15

1310 Words
“Mabuti naman. Mag-iisang buwan na siya. Next Sunday na ang binyag niya kaya nga tinatawagan kita. Kukumbidahin kita.” “Anyway, mag-isa ka man o may kasama, hihintayin kita sa Linggo, ha?” Tinandaan ni Nathaniel ang mga pangungusap na iyon ni Hannah. Itinatak niya iyon sa kanyang isip dahil mayroon siyang napansin. Hindi nito sinabing “kami”—na puwede sanang mangahulugan na ito at ang asawa nito ang nagungumbida sa kanya. Sa pakiwari niya, si Hannah lang ang nangungumbidang mag-isa. At wala rin naman itong binabangggit tungkol sa ama ni Maggie. Nagsisimula na siyang maghinala na baka walang ama si Maggie. Hannah was always thankful. Kung may ama ang bata, disin sana’y sinabi ni Hannah na nagpapasalamat itong muli at ang asawa nito—o kung di man asawa ay ang ama ni Maggie. Pero hindi nito sinabi ang ganoon. Tuloy, ayaw man niya ay lalong lumalim ang interes niya kay Hannah. At lalo rin siyang nagkaroon ng dahilan na paunlakan ang pangungumbida nito. HINDI magarbo ang binyagan. Mayroon mang perang ipinadala ang kapatid niya, hindi niya iyon ginastang lahat. Ayaw niyang ubusing lahat ang pera sa isang okasyon lang. Itinabi ni Hannah sa bangko ang mahigit sa kalahati upang ilaan sa iba pang pangangailangan ni Maggie. Iilan lang naman ang kanyang bisita kaya hindi talaga praktikal na itodo ang paghahanda. Bukod sa pamilya ni Marga at pamilya niya, piling kaibigan lang ang kanyang imbitado. Iisang pares nga lang ang kinuha niyang ninong at ninang ni Maggie. Ang Kuya Rico niya at si Marga. Sa simbahan ay panay ang linga niya. Malapit na ang oras ng binyag ni Maggie subalit wala pa si Nate. Maraming tao sa simbahan palibhasa ay Linggo. Sa kalilinga niya ay paminsan-minsang naipagkakamali niya sa ibang tao si Nate. Pero saglit lang naman at mapagtatanto na niyang nagkamali lang siya. Maramilang kahawig ng bulto at kulay si Nate pero hindi ang kabuuan nito. “Wala pa yata ang panauhing pandangal,” pabulong na tudyo sa kanya ni Marga. “Tumigil ka nga diyan,” kunwa ay asik niya dito. “Baka na-late lang. Hindi ko naman kasi alam kung saan siya manggagaling.” “Hindi ka kasi nagtatanong ng kahit ano tungkol sa kanya,” sabi naman nito. “Hayaan mo, mamaya, pipilipitin ko siya. Hindi ko titigilan hangga’t hindi ko nalalaman ang lahat sa kanya. Itatanong ko pati kung gaano siya katagal maligo.” “Luka-luka! Iyong mga anak mo, takbo nang takbo, nasa loob ng simbahan, eh, sopbrnag likot pa rin,” pag-iiba niya ng paksa. “Sus! Hindi iyan ang mga anak ko kapag pumirme sa isang tabi. Hayaan mo lang, nakasunod naman sa kanila ang papa nila.” Hindi na niya masyadong naintindihan ang sinabing iyon ni Marga. Napako ang tingin niya sa isang lalaking papasok ng simbahan. Tila ibang-iba ang dating nito sa naglisaw na mga tao roon. Lumilinga ito pero hindi mukhang nawawala. Bakas sa paggala ng mga mata na mayroon itong tiyak na hinahanap. It was Nate. Gusto niya itong kawayan subalit malayo rin ang kinatatayuan niya. Hindi niya alam kung mapapansin nito ang pagkaway niya. At habang humahakbang ang binata ay tila hindi naman siya makahinga nang matino. Mag-isa lang ito—walang kasamang girlfriend. Hindi iyon kumpirmasyon kung may girlfriend ito o wala pero masaya na rin siya na sa okasyong iyon ay mag-isa lang itong dumalo. Kagyat ang pagguhit ng rekognisyon sa mga mata nito nang sa wakas ay magtagpo ang kanilang mga mata. Halos awtomatiko na rin ang pagguhit ng ngiti sa mga labi. Bumilis din ang paghakbang nito. “Late na ba ako?” tanong nito nang makalapit. “Hindi pa naman pero malapit nang magsimula.” Bahagya niyang itinaas ang pagkakakarga kay Maggie. “Eksaktong isang buwan na siya ngayon.” Bumaba ang tingin nito sa kanyang anak. “Malaki na nga.” At hinaplos pa ang kalbong ulo na sinusupilan ng rosas na lace headband. “Hello, Maggie. Remember me?” Umingit si Maggie. “Natatandaan pa niya ako,” maluwang ang ngiting sabi ni Nate at tumingin sa kanya. “How about you, Hannah? Kumusta ka na?” “Eto, mabuti naman.” “You look good. Hiyang sa iyo na maging mommy.” “Thanks,” flattered na sagot niya. Ang totoo ay nag-ayos siyang talaga. Deep inside her, gusto niyang maging maganda sa paningin ni Nate. Hannah, halos kapapanganak mo pa lang, lumalandi ka na! Ilang beses man niyang pagsabihan ng ganoon ang sarili, hindi naman niya maitatwang sabik siyang makitang muli si Nathaniel. Tila hindi rin niya kayang pigilin ang nadaramang atraksyon para dito. Pero hindi niya alam kung gaano katindi ang atraksyong iyon maliban ngayon na nakaharap niya ito. Tila matatakot siya. Bago sa kanya ang ganitong pakiramdam. Kahit kay Marco noon ay hindi niya naranasan ang ma-attract ng ganito palibhasa, ang pag-ibig nila ni Marco ay nabuo nang paunti-unti sa loob ng walong taon. Malayong-malayo ang pagkakaiba ng nararamdaman niya noon kay Marco at ng nararamdaman niya ngayon kay Nathaniel. The feeling was so intense. May tila nagdidikta sa kanyang malamang na pag-ibig na ang nararamdaman niya subalit ayaw niyang magpatangay. Hindi siya nakatitiyak doon. Isa pa, kung siya ang masusunod ay hindi pa rin siya handa sa panibagong relasyon. Iyon ay kung kayang diktahan ng isip niya ang kanyang puso. Iba kasi ang gusto ng puso niya. Iba ang kaligayahang nararamdaman ng puso niya maisip lang niya si Nate. At ibang-iba rin ang sayang nag-uumapaw ngayon sa dibdib niya na kaharap ito. “Ehem!” eksaheradong sabi ni Marga na lumapit sa kanila. “You must be…” sulyap nito kay Nathaniel at bumaling ng tingin sa kanya. Mabilis naman niyang pinagkilala ang dalawa. “Pleased to meet you, Marga,” sabi ni Nate matapos itong makipagkamay sandali sa babae. “Same here,” nakangiting sabi ni Marga. Tinawag nito ang asawa at mga anak. Ito na ang nagpakilala kay Nate sa pamilya nito. Nakangiti namang nakipagkilala si Nate. “Si Hannah na ang bahalang magpakilala sa iyo sa iba pa.” Tumango ang binata. “Thank you.” “Ipapakilala kita sa parents ko,” sabi naman niya. “Magaling lang talagang umeksena iyang si Marga.” “Hindi mo ba ako ipapakilala kay Marco? I assume, siya ang father ni Maggie.” Bigla siyang naumid sa tinuran nito. “N-nabanggit ko pala sa iyo si Marco. Oo, siya nga. Magkapatid sila ni Marga.” “Nasaan siya?” magaan na tanong nito. “I’ll be honest with you. Naging palaisipan siya sa akin dahil noong kinumbida mo ako ay hindi mo siya nabanggit.” Lumunok siya. “Wala na kasi si Marco. Dalawang buwan pa lang akong buntis kay Maggie nang saksakin siya ng agaw-cellphone gang. DOA siya.” Bumadha ang malaking pagkagulat sa anyo ni Nathaniel. “I’m sorry to hear that, Hannah.” Malungkot siyang ngumiti. “Hija…” ang mama niya. Ibinaling niya agad dito ang atensyon. Mabilis niya itong ipinakilala sa binata. Ang mama naman niya ang tumawag sa kanyang papa upang maipakilala din si Nate. Mainit din ang ginawang pagsaludar ng mag-asawa sa binata. “Nakakailang,” magaang sabi ni Nate sa kanya. “Panay pagpapasalamat ang sinasabi nila sa akin. “Alam kasi nila na ikaw ang tumulong sa akin noong manganak ako,” maikling paliwanag niya. Lumapit na sila sa itinurong lugar ng pari kung saan bibinyagan si Maggie. PATAWA-TAWA si Nathaniel habang nagmamaneho. Hindi niya kayang pigilin ang sayang nararamdaman. Ang inaakala niyang isang bagay na kumplikado ay hindi naman pala. Tiyak ang daang tinutugpa niya. At nang marating iyon ay inip na hinintay niya ang pagbuksan siya nito ng pinto. Matapos ang ilang sandali, bumukas na nga ang pinto. “Nate!” excited na bati sa kanya ni Merylle. Agad siya nitong niyakap. “Merylle, we have to talk.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD