KANINA pa ako ngayon nakatayo sa tapat ng kwarto ni Reed. Paano kasi ay kailangan ko nang kumilos upang mapapayag ito na dumalo at maging representative sa gaganapin event namin.
Mission failed naman kasi ang plano kay Vaugh. Takot pala sa injection at dugo. Naturn-off ako bigla sa kanya ng very light. Isa akong future nurse, kaya hindi pwede sa’kin ang lalaking mahina ang sikmura sa dugo. Paano niya maiintindihan ang propesyon ko kung hindi kami magkakasundo sa mga bagay-bagay? Wait, medyo advance na ata ako mag-isip. The last time I checked, may iba siyang babaeng nagugustuhan.
Huminga muna ako bago kumatok sa kwarto ni Reed. Matagal bago niya binuksan ang pinto. Nang mabuksan naman ay halos malaglag ang panga ko sa nabungaran. Bagong paligo ito at tanging tuwalya lamang ang natatakpan sa ibabang parte. Nakataas ang kilay niya na parang naghahamon ng World War S.
“Bakit ka kumakatok, Pangit?” mabahong salita agad ang lumabas sa bibig ni Reed.
I remained calm. Hindi ako magpapadala sa pang-aasar niya. Kailangan kong magpasensya kung hindi ay baka pumalpak ang paghingi ko rito ng huling pabor.
“Pwede ba tayo'ng mag-usap?” Napalunok ako kasi nanghahatak ng atensyon ang katawan niya. I can't concentrate. “A-ahm, pero magbihis ka muna. Babalik na lang ako pagkatapos mo'ng magsuot ng damit.”
“Spill it. Na-istorbo mo na ako, patatagalin mo pa ba?” suplado niyang saad.
Bumuntong hininga muna ako bago nag-iwas nang tingin sa katawan niyang may droplets ng tubig. “Okay, sige. Paprangkahin na kita. Kailangan ko ng tulong mo. I need a favor.”
“No, I prefer transaction,” maagap nitong sabi.
“Whatever. Gusto kong pumayag ka na sumama sa’min para maging representative sa gaganaping event ng Red Cross,” deklara ko. Ilang linggo na lang kasi ay gaganapin na ang proyektong iyon. Desperado na ako at kailangan lunukin ang pride sa ngalan ng grades, kahit gaano pa iyon kapait.
Umigkas ang sulok ng labi niya. “Ano’ng kapalit?”
Just like what I’ve expected, uungot talaga ito ng kapalit. Napaghandaan ko naman na iyon. Sa kampon talaga ni Lucifer uso ang barteran ng utang na loob. Tinaasan ko rin siya ng kilay. “K-kapalit?” Umakto akong hindi maintindihan ang sinabi niya. Baka sakaling bumaba ang sintensya ng hihilingin ng loko.
“Lahat ng bagay sa mundong 'to, may kapalit,” aniya.
Of course, I know that! You bastard!
“Ano ba ang gusto mong kapalit?” tanong ko naman dahil baka kaya ko namang ibigay ang nanaisin niya.
“Hmm... pwede na. Pwede ng pagtiyagaan ‘yang katawan mo,” aniya na parang luging-lugi pa. Awtomatikong tinakpan ko ang katawan ko nang pasadahan niya ako ng tingin na tila hinuhubaran. Manyakis talaga!
“Hoy, ikaw, Reed, ah, hindi porket humihingi ako ng pabor sa’yo, eh, babastusin mo na ako. Mahal ko pa ang p********e ko kaya never kong ibibigay sayo ang puri ko.” Dinutdot ko nga ang mukha niya ng hintuturo ko sa inis.
Mahina niyang tinampal ang kamay ko. “Sino ba ang nagsabi sayong katawan mo ang gusto ko?”
“Eh, ano ba talaga?” paglilinaw ko.
Humalukipkip siya at tiningan ako nang mapagmataas. Ganito siya sa mga taong hindi niya kapantay sa lahat ng aspeto. “I want you to be my personal assistant. Easy lang, 'di ba?”
“Julalay? Eh, ‘di ba ang dami mo na no'n? Tatlo-tatlo pa nga. Ang iba ay halos magpakamatay na kuhanin mo lang na P.A,” gagad ko.
“I fired them already,” matipid niyang sabi na parang normal lang sa isang tao na tanggalan ng kabuhayan. “Kaya lang naman nila ginagawa iyon dahil gusto nila akong mapagsamantalahan, makita, at mahawakan. Sawang-sawa na ako sa mga pagpapa-cute ng mga 'yon. At least, ikaw, I know, I’m safe. Alam kong hindi mo gagawin 'yon.”
Hindi talaga, ‘no! Never in my entire life! “Sira ka talaga, sana nilinaw mo na iyon sa kanila bago mo sila tanggapin. Bakit ka nagtatanggal ng tao basta-basta?”
“’Cause I can and I have no regrets for doing that. Actually, tamang-tama ang paghingi mo ng pabor. Marami akong shoot at taping next week. Wala na rin akong oras pa para maghanap ng P.A na pasok sa taste ko. My manager is too stupid to hire someone.”
Napailing ako. “Gustung-gusto mo talaga akong nahihirapan, ‘no? Masayang-masaya ka talaga kapag inaapi mo ‘ko kaya humahanap ka ng paraan para alilain ako,” angil ko.
“Glad that you noticed it. Haven't I told you before that I will make your life miserable? Nakalimutan mo na ba?” Sumandal siya sa hamba ng pinto. Mas lalo ko tuloy napansin ang namamasa at namumukol pa niyang biceps. Sa tingin pa lang, mabubusog ka na kahit walang kanin. Masarsa na kasi. Kaya nga siya naging model, eh. “Ano? Papayag o papayag?”
Napalunok ako sa tanawin at saka ipinilig ang ulo upang ibalik ang sarili sa agenda. “Tss, anong akala mo sa’kin? Easy potato na titiklop sa hamon mo? Siyempre, papayag ako.”
“So, it's a deal.” Inilahad niya ang kamay sa harapan ko.
“Ano naman ‘yan?”
“Pakikipag-kamay, tanda ng kasunduan,” aniya.
Kumpara sa halik ni hudas, mas maganda na itong pakikipag-kamay ng damuho na 'to. Wala sa loob ko na tinugon ang pakikipagdaupang palad niya. “The deal has been officially closed,” wika ko pa.
“Not yet. Because this is how I will seal the agreement,” aniya bago ako hilain palapit sa kanya. Nabigla ako roon pero huli na nang bumaba ang mukha niya at mabilis akong nagawaran ng halik. Nanigas ako na parang binuhusan ng yelo. Panandaliang kinain ako ng pantasya at tinakasan ng katinuan.
Tila nagkaroon ng bukang liwayliway sa loob ng aking tiyan. Naparamdam nito ang kakaibang saya sa kaibuturan ko. Kung bakit iyon ang una kong naramdaman sa kabila ng hindi namin pagkakasundo ay hindi ko rin alam.
Napapikit ako nang hapitin niya ang beywang ko. My heart beats so fast. Kahit ang bingi ay magagawang marinig iyon. Ngunit saglit lamang iyon dahil kaagad ring humiwalay ang labi ni Reed sa akin. Pakiramdam ko ay nabitin ako sa patikim na iyon. Nagtama ang mga mata namin.
He was staring at me na parang ito ang unang beses na may mahalikan siyang babae. Maraming emosyon ang bumaha pero dagli ring nawala nang magsalita siya. “Hulaan ko kung anong ulam mo kanina?” mahinang bulong niya.
“A-Ano?” nauutal kong tanong. Lumilipad pa ang isip ko sa alapaap. Nakakabuhol pala ng dila ang mahalikan.
“Iyong kare-kare no'ng nakaraang araw.”
Napatakip ako sa bibig. “Siraulo!” asik ko. Tinulak ko siya nang malakas. “Nag-toothbrush ako, ‘no!” Tumakbo na ako paalis sa harapan niya.
Narinig ko pa ang paghalakhak niya kahit nakalayo na ako. “Dang! Para akong aatakihin sa bilis ng t***k ng puso ko,” nasabi ko na lamang sa sarili nang makapasok sa loob ng aking kwarto. Mabuti na lamang ay umatake ang pagiging pilyo ni Reed. Sa paraang iyon ay nagawa niyang patayin ang kakaibang dulot ng halik niya sa sistema ko. Nahagip ng mata ko ang poster ni Vaugh na nakadikit sa ibabaw ng kama. Doon ko lang napagtanto na wala na talaga ang iniingatan kong first kiss. Napuno ng sigaw ang kabuan ng kwarto. “Halimaw ka talaga, Reed!”