chapter 2

1798 Words
Kinabukasan ay maaga kaming pumunta ni Yummie sa resort ni Mrs. Galvez para sa final interview sa in-apply-an naming trabaho. Marami kaming mga nakaabot sa final at kasama na roon si Misty. Ewan ko ba sa babaeng ito at bakit nag-apply rin ito gayong nag-aaral naman ito sa siyudad. Hindi ko pa naman nabalitaan mula sa tsismosa naming mga kapitbahay na grumaduate na ito. "Yummie, paano kung hindi tayo makuha?" kabadong bulong sa'kin ni Misty habang katabi ko siyang nag-aabang na tawagin ang turn namin para sa interview. "Makukuha tayo, tiwala lang," pagpapalakas ko sa loob niya. Peak season ngayon kaya kailangan ng resort ng mas maraming staff lalo na at kabubukas lang ng water adventure park nila no'ng nakaraang linggo. Pumatok sa mga turista, mapa-local man o international, ang bagong adventure park kaya hiring sila ngayon. "Sana lang ay hindi natin makakasama iyan," usal ni Dianne sabay nguso kay Misty na kakalabas lang matapos ang interview. "Mukhang hindi naman natanggap," saad ko habang napapansin ang bagsak nitong balikat. "Yummie, lalo akong kinakabahan," tugon ni Dianne. "Iyan nga na college level tapos maganda ay hindi natanggap. Paano na lang tayo?" "Matatanggap tayo, tagalinis lang naman ang in-apply-an natin," tiwala kong pahayag. "Hindi kailangan sa trabahong iyon ang college level at lalong hindi kailangan ang ganda." Tiyak na mas mataas na posisyon ang in-apply-an ni Misty kaya hindi ito natanggap. Iilan na lang kaming natira para tawagin sa loob nang lumabas iyong assistant ng manager ng resort. "Iyong mga hindi po natawag sa loob ay bumalik po kayo bukas para sa orientation," anunsiyo nito. Nagkatinginan kami ni Dianne, habang umugong naman sa paligid ang bulungan. "Tanggap na po ba kami, Ma'am?" pigil-hininga kong tanong. "Oo, congratulations sa inyong lahat." Masaya kaming nagyakap ni Dianne. Ang Galvez resort ang pinakamalaki at kilalang resort sa buong isla kaya malaki rin sila magpasahod kumpara sa iba. Pangarap namin ni Dianne ang makapagtrabaho rito. Siya ay gusto niyang maging stepping stone ang resort upang makapunta ng syudad, ako naman ay ang makahanap ng Afam. Magkaibang pangarap pero iisa ang goal, ang mabigyan ng maginhawang buhay ang kanya-kanya naming pamilya. "Ma'am, bakit wala kaming interview?" Isa sa mga kasamahan namin ang nagtanong. "Hindi na kailangan," tugon ng Assistant. "Sa Housekeeping Department naman kayong lahat. Iyong orientation at training lang ang dapat ni'yong paghandaan." Matapos maibigay sa amin ang oras ng orientation para bukas ay umuwi na kami ni Dianne kasama iyong iba. Dumiretso na ako sa bahay upang ibahagi kay Nanay ang magandang balita. Matagal ng patay si Tatay at ako ang tumatayong katuwang ni Nanay sa pagpa-paaral ng dalawa kong nakababatang kapatid. Mahirap ang buhay kaya mula pa man noong una akong natutong magtrabaho ay nagsusumikap na ako para sa mga kapatid ko at kay Nanay. Kaya naging ganito rin ako kapalaban ay para sa pamilya ko. Ayokong habambuhay na lang kaming ganito, kaya goal kong yumaman! Ayokong magpakaipokrita na iaasa sa tiyaga at swerte ang lahat, ako na mismo ang kikilos at ang pinakamabilis na paraan ay ang makapag-asawa ng Afam. Idol ko si Aling Inday na ngayon ay Donya Inday na! "Ngayong magtatrabaho ka na sa resort ay kailangan bawasan mo na iyang pagiging basagulera mo," pangaral sa'kin ni Nanay matapos kong sabihin ang tungkol sa orientation ko bukas sa resort. "Nay, naman. Kailan pa ako naging basagulera?" maang-maangan kong bulalas. "Mabunganga lang ako, pero peace loving citizen 'to." Puno ng kumpyansang itinuro ko pa ang sarili. Huwag na lang muna naming ungkatin kung bakit ako palaging natatanggal sa mga dati kong pinagtatrabahuhan. Ano ba naman kasing magagawa ko kung mabilis pa sa kidlat kung uminit ang ulo ko? Hindi ko talaga masikmura kapag may mga katrabaho akong laging umaastang tagapagmana ng amo namin. Ang ending, imbis na customer service ang ibigay ko, physical service ang inaabot nila sa akin. Kasalanan ko bang mas mabilis mag-react ang kamao ko kaysa sa utak ko kapag nade-dehado ako? Nahagip ko ang hindi naniniwalang tingin ng bunso kong kapatid na si April kaya pasimple ko itong pinandilatan ng mga mata. "Pagiging peace loving ba iyong panunugod mo kay Misty?" sarkastikong tanong ni Nanay kaya mabilis na nabalik dito ang atensiyon ko. "Kanino ni'yo naman po nabalitaan iyan?" kunwari ay gulat kong tanong. "Grabe na talaga ngayon ang mga fake news! Hinawakan ko lang po iyong buhok, chineck ko lang kung maliban sa split ends niya ay may kuto rin ba siya," inosente ko pang paliwanag. "Fake news pa ba iyon gayong ang daming nakakitang kapitbahay natin sa ginawa mo?" maang na bulalas ni Nanay. Itinigil pa nito ang pananahi upang harapin ako. Napaayos ako nang tayo dahil sa seryoso niyang ekspresyon sa mukha. "Yummie, panatag ang loob ko dahil palaban ka," pabuntonghininga niyang pagpapatuloy. "Pero, 'nak, minsan ay hindi rin namang masama na magpakumbaba at palagpasin na lang ang ilang bagay. Hindi palaging sagot ang karahasan." Tikom ang bibig na tumango-tango na lang ako. Saulo ko na ang linyahang ito ni Mama tuwing nasasangkot ako sa gulo. "Makinig ka, Ate, dahil baka mamaya ay madadamay na naman kami," pabirong singit ni Jake, ang kapatid kong lalaki na sumunod sa'kin. Kasalukuyan itong nagtatabas ng mga tela para sa pananahi ni Nanay. "Isa ka pa," baling ni Nanay rito. "Huwag kang gumaya rito sa Ate mo na mainitin ang ulo dahil baka hindi lang reklamo barangay ang kakaharapin mo kundi diretso ka na sa kulungan," sermon ni Nanay rito. "Buti nga sa'yo," pang-aasar ni April dito. "Sumasabat pa kasi, ayan tuloy..." Tumawa lang ito nang batuhin ni Jake ng piraso ng telang tinatabas. "Bakit, Nay, anong ginawa niyan?" kunot-noo kong tanong. "Muntik nang makipagsuntukan sa kaklase niya, Ate," si April ang sumagot bago pa makapagsalita si Nanay. Namaywang kong hinarap si Jake. "At bakit?" mataray kong usisa. "Kung kailan graduating ka na sa Senior High ay tsaka ka pa maging basagulero! Paano kung maaapektuhan ang pagiging honor student mo niyan?" Kahit alam kong hindi naman katulad ko itong si Jake ay hindi ko pa rin mapigilang mabahala. Matalino ito at alam kong malayo ang mararating sa buhay kaya hangga't maaari ay gusto kong matupad nito ang mga pangarap. Ako lang iyong pwedeng maging ex-con sa pamilyang ito kung sakali! "Kasi po tinawag kang 'pangit'," si April ulit ang sumagot, binigyang-diin pa talaga ang huling salita. "April," naninitang tawag ni Nanay sa pangalan nito. "Sinasabi ko lang po iyong totoo," nakangusong katwiran ni April. "Para maintindahan ni Ate kung bakit biglang uminit ang ulo ni Kuya. Salbahe rin kasi iyong classmate niya, ang tanda-tanda na tapos bully pa rin. Wala ngang gano'n sa high school." Umirap pa ito. Binalingan ko na si Jake, tahimik lang nitong tinatapos ang ginagawa, pero namumula ang leeg at halatang sinasadyang huwag tumingin sa'kin. "Para iyon lang ang sinabi ay nagalit ka na agad?" tanong ko kay Jake. Napahinto ito sa ginagawa bago napilitang mag-angat ng tingin sa'kin. "Ate, okay lang kung ako iyong nilait niya," nagpipigil ng galit niyang sagot. "Pero ibang usapan na kung ikaw." Medyo na-touch ako sa narinig. Sa aming magkakapatid ay ako lang iyong tila naiiba na hindi namana ang matangos na ilong ni Mama at pagkamistisahin nito. Kamukha ko iyong yumaong kong Lola na ina ng Tatay ko. Kaya maliban sa hindi kami mapagkamalang magkakapatid ay palagi akong nalalait dahil umaangat ang hitsura ko kapag naikukumpara sa kanila, umaangat dahil hindi kagandahan! Mahina kong sinapok sa ulo ni Jake upang sansalahin ang anumang iniisip niya na nagpasama sa kanyang timpla. "Aray! Ate naman—" "Anong ate naman?" mabilis kong putol sa akma niyang pagrereklamo. "Ikaw ha, kapag may tumawag sa'king pangit ay dapat hindi mo na intindihin iyon. Ako lang dapat ang magagalit kapag may manlait sa'kin!" mataray kong pahayag. "Hindi naman pwedeng hindi ka namin ipagtanggol," nakasimangot na tugon ni Jake. "Ako ang ate rito," matapang kong sagot. "Ako dapat ang nagtatanggol sa inyo at hindi kayo iyong makikipag-away para ipagtanggol ako," nandidilat kong dugtong. "Naintindihan ni'yo ba?" nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang dalawa ni April. "So, hahayaan ko na lang po na tawagin ka nilang pangit sa harapan ko?" iritable tanong ni Jake. Halata sa mukha ang matinding pagtutol. "Bakit ka magre-react? Totoo bang pangit ako?" humalukipkip kong balik-tanong sa halip na sagutin ang tanong niya. "Oo- aray!" mabilis na sagot ni April na nauwi sa hiyaw nang masapol sa mukha ng pincushion na basta na lang dinampot ni Jake. "Jake, baka may karayom iyon!" gulat na sita ni Mama sa kanya. Mabuti na lang at bakante ang pincushion na nadampot ni Jake kaya ligtas ang mukha ni April. "Tingnan mo, Ate, ang bilis mapikon," sumbong sa'kin ni April na para bang wala siyang nasabi kanina laban sa'kin. "Hindi ko naman siya inaano." "Oo nga naman," tumatango-tango kong pagsang-ayon. "Sinagot mo lang naman ng 'oo' iyong tanong ko kung totoo ba akong pangit," matabang kong dugtong. "Oo nga, tama naman na..." Kusang napatigil sa pagsasalita si April nang mapagtanto kung ano ang sinasabi niya. "...Tama naman na magalit siya dahil hindi totoo iyon," maagap niyang bawi sa naunang pahayag. Inosente niya pa akong nginitian, pero dahan-dahan nang tumayo upang lumayo sa'kin nang konti. Narinig ko ang pag-ismid ni Jake sa bunso namin. Naiiling na lang ako at napabuga ng hangin. Hindi rin naman kasi kasalanan ni April kung katulad no'ng iba ay napapangitan din ito sa'kin. Iba-iba ang preference ng tao at nagkataon lang na hindi niya kayang i-appreciate ang gandang meron ako. "Totoo man o hindi ay dapat hindi iyon magiging dahilan upang makipag-away kayo," patuloy kong sermon. "Ang importante ay hindi hadlang ang hitsura ko upang mabigyan ko kayo ng magandang buhay," seryoso kong dagdag. Napanguso si April at nagyuko ng ulo, mukhang nakonsensya sa anumang ginawa. Si Jake naman ay itinuloy na ang ginagawang pagtabas ng mga tela pero halata namang tensiyonado ang kamay. "Huwag kayong mag-alala, kapag nakapag-asawa na ako ng Afam ay sasampalin ko pera bawat manlait sa'kin," pag-iiba ko ng usapan upang gumaan ang atmosphere sa paligid. "Kaya ngayon, tiis-tiis muna tayo sa pagiging mahirap, kasi malapit na tayong yumaman!" "Tumigil ka nga riyan," pumapalatak na saway sa'kin ni Nanay, itinuloy na nito ang pananahi. "Baka isipin pa ng mga kapatid mo na Afam ang sagot sa kahirapan." "Sa'kin lang iyon applicable, Nay, kasi itong ganda ko ang hinahabol ng mga Afam," mayabang kong sagot. Narinig ko ang mahinang hagikhik ni April habang nakita ko naman ang pag-iling ni Jake habang nagpipigil ng ngiti. Siguro ay sawang-sawa na ang mga ito na paulit-ulit na naririnig ang plano kong magka-Afam. Gano'n pa man sa bawat pagkakataon ay napapatawa ko sila na para bang para sa kanila ay isang malaking biro ang mga sinasabi ko. Hindi nila sineseryoso, akala nila ay hindi ko totohanin! Magugulat na lang sila balang araw, mag-uuwi ako ng Afam dito sa bahay namin!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD