Nakaupo sa ibabaw ng kama si Theo. Nakasandal ang likod niya sa headboard habang nakatingin sa asawa na si Sofia na nakatalikod naman sa paghiga mula sa pwesto niya at mahimbing nang natutulog. Nagbuntong-hininga siya. Mabuti na lamang at hindi nito kasama ngayon si Ronnie kaya nagkatabi sila sa kama dahil madalas ay sa kabilang kwarto siya natutulog kapag nandito ang lalaking iyon. Para siyang nakikitira lang sa mismong pamamahay nila kapag nasa bahay nila si Ronnie.
Nananatiling nakatitig si Theo kay Sofia. Malalim ang kanyang iniisip. Hanggang ngayon ay napapaisip siya sa mga kakaibang naging kilos ni Ronnie noong huli. Nakakapagtaka ito para sa kanya at sa totoo lang, hindi rin niya mapigilang maghinala.
Bahagyang iniling ni Theo ang kanyang ulo. “Sino ka ba talaga Ronnie? Niloloko mo ba ang asawa ko?” tanong niya sa hangin na pumutol sa nakakabinging katahimikan sa loob ng kwarto.
Walang tunog na natawa ng pagak si Theo. Nakakatawa lamang isipin na siya na nga niloloko pero nag-aalala pa siya na naloloko ang asawa niya ng ibang lalaki. Mas nag-aalala pa siya sa mararamdaman ng misis niya kaysa sa nararamdaman niya.
Ngumiti nang maliit si Theo. “Ganoon nga siguro talaga kapag mahal mo ang isang tao. Kahit na ang sariling damdamin ko ay nagiging balewala sayo basta lang masiguro ko na hindi masasaktan ang damdamin ng minamahal ko,” bulong niya.
First love ni Theo si Sofia. Nagkakilala sila online. Isa ito sa mga estudyanteng Pilipino na tinuruan niya ng basic English. Bukod kasi sa mga Chinese, nagtuturo rin siya sa mga kapwa niya Pilipino na hindi ganoon ka-fluent pagdating sa English language pero siyempre, may bayad dahil iyon ang trabaho niya.
Sa unang kita pa lamang ni Theo kay Sofia ay nabighani na siya sa magandang mukha nito. Napakaganda nito sa kanyang paningin kahit sa screen lang pero mas lalong gumanda noong personal na niyang nakita ang dalaga pa noon na misis. Akala nga niya ay hanggang sa online na lang ang ugnayan nila pero siyempre ay naging pursigido siyang makuha si Sofia kaya naman inaya niya rin ito na mag-date sila hanggang sa naging magkasintahan at ngayon nga ay mag-asawa na sila. Naging mabilis lang ang lahat sa kanila kaya naman minsan ay napapaisip siya na dapat pala ay nagdahan-dahan lang siya kasi kung anong bilis na makuha niya ito, ganoon rin kabilis na nawala ang nararamdaman nito para sa kanya.
Gayunpaman, hindi hahayaan ni Theo na mawala si Sofia ng tuluyan sa kanya. Hinding-hindi niya ito hihiwalayan kahit ano pang mangyari.
Tipid na ngumiti si Theo. Pamaya-maya pa ay bahagya siyang yumuko at nilapit ang kanyang mukha sa ulo ni Sofia. Ginawaran niya ng halik sa tuktok ng ulo ang kanyang misis saka niya inamoy ang buhok nito bago siya umayos ulit sa pag-upo. Lumaki ang ngiti sa labi niya.
“I love you,” mahinang sambit ni Theo habang tinitingnan si Sofia.
Huminga nang malalim si Theo saka siya dahan-dahang nahiga sa kama. Itinaas niya ang kumot at ibinalot ito hanggang sa dibdib niya. Hindi nagtagal ay ipinikit niya ang kanyang mga mata saka siya natulog.
---
Nasa loob ng kanyang opisina si Theo. Isa ito sa mga kwarto dito sa bahay na ginagamit niya sa trabaho. Nag-stretching siya ng mga braso at katawan para ma-flex ang muscles niya dahil sa ilang oras din niyang pag-upo sa swivel chair at pagharap sa mga estudyanteng Chinese sa computer. Kakatapos lamang ng klase niya ngayong araw.
Dahan-dahang inalis ni Theo ang suot na eyeglass at ipinatong ito sa ibabaw ng lamesa na nasa gilid lamang. Tumayo siya mula sa inuupuan saka lumabas ng kwarto.
Saktong sa paglabas ni Theo ay tumunog ang doorbell. Kumunot ang kanyang noo dahil sa pagtataka. Alam niyang wala si Sofia dahil pumasok ito pero kung umuwi man ito ngayon, hindi na ito kailangang magdo-doorbell pa dahil may sarili naman itong susi kaya malaya itong makakapasok sa bahay nila.
Kinibit ni Theo ang mga balikat niya saka bumaba ng hagdanan. Titingnan niya kung sino ang nasa labas na patuloy lamang na nagpapatunog sa doorbell.
Sa pagkabukas ni Theo ng pintuan ay kumunot lalo ang noo niya at nagsalubong pa ang magkabilang-dulo ng kilay niya dahil ang nakita lang naman niya sa labas ay si Ronnie na nakatayo sa harapan. Hindi ito nakasuot ng business suit dahil nakasuot ito ng kaswal na damit na polo shirt na kulay navy blue na medyo hapit sa katawan nito at black jeans at sneakers.
‘Hindi ba siya pumasok? Kung gayon, nasaan si Sofia?’ Alam ni Theo na pumasok si Sofia kaya lalo siyang nagtaka.
Tiningnan ng diretso ni Theo si Ronnie. “Anong ginagawa mo rito?” walang emosyon na tanong niya.
Ningitian ni Ronnie si Theo habang nakatingin siya rito. “Si Sofia?” tanong niya pa.
“Pumasok siya,” sagot ni Theo. “Hindi mo alam?” tanong pa niya.
Kumunot ang noo at nagsalubong ang dulo ng pares ng kilay ni Ronnie. “Pumasok? Day-off namin ngayon,” aniya.
Hindi nagsalita si Theo. Nakatingin lang siya kay Ronnie na napapaisip naman.
Pamaya-maya ay napapalatak si Ronnie. Iniling-iling niya pa ang kanyang ulo. Tinapunan niya ulit ng tingin si Theo. “Matindi din talaga ang kati sa katawan na taglay ng asawa mo,” seryosong sabi niya.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong ni Theo.
Mahinang tinawanan ni Ronnie ang tanong ni Theo sa kanya. “What I mean is, malandi talaga ang asawa mo. Hindi pa siya nakuntento sa’kin kaya tumitikim pa ng ibang karne,” sarcastic na sabi niya pa.
Sumama ang tingin ni Theo kay Ronnie. “Huwag mong sabihan ng ganyan ang asawa ko,” madiin na salita niya.
Ningisihan ni Ronnie si Theo. “Masakit ang katotohanan pero kailangang tanggapin,” aniya habang tinitingnan ng diretso ang masamang tingin sa kanya ng huli. “Sa tingin mo, nasaan kaya siya?” tanong pa nito.
Walang naisagot si Theo sa tanong na iyon ni Ronnie. Hindi rin naman kasi niya alam kung nasaan ang sariling asawa. Ang alam nga niya ay nasa opisina ito pero ngayong nandito si Ronnie, ibig sabihin ay nasa ibang lugar ito na hindi niya alam. Ayaw niyang isipin na tama si Ronnie.
“Wala kang alam kung nasaan ang misis mo?” sarcastic na tanong ni Ronnie. Napailing-iling siya ng ulo. “Mag-asawa nga lang kayo sa papel,” aniya pa na ikinasama ulit ng tingin sa kanya ni Theo.
Wala lang naman kay Ronnie ang masamang pagtingin sa kanya ni Theo. Actually, natutuwa pa siya sa tuwing titingnan siya nito. “Papasukin mo na lang ako at hihintayin ko siya sa loob,” aniya.
Nagbuntong-hininga na lang si Theo. Binigyan niya ng daan si Ronnie na parang hari naman na pumasok sa loob ng bahay nila dahil nakataas pa ang noo. Dumiretso ito sa sala at naupo ng prente sa sofa. Dinekwatro pa ang mahahaba nitong legs.
Napailing na lang si Theo na sinundan siya ng tingin. “Akala mo siya talaga ang may-ari ng bahay namin,” bulong niya. Sinara na lamang niya ang pintuan at pinuntahan si Ronnie sa sala.
Tumingala naman si Ronnie para tingnan si Theo. Ningitian niya ito. “Ipaghanda mo naman ako ng makakain ko. Bisita mo kaya ako,” utos niya habang nagtataas-baba ang mga kilay niya. Ibinuka pa nito ang mga braso at ipinatong sa ibabaw ng sandalan ng sofa na inuupuan niya.
Sumeryoso ang mukha ni Theo. “Hindi kita bisita,” malamig na sabi niya. “Hindi nga dapat kita patutuluyin kasi nanunuklaw ka,” kanya pang saad.
Hindi napigilan ni Ronnie na matawa sa sinabi ni Theo. “Grabe ka naman sa akin. Magkaibigan na tayo, ‘di ba?” tanong niya pa.
Naningkit ang mga mata ni Theo. “At sino namang nagsabi sa’yo na kaibigan kita?” maangas na sambit niya.
“Ako,” sagot ni Ronnie saka itinuro pa ang kanyang sarili habang nangingiti ang labi.
Lumukot ang mukha ni Theo sa sinabi ni Ronnie. “Kapal talaga ng mukha,” bulong niya. “Hindi kita kaibigan,” aniya pa sa lalaki.
Napangiti na lamang muli si Ronnie. “Ipaghanda mo na lang ako ng makakain ko. Kahit ano basta handa mo ay kakainin ko,” wika niya. Nagtaas-baba ulit ang kanyang mga kilay.
“Lason gusto mo?” pamimilosopo ni Theo.
Mabilis na iniling ni Ronnie ang ulo niya. “Huwag naman lason kasi mamamatay ako. Mababawasan ang lahi ng mga gwapo at macho kapag nawala ako sa mundo,” nangingiting biro niya saka nag-pogi sign pa.
Nayabangan naman si Theo sa sinabi ni Ronnie kaya lalong naningkit ang mga mata niya. “Maghintay ka diyan,” aniya na lamang para matapos na saka niya tinalikuran si Ronnie at nagpunta sa kusina para maghanda ng ipapakain sa kabit ng asawa niya.
“Hay, ang tanga mo talaga,” bulong ni Theo habang naglalakad. Napailing na lang siya sa kanyang sinabi.
Habang naghahanda ng pagkain ni Ronnie ay natatawa na napapailing na lang si Theo. Natatawa siya sa sariling katangahan dahil ang kabit ng asawa niya ay ipinaghahanda niya ng makakain.
---
“Anong tingin mo sa’kin? Bata?” hindi makapaniwalang tanong ni Ronnie kay Theo habang nakatingin sa pagkaing inihanda nito para sa kanya na nakapatong sa center table. Maraming cookies na nakalagay sa malaking plato at isang baso ng gatas. “Cookies at gatas talaga?” tanong pa nito saka tiningnan na si Theo na nakatingin lang rin sa kanya habang nakaupo sa single sofa na katabi lamang ng inuupuan ni Ronnie.
Hindi sumagot si Theo at nanatili lamang siyang nakatingin kay Ronnie.
Natawa na lamang ng mahina si Ronnie saka kumuha na lamang ng cookie. Sinipat-sipat niya pa ito ng tingin saka inamoy-amoy pa ng kanyang matangos na ilong.
“Baka nilagyan mo ito ng lason,” ani Ronnie na muling tiningnan si Theo.
Bahagyang ngumisi ang labi ni Theo. “Gusto ko nga sanang lagyan,” sarcastic na sabi niya. “Hindi naman siguro madadagdagan ang kasalanan ko sa mundo kapag pinatay kita, ‘di ba?” makahulugang tanong niya pa.
Natawa na lamang muli si Ronnie saka kinain ng buo ang cookie. Napapatango pa ang ulo nito habang ngumunguya. Nasasarapan kasi siya sa lasa ng cookie.
“Sarap,” pagpuri ni Ronnie sa cookie. “Ikaw ba ang nag-bake nito?” tanong niya pa.
“Hindi. Binili ko lang ‘yan,” sagot ni Theo.
Tumango-tango si Ronnie. “Ahhh.” Kinuha naman niya ang baso ng gatas. Sinipat-sipat rin ito nang tingin saka inamoy pa.
“Baka ito may lason,” wika na naman ni Ronnie.
Hindi na nagsalita si Theo. Iniwas niya ang tingin kay Ronnie saka tumingin sa bintana kung saan nakita niya ang maaliwalas na panahon sa labas.
Napangisi na lamang si Ronnie saka uminom ng gatas na tinimpla ni Theo para sa kanya.
“Ang sarap ng gatas mo... I mean... ng tinimpla mong gatas,” ani Ronnie saka natawa sa pagiging green minded niya. Napatingin naman muli sa kanya si Theo.
“Chairman at CEO ka ng malaking kumpanya, ‘di ba?” tanong ni Theo kay Ronnie. Hindi niya pinansin ang huling sinabi nito.
Tumigil sa pag-inom ng gatas si Ronnie. “Oo,” sagot niya. Ilang sandali lang ay napangiti ang may gatas niyang labi. “Whoa! Mukhang nag-research ka tungkol sa’kin-”
“Dapat busy ka kasi marami kang ginagawa,” sabi kaagad ni Theo na pumutol sa sinasabi ni Ronnie. Wala siyang pakiealam sa nakikitang gatas sa itaas ng labi ni Ronnie. “Pero marami kang time para maging kabit ng asawa ko,” aniya pa sa seryosong tono habang tinitingnan niya ng diretso si Ronnie.
Ningitian ni Ronnie si Theo. “I have the time in the world,” pagyayabang niya ng may gatas pa rin sa labi.
“At dahil isa ka sa tinitingalang business tycoon ng bansa, dapat maging maingat ka sa bawat kilos at galaw mo. Hindi ka man lang ba nag-aalala na ma-isyu at mapag-usapan ng lahat?” tanong pa ni Theo.
Kumibit-balikat si Ronnie. Uminom muna ulit siya ng gatas bago sumagot sa tanong ni Theo.
“Sa tingin mo ba tatagal ako bilang kabit ng asawa mo kung may pakielam ako sa sasabihin ng lahat ng tao?” tanong ni Ronnie. Natahimik naman si Theo sa sinabi nito. “Kahit nga sa’yo ay wala akong naging pakiealam kaya anong pakiealam ko sa kanilang lahat?” tanong pa niya.
Seryoso ang tingin ni Theo kay Ronnie.
“Nagagawa ko nang maayos ang trabaho ko. Napapamahalaan ko ng mabuti ang mga kumpanyang meron ako at nakakapagpasok ako ng bilyon-bilyong pera sa bank account ko kaya wala akong pakiealam sa iba. Buhay ko lang ang pinakikielaman ko,” sabi pa ni Ronnie.
Napatango na lamang si Theo sa mga sinabi ni Ronnie. ‘Mayabang talaga siya,’ sa isip-isip niya.
Ilang sandali pa ay tiningnan ni Ronnie ang suot niyang relo. “Saan kaya siya nagpunta? Tsk!” palatak niya. Napapaisip siya kung saang lupalop ng mundo nagpunta si Sofia.
“Bakit hindi mo tawagan?” tanong ni Theo. Kung siya kasi ang gagawa, tiyak na hindi siya sasagutin na lalong ikinasasakit ng damdamin niya.
Tiningnan ulit ni Ronnie si Theo. “Hindi siya sumasagot sa tawag ko,” aniya.
Lihim naman na natuwa si Theo. ‘Buti nga,’ sa isip-isip niya.
“Alam mo? Bilib rin ako sa tibay mo,” ani Ronnie. “Hindi ko alam kung dakila ka o tanga ka lang talaga,” aniya saka natawa.
Nakatingin lamang sa kanya si Theo. Hindi ito nagpakita ng emosyon.
Tinitigan ni Ronnie si Theo. “Bakit mo natitiis si Sofia?” diretsahang tanong niya.
“Dahil mahal ko siya. Mahal na mahal ko siya,” diretsahang sagot ni Theo na sinasalubong ang pagtitig ni Ronnie sa kanya.
Sumilay ang tipid na ngiti sa labi ni Ronnie. “Kaya pala okay lang sa’yo na maging tanga,” sabi niya.
“Ikaw ang dahilan kaya nasisira kaming dalawa,” paninisi ni Theo kay Ronnie.
Umismid si Ronnie sa sinabing ‘yon ni Theo. “Suntukin mo ako kung gusto mo. Bugbugin mo ko hangga’t gusto mo,” sabi nito. “Papayagan kitang sugatan mo ang gwapo kong mukha at ilabas ang galit mo sa’kin. Hahayaan kitang gawin iyon,” kanya pang wika.
“Sa totoo lang, gusto kitang bugbugin ng todo... pero hindi ko magawa dahil si Sofia ang makakalaban ko pagdating sa’yo.” Mapait na ngumiti si Theo. “Sa oras na may gawin akong ikasasakit mo, tiyak na hihiwalayan niya ako,” aniya pa kay Ronnie. Mahina siyang natawa. “Mas nag-aalala siya sa’yo kaysa sa’kin,” aniya pa sa mapait na tono.
Ningisihan ni Ronnie si Theo. “Isa kang malaking duwag,” madiin na wika niya. “Kalalaki mong tao pero takot kang maiwanan-”
“Dapat alam mo ang pakiramdam ng maiwanan dahil naranasan mo na ‘yan noong nawala ang magulang mo,” sabat kaagad ni Theo na ikinatahimik ni Ronnie. “Masakit maiwan kaya ayokong maranasan ulit ‘yon,” sabi pa nito.
