya rito.
"Oo nga pala. Ipapakilala ko sa 'yo ang boyfriend ko at.." sabi nito na binitin pa.
"And?"
"May isang tao na gusto ko nga palang ma-meet mo. Nakilala ko siya sa isang cafe at tiyak na matutuwa ka kapag nakilala mo kung sino siya." sabi nito.
"Sino naman iyon?" tanong niya.
"Secret muna. Pagdating na natin sa bar."
Tumango nalang siya at tumahimik nalang.
-
Pagdating nila sa bar ay marami na agad na tao. Kilala niya ang iba na binabati siya na tinatanguan lang niya.
"Nag-invite sila Peter ng bisita at ni-rent nila ang buong lugar. May announcement ata sila." sabi ni Celine. Kaya pala marami siyang nakikitang kakilala.
Naupo sila sa mahabang couch at malaki rin ang lamesa. Tila special iyon.
Nakaupo sa harap niya si Erika at peter na mga kinakausap ang mga lumalapit sa lamesa nila. Nasa gitna si Celine, kaya wala siyang katabi sa kabilang side na gustong-gusto niya.
"Pre, nag-order ako ng maraming drinks. Dapat ay maubos natin dahil mahal ang bili ko sa mga iyon." sabi ni Peter sa kanya.
"Saglit lang ako, Peter. Hindi ako pwedeng gabihin lalo't mag-aalala sa akin si Venice." paghindi niya sa gusto nito.
"C'mon, Pre. Ngayon na nga lang tayo magkakainuman ng ganito. Tsaka anniversary naman namin ni Erika kaya pumayag ka na. At 'wag kang mag-alala, ako ang magpapaliwanag kay Venice 'pag ginabi ka." pagpipilit nito.
"Hindi talaga pwede. Saglit lang ako at uuwi na. Napagbigyan ko na kayo kaya hayaan niyo na ako." desididong sabi niya rito.
"Okay. Umpisahan na natin at para hindi masayang ang oras." pagsuko nito habang napapailing. "Hay! Kahit kailan ay hindi talaga kita mapilit." sabi nito at sinalinan siya ng alak sa baso. Ngumisi nalang siya at sinimsim ang alak.
"Hey, Guys! Meet my boyfriend, Florence." pukaw sa kanila ni Celine. Kaya pala umalis ng table nila para abangan ang boyfriend nito. Tumingin sa kanya si Celine at ngumiti. "Damon, siya ang sinasabi ko sa 'yo."
Tumingin siya sa boyfriend nito. "Nice meeting you, pre." sabi nito. Tumango siya bilang tugon.
"Ganyan talaga si Damon. Mahal ang bawat salita." natatawang sabi ni Celine sa boyfriend nito kinailing niya at nilagok ang alak.
Nagsiupuan na ang mga ito at nagpatuloy sila sa pag-inom. Napatingin siya sa cellphone niya para tignan ang oras at kung may tawag ba si Venice. Alas sais palang pala sa oras sa phone niya. At hindi din tumatawag si Venice. Tingin niya ay tulog na tulog na ito.
"Damon, may ipapakilala ako sa 'yo." pukaw sa kanya ni Celine kaya napatingin siya rito mula sa pagtingin sa phone niya.
"Sino?" tanong niya at binaba ang cellphone sa table at inalog-alog ang baso na may laman pa na alak.
"Siya." turo nito sa gilid niya na mismong dance floor. Tumingin siya at may nakita siyang babae na hot na hot sa suot nitong pulang dress. Itim na itim ang buhok at mapula ang labi. Maputi din ito at maganda ang legs. Maamo ang mukha nito. Palapit na ito sa gawi nila. Inaamin niya na nagagandahan siya rito. At marami din na kalalakihan na napapatingin dito. "Hi, Celine!" bati nito kay Celine pagkalapit nito sa pwesto nila. Mahinhin ang boses nito tila mahiyain. Naamoy niya ang pabango nito na nakakaakit. Napapailing siya dahil parang nasobrahan naman ang paghanga niya. Tiyak na yari siya kay venice oras na makita nito ang reaksyon niya at mabasa nito ang isip niya.
"Damon siya si Ivy. Ivy meet Damon." pakilala ni Celine sa babae.
"Hi, Damon." sweet nitong bati. Tumango nalang siya dahil ayaw niya na magkasala sa nobya niya.
Naupo ito sa tabi niya kaya agad siyang napausog. Natawa ito at napailing sa naging reaksyon niya.
"Masyado ka palang mailap. Ganyan ang type kong lalake." sabi nito.
Hindi niya pinansin ang sinabi nito at tumingin nalang sa paligid.
"Ivy, hindi nga pala natapos ang pagkukwentuhan natin nung nakaraan. Ano nga ba 'yung sinasabi mo nung bata ka pa." kausap ni Celine kay Ivy habang nakaakbay ang boyfriend nito.
"Oh.. 'Yun bang sa beach?" tugon nito na kinatango ni Celine. "Tungkol lang iyon sa hero ko. Bata pa ako no'n, six years old. Nasa isang beach kasi kami noon ng parents ko. Tapos nag-try akong mag-swimming dahil hindi talaga ako marunong lumanggoy. Kaso sa kakalangoy ko ay napalayo na pala ako at nalunod. May isang batang lalake na nagligtas sa akin. Mas matanda sa akin ang lalake. Niligtas niya ako mula sa pagkakalunod. Ang kaso ay hindi ko nalaman ang pangalan nya. Basta ang tinawag ko lang sa kanya noon ay Hero."
Napakinggan niya ang lahat ng sinabi nito. May isa sa alaala niya ang nanumbalik. Gaya ng kwento nito at pagsabi ng Hero ay parang may kutob siya. Hindi kaya ito ang batang babae na niligtas niya noon? Hero din ang tawag sa kanya ng batang babae noon nang magkaroon ito ng malay.
"Damon, ayos ka lang?" tanong ni Celine na nakapagpabalik sa sarili niya. Tumango siya at nilagok ang alak. Bigla siyang kinabahan sa nalaman. "Wait! 'Di ba may niligtas ka rin noon na batang babae, Damon?" biglang sabi ni Celine.
"Yeah." tugon niya.
"Really?" tuwang-tuwang sabi ni Ivy. "Hindi kaya ikaw 'yung Hero na nagligtas sa akin?" sabi pa nito.
"What a coincidence. Wow! Hindi ko alam na dito niyo matatagpuan ang isa't-isa. Mabuti pala at inaya kita dito, Ivy. Matagal na kasing hinahanap ni Damon ang batang babae." hindi makapaniwalang sabi ni Celine at nakangiting sabi nito kay Ivy.
"Talagang hinahanap mo ako, Damon?" nakangiting tanong ni Ivy sa kanya at dumikit sa kanya. Hindi siya Makausog dahil pader na.
"Yes. At pwede bang umusog ka dahil masikip." sabi niya rito.
"Opppss! Sorry." paumanhin nito pero konting usod lang ang ginawa nito kaya nakadikit parin ang braso nito sa braso niya.
"Dapat pala lalo tayong mag-celebrate. Cheers guys!" masayang sabi ni Celine.
-
Naalimpungatan si Venice at tumingin sa kabilang kama.
"Wala pa pala si Damon." nagkukusot ng mata na sabi niya at naupo bago sumandal sa headboard ng kama. Tumingin siya sa orasan at nakita na alas onse na pala. Ang tagal pala niyang nakatulog at hindi pa siya kumakain. Kinuha niya ang cellphone sa side table at tinawagan si Damon. Ring lang ng ring ang telepono nito hanggang sa mamatay ang cellphone nito. Tinawagan niya ulit ngunit cannot be reached na. Naisip niya sila Celine ang tawagan ngunit wala nga pala siyang numero ng mga kaibigan nito.
Tumayo siya dahil nag-aalala siya na baka napano ito. Lumabas siya ng kwarto at bumaba. Bukas ang ilaw sa sala dahil siguro ay hinihintay pa ng kasambahay si Damon upang pagbuksan. Nakita niya si Ruby na nanood ng t.v at halata mong inaantok na.
"Ruby, wala pa ba ang sir mo?" tanong niya rito.
"Wala pa po, Ma'am." napaayos ito ng upo habang sinasagot siya.
Tumango siya at lalong nag-alala. "Sige na, matulog ka na at ako nalang ang maghihintay sa sir mo." sabi niya rito.
"Naku ma'am, ako na po. Magpahinga nalang po kayo dahil ako ang mapapagalitan ni sir 'pag nagpuyat kayo."
"Nakatulog naman ako ng matagal at alam ko na inaantok ka na. Kaya matulog ka na dahil baka antukin ka bukas." pagpilit niya rito. Wala naman itong nagawa kundi tumango.
"Sige po. Ipagtitimpla ko nalang po muna kayo ng gatas bago ako matulog." sabi nito na tumayo na.
"Sige, salamat, Ruby." pasalamat niya rito. Umalis na ito kaya naupo siya at napatingin sa cellphone baka mag-text o tumawag man lang ito. Pero wala parin. Nag-aalala siya at sana naman ay ayos lang ito.
Nilapag ni Ruby ang gatas at sinabihan niya ito na matulog na. Naiwan siyang mag-isa kaya uminom muna siya ng gatas at sumandal sa sandalan ng sofa. Kinuha niya ang remote at nilipat sa ibang palabas. Palipat-lipat siya dahil wala naman doon ang isip niya, kundi na kay Damon. Tumingin siya sa oras at malapit nang mag-alas dose.
Tumayo siya at lumapit sa glass window na malapit sa pinto. Hinawi niya ang makapal na kurtina na tumatakip sa bintana.
Sinisilip niya kung may parating na ba na sasakyan.
"Nasaan ka na ba? Nag-aalala na ako sa 'yo." bulong niya habang humihiling na sana ay dumating na ito. Pero thirty minutes na siyang nakatayo doon pero hindi parin ito dumadating.
Lumapit siyang muli sa sofa at naupo. Kinuha niya ang cellphone at muling tinawagan ito pero patay talaga.
Napahinga siya ng malalim at pinagsiklop ang kamay. Pumikit siya at nag sign of the cross. Nagdasal siya na sana ay makauwi si Damon ng ligtas.
Napahagod siya sa braso dahil nilalamig siya. Ininom niya ang gatas at pagkatapos ay nahiga muna. Nakatitig siya sa cellphone niya at umaasa na umilaw iyon. Napahikab siya dahil inaantok na siya. Habang nakatitig sa screen ng cellphone ay unti-unting pumipikit ang talukap ng mata niya.
-
Napahagod ng buhok si Damon habang sinasara ang pinto ng mansyon. Mag-uumaga nang siya ay makauwi. Hindi niya mapigilan na matulala. Napasandal siya sa pinto at napasabunot muli ng buhok.
Napatingin siya sa sala at nakita niya na bukas pa ang T.V. Lumapit siya roon at kinuha ang remote. Pero nabitin ang pagkuha niya nang makita si Venice na namumuluktot na nakahiga habang tulog na tulog. Napaiyak siya at napaluhod sa harap nito.
"Sorry, Babe. f**k! Hindi ko alam. Hindi ko ginusto." napaiyak na siya sa nakitang kalagayan nito. Naghihintay ito sa kanya habang siya ay may nagawang kasalanan rito. At hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sasabihin rito. Puno ng pagsisi ang mababakas sa boses niya at mukha niya, habang nakatingin siya sa mukha nito. Natatakot siya. Para siyang masisiraan ng ulo sa nangyari sa kanya.
"Damon.." ungol ni Venice. Lalo siyang napaluha at kinuha ang kamay nito.
"Huwag mo akong iiwan, ha?" sabi niya rito at hinalikan ang kamay nito. Nanginginig ang mga kamay niya sa takot. "Hindi ko sinasadya iyon." kausap niya sa tulog na si Venice. Pinahid niya ang luha at kinuha ang remote para patayin ang T.V. Binuhat niya si Venice patungong kwarto nila.
Nilapag niya ito sa hinihigaan nito kanina. Kinumutan niya ito at tumingin dito. Naupo siya sa gilid nito at hinawi ang buhok.
"Hindi ko alam ang gagawin. Patawarin mo ako. Huwag mo akong iiwan. Napakagago ko. Ang gago ko. Hindi ko alam-- f**k! f**k! Sorry. Sorry." napaiyak ulit siya dahil sobra ang takot at pangamba niya. Natatakot siya na iwan ni Venice. At nangangamba siya na hindi mapatawad nito.
"Damon." tawag ni Venice ng magising siya mula sa pagmumura ni Damon. Aayos sana siya ng upo ng biglang tumayo si Damon na kinataka niya.
"Wait lang, babe. Shower lang ako." sabi nito habang nakatalikod. Tumango siya at tinignan ito na tinungo ang banyo at pumasok.
"Anong nangyari doon?" tanong niya. Para kasing paos ang boses nito at parang galing sa iyak. Napahinga siya ng maluwag dahil nalaman niya na ayos itong nakauwi.