PINAKAMATAGAL na ni Nathaniel ang pamamalaging iyon sa San Miguel. Karaniwan nang abutin siya doon ng isang linggo subalit ngayon ay dalawang linggo na siyang naroroon. Bago iyon ay limang araw din siya sa San Miguel. Lumuwas lang siya upang makipagkita kay Hector pero bumalik din siya doon pagkaraan ng ilang araw.
At hindi nakaligtas kay Merylle ang pagluwas niyang iyon. Sa pagitan ng pakikipagkita niya kay Hector at sa iba pa nilang kaibigan, kinukulit din siya ni Merylle. Nagkita din sila. Nanood sila ng sine at matapos iyon ay nagpahiwatig si Merylle na ayaw nitong mag-isang matulog sa condo nito. Alam na nilang pareho kung ano ang susunod na mangyayari.
At pagkatapos ng maiinit na sandali, umungot ang babae na gusto nitong magliwaliw sa Palawan na kasama siya. Kung gugustuhin niya ay napakadali lang tumango. Subalit ang kaso ay ayaw nga niya.
Idinahilan niyang kailangan niyang tapusin agad ang nobelang sinimulan niya kahit na ang mas totoo ay mas gusto kasi niyang bumalik sa San Miguel. At gaya ng inaasahan, nagtampo si Merylle. Pero hindi niya ininda ang pagtatampong iyon at iyon nga, dalawang linggo na siya doon sa San Miguel.
Nakapagbuo na rin siya ng istorya para sa susunod niyang nobela. Pero ang inaasahan niyang dami ng mga pahina na gagawin niya ay hindi pa niya nagagawa. Palagi na ay naaagaw ng alaala nina Hannah at Maggie ang konsentrasyon niya.
Sa kuwenta niya ay mag-iisang buwan na si Maggie. Malaki na rin siguro ang sanggol. Base sa mga pagbabasa niya ay mabilis lumaki ang sanggol na bagong panganak lalo at wasto ang pangangalaga at nutrisyon.
Dahil sa karanasan niya kay Hannah at Maggie, ang nobelang isinusulat niya ay humapyaw ng kuwento tungkol sa isang babaeng nanganak sa ilang at ang naging buhay nito sa sumunod na mga linggo.
He did research. Kung paano halimbawang manganak nang mag-isa. At hindi niya alam kung manghihinayang siya na hindi niya nagawa ang research na iyon bago nangyari ang engkuwentro nila ni Hannah.
Pakiramdam niya ay mas marami na siyang alam ngayon kahit hindi siya midwife. Kung halimbawang babalik ang panahon at magtatagpo silang muli ni Hannah sa sabana, manganak man ito sa sandaling lapitan niya ito ay hindi na siya mangingimi pa. Marami siyang natutuhan sa pagsasaliksik niya. Matutulungan niya itong manganak kahit na hindi niya iyon propesyon.
At siguro, mas lalong mag-iiba ang pananaw niya sa buhay.
Ibang klaseng aral ang idinulot sa kanya ng pagsilang ni Maggie. Sa pagsilang nito ay nasaksihan din niya ang paghihirap ni Hannah na mailuwal ito. At sa tuwing matatahimik siya, naiisip niya ang sarili niya at ang iba pang batang lumaki sa ampunan.
Nasaan kaya ang kanyang ina? Nasaan kaya ang mga ina ng ibang mga batang kasama niya noon sa LCA? Bakit kaya nakaya ng konsensya ng mga ito na iwan na lang sila sa tapat ng ampunan?
Hindi lang siya ang sanggol na iniwan sa gate ng LCA. Nagkataon lang na siya ang unang kaso pero maraming mga sanggol na sumunod pa.
Hanggang ngayon ay hindi niya alam kung saan siya nanggaling at kung sino ang mga magulang niya. Marami na siyang pera. Kaya na niyang bumayad ng imbestigador upang alamin ang pinagmulan niya subalit hindi niya ginagawa.
Sa mahigit na tatlumpung taon ng buhay niya, parang natanggap na rin niyang wala siyang nakikilalang ina. Hindi na siya naghahanap pa. Ang paniwala niya ay lumaki siyang walang ina. Ngayong kaya na niyang suportahan ang sarili niya, pakiramdam niya ay hindi na niya kailangan pa ito tutal ay pinabayaan din naman siya noong sanggol pa siya. At ang isa pang katwiran niya, siya ang mas dapat nitong hanapin.
Pero dahil na rin kay Maggie ay bahagyang lumambot ang paniniwala niyang iyon. Madalas ay naiisip na niya ngayon na baka may mabigat na dahilan ang kanyang ina kaya siya iniwan sa ampunan. At nitong mga huling araw, parang gusto na rin niyang kumausap ng taong babayaran upang alamin kung saan siya nagmula.
Alam niya, para iyong paghahanap ng karayom sa isang bunton ng dayami. Pero alam din niya na may posibilidad na makita ang isang bagay kung maghananap kesa naman sa hindi kikilos upang maghanap.
At kagaya ng pagkabuhay ng interes niyang hanapin ang kanyang ina, tila lalo ring sumidhi ang interes niyang kumustahin sina Hannah at Maggie. Isinasantabi niya ang interes niya kay Hannah. Kumplikado iyon dahil mas malamang kaysa hindi na may-asawa na itong tao. Ang gusto lang niya ay kumustahin ang mga ito. Siguro naman ay hindi naman iyon masama lalo at siya ang tumulong sa mga ito noong delikadong panahong iyon.
Binuhay niya ang cellphone na mas madalas na patay kesa buhay kapag nasa San Miguel siya. Naka-save ang number doon ni Marga. At naisip na rin niya na kung sakaling hindi ito makokontak, puwede naman siyang magtanong sa clinic o dili kaya ay sa San Miguel civil registrar. Pinsan ni Tatay Justo ang isang empleyado doon at hindi siya mahihirapang kunin ang impormasyong nasa birth certificate nito.
Pero bago iyon ay mas gusto muna niyang subukan ang pinakamadaling paraan. Ang tawagan ang numerong meron siya.