Pumikit ako ng lalong lumakas ang hangin. Ang sarap talaga ng hangin sa probinsiya at hindi katulad sa metro na mausok. Naramdaman kong may yumakap sa mga hita ko kaya bumaba ang tingin ko doon.
"Mama matulog na tayo. Baka mahimatay ka na naman. Wala ka ba talagang sakit Mama? Bakit parati kang nawawalan ng malay?" sabi ni Kian.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko para maalis ang takot sa mga mata niya. Hindi ko rin naman kasi alam kung ano ba ang nangyayari sa akin.
Alam kong bumabalik ang mga memorya ko pero bakit antagal? Bakit hanggang ngayon ay puro parin blur at boses ang naririnig ko? Bakit hindi parin buo? Gusto ko ng maalala ang lahat. Gusto kong maalala kung sino ang ama ni Kian. Kung mahal ko ba siya? Kung bakit bigla siyang nawala? Kahit na may nagsasabi sa isipan kong h'wag ko ng alalahanin pa ay hindi ko magawang hindi isipin. Para kasing hindi kumpleto ang pagkatao ko. Kung hindi man para sa akin ay kahit sana para sa anak ko.
"Wala akong sakit, Kian. Ayos lang si Mama. Inaalala kasi ni Mama si Papa. Para naman happy family na tayo." sabi ko pero sumimangot ito na para bang ayaw niya ang sinabi ko. Lumuhod ako sa harapan niya at inangat ang mukha hanggang sa magtama ang mga mata namin.
"Ayaw mo bang makilala si Papa, Kian Eros?" tanong ko.
"Kung mawawalan ka naman ng malay parati kapag inaalala mo siya mas mabuti pang wala nalang akong Papa. Meron ka naman, Mama. Hindi na ako maghahanap ng Papa basta h'wag ka na ding mawawalan ng malay." sinserong sabi niya pero halatang naiiyak na siya.
Bigla akong naawa sa anak ko. I want to give my son everything. He deserves it pero paano ko ibibigay ito kung ganito naman ang nangyayari sa akin at parati ko siyang tinatakot sa mga nangyayari sa akin.
"Hindi ko kasi mapipigilan ang paglabas nila sa isipan ko, Kian. Siguro ita-try ko nalang na hindi ako mawalan ng malay pero hindi ako nangangako. Matatapos din ito. Bukas pupunta ako sa hospital para magpatingin ulit. Mawawala na din ito. Gagaling din si Mama" paninigurado ko at para itong matanda na tumango tango.
My son is a genius, kaya nga kahit tatlong taong gulang palang ito ay diretso na itong magsalita. Madali nitong naiintindihan ang mga bagay bagay pero hindi parin naman nawawala ang pagiging isip-bata nito minsan. Saan niya kaya iyon namana? Sa Papa niya?
"Tara na, Mama. Matulog na tayo"
Tumango naman ako at sumunod sa kaniya. Niyakap niya ako pagkahigang pagkahiga namin na para bang ayaw niya talaga akong mawala sa tabi niya. Tumataba ang puso ko sa ginagawa niya.
Niyakap ko din siya at maya maya ay parehas na kaming nakatulog.
Nagising ako sa lakas ng kalabog ng pintuan. Mabilis akong tumayo at binuksan iyon. Nakita ko si Tita na nakatayo sa harapan ng pinto. Kunot na kunot ang noo ko dahil sa paraan ng pagkatok niya kanina.
"Nag-pa-schedule ka ng check-up sa kabilang hospital? Bakit hindi ko alam, Heart?" tanong niya. Bumuntong hininga ako at tumingin kay Tita.
"Feeling ko po kasi wala namang naitutulong si Dr. Ignacio. Ang tagal na po nitong kondisyon ko pero hanggang ngayon wala parin akong naaalala. Nawawalan na po ako ng pasensiya, Tita. Plano ko naman pong sabihin mamaya kaso naunahan niyo na ako" sabi ko. Napansin ko ang pag-iwas nito ng tingin na para bang may tinatago.
"Hindi pwede bukas, Hija. Darating ang mga kliyente nating mag-te-team building. Alam mo naman kung gaano ito kahirap ngayong taon dahil kulang tayo sa tao. Kung gusto mo pagka-alis na pagka-alis noong mga kliyente ay bumiyahe tayong metro upang mas makasigurado tayo sa kondisyon mo kung hindi ka naniniwala kay Dr. Ignacio" sabi niya. Doon ko lang naalala ang pinaghahandaan naming araw ay bukas na.
May isang kumpanya kasing gustong bigyan ng magandang bakasyon ang mga empleyado nila at nagkataong ang resort ang napili nila. Hindi ko alam kung paano nila nahanap ang Resort pero nagpapasalamat ako at kami ang napili.
"Ngayon na kita kinatok dahil baka magkasalisihan tayo bukas. Maaga akong pupunta doon upang kausapin ang may-ari ng kumpanya. Gusto kitang isama ngunit ayaw kong gisingin mo ng maaga si Kian. Isasama mo rin siya roon, 'di ba?" tanong niya at tumango ako.
"Pumapayag po ako sa gusto niyo tita. Pag-alis nalang po nila. Makakapaghintay pa naman po ako." nakangiting sabi ko at napansin kong nakahinga naman ng maluwag si Tita.
"Matutulog na ako, hija. Magpahinga ka na rin dahil maaga tayo bukas." tumango ako kay Tita kahit na lalong tumataas ang pagdududa ko sa kaniya.
Alam kong masama ang nararamdaman ko gayong siya ang tumulong, nagbihis, nagpakain at lahat sa akin at maging sa anak ko. Ayokong maramdaman ito pero wala naman akong magagawa dahil hindi ko ito mapipigilan. Minsan naiisip ko, totoo ko kaya siyang Tiya? dahil kung totoo ko siyang tiya, bakit kahit kailan ay wala siya sa mga memoryang bumabalik sa akin. Ni boses ay walang kapareha sa mga boses na naririnig ko sa isipan ko.
Tumingin ako sa anak kong mahimbing na natutulog. Lumapit ako sa kaniya at hinalikan siya sa noo bago nagpalit. Kailangan kong makapag-isip ng maayos at tuwing nandito ako sa bahay na ito ay hindi ko magawa iyon.
Para akong nasu-suffocate sa bahay na iyon. Nasasakal ako kay Tita dahil para lang akong manika na kinokontrol niya. Hindi ako makalabas ng probinsiya hanggat walang pahintulot niya at kapag may pupuntahan kailangan may kasama pang bodyguards.
Sumakay ako sa isa sa mga kabayo at nagpuntang Resort. Mas nakakapag-isip ako ng maayos tuwing nandoon ako at nakatingin sa pagbagsak ng tubig. Sana lang ay mali ang hinala ko kay Tita dahil kung hindi ay hindi ko na alam ang gagawin ko.
Itinali ko ang kabayo sa isa sa mga punong malapit sa talon.
"Ano pong ginagawa niyo dito, Sinyorita? Gabing gabi na po." tanong ng isa sa mga tauhan namin na nakasalubong ko.
"Hindi ako makatulog Mang Samuel kaya nandito ako. Kamusta na po ang pag-aayos? Anong oras po ba mag-dadatingan ang mga kliyente natin?" tanong ko.
"Maayos na po lahat, Senyorita pati po ang mga gagamitin nila sa pag-te-team building nila." sabi ni Mang simeon.
"Salamat po Mang Samuel. Magpahinga na rin ho kayo. Doon lang ako sa may tabi ng talon." sabi ko at tumango ang matanda.
Tinanggal ko ang suot kong bota kanina at nilislis ang leggings na suot ko tsaka umupo sa batuhan at nilagay ang paa sa tubigan.
Ito lang ang mundo ko sa loob ng tatlong taong iyon. Hindi ko maatim na ito din ang mundo ko simula pa noong bata ako. Para kasing ngayon lang talaga ako napadpad sa lugar na ito. Wala akong makuhang pagkakakilanlan sa lugar na ito.
Ilang minuto pa akong nakaupo doon ng makarinig ako ng mga ugong ng sasakyan. Kumunot ang noo ko at agad na tinungo ang kabilang dako ng resort at may nagsisidatingan ngang mga sasakyan. Sila ba ang mga kliyenteng sinasabi ni Tita? Bakit ang aga naman ata ng dating nila?
Maging ang mga tauhan namin ay nagulat sa maagang pagdating nila. Sinenyasan ko si Mang Samuel na tawagan si Tita. Pinakuha ko rin kay Ana ang bota ko na naiwan ko sa tabi ng talon ng tumakbo ako ng nakapaa papunta dito.
Ako muna siguro ang haharap sa kanila habang wala pa si Tita. Kahit naman nagdududa ako ay ayokong maapektuhan non ang Resort. Napamahal na rin sa akin ito.
"Ma'am. Heto na po ang bota niyo." sabi ni Ana.
Napansin ko namang hindi pa sila bumababa kaya nagawa ko pang isuot iyon at ayusin ang sarili ko. Humarap ako kay Ana na nakatingin sa akin.
"Ayos lang ba ang hitsura ko, Ana? Mukha bang presentable? Hindi kasi ako handa." sabi ko. Medyo kinakabahan ako.
"Maganda parin kayo, Ma'am." sabi naman nito na ikinangiti ko.
Nakarinig ako ng pagbukas ng pinto ng sasakyan. Hinaplos ko pa ang buhok ko at inayos ito sa dibdib ko bago humarap.
"Hera?"
Hindi ko alam kung bakit kumabog agad ang dibdib ko ng makita ko ang mga lalaking nasa harapan ko. Dalawang lalaking may asul na mga mata. Matatangkad sila at halata sa kutis nila na mayaman sila.
"Kalix, buhatin mo si Axel! Hindi ko siya magising." sabi ng babae sa isang lalaki. Lumingon pa iyon sa akin bago sinunod ang sinabi ng babae.
"Sh*t. Hera?" sabi ng babaeng may mahabang buhok at asul na mata. Napaatras ako ng lumapit siya sa akin at hahawakan ako.
"I-I'm sorry but I'm not H—hera. Sino iyon?" sabi ko na ikinagulat nilang lahat. Anong nangyayari?
"Ako na nga magbubuhat kay Dyka!" hindi ko alam kung bakit parang narinig ko na ang boses na iyon.
"Hera, Mahal na mahal kita. Ako nalang, oh. Akin ka nalang"
"Bakit ba para kayong tangang nakatayo diyan? Pumasok na kaya kayo ng maipasok niyo na rin itong mga anak niyo. Hindi na kayo naawa sa mga bata." sabi ng boses na palapit ng palapit. Napahawak ako sa ulo ko ng bigla iyong sumakit.
Unti unting humarap ang lalaki at napahinto ng makita ako. Nanlalaki ang mga mata nito at biglang napalitan ng iba ibang emosyon. Parang nakita ko na ang mukha niya. Pamilyar na pamilyar ito sa akin na para bang nakita ko na ito.
"Kristian" tawag ng isang lalaki at lumapit sa lalaking nakatingin sa akin pero hindi nito inalis ang titig sa akin.
"Hera" bakit ba sila Hera ng Hera? Sino ba iyon? Wala namang Hera na nagtatrabaho dito?
"Mama! Bakit mo naman ako iniwan! Paano kung nawalan ka na naman ng malay?" napalingon ako sa sumigaw at maging sila ay napansin kong nakatingin din.
Tumingin ako sa galit na mukha ng anak ko at sa lalaking kanina pa ako tinititigan. Kaya pamilyar dahil magkamukha sila.
Napasigaw ako ng mas lumala ang sakit ng ulo ko. Napaupo pa ako habang hawak hawak ko ang ulo ko sa sobrang sakit.
"Mama! Mama ko!"