Bumalik sa mansyon si Romeo kinatanghalian at naabutang nagkukumpulan ang lahat sa bungad ng mansion. Nagtaka siya dahil may tila ambulansyang sasakyan at ilang itim na kotse sa may paradahan.
Saka niya napansin na may inilalabas na stretcher mula sa loob kasunod nun ang ilang nakaputing uniporme na hula niya mga nurse at isang doktor.
Gumilid siya at naglakad patungo sa harapan. Nakita niya si Hazel at ilang mga alalay ng matanda.
"Anong nangyari?" Tanong niya sa malapit na katulong.
"Si Donya Corazon, na-stroke. Kailangan daw ilipat sa hospital para matingnan."
"Sa bayan pa ang hospital na tinutukoy mo di ba?" Paninigurado niya.
"Oo,"
Napatingin siya sa nag-aasikaso sa matanda. Nagtama ang mga mata nila ni Hazel. Nangungusap at parang gusto siyang kausapin pero kinalabit na ito ng katabi.
Umalis na ambulansiya kasunod yung convoy na ilang kotse.
"Hay sana magtagal sila sa hospital para matahimik ang mundo natin." Usal ni Minda isa sa matatandang nakatoka sa donya.
"Oo nga, sana dun muna siya."
"Manahimik kayo," saway naman ni Harriet saka pinadilatan. "Kapag di kayo tumigil sa pagtsitsimisan n'yo, ipapasesante ko kayo."
Saka lumayas. Buti di siya napansin at baka siya na naman ang napagdiskitahan.
"Umiral na naman ang pagiging sipsip,"
"Sana sumama na lang siya kay Donya Azon tutal, close naman sila."
Naghagikgikan pa ang mga ito. Di na siya nagtagal at pumasok na rin sa loob.
Habang nasa paglalakad ay sumagi sa isip niya si Maria. Umalis ang lola nito. Napatingin siya sa mezannine sa itaas. Ang ibig-sabihin ba, hindi na ito aalis palabas ng bansa?
"Bakit ngayon ka lang? Oras pa ng trabaho ah, lakwatsa ka ng lakwatsa."
Matalim na tingin ang ibinato niya sa matandang mayordoma saka lumakad.
"Hoy! kinakausap pa kita! bastos ka talagang---"
"Pumunta ako kay Hector, may sinabi lang ako tungkol sa isang proyekto ko. Kailangan ba lahat ng kilos ko alam mo? Aba, masyado ka naman nagpapa-epal niyan."
"Anong sabi mo?!"
"Kung wala ka namang sasabihin, babalik na ako sa trabaho ko." Sabay layas niya.
######
Kinabukasan, nagkita sila ulit at nag-usap ni Hector. Sinabi nito ang plano at pinakinggan niya lang. Papainan nila si Celia at huhulihin nila sa akto para wala nang lusot.
Nagkasundo silang plantsahin ang lahat pati ang mga posibilidad na tumanggi ang babaeng iyon ay binusisi nila.
Maghapon din silang nagmantsag, may mga butas pa ang niluluto nilang plano kaya kailangan pa rin nilang maging maingat. Baka makatunog at di na nila makalaboso.
Medyo nakakahiya ang plano pero dahil sa madumi ang babaeng iyon lumaban, ginamitan na nila ng stratehiya. Kung matalino ito at switik, mas wais at matalino sila.
Pinalipas nila ang buong araw dahil hindi kumagat sa pain nila ang biktima. Masyado na ring madilim kaya pinagpabukas na lang nila ang balak na masira ang akusasyon ni Celia laban sa kanya.
Lumipas ang isa pang araw, wala pa ring development. Pero di siya nawawalan ng pag-asa.
"Mukhang di yata sisipot ah," bungad niya habang nakasandal sa isang posteng humahaligi sa kapehan.
"Maghintay lang tayo, ang sabi ng mga nakakakilala sa kanya, dito madalas tumabay yun." Sabad naman ni Hector na naka-casual na pananamit.
Maging siya, nakaputing t-shirt at maong pants. Mahigit kalahating oras na rin silang nagmamatsag. Yung mga tao roon ay nagtataka na sa kanila pero nakiusap silang dalawang wag na lang silang pansinin.
Mayamaya pa ay nagbunga na rin ang kanilang pagta-tiyaga. Namataan nila ang target nila.
"Ayun na siya," bulong ni Hector.
Pasimpleng nilinga ni Romeo. Hindi pa kasi niya nakikita iyong taong inaabangan nila.
"Siya na ba yun?"
"Oo, hintayin nating umalis saka natin sundan." Suhestiyon nito.
Tumango na lang siya.
Nakipaghuntahan ang lalaki at tumagay pa sa mga nag-iinom sa tabi. Linggo kasi at pahinga ng mga trabahador. At basta talaga Linggo, laging may inuman.
"Malaking tao rin pala ah," sipat ni Romeo at sinuring maige ang lalaking kilala sa pangalang Nestor.
"Sayang nga yan, pinag-aral ng magulang, nagbulakbol, nabarkada, nalulong sa bisyo. May lupain sana yan pamana ng namatay na mga magulang kaso ibenenta at inubos lang pantustos sa bisyo."
"Ganun ba? Ilang taon na ba yan?"
"Trenta."
Nailing na lang siya. Kawawa ang buhay ng mapapangasawa niyan. Sa loob-loob niya.
Aminado siyang gago siya at santumpok na ungas pero ni minsan di siya nalulong sa ilegal na gamot.
"Ayan na, mukhang paalis na siya." Ani ni Hector.
Naglalakad na papunta sa kungsaan ang target nila.
Nagkatinginan sila at pareho na ding nagsimula maglakad kabuntot ng lalaki sa maingat na distansya.
Sumenyas pa si Hector na bilisan niya dahil nakakalayo na ang target.
Nang marating ang isang maliit na pahingahan ng mga trabahador sa may gilid ng daan ay tumigil sila.
Nagtago silang pareho sa likod ng mga puno ng saging.
"Parang may hinihintay din siya ah," sapantaha niya.
"Mukha, abangan natin kung sino."
"Baka yung nagsu-supply ng droga sa kanya." Hula niya.
"Sana nga para matukoy na kung sino sa mga trabahador dito ang pusher at user sa lugar na 'to."
Tumango-tango lang siya.
Makalipas ang sampung minuto, dumating din ang hinihintay nito pero imbes na yung hula nila ang nagpakita, yung isang target pa nila ang dumating.
"Tingnan mo nga naman," tinapik siya nito sa balikat at ngumisi. "Mukhang matatapol natin ang dalawang lovebirds gamit ang isang bato."
Sumeryoso siya at gaya nito, matiyaga nilang inabangan ang susunod na gagawin ng dalawa.
"Nagtatalo pa yata,"
Dinig kasi nila mula sa kinaroroonan nila ang pagsisigawan ng dalawa. Mas matinis lang ang boses ng babae
"Mukhang palaban din talaga si Celia. Siya yung tipong ayaw mong marinig kapag nagbubunganga."
"Napangiti na lang si Hector sa sinabi niya.
"Ang sabi ko, ayoko na. Di na 'ko pumapayag sa gusto mo, last na yung nakaraan. Di ka pa ba nagsasawa sa 'kin!?" Asik na sigaw ni Celia sa kausap.
"Anong ayaw mo na?! May usapan tayo, ang sabi mo kahit anong oras, game ka basta di tayo mahuhuli, bakit, may iba ka na ba?!" Saka nito hinawakan ang braso ni Celia.
"Aray! Ano ka ba? Bitiwan mo nga 'ko!"
"Tumahimik ka! Tatampalin kita," at inambahan na ang kausap.
Umilag awtomatiko si Celia pero itinuloy pa rin ng gago. Sampul sa mukha ang kawawang babae.
Naikuyom ni Romeo ang mga kamay. "Magpakita na kaya tayo,"
"Wag, hayaan mo sila. Ayaw mag-syota yan. Di ka dapat makialam. Saka akala ko ba, gusto mong makalusot sa asunto ni Celia sa'yo."
Napatingin na lang siya kay Hector saglit saka ibinalik sa dalawa.
"Sumama ka sa'kin, di pwedeng basta ka na lang makipagkalas." Sabay kaladkad sa babae.
"Ayoko! Bitiwan mo'ko!"
"Tatamaan ka na naman sa'kin!" Saka ito naglabas ng patalim. Isang balisong.
Nanlaki ang mga mata ni Celia at huminto sa pagpiglas at dahil na rin sa takot, nagpatianod na lang sa lalaki.
"Tang ina, mahilig ako sa pekpek pero hindi ako nananakit. Parang di lalaki." Inis na sentimiyento niya
"Mukhang sa kulungan ang bagsak niyan mamaya. Handa ka na?"
Wala na silang inaksayang oras. Imbes na gugulatin lang nila ang dalawa at huhulihin sa akto, mukhang magiging rescue operation pa ang mangyayari.
Galit siya kay Celia dahil sa masamang balak ng babaeng iyon sa kanya kaso di naman nito deserved ang maabuso. Walang sinuman ang deserved maabuso. Baka masapak pa niya si Nestor mamaya. Naaalala niya kasi bigla ang nanay niya at mga sinapit nitong bugbog sa tatay niyang sumalangit na rin.
Mabilis ang lakad nila. Tinumbok nila ang isang kubol sa dulo ng daan.
"Kay Celso yang kubol dati," banggit niya.
"Oo nga, dito pala sila nagkikita."
"Ang alam ko wala nang umuuwi dyan kaya siguro dyan nila piniling magpalipas ng oras." Aniya habang nagpapatuloy sa paglakad.
"Ano nga palang balak mo kapag naaktuhan natin sila?"
Hindi siya umimik.
"Sabi ko nga eh." Tanging naging usal ni Hector.
Seryoso na kasi siya at sa hitsura niya, mukha na siyang papatay ng tao.
"Maghintay tayo ng mga ilang segundo bago natin sila pasukin. Painitin muna natin."
"Di ba dapat ngayon na para mailigtas pa natin si Celia?"
Luminga lang ito sa kanya. "Bakit? Gusto mo pa rin siyang iligtas kahit ginagago ka niya?" Nagsindi ito ng sigarilyo. "Ang bait mo naman pala." Saka ibinuga.
"May kapatid din akong babae, kaedadan niya at kung sa kanya mangyari 'to baka makapatay ako."
Tumawa ito pero mahina lang. "O sige, kung yan ang gusto mo."
Tumuloy na sila at dahan-dahang pumasok. Pero sa bungad pa lang, dinig na dinig na kaagad nila ang hiyaw at sigaw ni Nestor.
Umiiyak naman si Celia.
Wala na siyang hinintay na oras
Dali-dali niyang itinulak ang pinto sa kwarto at nabungaran na kinakabayo ng nakahubad na lalaki ang kawawang si Celia. Wala nang pang-ibabang saplot at nakahiga lang sa papag habang nakatali ang mga kamay.
Nabulaga ang dalawa sa pagpasok niya. Aktong tatayo at tatakbo na si Nestor, bigla niyang hinarang at tinadyakan. Tihaya ito. Saka hinugot ang patalim na nakatusok sa papag. Ngunit nasipa niya ulit bago nito nahawak ang patalim.
Tinakpan naman agad ni Hector ng suot na polo ang katawan ni Celia na gulat na gulat. Di makapaniwala sa nangyari.
"Hayup ka! Walang kalaban-laban yung babae! Gago ka!" Sinapak-sapak at tinatadyakan pa niya ang mukha at katawan ni Nestor hanggang sa mawalan ng malay.
"Tama na yan, Romeo!" Awat na sa kanya ni Hector. "Papuntahin na natin yung barangay tanod at yung mga pulis. Pananagutin natin siya ayon sa batas."
Humihingal siya habang nakayapos si Hector dahil gigilitan na niya ng leeg ang lalaki.
"Tama na," ulit nito.
Huminahon na rin siya at kinalagan si Celia. Nanginginig sa takot at di makapagsalita. Sa isang banda, naawa rin siya dito.
Ilang minuto pang lumipas ay rumesponde na rin ang mga tanod kasunod ang mga pulis. Agad dinampot si Nestor at dinala sa presinto. Maging sila ay isinama para isampa ang kaso laban sa suspek. Nagbigay sila pareho ni Hector ng testimonya dahil sila ang mga saksi sa krimen.
Nilapatan naman ng agarang lunas si Celia na tulala pa rin ng Women's Desk police agent at kinausap rin ng isang dalubhasa sa traumatic encounter.
Lumapit siya kay Hector na kasalukuyang kinakausap ang imbestigador.
Nung nagpaalam na ang pulis na nakatalaga sa kaso saka niya ito kinausap.
"Paano na, ano nang magyayari ngayon?"
Tumingin ito sa kanya tapos kay Celia bago dumukot ng isang sigarilyo mula sa pakete niyon saka akmang magsisindi kaso sinita agad ng officer sa information desk.
Kaya niyaya siya nitong lumabas para magpahangin na rin.
"Nagulat ako sa ginawa mo kanina. Di ko inakalang may man's dignity ka rin pala." Natatawang biro nito sabay nagsindi ng sigarilyo.
Sumeryoso siya. Ayaw na sana niyang sabihin kaso baka isipin nito, may nararamdaman siya para sa biktima. "Naalala ko kasi yung nanay ko, binubugbog ng tatay ko bago niya inaabuso. Maliliit pa lang kami nun, sabungero kasi at lasenggo pa. Matagal ring nagtiis si Inay sa hayup kong ama. Awa ng diyos, nakawala rin siya."
"Kaya ba galit ka sa mga rapist, ganun ba?" Humithit ito ng matagal saka ibinuga.
Hindi siya agad sumagot. "May pangit kasi akong alaalang bumabalik kapag nakikita kong may inaabusong babae. Nati-trigger yung pagiging bayolente."
Natawa ito. "Tingnan mo nga naman, may natatago ka palang ganyang katangian," nakangiting hirit nito. Sabay buga ng usok.
"Oo naman, ang babae, minamahal. Hindi sinasaktan."
"Linya ni Ramon Revilla yan ah, playboy ka nga talaga." Tinapon nito ang upos saka humarap sa kanya. "Nakikita ko ang sarili ko sa'yo Romeo nung kabataan ko."
"Chickboy ka rin ba?"
Tumawa ito at umiling. "Wag na nating pag-usapan yan. Ang pag-usapan natin ay yung kay Celia."
"Parang wala siya sa tamang wisyo kung ngayon. Palipasin na natin."
"Hindi, ngayon na. Sumama ka sa'min. Ihahatid ko siya sa tiyahin niya."
*****
Mabilis silang umalis na tatlo lulan ng sasakyan ni Hector na pinahatid niya sa driver nito kanina sa presinto.
Nasa likuran si Celia, walang imik. Mukhang na-trauma talaga ito.
"Siya ngapala Celia, pagdating sa bahay ni Susan, mag-uusap tayo. Magkakaroon tayo ng kasunduan." Sabay silip sa rearview ng sasakyan nito.
Nakatanga lang ang kausap nito sa tanawin sa labas ng kotse.
"Mabuti pa, magpahinga ka muna. Medyo malayo rin yung biyahe natin." Ani ni Hector.
Hindi pa rin umiimik ang dalaga hanggang sa marating na nila ang bahay makalipas ang isa't kalahating oras.
Sinalubong agad sila ng dalawang matandang babae at pinatuloy.
"Bakit naparito kayo? May maitutulong po ba kami, Sir Hector? Kasama n'yo pa si Celing." Ani ng matabang babae na tinawag ni Hector sa pangalang Susan.
"May kasalanan bang nagawa si Celing namin?" Sabay hampas ng isa pang babaeng payat sa braso ni Celia. "Ano na namang ginawa mo?"
Umaray agad si Celia. Mukhang masakit pa rin ang braso nito mula sa pagpasag sa pagkakagapos kanina.
"Ang arte mo talaga."
"Ising, Susan. Kaya kami nandito ay para makiusap na dito na muna si Celia. May nangyari kasing di maganda." Panimula ni Hector.
Napasinghap agad ang mataba. "Ano pong nangyari?" Mula sa reaksyon nito, mukha itong mabait.
"Eksaherada ka talaga." Saway naman ni Ising na mukhang mataray.
"Ganito kasi iyon." Tumingin siya kay Celia. "Pwede ka munang pumasok sa kwarto mo,"
Tumingin ang dalaga kay Hector ng maluha-luha bago tumango at tumayo saka tinungo ang kaloob-looban ng bahay.
"Ganito kasi iyon...."
Ikinuwento na lahat ni Hector, maliban lang sa parte na may balak ang dalaga na hindi maganda sa kanya. Panay ang singhap, mura at padyak ng dalawa.
Nang matapos ay tumakbo agad ang isa sa kwarto para damayan si Celia habang ang isa ay inurirat pa si Hector tungkol sa ilang detalye tungkol sa kasong rape, grave threat, physical and emotional injury laban kay Nestor na nakakulong na.
"Hayup siya! Pagbabayaran niya ang ginawa niya kay Celing!! Di ko siya mapapatawad!" Sabay hampas ng palad ni Ising sa lamesa sa sobrang gigil at galit.
"Sa ngayon, mas kailangan kayo ng bata para gabayan siya lalo na't nagdadalantao pa siya."
Dun na naiyak ang matanda. Pero pinilit nitong maging matapang. "Salamat sa inyo, Sir. Totoong hindi n'yo pinabayaan ang pamangkin namin. Susubukan kong kontakin ang mga magulang niya sa lalong madaling panahon."
Tumango na lang si Hector.
Saka bumaling ang matanda sa kanya at hinawakan ang kamay niya. "Salamat at binugbog mo ang hayup na iyon. Kahit paano ay naiganti mo ang ama niya."
Di na lang siya umimik at ngumiti na lang.
"Alam ko namang hindi santa ang pamangkin ko, katunayan nga kahit naman ako, alam ko ang mga pinaggagawa niya sa mansyon. Pero nagpapasalamat ako na di n'yo pa rin siya pinabayaan. Salamat."
"Wag mo nang alalahanin yun. Para ko na ring kapatid si Celia. Malaki rin kasi ang utang na loob ko kina Mang Pedring at Aling Sosima. Yun nga lang, hindi ko naagapan. Baka sakaling..hindi ito nangyari."
"Naiintindihan ko naman kayo, hindi mo naman mababantayan ang mga tauhan mo sa lahat ng oras." Tumayo ito. "Ipaghahanda ko kayo ng makakain, sa ganung simpleng paraan sana ay makabawi kami sa kabaitan n'yo."
Nang makaalis ang matanda ay bumaling siya dito. "Kilala mo pala ang mga magulang ni Celia?"
"Oo, dati silang nagtatrabaho sa hacienda gaya ko. Kaibigan ng nanay ko ang nanay niya. Si Mang Pedring naman, naging tatay-tatayan ko."
Tumango siya. "Kaya pala ganun sila kabait sa'yo."
"Kahit naman sina Susan at Ising, sa hacienda rin nagtrabaho. Mga dati silang katulong dun. Kasabayan ni Harriet."
"Ah," tanging usal niya. Kaya naman pala.
Naiintindihan na niya ngayon kung bakit masidhi ang kagustuhan ni Celia na makaahon sa hirap. Dahil halos lahat silang magkakamag-anak, nangamuhan sa hacienda. Tila isa nang sumpa na magiging ganun na lang at hanggang dun na lang ang magiging takbo ng buhay nila.
Nauunawaan na niya ngayon kaso mali pa rin eh. Mali kasi ang piniling landas at tinahak ng dalaga. Kung sana nagsipag na lang ito at naghanap ng mas magandang oportunidad. Umasa na lang kasi sa swerte at sa tsansang makakadagit agad siya ng mayaman. Naging sakim at mapaghanggad. Ayan tuloy ang kinasadlakan nito. Balik sa lusak pa rin.
Pagkatapos nilang kumain ng tanghalian ay ipinakiusap ni Hector na makausap ang dalaga ng sarilinan. Silang tatlo lang ang nasa salas para pag-usapan ang isang kasunduan.
"Ganito na ang mangyayari, dirito ka muna hanggang sa manganak ka, padadalhan kita kada buwan na pantustos sa ipinagbubuntis mo basta wag mo lang ipapalaglag at baka ihinto ko na ang pagsusustento." Pormalidad ni Hector.
Nakatingin lang si Celia sa ibaba.
"Ayoko, di ko matatanggap yun." Matigas na tanggi ng dalaga.
"Bakit? May pangtutustos ka ba sa anak mo? Saka mo na bayaran kapag pwede ka na ulit magtrabaho."
"Ayoko! Ayoko nang bumalik sa mansyon! Ayoko nang maging katulong!"
"May pagpipilian ka pa ba? Saka ano pa bang kaaayawan mo sa inaalok ko? Eh kung pabayaan ka na lang kaya namin, di ka ba talaga nag-iisip? Sino bang may kasalanan kung bakit ka nasa ganitong sitwasyon? Tanga ka ba o wala ka lang talagang awa sa sarili mo?"
Nanahimik si Celia pero bumaling sa kanya. "Kasalanan mo 'to! Di ako magkakaganito kung hindi sa 'yo!"
"Wag kang magturo. Imbes na tanggapin mo ang mali mo, may gana ka pang manisi. Aba, kung wala si Romeo eh, baka nagilitan na ang leeg mo ni Nestor. Sa tindi ng kabangagan nun, baka sa mga oras na 'to patay ka na."
Natameme ang dalaga at yumuko ulit. Saka nagsimulang umiyak.
Huminga si Hector ng malalim saka siya sumingit. "Sa ibang araw na lang natin 'to ituloy. Wala siya sa tamang pag-iisip ngayon dahil sa nangyari."
"Hindi, tatapusin natin 'to ngayon. Kasi kapag pinagpabukas pa natin 'to, siguradong may maiisip na naman yang kabuktutan laban sa'yo. Alam na alam ko na ang mga estilo niya. Wag kang magpadala sa inaarte niya. Magaling siyang magpanggap. Mismong mga tiyahin niya, alam na ang ugali niyan." Pagbubuko ni Hector.
Napaangat ang ulo ng dalaga saka sila pinaglisikan ng mga mata. "Wala kayong karapatan na pagsalitaaan ako ng masama, hindi n'yo ba nakikita na biktima ako dito, biktima ako!"
"At gusto mong idawit si Romeo sa kalukuhan mo? Yun ba ang tamang pag-iisip ng isang biktima? Kung talagang biktima ka nga talaga, bakit hindi ka nagsumbong nung una palang na hinalay ka ni Nestor? Bakit hinayaan mong ulit-ulit niya ang pangbababoy sa'yo? Pangalawa, bakit mo itinuturo si Romeo bilang ama ng dinadala mo? Pangatlo, bakit hindi ka pa rin nagsasabi ng totoo kahit lantaran at nabisto ka na? Kung talagang biktima at hindi ka sumasakay lang sa oportunidad, bakit mo pinapalabas na si Romeo ang gumahasa sa 'yo? Sige nga, sagutin mo lahat ang mga tanong ko." Matigas na pahayag ni Hector.
Hindi na kumibo si Celia.
"Kaya wala kang karapatang umangal o tumanggi man lang dahil sa umpisa pa lang, pakana mo na lahat ito. Bumanda lang sa 'yo pabalik. Wala kang dapat sisihin kundi ang sarili mo dahil sa kasakiman mo. Hindi maiisip ng isang desenteng tao ang mga pinaggagawa mo. Mahiya ka naman Celia, halos igapang ka ng mga magulang mo makapagtapos ka lang sa pag-aaral tapos ito? Ito pa ang igaganti mo? Ni hindi ka pa nga nakakatulong, dumagdag ka pa sa alalahanin nila."
Tuluyan nang umiyak ang dalaga habang senesermunan nito.
"Kahit paano sana, humingi ka ng despensa sa kanila maging kay Romeo. Hindi mo ba alam na pwede ka rin niyang ihabla sa korte? At kung mapatunayan niyang hindi sa kanya 'yang ipinagbubuntis mo, di mo ba naisip na malaking kahihiyan iyan sa magulang mo? Mahiya ka naman kahit hindi na sa sarili mo, sa mga magulang mo na lang. Kaunting respeto naman sa sarili mo, di ka naman nila pinakain ng galing sa nakaw. Bakit ba ganyan ka?" Patuloy nito.
"Nagawa ko lang naman yun dahil...gusto ko nang makaahon sa hirap.. ayoko nang maging mahirap."
"Eh di sana, nagsikap ka. Magtrabaho ka ng maayos. Gagantimpalaan ka naman ng diyos kung mabuti ang naging hangarin mo kaso hindi, puro pansarili lang ang iniisip mo."
"Kung pinansin mo lang kasi ako, di sana, di sana hindi na ako aabot sa ganito."
"Ayan ka na naman, bakit ba ang kitid ng pag-iisip at ang tamad mo? Hindi mo dapat iasa ang sarili mo sa karangyaan ng iba. Bakit mo pangagaraping makakuha ng mayaman? Ano ka ba, puta-puta? Magsikap ka at paghirapan mo, masyado kang maarte, wala ka pa namang napatunayan. Yang klase ng mentalidad, yan ang mga katangian na hindi mo ikauunlad."
Hindi na sumagot si Celia. Hindi rin naman mananalo sa kausap.
Naiinip na siya kaya tumayo na siya. "Wala ka nang pag-asa. Kung lumapit ka sa'kin at sinabi mo yung ginawa sa'yo ni Nestor, naawa pa ako at baka tinulungan pa kita kaso ang ipaako mo sa'kin yung bata. Wala ka bang delicadeza man lang? Hindi sa hinihiya kita dahil sa nangyari sa'yo pero sana wag ka nang magmataas, tanggapin mo na yung tulong namin. Tutal, wala naman talaga dapat kaming kinalaman dito pero dahil naawa kami sa 'yo at sa bata.." huminto siya sa pagsasalita at huminahon. "Patawad, di ko ginusto yung nangyari sa'yo at pangako, tutulong ako sa abot ng makakaya ko pero sana, magbago ka na, sana maging leksiyon na 'to sa 'yo. Bata ka pa, marami ka pang magagawa. Kaya mo pang umunlad kung gugustuhin mo lang."
Di na talaga ito umimik. Kaya nagdesisyon na silang tapusin na ang usapan. Tinawag nila ang dalawa para kausapin at para pagbilinan na rin.
"Bantayan n'yo siya. Baka kasi ipalaglag ang bata. Padadalahan ko siya ng allowance buwan buwan, pangpa-check up at paghahanda na rin sa panganganak niya. Kausapin n'yo parati at baka may gawin na namang di maganda." Bilin ni Hector sa dalawang matanda.
"Kami nang bahala. Salamat uli, di mo naman dapat 'to ginagawa pero..."
"Wag n'yo nang isipin yun. Tulong ko 'to. Isa pa, bayad ko na rin ito sa pag-aaruga ng Papang sa 'kin. Binabalik ko lang." Sabay yakap nito sa dalawang matanda.
"Pagpalain ka nawa ng diyos."
"Sige, tutuloy na kami."
"Mag-iingat kayo,"
Nasa daan na sila at binagtas ang pauwi sa mansyon. Habang nasa daan, di niya maiwasang magtanong dito ng tungkol sa personal na buhay.
"Dati rin akong hardinero ng amo natin. Driver naman ang ama ko at si ina, nagtatrabaho sa plantasyon. May maliit kaming kubo at isang kalabaw sa labas ng hacienda kaso nabenta nang magkasakit at mamatay si Itay. Paminsan-minsan, suma-sideline ako kapag buwan ng gapasan. Noon, wala pa naman kasing traktora at ilang gamit sa bukirin. Palayan pa dati 'to at sa kabila, pinyahan." Pagkukuwento nito habang itinuturo ang malawak na taniman ng mais at cacao.
"Kung ganun, matagal ka na dito?"
"Oo, halos dalawang dekada mahigit."
"Dito ka na pala tumanda eh." Biro niya.
"Oo, dito na ako nagkaisip at nagkasungay. Alam ko namang alam mo na rin ang mga bali- balita tungkol sa 'min ni Victoria. Di naman ako tanga para di malaman."
"Wala naman akong pake sa inyo basta binabayaran n'yo ko, tapos. Hindi naman ako nandito para sumagap ng tsismis. Kung reporter siguro ako na sugapa sa intriga. Kaso hindi naman."
Tumawa ito saka iniliko ang sasakyan sa may kanto papunta sa kabilang mansyon. "Yan ang gusto ko sa'yo. Masyado kang seryoso sa trabaho at walang oras sa mga tsismoso't tsismosa. Sa totoo lang, napahanga mo 'ko nung isang araw. Hindi ko inaasahan yun mula sa'yo."
"Hindi naman kasi tamang pag-usapan yun. Pribado yun kaya dapat di na nila inuungkat. Wala naman siguro kayong s*x video para pagpiyestahan, bakit ba sila nakikisawsaw?"
"May punto ka. Sa totoo lang, wala na rin akong pakialam sa kanila. Hindi sila ang kailangan kong intindihin. Pero nakakabwisit din kapag naririnig ko ang mga usapan nila." Naikuyom nito ang mga kamay sa steering wheel.
Matagal silang nanahimik. Nakikiramdam sa isa't-isa.
"Siya nga pala, sa susunod na araw baka maiwan ka sa mansyon ng mag-isa. Aalis kasi ang mag-ina papuntang Amerika. Si Donya Corazon, mananatili sa hospital para obserbahan. Matatagalan bago makasunod o baka di na kasi di ii-issue-han ng doktor nito. Kaya, sa'yo ko na ipagkakatiwala ang pagtingin sa mansyon. Ikaw? Kung gusto mong uuwi muna sa inyo o bumalik sa Maynila, pwede rin naman."
"Sinong mag-ina?"
Napatingin ito bigla sa kanya saka ngumisi. "Alam kong alam mo kung sinong tinutukoy ko. Imposibleng hindi mo pa siya nakita at nakilala."
Kung ganun, aalis pa rin pala si Maria kahit malubha ang lagay ng Donya.
"Di mo nabanggit ang tungkol sa kanya. Kay Maria."
"Di mo naman kailangang malaman. Hindi ko naman inaakalang tatagal ka eh, wala naman kasing tumatagal na dayuhan dito. Ikaw pa lang ang sa tingin ko ang pinakamatagal."
Umayos siya nang upo. Malapit na rin kasi sila sa mansyon.
"Marami nang bahid ng dumi ang lugar na 'to at saksi ang lugar na ito sa maraming karahasan at pasakit na naranasan magmula sa mga tauhan, maging sa mga may-ari ng lupaing ito. Kaya di ko na isinasali si Maria. Masyado siyang malinis at inosente sa lahat ng bagay-bagay kaya di ko ipinagsasabi ang tungkol sa kanya at sa kondisyon niya. Para ko na rin siyang anak kaya proprotektahan ko siya gaya ng pagprotekta mo kay Celia kanina. Di man siya sa'kin nanggaling pero mahal ko siya bilang anak."
Makahulugan ang mga sinabi nito na tila pinatatamaan siya. Di kaya may ideya na ito?
"Di kita maintindihan," pagsisinungaling niya. Ayaw niyang tingnan ito sa mata dahil baka mabuking siya.
"Alam kong alam mo ang sinasabi ko, di naman ako pinanganak kahapon." Sarkastikong pahayag nito.
Di na siya sumagot. Baka madulas pa siya. Magaling rin kasi itong magbasa ng isip.
Saka lang siya umimik nang nakahinto sa sila. "Salamat sa paghatid. Papasok na 'ko sa loob." Sabay pihit niya ng pinto ng kotse para buksan.
"May hihilingin sana ako, sana kung may pagkakataon na makita mo siya, talikuran mo na lang. Itaboy mo palayo o iwasan. Dahil di ko alam ang magagawa ko kung may kumanti sa kanya. Baka makapatay ako ng di-oras. Pakiusap ko, wag siya."