“WHERE ARE you going, Nate?”
Nakadama ng iritasyon si Nathaniel. Pangatlong beses na iyong itinanong sa kanya ni Merylle. At kanina pa ay sinagot na niya itong sa San Miguel siya pupunta. Alam niyang hindi ito bingi. Nagbibingi-bingihan manapa.
“I’m going to San Miguel,” nagpipigil ng pagkapikon na sagot niya uli dito. “Ilang araw din akong doon muna. Hindi ko pa alam kung kailan ako babalik,” sabi na rin niya dahil alam niyang iyon din ang kasunod na itatanong nito.
“Saan ba iyang San Miguel na iyan? Puwede ba kitang puntahan diyan, Nate?” ang huling pangungusap nito ay nalakipan ng lambing. “I’m going to miss you, darling. Hindi yata ako makakatagal na hindi kita nakikita. Hindi kita aabalahin kung anuman ang gagawin mo diyan payagan mo lang ako na sundan kita.”
Napailing siya. Ang tono ni Merylle ay tila baga mami-miss nga siya nito nang husto gayong kapag ito ang nagtutungo sa abroad upang magliwaliw ay nakakatagal ito ng kahit isang buwan at maaalala lang siyang tawagan kapag nakabalik na ito.
“Maiinip ka lang sa San Miguel, Merylle. Or worst, mamatay ka sa boredom. The life there was slow. Alas otso pa lang ng gabi ay tahimik na sa paligid, tulog na ang mga tao. Alam mo na ang ibig kong sabihin.”
“Okay. At tiyak, hindi ka na naman makokontak. Ewan ko ba kung bakit kapag doon ka pumupunta ay pinapatay mo ang cellphone mo. ”
“Kailangan ko ng konsentrasyon sa pagsusulat,” tipid na wika niya.
“Tawagan mo na lang ako kapag pabalik ka na sa Manila,” sabi nitong ipinahalata sa kanya na sumama ang loob. “Bye.”
Merylle was his girlfriend for almost a year now. Nakilala niya ito noong magpa-Christmas party si Pedro sa kumpanya nito. Siya lang ang nakarating sa kanilang magkakaibigan palibhasa mayroon siyang nobelang isinusulat na may kinalaman sa computer technology.
Anak si Merylle ng isa sa mga stockholder. Aminado itong hindi mahilig magbasa ng libro pero nang malamang siya si NR Cordero—ang kanyang pangalan sa panulat ay hantaran itong nagpakita ng paghanga. Siya pa lang daw ang author na nakilala nito ng personal.
Si Merylle din ang unang kumontak sa kanya matapos ang party. Maganda si Merylle at edukada. Inimbitahan niya ito sa isang dinner date. At nasundan pa iyon hanggang sa maging magkarelasyon na sila. Walang pormal na ligawan. At lalong walang sabihan ng I love you. Basta alam nila, magboyfriend sila—ginagawa din nila ang gawain ng magboyfriend.
Napakakaswal ng relasyon nila. Walang commitment sa isa’t isa. Walang nagbubukas sa kanila ng paksa tungkol sa kasal. Kapag magkasama sila, ang usapan nila ay ang trabaho niya at ang mga pinagkakaabalahan ni Merylle, karaniwan ay ang mga escapades nito sa abroad. Hindi ito nagtatrabaho. Ipinanganak yata ito na hindi kailangang magtrabaho. Masyadong masipag ang mga ninuno nito na kahit yata ang mga magiging apo ni Merylle ay mabubuhay nang masagana dahil sa mga kabuhayang naipundar nito.
Maayos naman ang relasyon nila ni Merylle palibhasa ay walang pressure. Magkasundo sila sa maraming bagay pero dumarating din ang pagkakataon na nagkakaroon sila ng mga argumento.
Malambing si Merylle, ang kaso nga lang ay may kakulitan din ito. At ang kakulitan nitong iyon ang madalas na nagdudulot ng iritasyon sa kanya. At madalas din naman na ang ipangulit sa kanya ni Merylle ay ang pagnanais nitong sundan siya sa San Miguel.
At palagi na ay hindi rin naman siya pumapayag. Sanktuwaryo niya ang bahay na iyon sa San Miguel. Isang matandang bahay na itinayo noon pang dekada kuwarenta. Noong kunin siya ni Justo Cordero sa LCA, doon siya dinala ng biyudong lalaki sa San Miguel.
Hindi naman siya legal na inampon nito. Ilang buwan bago ang tamang edad ng pagbibigay-laya sa kanila ng ampunan, nakilala niya si Tatay Justo. Ito ang naging foster parent niya sa loob ng dalawang linggo noong buwan na iyon ng Disyembre.
Sa bahay nito sa Caloocan sila nag-Pasko. Ang asawa nito ay naka-wheelchair, maysakit na leukemia. Pero sa kabila ng karamdaman nito ay naging masaya ang buong dalawang linggo niya sa piling ng mga ito. At tandang-tanda pa niya ang bilin sa kanya ni Tatay Justo nang ibalik siya nito sa LCA.
“Kapag kailangan mo nang umalis dito sa ampunan at wala kang mapuntahan, sa akin ka pumunta. Bukas palagi ang pintuan ko para sa iyo.”
Nang makalaya siya sa ampunan, kahit lalaki siya ay takot din siya. Buong buhay niya ay ang LCA ang ginalawan niya. Hindi niya alam kung kaya niyang mabuhay mag-isa. Kaya niyang magtrabaho dahil tapos siya ng high school. Kung mga manwal lang na trabaho ay hindi niya uurungan.
Pero mahirap palang maghanap ng trabaho kahit pagpipiyon lang. Isang buwan matapos siyang magpalaboy-laboy sa kalye habang pa-ekstra-ekstrang kumikita sa pamamagitan ng pagiging barker sa pilahan ng jeep, nagdesisyon siyang puntahan si Tatay Justo.
Subalit sarado ang bahay nito sa Caloocan. Ayon sa kapitbahay nito ay hindi na ito umuwi doon buhat nang mamatay ang asawa dahil sa taglay na sakit ng huli. Nalungkot siya. Dahil sa pagkawala ng babaeng naging maayos ang pagtingin sa kanya. At nalungkot din siya dahil bigla siyang nawalan ng pag-asang makita ang taong bukas ang loob na kupkupin siya.
“Alam mo ba iyong Liwayway publishing? Nagsusulat doon si Mang Justo. Subukan mong magtanong sa opisina nila, o kaya baka si Mang Justo mismo ang makita mo doon?”
Nabuhayan siya ng pag-asa sa sinabing iyon ng kapitbahay. Naghanap siya ng Liwayway magazine at hinanap doon ang address ng opisina. At habang papunta doon, panay ang panalangin niyang makita niya sana doon si Tatay Justo.
At nang makita niya si Tatay Justo, hindi siya nahiyang umiyak dahil sa tuwa.
Totoo ang matanda sa pangako nito sa kanya. Isinama siya nito sa San Miguel dahil doon na daw ito titira sa minanang bahay mula sa mga magulang nito. Ang bahay sa Caloocan ay ibebenta na raw nito gaya ng napagkasunduan nito at ng namatay na asawa.
Nang unang beses siyang tumuntong sa San Miguel, pakiramdam niya ay isang paraiso ang napasukan niya. Mayroong library ang matandang bahay. At ang library ay puno ng komiks at magazine. Noon niya nalaman na si Justo Cordero ay si Edmundo Calderon, isang sikat na writer sa komiks at magazine.
Ang ama-amahan din ang naging impluwensya niya kaya ang kaadikan niya noon sa mga komiks ay nauwi sa pagiging isang manunulat.
Hindi niya inakalang magiging manunulat siya. Pinag-aral pa siya ni Tatay Justo ng Education dahil isang malaking dignidad daw ang maging guro. Nagtapos naman siya. Pero nauwi din siya sa pagsusulat. Nang ipabasa niya dito ang isang nobelang sinulat niya ng halos tatlong buwan, namangha ito.
“May kinabukasan ka dito, anak,” sabi nito habang tila hindi makapaniwala sa kanyang isinulat. “Dadalhin ko ito sa kaibigan kong publisher. Tiyak na pasado ito.”
Napangiti siya sa alaalang iyon. Iyon ang simula. Naging mabenta ang una niyang libro kaya sinipag siyang gumawa pa. Nag-alala pa siya dahil baka nakatsamba lang siya sa una pero hanggang sa pangatlo, pang-apat at pang-lima, mabenta talaga ang libro niya.
Nang makatikim siya ng royalty fee, kulang na lang ay ipakuwadro niya ang tsekeng ibinayad sa kanya.
Ginawa niyang karera ang pagsusulat. Sa tulong at buyo ni Pedro, sinubukan niyang magsulat ng full-length suspense thriller book. Kalahating taon bago niya nabuo ang plot. At katulong niya si Tatay Justo upang mapakinis ang bawat istorya. Ilang buwan pa ang lumipas bago siya nagkalakas ng loob na ipasa sa pamamagitan ng agent na may contact sa mga malalaking publisher sa America.
It was a hit. Daig pa niya ang nakarating sa langit nang matanggap iyon at bumenta nang malaki nang maimprenta. Nagsulat siyang muli. Naisip niyang baka kagaya noon ay nakatsamba lang siya. Ang sumunod na bestseller na ginawa niya ay pawang mga bumenta. Ngayon, dolyares na ang tinatanggap niyang royalty.
Ang bansagan siyang paperback king ay isang malaking karangalan para sa kanya. At dahil doon, palagi na ay pinagbubuti nya ang kanyang pagsusulat. Minsan isang taon ang paggawa niya ng libro. Mas mabusisi siya ngayon sa kanyang mga istorya, mas nagsasaliksik siya dahil hindi puwedeng pabasta-basta lang ang isulat niya.
Sa San Miguel siya palaging bumubuo ng kanyang isusulat na nobela. Tila naroroon ang mina ng ideya. Kapag nasa ibang lugar siya, wala siyang maisip. Pero kapag naroroon siya, sumusuko ang mga daliri niya sa pagtipa sa keyboard dahil sa dami ng ideyang nag-uunahan sa isip niya.
Tatlong taon na buhat nang mamatay si Tatay Justo. Malungkot dahil itinuring niya itong ama. Sa buong buhay niya, kay Tatay Justo lang ang niya tunay na naranasan ang pagmamahal ng isang ama. At ito rin naman ay minahal niya bilang ama.
Pero masaya din siya na nakita nito ang kanyang tagumpay—naipasyal pa niya ito sa Hong Kong noong unang makatikim siya ng bayad na dolyares. Hindi lang ito naging ama para sa kanya, ito rin ang mentor niya sa kanyang pagsusulat.
Ang NR Cordero ay ipinanganak dahil sa isang Justo Cordero. Ginamit niya ang Cordero bilang pagpapahalaga dito. Ang NR ay buhat sa pangalan niyang Nathaniel. Ang R ay tumatayo sa Riego, ang sinasabi noon ni Miss Vergel na nakaburda sa lamping nakabalot sa kanya noong mapulot siya sa harap ng ampunan.
Naputol ang daloy ng isip niya nang biglang mamatay ang makina ng kanyang kotse.
“s**t,” mahinang sabi niya.
Nasa sabana siya isang bayan bago ang San Miguel. Limang kilometro ang haba niyon at bihira ang nagdadaan.