Chapter 2

2166 Words
Five Months Ago NAPA-ILING AKO HABANG HAWAK ANG PERA NA KATATAPOS KO LANG BILANGIN. Ang perang ito ay mula sa pagbebenta namin ng karne ng baboy, manok, isda at baka sa palengke. Maging mga gulay. “Magkano ang naging tubo naging ngayon?” napalingon ako kay Tatay nang itanong niya iyon. Suot pa rin niya ang kulay itim na tee shirt na siya ring suot niya kanina habang nasa palengke kami. Ang kulay puting bimpo naman ay nakapatong sa kanyang kaliwang balika at naglakad siya patungo sa maliit naming pridyider para makakuha ng malamig na tubig. “Nasa one thousand five hundred po, Tay. Mas malaki naman kahit papaano kumpara kahapon,” mababa ang boses na sagot ko sa kanya. Kahit pa medyo malayo siya sa akin ay narinig ko ang kanyang mahinang pagbuntong hininga. Alam ko naman. Naiintindihan ko. Kailangan naming makaipon sa lalong madaling panahon para kay Nanay. She has to go under cervical spine surgery as soon as possible. Iyon ang sinabi ng doktor, bago pa raw mas lumala ang kondisyon niya. Ilang buwan na kasi ang nakalilipas nang magsimula siyang makaramdam ng iba’t ibang klase ng sakit at simptomas. Nariyan ang masakit ang leeg niya, ang likod, o kung hindi kaya ay namamanhid ang kanyang mga braso at hita. Her doctor ran some tests and we found out that she has a complication on cervical spine. Noong una ay siya ang tumutulong kay Tatay, pero dahil nga kailangan niyang magpahinga ay ako ang pumalit sa kanya. Halos katatapos ko lang gumraduate sa kolehiyo. Isang two year course na konektado sa business. Ilang beses din kasi akong huminto dahil nga hindi kaya ng kinikita namin. “Eh, kung lumuwas kaya ako sa maynila, anak? Hahanap ako ng agency baka sakaling makabalik ako sa abroad,” medyo nagulat ako sa sinabi ni Tatay. Oo, dating Overseas Filipino Worker si Tatay sa Saudi. Namasukan siya roon bilang isang janitor sa isang hotel, pero dahil nga medyo may edad na siya ay nagpasya siyang umuwi na at hindi na muling bumalik pa roon. Ang konting pera na naipon niya ay ang ginamit namin para makakuha ng puwesto sa palengke at pangpuhunan para sa sa negosyo. “Tay, huwag na po. Malulungkot lang si Nanay kapag umalis pa kayo,” sagot ko naman. Dahilan ko lang iyon. Sa totoo lang kasi ay ayaw ko lang talaga na bumalik pa siya sa ibang bansa dahil gusto ko na ako naman ang mag-aalaga sa kanila. Gusto ko sana na ako naman ang magtrabaho para sa kanila. “Eh, ano ang gagawin natin?” mababa ang boses na tanong naman niya. “Hindi naman natin puwedeng pabayaan ang Nanay mo,” dagdag pa niya. “Ako na po ang luluwas ng Maynila at maghahanap ng trabaho, para kahit na papaano ay may pandagdag tayo sa gastusin,” sagot ko naman. Ilang araw ko ring pinag-isipan ito. Ayaw ko sanang malayo sa kanila pero alam ko rin kasi na mas malaki magpasahod ang mga kompanya sa Maynila. “Hindi ba puwedeng dito na lang, ‘nak? Wala kang makakasamang titira doon. Wala kami roon ng Nanay mo para alagaan ka,” malungkot akong napangiti sa sinabi ni Tatay. Minsan talaga ay may mga pagkakataon na kailangan nating magsakripisyo para sa ikabubuti ng lahat. At isa ang bagay na ito sa mga halimbawa ng katotohanang iyon. “Ate, ang sabi sa akin ni Buknoy sa Maynila raw nakahanap ng agency iyong Ate niya na nasa Amerika na,” napalingon ako kay Lando, ang pinsan ko na kanina pa pala nakikinig sa usapan namin ni Tatay. “Talaga? Puwede mo bang sabihin kay Buknoy na itanong niya sa Ate niya kung ano ang address nung agency? Gusto ko ring subukan,” agad na sagot ko naman. “Anak,” may halong pagbabawal na saad ni Tatay, agad ko naman siyang nilingon. “Tay, sayang naman ang passport ko kung hindi magagamit. Ano, papayag ba ako na ma-expired iyon na hindi nalalagyan ng stamp? Huwag gano’n, Tay! Atsaka malay ba natin kung doon ko na makikilala ang magiging manugang niyo?” May tono ng pagbibiro ang pagkakasabi ko no’n. Alam ko kasi na mabigat ang sitwasyon namin ngayon at ayaw ko nang dagdagan pa. As much as possible, I want to keep things positive. Naniniwala kasi ako sa law of attraction. “Basta, hindi ako sang-ayon sa plano mo,” napabuntong hininga ako sa sinabi niya. “Tay, hindi pa naman sigurado iyon. At kung mangyayari man, konting tiis at sakripisyo lang ang kailangan natin. Kapag okay na si Nanay at mayroon na akong konting ipon, uuwi rin naman ako,” mababa ang boses na saad ko. Marahang napailing si Tatay sa sinabi ko bago siya nagbuntong hininga ulit. Tapos ay naglakad na siya paalis sa kusina. Hindi na siya muling sumagot pa. Naiintindihan ko naman kung bakit ayaw niya. Kasi kagaya ko ay ayaw niya rin na magkalayo layo kami, pero ano ang gagawin ko? Kahit naman kasi na makahanap ako ng trabaho rito sa Pilipinas ay tatagal din bago kami makaipon ng sapat na pera para sa surgery ni Nanay. Noong tinanong kasi namin ang doktor ni Nanay, ang sabi niya sa amin, ang na-estimate niyang halaga ay nasa three hundred thousand lahat. Masyadong malaking pera iyon. “Lando, sabihan mo si Buknoy na tanungin ang Ate niya, ha?” mahinang saad ko, pilit naman na ngumiti sa akin ang pinsan kong si Lando bago marahang tumango. “Opo, Ate,” sagot niya. Pagkatapos no’n ay ibinalik ko na ang benta namin sa lalagyan at nagpasyang magpahinga na muna. Pagkatapos magpahinga ay naligo rin ako at sabay sabay na kaming kumain ng hapunan. Si Tita Mina ang nagluto, ang Nanay ni Buknoy. Kasama rin kasi namin sila dito sa bahay. Siya rin ang tumutulong sa amin na alalayan lagi si Nanay. Pagkatapos siya na rin ang naghugas ng mga pinagkainan at nagpasya na kaming magpahinga. Kahit pa ramdam ko ang pagod ay hindi naman ako agad nakatulog nang gabing iyon. Hindi ko kasi maiwasang mag-isip ng iba pang paraan para mas mapabilis ang pag-iipon namin para sa surgery ni Nanay. Sa tingin ko ay alas onse na ng gabi nang magpasya akong lumabas ng kuwarto ko para kumuha ng tubig. Habang naglalakad ay bahagya akong napahinto nang marinig ang boses nina Nanay at Tatay sa loob ng kuwarto nila habang nag-uusap sila. “Balak ng anak mo na lumuwas ng Maynila para humanap ng agency. Gusto ata niyang magtrabaho sa abroad,” mahina ang boses na saad ni Tatay. “Huwag mo siyang papayagan,” bahagya akong nalungkot sa narinig mula kay Nanay. “Iyon na nga, ang hirap na malayo sa pamilya. Alam ko kasi pinagdaanan ko na iyon, atsaka sa tingin ko ay makakahanap naman tayo ng ibang paraan. Kung kinakailangan na isangla sa bangko ang titulo ng bahay at ibenta ang owner jeep ko, gagawin ko,” may luhang namuo sa mga mata ko nang marinig iyon. Ang Owner Jeep ni Tatay ay isa sa mga naipundar niya sa pagtatrabaho sa abroad, at malaki ang tulong no’n sa pagdadala ng mga tinda namin sa palengke. At ayaw ko rin na maisangla ang bahay kasi kapag nangyari iyon ay walang kasiguraduhan kung makukuha pa namin ulit, lalo na ito na lang din ang alaala ng mga magulang ni Tatay sa kanya. “Pasensiya na kayo kung kailangan niyong mahirapan dahil sa akin. Pero huwag mong hahayaang umalis ang anak mo, mas mabuti nang mamatay ako na magkakasama tayo kaysa naman mamatay ako sa lungkot kasi wala siya rito,” nang marinig iyon mula kay Nanay ay tuluyan na akong napaiyak. Hindi ko ma-imagine na mawawala at iiwan kami ni Nanay. Pakiramdam ko ay hindi ko kaya. Hindi pa ako handa. At hindi ko rin alam kung kailan ako magiging handa, baka nga hindi na dumating ang araw na iyon. Masyadong mabigat sa dibdib na marinig silang nag-uusap tungkol dito, at kaysa mas masaktan pa ako ay nagpasya na lang akong ipagpatuloy ang pagkuha ng tubig na maiinom para kahit na papaano ay gumaan ang pakiramdam ko. Bahagya pa akong nagulat nang makita ang pinto namin na bukas pa, sumilip ako sa terrace at nakita ko doon si Lando na naninigarilyo. Mabilis akong lumapit sa kanya at hinila ang sigarilyo na hawak niya at itinapon iyon sa labas. “Ano, Lando, papatayin mo ang sarili mo?” saad ko pa. Nakita ko ang gulat sa reaksiyon ni Lando. Mabilis naman siyang umiling na parang nakaramdam ng takot kasi nahuli ko siya sa akto sa bisyo niya. Isa naman ito sa mga gusto ko sa pinsan ko, kahit pa hindi naman masyadong malayo ang agwat namin ay ramdam ko pa rin ang takot at respeto niya sa akin. “Sorry po, Ate, sabi kasi ni Buknoy nakakatanggal ng stress ang yosi, kaya sinubukan ko. Hindi na po mauulit,” napabuntong hininga ulit ako at umupo sa isang monoblock chair. “Ano naman ang ikaka-stress mo?” tanong ko sa kanya. “Nag-iisip kasi ako ng iba pang pagkakakitaan para makatulong din sa inyo kahit na papaano, para maka-ambag sa surgery ni Tita. Eh, pero, sino ang tatanggap sa akin kung hindi naman ako graduate ng high school?” nakaramdam na naman ako ng lungkot dahil sa sinabi niya. “Kung hindi ka ba naman kasi sakit ng ulo, lagi kang nag-e-escape nung nag-aaral ka!” dinaan ko sa biro ang pagsabi no’n, gusto ko kasi na gumaan ang pakiramdam niya. “Pasok na lang kaya akong dancer dun sa gay bar sa kabilang barangay, Ate? Pogi naman ako,” ang nagbibirong saad niya kaya sabay kaming natawa. “Tigilan mo nga ako sa ganyang biro,” ang tumatawang sagot ko naman. “Lando, may tanong ako,” saad ko at biglang nagseryoso. “Ano iyon, Ate?” “Paano mo natanggap na iniwan kayo ng Tatay mo?” tanong ko. May isip na si Lando nang iwan sila ng Tatay niya. Halos kasabay siya ni Tatay na nagtrabaho sa abroad, si Tatay ay sa Saudi at si Tito Jun naman ay sa Singapore. Simula noon ay hindi na siya umuwi hanggang sa nabalitaan na lang namin na may bago na siyang pamilya. Simula noon ay nakasama na namin sila ni Tita Mina sa iisang bubong. “Mahirap, Ate,” ang seryosong sagot niya. “Sa totoo lang hanggang ngayon nga hindi ko pa rin matanggap, lalo na kapag naririnig ko na tahimik na umiiyak si Nanay,” marahan naman akong tumango sa sinabi niya. “Bakit mo naitanong, Ate?” tanong pa niya. “Hindi, wala lang. Naisip ko kasi kung binalikan kayo ng Tatay mo, baka nakatapos ka sa kolehiyo, baka hindi ka nagloko,” marahan siyang natawa sa sinabi ko. “Kaya nga ako nagloko kasi iniwan niya kami. Nagpapapansin lang ako. Umasa kasi ako na kapag ginawa ko iyon, baka bumalik siya para pagalitan ako, pero wala rin namang nangyari. Sinira ko lang ang buhay ko sa wala,” sagot niya. “Nalulungkot ka pa rin ba?” tanong ko ulit. “Minsan, pero agad din namang mawawala kasi nandito pa rin naman kayo. Kayo ang pamilya namin ni Nanay,” napangiti naman ako sa isinagot niya. “Oo nga pala, Ate, nasa akin na ang address nung agency,” marahan naman akong tumango sa huling sinabi ni Lando. “Salamat, Lando, ikaw na muna ang bahala kay Tatay. Susubukan ko ang suwerte ko bukas,” saad ko. “Bukas agad? Pinayagan ka na ba?” mabilis akong umiling sa tanong niya. “Asa ka naman na papayagan ako. Huwag ka na lang maingay. Magpapaalam ulit ako bukas, kapag hindi nila ako pinayagan, tatakas ako,” humalakhak si Lando sa sinabi ko. “Naku, tiyak na malulungkot si Marko nito,” napangiwi ako sa sinabi niya. Si Marko ay kuya ni Buknoy, ang tropa niya. Magkababata kami at matagal na rin niyang sinasabi sa akin na manliligaw siya pero hindi ko iyon sineseryoso. Lalo na kaibigan lang ang turing ko sa kanya. “Tigilan mo nga ako,” sagot ko at tumayo na. “Huwag ka nang maninigarilyo ulit. Pipilipitin ko ang dila mo kapag nahuli kita,” napangiwi siya sa huli kong sinabi bago marahang tumango. “Hindi na, Ate, sinubukan ko lang talaga kanina. Nakakahilo lang pala,” sagot niya. “Nakapatong pala sa taas ng TV iyong address, Ate,” dagdag pa niya. “Salamat ulit. Ikandado mo ang pinto kapag magpapahinga ka na. Atsaka huwag ka nang masyadong magpuyat, maaga pa kayo ni Tatay bukas,” saad at pagpapaalala ko sa kanya. “Sige po, Ate, good night,” tipid akong ngumiti at marahang tumango bago naglakad papasok. Kinuha ko rin iyong address na nakapatong sa taas ng TV, nakasulat iyon sa isang maliit na papel. Tapos ay saglit ko itong tinitigan bago nagpasyang uminom ng tubig at bumalik na sa kuwarto ko. Desidido na ako. Luluwas ako ng Maynila para subukin ang suwerte ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD