II.

2420 Words
CHAPTER TWO “MY DRIVER’S outside na. Hindi mo man lang ba `ko ihahatid sa labas?” tanong ni Jemaika nang pagbuksan niya ito ng pinto ng kanyang kwarto. “Malaki ka na, `di ba?” “Sabi ni Ate Nari, gentleman ka rin daw. Pero tingin ko, sinabi lang din niya `yon kasi nga kapatid ka niya.” “Bakit mo `ko tinatanong sa ate ko?” salubong ang kilay na tanong niya. “Manhid ka rin pala, `no?” “Ano?” naguluhang tanong niya. “Sige na, ihatid mo na `ko. Or sasabihin ko sa mga kapatid natin na—” “Oo na, ihahatid na kita,” aniya at pinanlakihan pa ito ng mga mata. Jemaika giggled in victory. Nang makababa sila ng apartment ay nandoon na nga ang driver nito. Nag-aalala naman si Yñigo na baka may makakita sa kanila, lalo na ang mga pinsan niya. Ano na lang ang sasabihin nina Ate Yvonne at Ate Jonie? Pero mabuti na lang at tahimik sa hallway ng aparment paglabas nila. “See you, Yñigo?” may halong pang-aasar na sabi sa kanya ni Jemaika. “Pwede ba?” Binuksan niya ang pinto sa backseat. “Umuwi ka na.” “Okay.” Lumapit na ito sa pinto. Pero sa halip na sumakay na ay kinabig nito ang kanyang batok at mariing hinalikan siya. Nanigas sa kinatatayuan niya si Yñigo pero saglit lang iyon dahil sinakop ng pamilyar na init ang kanyang sistema. Agad ding pinutol ni Jemaika ang halik. “Para hindi mo ako makalimutan agad,” pilyang sabi nito at tuluyan nang sumakay. Wala sa loob na isinara niya ang pinto ng kotse. Naiiling na bumalik na siya sa apartment. Sa dinami-dami naman ng babae, bakit si Jemaika pa? Pero nang nasa hagdan na siya ay nakasalubong niya ang pamangkin na si Jupiter. Nginisihan siya nito. “Tito, ha,” tukso nito. “Ano?” “Nakita ko `yon.” “Nakita ang ano?” “Ganda ng chicks mo. Bagay na bagay ka—” Mabilis na tinakpan niya ng kanyang kamay ang bibig ng bata. “Huwag mong ipagsasabi sa kahit na sino ang nakita mo, ha? Maliwanag ba?” natarantang sabi niya. Napatango-tango na lang si Jupiter.   “K-KAPAG wala na `ko... maghanap ka ng iba, ha? Sayang ang lahi mo kung hindi mo ipagpapatuloy.” “A-ano bang pinagsasasabi mo?” gumaralgal ang tinig na ani Yñigo. Hinang-hina na si Laurice pero nakuha pa rin nitong magbiro. Hindi na ito makilala. Buto’t balat na lang ito. Walang sandaling hindi nadudurog ang puso niya tuwing pinagmamasdan ito. Ingat na ingat siya kapag hinahaplos ang buhok nito. Natatakot siyang kahit pinakamagaang pagdantay ng kamay niya sa balat nito ay masaktan ito. “Seryoso ako. Maghanap ka ng babaeng mas maganda at mas malusog, hindi gaya ko. Iyong kaya kang bigyan ng mga magaganda at gwapong anak. Magpakasal ka, ha? Kung hindi, mumultuhin talaga kita.” Ngumiti si Laurice pero nauwi rin iyon sa ngiwi. Huminga nang malalim si Yñigo. “Huwag ka nang magsalita, please...” “Mag-ahit ka nga. Mukha kang barumbado tingnan kapag balbas-sarado ka. Wala ka pa ngang treinta.” Napilitan siyang ngumiti. Alam naman ni Laurice na hindi na niya magawang alagaan ang sarili dahil sa hospital na halos siya tumira para lang mabantayan ito. “Mamaya pag-uwi ko sa bahay, mag-aahit ako. Pagkatapos, gwapo na uli ako sa paningin mo. Okay ba `yon?” Nakangiting tumango nang marahan si Laurice. “Okay na okay.” Ginawa nga iyon ni Yñigo. Umuwi siya sa kanila para kumuha ng panibagong mga gamit at at mag-ahit. Sinigurado niyang malinis na malinis ang mukha niya kagaya ng gusto ni Laurice. Pero kung kailan naman nakabalik na siya, nadatnan niya itong tinatakpan na ng kumot. Hinintay lang siya nitong umalis at saka rin ito umalis. Napakadaya talaga nito. Hindi man lang nagpaaalam sa kanya. Paano na siya ngayon? Sinisisi niya ang sarili. Kung alam lang niyang iyon na ang mga huling sandali ni Laurice, e di sana hindi na lang siya umalis. Hindi bale nang mukha siyang ermitanyo basta masulit lang niya bawat sandali na kasama niya ito. Nangako siyang hindi niya ito iiwan, sasamahan niya itong lumaban.   “ISANG taon na pero ang sakit-sakit pa rin...” Naramdaman niya ang paghawak ni Ate Nari sa kanyang likod. Nakatayo na sila nang mga sandaling iyon sa puntod ni Laurice. Dinalhan niya ito ng paborito nitong orchids. Mahilig magtanim n’on ang nobya niya noong nabubuhay pa ito. “Alam ko. Madalas kapag may taong nawawala sa buhay natin, hindi naman tuluyang nawawala ang sakit. Nasasanay na lang tayo. Kahit hanggang ngayon, nami-miss ko pa rin naman si Nanay. Okay lang malungkot. Huwag lang sumuko.” “Gaya ng hindi mo pagsuko no’ng mawala si Nanay at maghiwalay kayo ni Kuya Gerald. Dahil sa `kin.” Inakbayan niya ito. “At dahil maganda ako. Charot.” Bumungisngis naman ang kapatid niya. “Ang totoo, hindi na ako umaasa na magiging masaya pa ako. Matagal akong naghintay, halos nasanay na nga ako. Pero nakilala ko si Jai. Nagkakulay uli ang buhay ko.” “Ayoko nang magmahal pa kung hindi rin lang si Laurice, Ate.” “Huwag mong sabihin `yan,” saway naman nito at kunwari ay pinandilatan siya. “Alalahanin mo ang bilin sa`yo ni Laurice. Huwag mong sayangin ang lahi mo. Okay na siya kung nasa’n man siya ngayon. Sana ikaw rin. Ayaw niyang mag-isa ka habang-buhay. Ayokong mag-isa ka habang-buhay.” “Hindi ko kaya.” “Sa ngayon. Sige lang, magluksa ka lang hangga’t kailangan mo. Pero maniwala ka lang sa pag-ibig, ha, Yñigo.” Tinapik-tapik ni Ate Nari ang likod niya. “Saka bata ka pa naman. Kahit after five years ka pa magpapakasal, okay lang. Lalaki ka naman, e. `Yon ay kung wala ka lang namang ibang mabubuntis.” Tumawa nang malakas ang kapatid niya. Hindi naman niya napigilan ang panlakihan ng mga mata. Bigla na lang ay parang nababagabag siya. Jemaika’s not-so innocent face flashed before his eyes. Jemaika was only an acquaintance to him when Laurice was still alive. Ngayon parang nagkaroon pa siya ng problema. “Ate, may ginawa akong kasalanan.” “Pinapatawad na kita kaagad.” Humilig si Nari sa dibdib niya. Kung alam lang nito kung ano ang kasalanang iyon.   DAHIL inabutan sila ng gabi sa biyahe mula sa sementeryo, nagpasya silang maghapunan na lang sa Chuck’s Pasta. Hindi napigilang bumuntong-hininga ni Yñigo. Bukas papasok na naman siya. Isang taon na pero hindi pa rin siya nasasanay na walang Laurice na sumasalubong sa kanya sa faculty room tuwing umaga. Bago sila nagkita ng Ate Nari niya kanina ay tumawag ang mama ni Laurice. Nasa probinsiya ito. Doon na ang mga ito tumira matapos ilibing si Laurice. Okay naman daw ang mga ito at sinabi ng mga ito ang rason kung bakit hindi ito makakadalaw sa puntod ng nobya niya. Pero aalalahanin daw nila ito roon. Naiintindihan naman niya. Hanggang ngayon, ramdam pa rin ni Yñigo na kagaya niya ay hindi pa rin matanggap ng mga ito ang pagkawala ni Laurice. She was the breadwinner of the family. Dahil nauna siyang makauwi, umakyat muna siya sa apartment para magpalit ng damit.   NANG makababa siya ay nakita niyang nakaparada na ang kotse ng bayaw niya sa labas ng Chuck’s Pasta. May isang taon pa lang na kasal ang ate niya pero masayang-masaya ito. Sometimes he envied her. Ang akala niya ay mauuna pa silang magpakasal ni Laurice kaysa sa Ate Nari niya. Ang tadhana nga naman kapag nagbiro. Nang makapasok na siya sa Chuck’s Pasta ay nakita agad niya ang Ate Nari niya at si Kuya Jai. Nakaakbay ang huli sa kapatid niya at may kausap ang mga ito. Isang babae—nakatalikod ito sa direksiyon niya kaya hindi niya makita ang mukha. Pero kung hubog ng katawan ang pagbabasehan, parang gusto na niyang umatras at bumalik na lang sa bahay niya. Bigla ay hindi niya alam kung igagalaw niya ang mga binti para ituloy ang paghakbang pero nalingunan na siya ng kapatid niya at nakangiti siya nitong kinawayan. Napabuga siya ng hangin at nagpanggap na okay lang kahit na ang totoo ay dumoble ang kabog ng dibdib niya. Nang makita niyang lumingon si Jemaika ay nagkunwari siyang hindi ito nakita. Kakaiba ang ngiti sa mga labi nito. At wala siyang pagpipilian kundi ang maupo sa tabi nito na siyang natitira na lang na bakanteng mesa. Bakit parang ang haba naman ng isang araw para sa kanya? Bakit biglang lumiit ang mundo? Umupo siya nang tuwid at idiniretso ang tingin. “Hi.” Napapitlag siya nang magsalita ito. Napilitan siyang tapunan ito ng tingin. Tinawanan siya ni Jemaika. “Nerbyoso ka pala?” Bahagya niyang inilayo ang upuan mula rito. “Bawal na bang magulat ngayon?” kaswal na tugon niya. Ibinaling niya ang tingin sa nakalapag na make up sa mesa. “Ano `yan, Ate?” “Skin care products, galing sa mga sponsor ni Jemaika. Regalo lang niya sa `kin. Ang sweet niya, `no?” But all he could make of the word ‘sweet’ is Jemaika’s lips against his last night. Napatikhim si Yñigo. Paano niya nagawang mag-isip ng gano’n sa harap mismo ng kuya nito na asawa ng ate niya? Dapat na ba siyang magpaalam at sabihing nagbago ang isip niya at busog naman talaga siya? Pero nang-aasar yata ang sikmura niya at bigla na lang iyong kumulo. Pambihira. Narinig pa niya ang bungisngis ni Jemaika. Nang tingnan niya ito ay nakatingin ito sa tiyan niya. Hindi na lang niya iyon pinansin. “Gusto mo ba nito?” Hawak na ngayon ng kapatid niya ang isang hugis-bilog at kulay-green na lalagyan. “One hundred percent aloe vera. Magandang moisturizer.” Bahagya niyang itinaas ang kamay. “Okay lang ako, Ate. Hindi ko pa kailangan niyan. Salamat na lang.” “Nabanggit ko na ba sa`yo na beauty vlogger and influencer si Jemaika?” si Kuya Jai. “Ha?” “She has more than one million subscribers on her account. I did not know that’s the thing nowadays. You get rich by just posting videos online.” Tumango na lang siya. “Do you want to try vlogging, Yñigo?” Ibinaling niya ang tingin sa labas ng salaming dingding ng restuarant. “No, thanks.” Nagulat siya nang may biglang humawak sa mukha niya at pinihit ito pabalik sa direksiyon ni Jemaika. Nakita niya tuloy itong tawang-tawa. “Nandito ang magandang babae sa kanan mo, wala do’n sa kaliwa.” Gulat na napatingala siya kay Uncle Chuck na siyang may hawak sa kanya. “Uncle!” hindi napigilang reklamo niya at pumiksi. Tumawa naman ang mag-asawa sa kanya. “May boyfriend ka na ba, Ganda?” tanong pa ni Uncle Chuck sa katabi niya. “Wala po,” napabungisngis na sagot naman ni Jemaika. Malakas na tinapik ni Uncle Chuck ang magkabilang balikat niya kaya napaubo siya. “Alam mo na.” “Gutom lang `to, Uncle. Ikakain ko na lang po `to,” pakli niya.   BINILISAN ni Yñigo ang pagkain para makaalis na siya. Nang makabalik na siya sa bahay niya ay talo niya pa ang tumakbo sa isang karera. How could a woman make him feel that way? Naupo siya sa sofa at inabot ang naka-frame na larawan nila ni Laurice. Kuha iyon nang gabing sabihin nila kina Ate Nari at sa mga pinsan niya ang plano nilang pagpapakasal. Laurice was smiling and so full of life. Ito lang ang babaeng nakakapagpabilis at nakapagpabagal ng t***k ng puso niya. Until Jemaika. Pero hindi sa parehong paraan. “I-I’m sorry, Love... Hindi ko sinasadya. Nangako akong ikaw lang. Nagkamali ako. Sorry...” Napasandal siya at itinapat sa dibdib niya ang frame. Sa ginawa niya, parang hindi na siya naging karapat-dapat sa pagmamahal nito. Huminga siya nang malalim. Alam niyang sinabi ni Laurice na magmahal siya ng iba kapag wala na ito. Pero paano niya gagawin iyon? Parang kasama na ring inilibing ang puso niya. Napapitlag siya nang marinig ang mga sunod-sunod na pagkatok sa labas ng pinto. Sino kaya iyon? Kung ang Ate Nari niya iyon, bubuksan lang naman agad nito ang pinto. Kung mga pinsan naman niya o kaya ay si Jupiter, tatawag agad ang mga ito. Pero nagpatuloy lang ang mga pagkatok. Hindi kaya... Ibinaba niya ang hawak na frame at napilitang tinungo ang pinto. Hindi niya naitago ang pagkunot ng kanyang noo nang mapagbuksan ang nakangiting mukha ni Jemaika. “Bakit ka nandito?” pasitang tanong niya. “Ang sungit mo pa rin kahit busog ka na,” sa halip ay nakangusong pakli nito. “May nakakita ba sa`yo habang papunta rito?” “Wala. Pero nagpaalam naman ako kina Ate Nari at Kuya Jai na pupunta rito para kunin ang mga naiwan kong damit.” Nanlalaki ang mga matang bigla na lang niyang hinila si Jemaika sa braso papasok at malakas na ibinagsak ang pinto. Napapisik ito pero agad ding bumalik ang pilyang ngiti sa mga labi. “Nababaliw ka na ba? Bakit mo sinabi `yon?” “Binibiro lang kita!” anito at malakas na tumawa. “Cute ka pa rin kahit mukha kang matandang binatang bugnutin.” Idinutdot nito ang daliri nito sa dibdib niya. Napasinghap ito nang bigla na lang niyang hulihin ang kamay nito. Her mouth gaped open and bit her lip after. Nanatili pa ring seryoso ang tingin niya rito. Natukso na naman siyang gawin dito ang ginawa niya rito kagabi pero pinigilan niya ang sarili. “Gusto mo bang magkagulo?” salubong ang kilay na tanong niya. “Why can’t you be nice to me?” tanong din nito. Natigilan siya. Anong klaseng tanong iyon? Pagkatapos ng nangyari, paano niya ito pakikitunguhan nang normal? Bumuntong-hininga siya at pinakawalan ang malambot nitong kamay. “Dito ka lang.” Tinalikuran niya si Jemaika at pumasok sa kwarto niya. Kinuha lang niya roon ang paperbag na pinaglagyan niya ng mga damit nito at bumalik din agad sa sala. Nadatnan niya si Jemaika hawak ang picture nila ni Laurice! “Ano’ng ginagawa mo?” malakas na sita niya. Nagulat si Jemaika kaya nabitiwan nito ang frame. Gumawa ng tunog ang nabasag na salamin. Rumehistro sa mukha nito ang takot nang mapalingon sa kanya. Dinaluhan nito ang nabasag na frame at pinulot iyon.  

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD