Armania Minerva
Maaga pa akong pumasok kinaumagahan dahil hindi ko nais na ako ay mahuli nanaman sa klase. Habang ako’y naglalakad sa kakahuyan ay napansin ko na wala na ang lalake sa pinagsabitan ko. Siguro ay may nakapansin na at kinuha ang kanyang labi. Nakatitiyak akong magiging usap-usapin kung sakali ang pagkamatay ng isang serial killer. Sana lang ay walang nakakita sa aking ginawang pagpaslang sa kanya.
Patuloy lang ako sa paglalakad. Ang pwersa sa kamay ko ay hindi pa rin naaalis sa kamay ko. Nararamdaman ko pa rin ang lakas nitong dumadaloy sa aking kaugatan. Tinaas ko ang aking palad at sinuring mabuti, nagbabaka sakali na may mapansin akong kakaiba. Nanlaki ang aking mata nang mapansin na may lumabas na dilaw na parang bola subali’t gawa ito sa liwanag. Kapansin-pansin din ang kulay itim na parang usok na humahalo sa liwanag.
Hindi na ako nabigla sa kaalaman na mayroon akong naitatagong kakayahan, dahil simula kagabi ng makapatay ako ay naramdaman ko na hindi ako normal na tao. Baka may sa demonyo ako? Hindi man ako naniniwala sa mga ganyan. Dapat ko na lamang na tanggapin ang bagay na ito dahil wala rin naman akong pagpipilian.
Habang tinatahak ko ang daan ay abala ako sa pagtago ng bagay na nasa kamay ko. Unti-unting humina ang pwersa at tuluyang nawala paglipas nang ilang minutong pag-iisip kung paano ito maglalaho. Isang napakahirap na konsentrasyon lang pala ang dapat kong gawin.
Pagdating ko sa eskwelahan ay napansin ko agad ang pagkukumpulan ng mga estudyante. Lahat ay nagbubulungan pero wala akong pakialam at hindi rin ako interesado. Pagpasok ko sa kwarto ay ganoong eksena rin ang bumungad sa’kin. Napansin ko rin si Venia na abala sa pagbabasa at walang pakialam sa nangyayari sa paligid nito. Pagkaupo ko sa pwesto ko ay agad din dumating si Liana at humahangos na lumapit ito sa amin.
"Nangyari sayo?" agad kong tanong nang makalapit siya.
"Good morning din, Mania," sarkastikong tugon niya at tinapon ang mamahaling bag sa sahig bago pasalampak na naupo sa kanyang silya.
"Tsk! Pilosopo.”
"Uy, sungit. Meron ka noh? Anyways, nabalitaan niyo ba ang nangyari?"
"Hindi," sabay na sagot namin ni Venia.
"Hmm, sige ganito ‘yon eh. Iyong notorious na r****t at serial killer ay natagpuan doon sa kakahuyan at nakabitay. Ang sabi-sabi ay nagbigti raw ito pero ang sabi ng mga pulis na nagsagawa ng autopsy ay binalian daw ito ng leeg at ito ang sanhi ng pagkamatay nito. Ang tanong ng karamihan, sino ang pumatay sa kanya? Ano ang dahilan niya? at bakit niya iyon nagawa?"
Nais kong matawa dahil habol ni Liana ang kanyang paghinga matapos niya magkwento. Hinawakan ko ang likod niya saka marahang hinaplos.
"Hingang malalim. Wala namang humahabol sayo grabe ka makapagkwento."
"Oo nga, Liana. Saka kung sino man ang may gawa ng bagay na iyon pasalamat na lang tayo dahil nabawasan ang masasama sa mundo. ‘Di ba, Mania?" matalinhagang tanong ni Venia nang ibaling niya ang tingin sa akin.
"Nga naman, at saka Killing is not a SIN, when you are killing the person who's not worthy to live."
"Ang ganda ng sinabi mo, Mania." Hindi ko alam kung binibiro lang ako ni Liana. Mas pinili ko na lang na huwag siyang pansinin.
“Anong oras ka pala nakauwi sa inyo, Mania?” kapagkuwa’y tanong ni Venia habang nagbabasa pa rin.
Hindi agad ako nakasagot dahil pumasok na si Miss Sierosia at agad na nagbigay ng long quiz tungkol sa roman mythology. Naging abala ang lahat sa pagsagot at lahat ay nais na makakuha ng mataas na scores. Buti na nga lang at kahit papaano ay may nabasa ako tungkol sa topikong ito kaya naman naging madali lang ang pagkuha ng quiz.
Pagkapasa ng test papers ay isa-isang tinawag ni Miss Sierosia ang scores.
"What do we have here? Hmmm, Miss Minerva got the perfect scores. Si Miss Theama naman ay four mistakes at si Miss Logia ay two mistakes. So far silang tatlo ang nakakuha ng matataas na scores. Kayo class? Ni half ng scores nila ay hindi niyo nakuha. To think na silang tatlo ang hindi nakinig sa lectures ko."
Mukha namang natuwa si Miss dahil sa resulta at ipinakita pa niya sa buong klase an gaming mga test papers. Ngunit dahil ang mundong ginagalawan natin ay balanse. Kung may taong gusto ka, meron din na ayaw ka. Hindi maiiwasan na may taong maiingit sa maliit na bagay na siyang pinaghirapan mo naman.
"Baka naman nagkopyahan silang tatlo o kaya may kodigong tinatago. Kaya nakakuha sila ng mataas na scores. Impossible naman ho 'yon, Miss. Dahil tulad nga nang sabi mo ay hindi sila nakikinig at hindi pinagtutuonan ng pansin ang klase mo,” sabi ni Pia ang numero unong inggetera at mareklamo. Siya ang tipo ng tao na ayaw na ayaw malamangan.
Sasagot na sana si Miss pero ngumiti si Liana saka humarap kay Pia.
"So sa tingin mo CHEATER kami?"
Agad na sumagot si Pia, "Oo naman tss!" Inirapan niya si Liana saka nagmamalaking ngumisi na tila nang-aasar.
Hindi na sumagot si Liana at si Venia ang humarap dito. Napansin ko na bumubulong-bulong si Liana na parang bata kaya palihim akong natawa.
"Sa pagkakaalam ko ikaw ang nakita ko kaninang nangongopya sa lalakeng nakasuot ng salamin. 'Yang nasa tabi mo, atkung hindi ako nagkakamali ay kinukurot mo ang kawawang kaklase natin para lang makakopya ka. Isip bata ka ba? Saka ‘wag mo kaming bibintangan ng katangahang ginawa mo. Sa ating apat ikaw ang CHEATER kaya pwede ba tumahimik ka at 'wag ng dada nang dada. Nadaragdagan ang polusyon sa hangin."
“Ohh! Burn baby!” natatawang pang-aasar ni Liana saka bumelat kay Pia.
Mukha hindi niya inaasahan ang sinabi ni Venia kaya napapahiyang tumalikod na lang siya at nakayukong umupo sa kanyang silya habang umiiwas ng tingin sa kahit na sino sa amin. Ngunit mukhang madami ang kakampi nito kaya hinamon ako na ulitin ang exam. Orally sa harap mismo ng klase. Sabi nito ay napakatalino nito. Ako lang naman daw ang nagpakopya at nangodigo kaya ako ang lalaban dito.
Pagtayo ko ay agad na hinawakan ni Liana ang kamay ko.
"Hindi ka matatalo niyan. Trust me. They don’t know anything about this class,” ani ni Liana.
"Go, mania! Akong bahala sa cheaters. I'll watch them!” mahinang sabi ni Venia saka tinaas nang bahagya ang nakakuyom niyang mga palad.
"Salamat sa inyong dalawa." Ngumiti lang ang dalawa bilang tugon, ako naman ay pumunta na sa harapan. Sa kaliwa ni Miss Sierosia.
"Upang patunayan kung nangopya nga o hindi ay magbibigay ako ng sampong katanungan. Ito ay akin nang sisimulan. Itaas lamang ang kaliwang kamay kung nais sumagot. Ito ay pabilisan. Sa unang katanungan, sino si Selene?”
Agad kong tinaas ang kaliwa kong kamay saka sumagot, "Selene, she is the Titan goddess of Moon. A personification of Life’s constant changes."
"Tsk!" ‘Yan ang lang nasabi ni Hanna.
Nagpatuloy ang pagtatanong ni Miss at halos lahat ay nasagutan ko. Kahit ang tungkol sa Italian, German pati Roman Mythology ay nasagot ko. Kahit ako ay nagugulat kung saan ko nakukuha ang mga sagot. Sa pagkakaalam ko ayoko ng Mythology na subject pero wala akong magagawa dahil mukha nakakonekta na ako sa Mitolohiya.
Napapahiyang lumabas si Pia at pati ang alipores nito. Kasama na si Hanna. Pinagbantaan pa kami na mag-ingat dahil baka raw hindi naming magustuhan ang kanilang gagawing paghihiganti.
"Grabe naman sila noh? Ang taas ng tingin sa sarili,” reklamo ko nang makaupo sa tabi ng aking mga kaibigan.
"Hayaan mo sila. Magkakaroon sila ng kati sa katawan."
"Paano mo naman nasabi iayn, Liana?"
Nagkibit balikat lang si Liana saka kunwa’y abala sa pag-aayos ng kanyang gamit. Tapos na kasi ang klase at oras na upang kami ay managhalian. Nagpasya kaming sa hardin na lang kumain dahil doon ay matiwasay at wala masyadong nagpupunta kaya naman makakapagpahinga kami ng maayos.
Pagkarating sa garden ay naghanap kami ng pwesto na komportable. Sabay na naupo ang dalawa sa putol na kahoy na nasa harapan ko. Ako naman ay nanatiling nakatayo. Napatingin ako sa malaking puno ng balete nang maramdaman ang pag-ihip ng malamig na hangin. Ngunit imbes na matakot ay tila napalis ang mga negatibong emosyon na aking nararamdaman.
Napatingin ako sa kanilang dalawa saka nagsalita.
"Naramdaman niyo rin ba? May kung ano sa garden na ito at nagiging kalmado ako."
"These garden is related to our kind."
Naguluhan naman ako sa sinabi ni Venia. Anong kind ang kanyang sinasabi.
"What do you mean?
"Hmm, Nevermind. Nakita kita kanina. Ano ang hawak mo na bilog? Kulay dilaw?"
Nangunot ang noo ko dahil sa tanong niya.
"Paano mo nakita? Saan ka ba?" Pinagmasdan ko ang mukha ni Venia habang hinihintay na sagutin niya ang tanong ko.
"Sa main road. Sa loob ako ng kotse."
Mas lalo akong naguluhan sa sagot niya. Papaano niya ako makikita kung nasa main road siya. 160 meters mula sa bahay ko hanggang sa main road. Sa kinatatayuan ko kanina ay 100 meters ang layo. Bukod sa medyo madilim dahil natatakpan ng puno ay imposible talaga na makita ako ni Venia.
"Nakita ko rin ang nangyari kahapon,” aniya sa kalmadong tinig.
Napatitig ako kay Venia at sa pagkakataong ito ay bigla akong kinabahan. Ang lakas ng kabog ng aking dibdib.
"Paano mo nakita? Napakalayo ko. Ano? Naguguluhan ako. Tell me everything, Venia."