Chapter 4

1204 Words
Bumangon ako nang makatulog si Mama. Kinuha ko ang mga maruruming damit namin upang maglaba. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto para hindi siya magising. Isang putol ng baretang sabon at isang sachet lang ng detergent powder ang ibinibigay sa amin ni Tita Jocy. Para sa isang linggong labahin na daw namin kaya ang ginagawa ko ay pinuputol ko ulit ang isang bareta para hindi kaagad matunaw. “Tamang-tama, maglalaba ka pala. Isabay mo na ’tong mga uniporme na binili ko para kay Jovy. May sabon na din diyan. Dalawang linggo na lang at pasukan na kaya dapat malabahan na ’tong mga ’to.” Inilapag niya ang laundry basket. “T-Tita Jocy, pwede na din po ba akong mag-enroll?” nag-aalangan na tanong ko sa kaniya. Huminga siya ng malalim at napakamot sa ulo. “Sige, bukas mag-enroll ka na. Magpahatid ka na lang sa Tito Vicente mo. “Salamat po, Tita. M-May uniform na din po ba ako dito?” “Aba! Ang galing mo naman kung ibibili din kita ng bagong uniporme? May ibinibigay sa akin si Mareng Adele na pinagliitang uniporme ng anak niya, kukunin ko mamaya para may masuot ka. Sabihan mo kasi ’yang Nanay mo na magtrabaho na. Akala mong mauubusan ng lalaki! Sinira na nga ng lalaking ’yun ang buhay ng Nanay mo tapos iniwan pa kayo. Pinag-aaral ko siya habang nagpapakahirap akong magtrabaho tapos malaman-laman ko na lang nakikipag-live in na siya sa lalaking dayo lang naman dito sa lugar natin. Ni hindi nga niya lubos na kilala ’yung tao tapos nagtiwala na agad siya.” Yumuko ako at ipinagpatuloy na lang ang paglalaba. Hindi na lang ako kumikibo kapag ganitong nagsimula na naman siyang magsermon. Hindi natatapos ang isang linggo na hindi niya inuungkat ang naging pagkakamali ni Mama noong pinag-aaral siya ni Tita Jocy kaya saulado ko na lahat nang sasabihin niya. “’Yang Nanay mo, maswerte siya at nakatungtong siya ng kolehiyo. Ako noon gustong-gusto ko mag-aral pero hindi ko magawa kasi wala namang kakayahan sina Mama at Papa na pag-aralin kami ng sabay-sabay. Kaya nang makapagtapos ako sa high school, nagtrabaho na kaagad ako at namasukang tindera sa bayan kasi hindi sapat ang kinikita ni Papa para mapag-aral kami.” Panganay si Tita sa tatlong magkakapatid. Ang pangalawa ay lalaki at kasalukuyang naninirahan ngayon sa ibang bansa kasama ang pamilya nito. Si Mama naman ang kanilang bunso. Inako na ni Tita Jocy ang responsibilidad sa pamilya nang mamatay si Lolo na pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay. Habang ang Lola naman ay isang mananahi sa bayan. Siya ang nagpaaral kina Mama at Tito Romel. Si Tito Romel ay nakapagtapos at isa na ngayong nurse sa Canada. Samantalang si Mama naman ay hanggang third year college lang dahil sumama siyang magtanan kay Papa. Sinubukan pa daw silang paghiwalayin pero tumakas si Mama at sumama kay Papa nang bumalik na sa Maynila. Isang semester na lang daw at magtatapos na si Mama sa kursong Education pero mas pinili daw ni Mama na sumama kay Papa kaysa tapusin ang pag-aaral. Dahil sa ginawa ni Mama, naging sakitin si Lola at ayaw magpagamot. “Kung hindi maagang kumirengkeng ’yang Nanay mo siguro hindi magiging sakitin si Mama. Baka hanggang ngayon buhay pa siya at kasama namin.” Isa din sa nagpapabigat ng loob ni Mama hanggang ngayon ay ang pagkawala ni Lola dahil sa kaniya. Idagdag pa na ’yung taong ipinaglaban at mas pinili niya ay iniwanan din kami at mas pinili din ang ibang babae. “Tingnan mo ang nangyari sa inyo, kinarma na agad ang Nanay mo dahil sa katigasan ng ulo niya. Kung sana nakinig lang siya sa amin at tinapos ang pag-aaral, baka buhay pa si Mama. Hindi man lang ni Mama naranasan ang magandang buhay. Muntikan pa akong hindi magkaanak dahil inuna ko siya kaysa sa pag-aasawa kahit lagpas na ang edad ko sa kalendaryo pero heto lang ang isusukli niya. Huwag ko lang talaga mapatunayan na totoo ang bali-balita tungkol sa Tatay mo. Talagang masas*mpal ko siya.” Dagdag pa ni Tita. Damang-dama ko ang galit at hinanakit niya sa bawat salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Hindi ko akalaing nakarating na pala sa kaniya ang kumakalat na chismis tungkol kay Mama. “Wala pong katotohanan ang mga pinagsasabi nila, Tita. Hindi magagawa ni Mama ang gano’ng bagay. Kilala n’yo naman po siguro siya.” Depensa ko kay Mama. “Nawala na ang tiwala ko sa kaniya magmula nang magtanan siya at piliin ang Tatay mo na kakikilala lamang niya. Dayo lang ang Tatay mo. Nagbakasyon lang siya dito sa Bicol tapos sumama na siya pauwi sa Cavite.” Isinama lang noon si Papa ng kaibigan nito na nagbakasyon sa Albay. Doon sila nagkakilala ni Mama. Ilocano si Papa pero nagtatrabaho siya sa Cavite bilang Manager sa isang restaurant. “Kaya ikaw, huwag na huwag mong tutularan ’yang Nanay mo. Huwag kang magdadala ng kahihiyan sa pamilya natin. Hindi na sana madagdagan ang kahihiyang idinulot niya dahil talagang malilintikan ka. Aral muna bago boyfriend. Ang lalaki, nandiyan lang ’yan. Kapag nakapagtapos ka na ng pag-aaral, saka ka mag-boyfriend. Mahirap magkaroon ng pamilya kapag wala kang maayos na trabaho. Utak lagi ang pagagamahin, huwag ang puso. Tandaan mo ’yan, Dhanna.” Hindi ko din siya masisisi kung bakit ang laki ng galit at sama ng loob niya kay Mama. Pero sana naman ay magawa na niyang magpatawad dahil matagal nang nangyari ang mga bagay na ’yun. Bata pa si Mama nang magtanan, nasa edad ng kapusukan. “Mahal, sinesermonan mo na naman ba ’tong si Dhanna?” Nag-angat ako ng tingin nang biglang magsalita si Tito Vicente. Inakbayan niya si Tita Jocy. “Pinapangaralan ko lang siya. Ayaw kong matulad siya kay Belen na nasira ang buhay at hindi na natupad ang pangarap dahil lang sa sobrang pagmamahal sa isang lalaki. Tapos ngayon ano ang napala niya, wala ’di ba? Iniwanan lang sila sa ere ” Paliwanag ni Tita kay Tito Vicente. “Hindi naman ginusto ni Belen na iwanan siya ni Danny. Walang matinong babae ang gugustuhing maging broken family sila. Sadyang hindi lang marunong makuntento si Danny kaya siya naghanap ng iba,” malumanay na sabi ni Tito Vicente sa kaniyang asawa. “Sa tingin mo, gusto ko din ang nangyayari ngayon sa kapatid ko? Nasasaktan din naman ako para sa kaniya. Nagdurusa siya dahil sa kagagawan niya.” Galit na tinalikuran ni Tita Jocy si Tito Vicente. Napapailing na lang siya habang sinusundan ng tingin ang papalayong asawa. “Pagpasensiyahan mo na ’yang Tita mo, ha? Lagi ka tuloy nadadamay sa sama ng loob niya kay Belen. Mainit ang ulo niyan kasi marami ang bayarin ngayong buwan.” Hinging paumanhin sa akin ni Tito Vicente. Malaki ang pasasalamat ko sa kaniya dahil lagi niyang inaawat at pinagsasabihan si Tita sa tuwing napagbubuntunan ako kapag mainit ang ulo. “Ayos lang po, Tito. Nasanay na din naman po ako.” “Siya nga pala, nakapag-enroll ka na ba?” Pag-iiba niya ng usapan. “Hindi pa po. Pero huwag po kayong mag-alala, bukas na bukas din magpapa-enroll po ako.” “Sige, bukas ihahatid kita sa school. Sabihin mo lang kapag may mga kailangan ka, ha? Aalis na ako para makarami ng kita.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD