Prologue

530 Words
PROLOGUE Sa isang mahiwagang isla na kailanman ay hindi napuntahan ng mga ordinaryong nilalang—sapagkat ito’y nababalot ng makakapal na ulap at napapaligiran ng naglalakihang batong tila nagsisilbing bantay ng ibang mundo—may isang lalaking tumatakbo palayo sa kapalarang siya mismo ang tumulong bumuo. Ang ulan ay walang habas na bumubuhos mula sa kalangitan, sinasabayan ng mga sibat ng kidlat at ungol ng kulog na wari’y galit ng mga diyos. Ang bawat patak ng ulan ay tila may dalang sumpa, bawat kulog ay paalala ng kasalanang hindi na mabubura. “Hindi kayo makakatakas sa akin kahit anong mangyari!” Ang tinig ay umalingawngaw sa buong isla—malupit, puno ng galit, at naghahari-harian. Ito ang Hari ng mga Diablong Pula, ang pinunong minsang pinaglingkuran ng buong katapatan ni Kojin Montreal. “Ibigay mo ang anak mo sa akin, Kojin!” sigaw ng hari. “Kahit saang mundo pa kayo magtago, hahanapin ko kayo!” Kasunod ng kaniyang tinig ang halakhak na punô ng kasiyahan sa pagkawasak ng iba. “Mga alipin! Sundan ninyo ang traydor! Huwag ninyong hahayaang makalayo! At siguraduhing hindi mamamatay ang sanggol sa sinapupunan ng mortal na babae!” Mahigpit ang pagkakayakap ni Kojin sa malaking buslong nakasabit sa kaniyang balikat. Sa loob nito ay naroon si Annabel Falseco—walong buwang buntis, walang muwang sa digmaang hindi niya ginusto ngunit sapilitang kinabibilangan. Isang mortal. Isang babaeng napadpad lamang sa mundong ito matapos ang pagbagsak ng eroplano sa kaniyang daigdig. Isang pagkakamaling nauwi sa pag-ibig. Si Kojin Montreal ay hindi basta-basta. Siya ang kanang kamay ng hari—ang pinakamalakas, pinakamabilis, at pinakatusong mandirigma sa kaharian. Isang nilalang na kayang maglakbay sa pagitan ng mga dimensiyon, may anyong tila lobo ngunit may isip ng isang henyo. Ngunit dahil sa labis na pagmamahal kay Annabel, sinuway niya ang batas ng kanilang angkan. Tumakas siya. Iniwan ang trono, ang kapangyarihan, at ang digmaan. At sa mundong mortal, ginamit niya ang katalinuhan at bangis na minsan ay para sa digmaan upang magpayaman. Sa pamamagitan ng apelyidong Montreal, siya’y naging bilyonaryo—pinagyaman ang mga negosyo sa pagbebenta ng armas, bio-chemical technology, mga ospital, trading centers, at malalaking kumpanya. Sa mata ng mundo, isa siyang henyo at pilantropo. Sa likod ng anino, isa siyang tuso at mapanlamang na nilalang na kayang manipulahin ang parehong mundo—mortal at hindi. Ngunit hindi kailanman nakalimot ang kaharian na kaniyang tinalikuran. Sa sinapupunan ni Annabel ay lumalaki ang isang batang hindi dapat mabuhay—si Master Querube, bunga ng pag-ibig ng isang mortal at isang nilalang mula sa ibang dimensiyon. Kalahating tao, kalahating lobo, ngunit itinadhanang manatili sa anyong tao—isang anomalya, isang banta, isang susi. Isang nilalang na babago sa kapalaran ng maraming mundo. Habang patuloy na tumatakbo si Kojin sa gitna ng ulan at panganib, iisa lamang ang laman ng kaniyang isipan: Hindi ko hahayaang kunin nila ang anak ko. Hindi niya alam na ang pagtakas na ito ay simula pa lamang ng mas malawak na trahedya—isang kwentong tatawid sa panahon, sa mundo ng mga mortal, at sa pusong iibig si Querube balang araw sa isang babaeng nagngangalang Mirae Alfonso. At doon magsisimula ang tunay na digmaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD