UMUWI si Yuri sa bahay nila kinagabihan dahil sa bilin ng mga magulang na doon siya maghapunan. Naabutan niya ang kapatid na prenteng nakaupo sa sala habang nakatutok ang atensyon sa cell phone nito.
"Himala ang aga mo ngayon? Hindi pa ba nagbubukas ang bar mo?" Pukaw niya rito at naupo sa kaibayong couch.
Napansin niya ang kakaibang ngiti sa labi nito na nang balingan siya ay biglang nawala. "Hindi ako magbubukas ngayon. May pupuntahan akong chicks," tugon nito pagkaraan ay muling ibinalik ang tingin sa telepono nito.
"Himala! Uunahin mo pa ang chicks na 'yon kaysa sa negosyo mo? Himala talaga," palatak niya. Tumayo siya at naglakad papunta sa hagdanan pero bago siya makarating doon ay dadaan muna siya sa gilid ng couch kung saan nakaupo ang Kuya Garret niya. Pasimple niyang sinilip ang cell phone nito at nakita niyang may tinitingnan itong litrato ng isang babae.
"Iyan ba ang chicks na sinasabi mo?" tanong niya.
Imbes na mahiya at itago ang telepono ay itinaas pa nito 'yon para ipakita sa kanya. "Oo. Ang ganda no? 'Yan si Veron Estoco. Nakita ko siya sa bar isang beses at mukhang hindi siya night person," pagku-kwento nito. Base sa itsura mukhang tinamaan talaga ang kapatid niya dahil nakangiti ito na parang ewan.
Mataman niyang tinitigan ang litrato ng babae na naka-indian sit sa kama nito habang may yakap-yakap na purple teddy bear. Maganda ito, maputi at brown ang kulay ng buhok. Base sa background mukhang may kaya ang baabe.
"How can you be so sure that she's not a night person? Nakita mo nga siya sa bar mo, ibig sabihin ay gano'ng klase siya," saad niya at pinagsalikop ang mga braso sa dibdib niya.
"I already talked to her at nalaman kong isinama lang siya ng mga officemates niya. Valid naman ang reason niya. Ayaw niya lang masabihan ng killjoy kaya sumama siya." Katuwiran pa nito.
"Kung sakaling gano'n nga. Paano ka naman nakakasiguro na single siya? Walang asawa, walang nobyo o anak?" Alam niyang nagmumukha siyang kontrabidang kapatid. Pero nagiging rasonable lang siya. Ayaw niyang masaktan ang kapatid o 'di kaya naman ay maloko. Good catch na ang Kuya niya, ano? Matino naman ito kahit papaano, gwapo, may sariling negosyo, at alam nito ang limitasyon nito sa lahat ng bagay. Kaya hindi na lugi ang babaeng magugustuhan at mapapangasawa nito kung sakali.
"She's single, okay? Saka ano bang ipinagpuputok ng butse mo diyan, e magkikta lang naman kami at magco-coffee. Getting to know each other stage pa lang ika nga. 'Wag kang mag-alala sa gwapo mong kapatid dahil wais 'to," Itinuro pa nito ang sarili at animo bilib na bilib sa sarili.
"Talaga lang ha? Kailan ka pa nakuntento na sumama sa isang babae na mag-coffee lang? Sa huling pagkakatanda ko kasi dumidiretso ka na agad sa motel kasama ang babaeng natipuhan mo," sarkastikong turan niya at nginisihan pa ito.
Ibinaba nito ang telepono at nakataas ang mga kilay na iniharap ng tuluyan ang katawan sa kanya. "Nagbago na nga sabi ako, okay? Good boy na ang Kuya mo. Handa na 'kong mag-pamilya kaya naghahanap ako ng matinong babae at pakiramdam ko si Veron na 'yon. Suportahan mo na lang ako kaysa kumokontra ka pa," anito na mukhang naiirita na sa kanya.
Nagkibit balikat siya at hindi nagbago ang reaksyon sa mukha niya. "If you say so, my dear brother... Basta 'wag kang tatakbo sa'kin na umiiyak dahil niloko ka niya."
Naaburido nitong kinamot ang ulo at hindi na nagsalita. Tinalikuran na siya nito at ibinalik ang atensyon sa telepono. Sa ganoong tagpo sila naabutan ng mommy niya na lumabas galing sa kusina.
"O, narito ka na pala, hija. Tamang-tama at matatapos na 'yong kalderetang niluluto ko," nakangitingsabi nito at lumapit sa kanya saka siya niyakap at hinalikan sa pisngi.
"I will just take a quick shower, Mom," paalam niya sa ina at umakyat na sa ikalawang palapag ng bahay nila at dumiretso sa silid niya.
Doon pa rin sila nakatira ng Kuya Garret niya dahil ayaw pumayag ng mommy at daddy nila na tumira sila sa condo o sa kahit saan na malayo sa mga ito. Papayag lamang daw ang mga ito kung may asawa na sila. Bagay na sa tingin niya ay matagal pang mangyayari. Nagsisimula pa lang silang magkakilala ni Kenny at hindi pa niya nakikita ang sarili na kasama ito o maging nobyo man lang. Pero hindi naman niya isinasara ang posibilidad na 'yon dahil nakikita niya naman na mabait ang binata. Iyon nga at panay ang pangungumusta at paga-update nito na akala mo ay nobya na siya nito. Pero natutuwa naman siya. Ngayon lang kasi may lalaking nagpakita ng interes at pagpapahalaga sa kanya.
NANG dumulog si Yuri sa hapagkainan ay naka-pajama na lang siya at fitted na t-shirt. Gano'n lang siya manamit kapag nasa bahay. Naroon na ang mga magulang at kapatid nang maupo siya. Binati niya ang ama na noon ay kadarating lang din galing sa trabaho nito sa opisina. Nagtatrabaho ito sa kompanya na itinayo ng mga magulang nito na ngayon ay pinapatakbo na ng magkakapatid. Naroon ang daddy niya bilang Presidente ng kompanya. Ibinigay na dito ng mga kapatid ang pinakamataas na posisyon dahil ito ang nag-iisang lalaki. Ang tinutukoy niyang mga kapatid nito ay ang Tita Katarina niya, Tita Karina, Tita Nina, at Tita Lara niya. Mga magulang ng Career Girls maliban kay Tita Katarina dahil mommy ito ni Kassandra na hindi kabilang sa grupo nila.
Ayaw pa rin iwan ng ama ang posisyon kahit na may nararamdaman na ito sa katawan dahil nakasanayan na nito ang trabahong 'yon. Isa pa ay wala pa itong napipisil na papalit sa pwesto nito.
"Mabuti naman at nakauwi kayong dalawa ng maaga ngayon?" sabi ng daddy nila sa gitna ng kanilang paghahapunan.
Nagkatinginan silang magkapatid animo nagtatanong kung sino ang unang dapat na sumagot. Sinenyasan niya itong mauna na at itinuon na niya ang tingin sa pagkain.
"A, hindi ako nagbukas ng bar ngayon, Pa, dahil may kailangan akong puntahan na importante," wika ng Kuya Garret niya.
"Si Veron ho ang tinutukoy niya," pagsabat niya.
"Veron? Sino si Veron?" tanong ng mommy nila at nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila.
"Sino nga ulit siya Kuya?" Nakakaloko ang tinging ipinukol niya sa kapatid.
Umangat ang isang sulok ng labi nito at akmang magsasalita na pero inunahan niya ito. "Mom, dad, mag-aasawa na daw si Kuya." Pinigil niya ang sarili na matawa lalo na ng makita ang paglaki ng mata ng Kuya niya.
"Really, hijo? Bakit ngayon mo lang sinabi? Bakit hindi mo siya isinama dito para naman nakilala namin siya?" Nakalarawan sa mukha ng ina ang kagalakan.
"No, Ma. Nagbibiro lang si Yuri. Hindi ko pa masyadong nakikilala si Veron. Kaya nga imi-meet ko siya after dinner para sunduin sa trabaho niya,"
"I'm sorry, mom, nagbibiro lang talaga ako. Para kasing seryoso na si Kuya sa kanya," komento pa niya.
"I want to know her more kaya nga nag-eeffort ako na sunduin siya." Seryosong sabi nito.
Nagkatinginan ang mga magulang nila at kapwa nagkibit ng balikat. "Wala kaming problema ng mommy mo kung sino ang magugustuhan mo, Garret. Malaki ka na este matanda na. Dapat lang na inaasikaso mo ang sarili mo kaysa ang negosyo. 'Yon ay kung matatawag ngang negosyo ang bar mo," wika ng daddy nila. Alam nilang hanggang ngayon ay hindi pa rin ito pabor sa negosyo ng Kuya niya kahit pa limang taon na ang nakalipas. Matagal na rin kasi itong sinasabihan ng ama na doon na lang sa kompanya magtrabaho. Pero mukhang hindi 'yon ang calling ng kapatid.
"Ang totoo niyan, Pa, naiisipan ko na rin na bitawan ang bar at maghanap ng mas matinong pagkakakitaan. Iyon nga lang wala pa akong makita sa ngayon,"
Muling nagkatinginanang mga magulang. Pati siya ay napatigil sa pagkain dahil sa sinabi ng kapatid. Tinamaan talaga ang lintik. Si Veron lang pala ang makakapagpabago sa pananaw ng nakatatandang kapatid. Mukhang nagugustuhan na niya ang babaeng 'yon. Kailangan lang makilala niya muna ito para kumpirmahin kung kagusto-gusto nga ba ito.
"Why don't you accept the position that dad offers you in the company? Hindi ba dagdag pogi points 'yon kay Veron kung malalaman niya na bukod sa bar ay may iba ka pang trabaho?" Suhestiyon niya.
Natahimik naman ang kapatid waring napaisip sa sinabi niya.
"Tama ang kapatid mo, Garret. Siguro panahon na rin para naman pasukin mo rin ang negosyo ng pamilya. Naroon na ang mga pinsan mo kaya nag-retiro na ang mga Tita mo. Ikaw na lang ang hinihintay at maaari na rin akong mag-retiro," segunda naman ng ama.
Nakita niya ng humugot ng malalim na hininga ang kapatid pagkaraan ay tumango ito. "Kung gano'n ay kailan ako magsisimula, Pa?" tanong nito.
Bigla namang lumiwanag ang mukha ng daddy niya gano'n din ang ina at napapalakpak pa ito. "Masaya akong marinig 'yan sa'yo, hijo." Hindi napigilang bulalas ng mommy nila.
"You can start whenever you are ready, hijo. I will arrange everything for you."
"I think this calls for a celebration!" Masayang anunsyo niya.