Tuwid na nakatayo sa harapan ng malaking salaming bintana si Rovic. Sumisilay ang maliliit na ngiti sa kanyang labi habang nakatingin siya sa malawak na hardin na nakikita niya sa ibaba. Nagagandahan at nare-relax ang pakiramdam niya sa kanyang mga nakikita. Samantala, pumasok si Todd sa kwarto. Nakita niya si Rovic na nakatayo sa harapan ng bintana at tinitingnan ang labas. Napansin niya pa ang pagsilay ng munting mga ngiti sa bibig nito. Hindi niya maitatanggi na mas lalo itong gumwapo nang nakita niya ang nakasilay na ngiti sa labi nito. “Iba talaga ang kapangyarihan ng ngiti, kahit na sino ay nagagawa nitong maging maganda o maging gwapo sa paningin ng iba,” bulong ni Todd. “Rovic,” pagtawag ni Todd sa binata. Narinig ni Rovic ang pagtawag sa kanya ni Todd kaya nilingon niya ito.

