Chapter 4. Flashbacks

2512 Words
Note: (Nasa MY STRICT TEACHER IS MY HUSBAND ang chapter na ito. Kinuha ko lang para bumalik sa inyo ang pangyayari at para hindi kayo malito. Lalo na sa mga hindi nakabasa ng MSTIMH at nag-jump agad dito kay Ryan.) RYAN’s POV Alas siete ng gabi noong dumating ako sa hotel na binanggit sa 'kin ni lolo. Nasa ika-apat na palapag ako, sa restaurant kung saan kami nakatakdang magkita ng anak ni Mr. Juarez. Si Wynter. Nakatitig ako sa suot kong relo at pinagmamasdan ang pag-ikot ng mahabang kamay ro’n. Nakakadalawang salin na rin ng tubig sa goblet ko ang waiter pero hanggang ngayon ay wala pa ang katagpo ko. ‘Wag n’yang sabihing tatanggihan n’ya ‘ko? Hindi p’wede ‘yon! Ako ang dapat na tumanggi sa kan’ya kaya kailangan namin magkita ngayon. “Hi.” Nag-angat ako ng tingin sa babaeng bumati sa 'kin. Nakatayo siya sa tapat ko. Naningkit naman ang mga mata ko at saglit ko siyang pinagmasdan. Nakasuot siya ng dress na kulay pink at formal coat na kulay puti. Hindi gaanong matangkad. Mga 5'2 siguro. Maikli ang buhok, may pagka-morena at…hindi ko masasabing maganda, pero hindi ko rin masasabing pangit. Sakto lang. Swak pack. “Miss Wynter Juarez?” paninigurado ko. “Oo.” Naupo siya sa katapat na upuan. Kasunod no'n ay ang paglapit sa amin ng waiter, inabutan kami nito ng menu. Noong nakapili na kami ay agad namin ‘yon ibinalik sa kaniya. Ilang sandali lang ang hinintay namin bago dumating ang aming inorder. At habang kumakain, napansin kong tahimik siya. Hindi niya 'ko kinakausap at madalang siyang mag-angat ng tingin sa 'kin. At noong nabibingi na 'ko sa katahimikan, hindi na 'ko nakatiis at kinausap ko na siya. Tinanong ko lang siya ng mga bagay-bagay tungkol sa sarili niya. Tulad ng edad, birthday, educational background at about sa family niya. Para lang kahit papa'no ay hindi kami mukhang tanga na hindi nagkikibuan. Nang masagot na niya lahat ng tanong ko—siya naman ang nag-angat sa ‘kin ng tingin. “Ikaw? Ano nga pala'ng pangalan mo?” Papasok na sana ang kutsara sa bibig ko pero nabitin pa dahil sa tanong niya. Salubong ang kilay ko siyang pinagmasdan. Bakit hindi n’ya alam ang pangalan ko? Pumayag s’yang makipag-blind date sa lalaking ni pangalan ay hindi muna n’ya inalam? “Akala ko alam mo na ang pangalan ko bago pa tayo magkita.” “Hindi pa. Hindi naman kasi binanggit sa ‘kin ni—” saglit siyang natigilan, "ni daddy. Gusto kasi n’ya na ako raw mismo ang magtanong sa’yo.” Natawa pa siya nang bahagya, pero halatang pilit lang. "Gano'n ba?" Tumango siya habang ako naman—nag-iisip ng pangalan. "I'm TB." “TB? Tuberculosis?” “No. Just TB. TB Dela Cruz. Walang meaning ‘yon.” Joke. Tito Betlog talaga ibig sabihin no’n. Wala akong maisip na pangalan kaya ‘yon na lang ang binanggit ko. *** Isang oras lang ang itinagal namin sa restaurant at nagpaalam na siya sa ‘kin. Syempre, pabor ako ro’n dahil gusto ko na rin umuwi kaya tumayo na rin ako. “Sabay na tayo palabas.” “Hindi na!” Nagulat ako sa lakas ng boses niya. Pati ang ibang nasa restaurant na malapit sa amin ay napalingon sa direksyon namin. “A-Ang ibig kong sabihin…h-hindi pa kasi ako uuwi. May kaibigan ako na naka-check in dito. Dadaanan ko muna s’ya para makapag-bonding kami saglit.” “Okay. Sige. Ikaw ang bahala.” Bahagya siyang ngumiti bago tumalikod at nagmadaling humakbang palayo. Sa sobrang pagmamadali pa nga niya, bigla siyang natapilok. Buti na lang na-balance niya ang katawan niya kaya hindi siya tuluyang nadapa. *** Noong makarating na 'ko sa parking lot at makapasok sa loob ng sasakyan ko, agad kong inabot ang folder sa katabing upuan. Binuklat ko ang pinakahuling page kung nasaan ang profile ni Wynter. In-scan kong mabuti ng tingin ang mga impormasyon niya na naroon. At lahat ng binanggit niya sa 'kin kanina...taliwas sa mga nakalagay rito sa profile sheet. Well, alam ko namang nagsisinungaling siya sa 'kin kanina. Halata 'yon, hindi ko lang masyadong pinansin tutal ay hindi naman ako interesado sa kaniya. 'Yon din ang dahilan kung bakit hindi ko sinabi sa kaniya ang totoo kong pangalan. She lied. I lied. Mindset ba, mindset. RYZA LOPEZ (Wynter) Nang mabasa ko ang text ni Monet na paakyat na siya ay agad akong umabang sa pinto ng kwarto kung saan ako nag-check-in. Ilang sandali lamang ang hinintay ko at narinig ko na ang pagkatok niya kaya agad ko ‘yon binuksan. “Ano? Kumusta?” Hindi muna niya ako sinagot. Hinihingal siyang dumiretso sa loob at pabagsak na humiga sa kama. “Tumakbo ka ba?” Daig pa kasi niya ang hinabol ng sampong kabayo. “Hindi. Pero naghagdan ako.” “Bakit? May elevator naman, ah?” Naupo ako sa gilid ng kama, sa tabi niya. Bumangon naman siya, pasagot na sana nang biglang mag-ring ang cell phone ko kaya agad kong dinala ang hintuturo ko sa labi ko para patahimikin muna siya. “Hello, Kuya Hanz…” bungad ko nang sagutin ko ang tawag ni kuya. Ini-loudspeaker ko rin ‘yon para marinig ni Monet ang mga sasabihin niya at matulungan niya ako sa pagsagot kung sakaling magtanong ito sa ‘kin. “Kumusta? Nagkita na ba kayo?” Tumingin agad ako kay Monet. Sunud-sunod ang pagtango niya kaya sumagot ako ng, “Oo.” “What did he say? Kailan ulit kayo magkikita?” Sinundan ko ang pagbuka ng bibig ni Monet para alam ko kung ano’ng isasagot ko. “W-Wala pa. Hindi namin ‘yon napag-usapan.” “Pero okay kayo? I mean, hindi ka ba n’ya sinungitan or pinakitaan ng hindi maganda?” Umiling si Monet. “Hindi.” “Okay. Good. Ipapa-set daw ulit ni dad ang meeting n’yo this week.” “HA?” Nag-iwas na ako ng tingin kay Monet dahil nagulat ako sa sinabi ni kuya. “Pero ang sabi mo...” Tumayo ako sa kama at humakbang patungo sa malaking bintana at doon ako tumanaw sa labas. “Pumayag akong makipagkita sa kan’ya kasi ang sabi mo ngayong araw lang at hindi na mauulit.” “It is dad’s decision, not mine, baby.” “Pero kuya! Gawan mo naman ng paraan. Kausapin mo si dad. Alam kong mas makikinig s’ya sa’yo kaysa sa ‘kin.” Nanggigilid ang luha ko dahil inis. “I tried, Wynter. Pero hindi ko nabago ang isip n’ya.” “Ibalik mo na lang ako kay Mama Juliet, kuya. Ayoko sa villa…” “Nag-usap na tayo tungkol sa bagay na ‘yan.” Bumagsak ang luha ko nang muli kong maalala ang mga sinabi niya sa ‘kin. “One year, Wynter. Just one year. After that, you can leave and go wherever you want.” Naputol na ang linya kaya hindi na ako nakasagot pa. Isang taon... Isang taon akong mananatili sa villa at maghihintay sa araw ng paglaya ko. At sa loob ng isang taon na ‘yon, kailangan ko na naman sumunod sa lahat ng mga gusto nila. Isa na ro’n ang kagustuhan ni daddy na mag-aral ako ng business management dahil sa akin niya raw iiwanan ang lahat at ako ang magtutuloy kung ano ang nasimulan niya. Idagdag pa ang pakikipagkasundo niya sa Lolo ni Sir Ace dahil gusto nila kaming magkakilala ni Ryan. Oo. Alam kong si Ryan Dela Cruz—ang ultimate crush ko hanggang ngayon—ang gusto ni dad na maging nobyo ko at mapangasawa. Sino ba naman ang hindi? Kahit ako, siya rin ang gusto ko. Pero hindi na p’wede dahil wala na akong mukhang ihaharap sa kaniya. Magkaibigan din sila ni Keycee at alam kong sirang-sira ang image ko sa kanila dahil sa nagawa ko noon. Isa pa, kahit gustung-gusto ko siya, alam kong hindi siya magkakaroon ng interes sa ‘kin kahit na kailan. Kaya ngayon pa lang kailangan ko nang tumanggi bago pa dumating ang oras na siya ang tatanggi sa 'kin. Para kahit papaano, hindi na maging masyadong masakit. Iyon din ang dahilan kaya pinilit ko si Monet—anak ng isang kasambahay namin. Magka-edad lang kami at magkasundo na simula pa noong mga bata kami dahil halos sa villa na rin siya lumaki. Pinakiusapan ko siya na magpanggap na ako para i-meet si Ryan, tutal ang sabi sa akin ni Kuya Hanz ay one time meeting lang. “Tumahan ka na…” Hindi ko namalayang nakalapit na pala siya sa ‘kin. Niyakap niya ‘ko habang umiiyak, bahagya niya rin tinatapik ang likod ko. “Natatakot ako, Monet…” Yumakap din ako sa kaniya. “Ayoko sa villa. Natatakot akong manatili ro’n.” “H’wag kang matakot. Lagi kitang sasamahan…para hindi ka na nila ulit masaktan.” Namilog ang mga mata ko sa sinabi niya. Kumalas ako sa kaniya at saka ko siya pinagmasdan nang may pagtataka. “P-Paano mo…?” “Alam ko lahat, Wynter. Alam ko kung ano’ng pinagdaanan mo noon. Alam ko rin ang dahilan kung bakit ka umalis sa villa at sumama kay Manang Juliet. At alam ko…na ‘yon pa rin ang dahilan mo hanggang ngayon kung bakit ayaw mong manatili sa villa n’yo.” Lalong umagos ang luha ko sa mga sinabi niya. “Iyong pamimilit sa’yo ng daddy mo na mag-aral ng business…alam kong excuse mo lang ‘yon. Hindi totoo na ayaw mo sa business. Isip mo lang ang nagsasabi na ayaw mo dahil mayro’n kang isinasaalang-alang…pero ang puso mo…’yon talaga ang gusto.” Bahagya ko siyang itinulak palayo sa ‘kin at saka ko pinahid ang luha ko. “Wala kang alam, Monet.” “Noong mga bata pa tayo…bukambibig mo na ang kompanya n’yo sa tuwing maglalaro tayo. Lagi mong sinasabi na balang-araw…magiging katulad ka ng daddy mo at ikaw ang mamamahala sa laha—” *SLAAAP* Nanginginig ang mga kamay ko matapos ko siyang sampalin. Ayokong gawin ‘yon pero… “Subukan mong sabihin ulit ‘yan…mauuna kang umalis sa villa.” Tiningnan ko siya nang masama bago ako tumalikod. Pero bigla akong may naalala kaya huminto ako at muli ko siyang nilingon. Hinagod ko siya ng tingin. Bumagay sa kaniya ang dress at coat ko. Nakipagpalit kasi ako sa kaniya kanina para naman maging disente ang itsura niya sa harap ni Ryan. At wala na sana akong balak pa na kuhanin ‘yon…ang kaso…nainis ako sa kaniya. “Hubarin mo na ‘yang damit ko. Aalis na tayo.” *** Magkasunod kaming naglalakad ni Monet, papunta kami sa parking lot ng hotel dahil naroon na ang driver ni Kuya Hanz na sumundo sa amin. Pero sa ‘di kalayuan, may natanaw akong pamilyar na bulto ng lalaki. Nakasandal siya sa pinto ng kotse niya at nakahalukipkip ang mga braso sa dibdib habang nakayuko. “Patay! Si TB!” Natarantang kumapit si Monet sa braso ko at saka niya ako hinila palayo. Pero agad akong tumigil at binawi ang kamay ko sa kaniya. Itinulak ko rin siya sa gilid ng isang sasakyan na hindi ko alam kung sino ang may-ari. Sunod kong hinubad ang coat ko at hinagis ‘yon sa kaniya. Baka kasi magtaka si Ryan kapag nakita niyang pareho kami ng suot ng ka-date niya kanina. Hindi na rin kasi ako p’wedeng tumakbo para umatras dahil mas lalo lang namin maaagaw ang atensyon niya. Kaya nga nainis ako sa paghila ni Monet sa ‘kin kanina, hindi siya nag-iisip. Nag-angat ng ulo si Ryan at iginala ang paningin. Buti na lamang ay agad kong nailugay ang mahaba kong buhok, hinati ko ‘yon sa gitna mula sa likuran at hinawi ko papunta sa harap para kahit papaano ay matakpan ang nakalitaw kong dibdib at balikat dahil sa tube dress kong binawi kay Monet—bago dumako ang tingin niya sa direksyon ko. Halatang nagulat siya nang makita ako dahil umalis siya sa pagkakasandal sa sasakyan niya. Pati ang mga kamay niya ay ibinaba niya rin. Alam kong hahakbang na siya palapit sa ‘kin dahil umabante na ang isa niyang binti, kaya nagmadali agad akong lumapit sa kaniya dahil baka makita niya pa si Monet kung siya ang lalapit sa direksyon namin. RYAN DELA CRUZ Hindi ko inaasahan na magkikita kami ni Ryza sa parking ng hotel kung saan din kami nagtagpo ni Wynter. Kaya sinamantala ko na ang pagkakataon para makausap siya. Nasa driver’s seat ako, naroon naman siya sa tabi ko. At noong ikinuwento ko sa kaniya na hinahanap siya ni Keycee at Christia—hindi niya naiwasang maiyak. Iniwas niya pa ang tingin sa ‘kin, sa labas ng bintana siya bumaling pero rinig ko pa rin ang pagsinghot niya. Dinukot ko ang panyo sa bulsa ko at inabot ‘yon sa kaniya. Nang kuhanin niya ‘yon ay agad niyang dinampian ang luha niya at doon na rin siya suminga. Uk*nam. Paborito ko ‘yung panyo na ‘yan! Nag-iwas na lang ako ng tingin habang ginagawa niya ‘yon. “Tumawag ka sa kanila o mag-text. Kahit kay Christia na lang. Sigurado namang ipapaalam n’ya ‘yon kay Keycee, na nasa mabuting kalagayan ka. Hanggang ngayon kasi yata ipinapahanap ka nila. Kinausap pa ni Sir Ace si lolo dahil request ni Keycee na hanapin ka.” “Ha?” Gulat siyang nag-angat ng tingin sa ‘kin. “H-Hinahanap ako…ni Don Adolfo?” “Oo. Si Keycee ang nakiusap sa asawa n’ya. Tapos si Sir Ace naman, kinausap n’ya si lolo para makatulong sa paghahanap sa’yo.” Nakita ko siyang napalunok, parang kinakabahan. “Bakit?” Umiling ito bago sumagot. “W-Wala. Mamaya ko na lang sila tatawagan. Ito na ‘yung panyo mo. Salamat.” Iaabot na sana niya ‘yon sa ‘kin pero agad kong tinanggihan. “Hindi na. Sa’yo na lang ‘yan. Mura lang naman ‘yan. Bente lang.” “Gusto mong bayaran kita?” Sumeryoso bigla ang tingin niya. “Hindi. Ang ibig kong sabihin, mura lang ‘yan. Kaya kong bumili ng bago. Gano’n.” “Bakit ayaw mo na ‘to? Dahil ginamit ko na?” “Oh c’mon mamon, Ryza. Ikaw ba? Kapag hiniram ng kaibigan mo ang panty mo at ibinalik sa’yo nang hindi nilabhan—tatanggapin mo?” “Hindi naman ako nagpapahiram ng panty.” “Example nga lang!” “Bakit kasi panty pa ang gagawin mong example? P’wede namang panyo na lang din.” Umiiyak siya kanina, pero ngayon bahagya nang naiinis. “Mauna na ‘ko. Salamat sa time. Ako na’ng bahalang kumontak kila Christia at Keycee.” Binuksan na niya ang pinto, palabas na sana noong mapansin ko ang suot niyang dress. “Sandali.” Natigilan siya at saglit lumingon sa ‘kin. Gano'n ang suot ni Wynter kanina, may coat nga lang. “Parang pamilyar sa ‘kin ang suot mo…” “H’wag kang mag-alala, hindi ‘to ‘yung sa’yo.” Kasunod no’n ang pagbaba niya at malakas na pagsara ng pinto, dahilan para matulala ako. What?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD