Mas lalong nahiya si Maya nang makita ang sariling larawan sa laptop na ipinakita ng kanyang boss. Ngunit sa kabila ng matinding kahihiyan, isinantabi niya ang kanyang pride. Dahan-dahan siyang lumapit kay Boss Ian para magmakaawang i-delete ang lahat ng kanyang mga larawan.
"B-Boss, maawa ka naman, please... I-delete mo na 'yan," pakiusap ni Maya na halos magkapatong na ang dalawang kamay.
"Sige... pero sa isang kondisyon," sagot ni Ian habang pormal na nakatitig sa kanya.
"K-Kondisyon? A-Ano 'yun?" utal na tanong ni Maya habang kumakabog ang dibdib.
"Mag-iisip pa ako," simpleng sagot ni Ian sabay pakita ng isang tipid ngunit nakalokong ngisi. Humarap na ito muli sa kanyang laptop para magsimula sa trabaho.
"Boss naman, e! Huwag naman ang ganiyan, Boss," pabulong na reklamo ni Maya na halos maiyak na sa inis at hiya. Ngunit hindi na siya pinansin ng lalaki at patuloy lang ito sa pagpindot sa keyboard.
"B-Boss, please..." muling pakiusap ni Maya.
Sa kagustuhang makuha ang atensyon nito, mabilis niyang itinukod ang mga kamay sa mesa at inilapit ang kanyang mukha sa mukha ni Ian. Sa hindi inaasahang pagkakataon, muling nagtagpo ang kanilang mga mata sa napakakalapit na distansya.
Napatigil sandali si Ian. Tila huminto ang ikot ng mundo para sa kanya nang maramdaman na naman ang pamilyar na amoy at init mula kay Maya. Ngunit mabilis ding lumabas ang kanyang instinct—mabilis siyang umiwas ng tingin at seryosong itinuwid ang upo.
"Bumalik ka na sa mesa mo at magtrabaho," utos ni Ian sa isang malamig at walang kaemos-emosyong boses, bagama't may bahagyang pagbilis ng pagtibok sa kanyang dibdib.
Walang nagawa si Maya kundi ang bumuntong-hininga at bagsak-balikat na bumalik sa kanyang desk.
Ilang sandali pa ay biglang bumukas ang pinto at bumungad sa kanila si Atty. Ben.
"Oh, Maya! Buti pumasok ka pa?" masayang bati ni Atty. Ben nang makita si Maya sa desk nito.
"Kailangan ko pong magtiis, Atty. Ben, para sa utang naming tatlong milyon—" mabilis na sagot ni Maya, pero agad ding napatakip ng dalawang kamay sa kanyang bibig dahil naaksidente niyang masabi iyon sa kakaiisip.
"Ay! Sorry po, joke lang po 'yun!" mabilis niyang bawi habang nadilat ang mga mata sa hiya.
Nang marinig 'yun ni Ian, agad na nakakunot ang kanyang noo. Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin mula sa kanyang laptop at matalim na nakatitig kay Maya.
"Hindi ka lang pala lasenggera... palautang ka rin pala," malamig na sabi ni Ian. "At tsaka paanong umabot ng tatlong milyon ang utang mo?"
"J-Joke lang po sir..." malamig at patay-malisyang sagot ni Maya habang pilit na ngumingiti nang plastic.
"Uhmm... Maya, tingnan mo nga ang schedule ni Ian. Mukhang may meeting siya ngayon," mabilis na sabat ni Atty. Ben para hindi na tuluyang lumaki ang usapan sakaling mag-atake na naman ang tantrums ni Ian.
Mabilis namang tiningnan ni Maya ang kanyang kompyuter. "Ah, wala naman po, Atty. Ben," sagot niya.
"Sige, salamat," sagot naman ni Atty. Ben bago humarap at tumingin kay Ian.
"Ian, maghanda ka na dahil malapit nang dumating ang kapatid mo."
"Lagi naman akong handa," malamig na sagot ni Ian nang hindi man lang nag-aangat ng tingin mula sa ginagawa niya.
Maya pov.
Kapatid? May kapatid pala si Boss Ian?
Sana naman mabait 'yun at hindi katulad nito... O kaya baka mas masungit pa 'yun?! bulong ko na lang sa sarili ko
habang nagsisimulang magtrabaho.
Pero habang nakatitig sa computer, hindi ko pa rin mapigilang palihim na samaan ng tingin si boss Ian dahil sa ginawa niya sa mga litrato ko. Kaso, wala rin naman akong choice. Kasalanan ko rin naman kasi! Hayst, ano ba ang gagawin ko? Paano kung may ibang makakita ng picture ko sa laptop niya?!
Napatigil ako sa ginagawa ko sabay buntong-hininga nang malalim.
"Okay ka lang ba, Maya?" may pag-aalalang tanong sa akin ni Atty. Ben.
"O-Okay lang po ako, Atty.," mabilis kong sagot. Pero bago pa man ako makapagsalita uli, biglang sumabat si Boss Ian.
"Hindi 'yan okay. Paano kasi, lubog sa utang sa bangko," malamig niyang singit.
Hindi ko alam kung nang-aasar ba siya o talagang nanginginsulto lang! Gustong-gusto ko na siyang sigawan dahil sa pag-judge niya sa akin, pero agad kong naalala na may autism nga pala siya. Baka kapag pinatulan ko at nagwala, mas lalong gumulo. Kaya pilit ko na lang itinikom ang bibig ko at nagtimpi.
Ilang sandali pa ay nagpaalam muna si Atty. Ben."Maiwan ko muna kayo rito ha, bibili muna ako ng pampalamig ng ulo natin," nakangiting sabi ni Atty. Ben.
"Si Maya lang utusan mo, Atty," mabilis na sagot ni Boss Ian.
"Huwag na ako na, para makapag-focus siya sa trabaho niya dahil simula bukas, doon na ako sa kabilang opisina magtatrabaho."
Dahil sa sinabi niya, napaapoy ang kaba sa dibdib ko at halos mapalunok ako ng laway. Huwag mong sabihin na kaming dalawa na lang ni Boss Ian ang matitira dito?! Hayst!
"Oh, mukhang magandang ideya 'yan," nakangising sagot naman ni Boss Ian.
Mas lalo akong kinabahan. Baka kung ano pa ang gawin niya sa akin... hayst!
Ian's Pov
Hindi ko alam kung bakit parang na-excite ako sa ideyang kaming dalawa lang ni Maya ang maiiwan dito sa opisina ko simula bukas.
Palihim ko siyang sinulyapan. Para siyang nanginginig sa kinaroroonan niya.
Nga pala... tungkol sa mga larawang pakiusap niya kaninang i-delete ko, ano kaya ang pwedeng maging kondisyon ko?
Napatigil muna ako sa pag-type sa keyboard at nag-isip. Ilang segundo rin ang lumipas pero wala talaga akong maisip, kaya naisipan ko na lang na ipagtimpla niya ako ng kape.
"Maya, ipagtimpla mo ako ng kape," utos ko sa kanya.Agad naman siyang tumayo para sundin ako.
Napansin kong nag-alcohol muna siya ng mga kamay bago humawak sa mug.
Mukhang tama nga si Atty. Ben... mabilis nga siyang matuto.
Pagkatapos niyang magtimpla, nakiusap na naman siya sa akin.
"Please, Boss... Pakiusap, i-delete mo na 'yun," pakiusap niya habang dahan-dahang tumutulo ang mga luha sa kanyang pisngi.
Hindi ko maipaliwanag ang biglang naramdaman ko. Bigla na lang pumasok sa isip ko na gusto kong abutin at punasan ang nababasa niyang mukha.
"Please, Boss..." muli niyang pakiusap sa akin.
"Gusto mo bang mawalan ng trabaho?" tanong ko sa kanya gamit ang boses na may pilit na galit. "Bumalik ka na sa desk mo."
Agad naman siyang sumunod at bumalik sa pwesto niya. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang kumipot at sumakit ang dibdib ko. Napahawak ako nang mahigpit. Mabilis akong kumuha ng baso at uminom ng tubig hanggang sa unti unting gumaan ang pakiramdam ko.
Palihim kong sinulyapan si Maya na nakayuko at halatang malungkot ang mukha at pinunasan ang pisngi—isang reaksyon na nagdulot ng kakaibang guilt sa loob ko..