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila Ronnie at Theo. Pamaya-maya ay muling nagsalita si Ronnie na pumutol dito.
“Alam mo at alam ko na hindi ako ang unang lalaki ng asawa mo. Kaya kung may dapat kang sisihin, siya lang iyon at hindi ako. Dahil ako ay tagatanggap lang ng biyayang binibigay niya,” ani Ronnie. “Maswerte lang ako na matagal na siya sa akin,” sabi pa nito.
Nagbaba nang tingin si Theo.
“Ang swerte ni Sofia sa’yo pero ang malas mo sa kanya,” narinig pa ni Theo na wika ni Ronnie. Ramdam niyang nakatitig ito sa kanya. “Nakakaawa ka,” aniya pa.
Tinapunan ulit ng tingin ni Theo si Ronnie. “Kung naaawa ka sa akin... hiwalayan mo ang asawa ko,” seryosong sabi niya. “Para matahimik na kami,” aniya pa.
Inismiran ni Ronnie si Theo. “Ikaw dapat ang makipaghiwalay kay Sofia dahil kung patuloy ka pa rin sa pagkapit sa kanya, mas lalo ka lang magiging kaawa-awa. Kahit naman kasi hiwalayan ko si Sofia, hindi matatapos ang kalbaryo mo sa piling niya. Hinding-hindi kayo matatahimik dahil siya, patuloy lang siyang gagawa ng kasalanan sa’yo,” saad niya.
Natahimik si Theo sa sinabi ni Ronnie. ‘May punto siya,’ wika niya sa kanyang isipan.
“Kung ikaw ba ang nasa kalagayan ko, hihiwalayan mo ba siya kahit na mahal na mahal mo siya?” tanong ni Theo kay Ronnie.
Napatitig naman si Ronnie kay Theo. Pamaya-maya ay huminga siya ng malalim. “Kung nakakasakit lang sa sarili ko ang pagmamahal ko para sa kanya, bakit naman hindi?” sagot ni Ronnie. “Hindi kasi ako tanga kagaya mo, Theo. Alam ko sa sarili ko na kung mapunta man ako sa kalagayan mo ngayon, natitiyak ko na hindi ko hahayaang patagalin ang lahat,” sabi pa nito. “Hindi ko hahayaan ang sarili ko na apakan lang ako ng ibang tao kahit mahal ko pa siya,” aniya pa. “At alam ko rin kung kailan ako titigil hindi kagaya mo,” sabi pa niya.
Mapait na ngumiti si Theo. “Ganoon na ba ako katanga sa paningin mo?” tanong niya.
“Oo,” diretsahang sagot ni Ronnie habang nakatitig kay Theo na kinagat naman ang kanyang ibabang labi. “Pero tingin ka pa rin sa salamin, baka makita mo rin sa sarili mo na masyado ka ngang tanga,” sabi pa nito. Kumuha ulit siya ng cookie at kinain ito saka uminom ng gatas. “Baka maging dahilan rin ‘yan para magising ka na sa ilusyon mong magiging masaya ka pa ulit sa piling ng asawa mo,” dugtong niya pa habang ngumunguya.
Muling nagbaba nang tingin si Theo. Nagbuntong-hininga siya. ‘Bakit ko nagawang makipag-usap sa isang gaya niya?’ sa isip-isip niya. Muli siyang nagbuntong-hininga. ‘Siguro kaya niya lang sinabi ang lahat ng ‘yon ay para para maisip ko na hiwalayan na nga ang asawa ko at maging malaya na silang dalawa. Tama. Hindi dapat ako nakikinig sa isang gaya niya,’ iniisip niya pa.
Ilang sandali lang ay tumayo si Theo. Napatingala naman nang tingin si Ronnie sa kanya.
“Saan ka pupunta?” nagtatakang tanong ni Ronnie.
Tiningnan ni Theo si Ronnie. “Iwan mo na lang ang mga pinagkainan kapag umalis ka na,” malamig na utos niya saka na siya umalis.
Sinundan naman ng tingin ni Ronnie si Theo. Sumubo siya ng cookie at dahan-dahan itong ninguya.
Pamaya-maya ay napailing ng ulo si Ronnie. “Hanggang kailan ka ba magiging tanga?” tanong niya sa hangin habang nakasunod pa rin ang kanyang tingin kay Theo na umaakyat na ng hagdanan. Napahinga na lang siya ng malalim.