“THANK God I don’t have to experience falling in love. `Cause that would be ridiculous. Right? Paano ako iibig sa loob ng isang buwan?” Ni hindi nga mailarawan ni Mabel ang sarili sa kanyang diwa na umiibig sa isang lalaki.
Hindi pinapansin si Mabel ng kanyang mga kapatid, ngunit patuloy pa rin siya sa paglilintanya. Paulit-ulit na siya sa totoo lang ngunit natutuwa siyang malaman na may mga kapatid siyang nakahandang makinig kahit na medyo tuliro ang karamihan sa kanila. Bukod sa kanyang ina, hindi siya nagkaroon ng matalik na kaibigan na maaaring pagsabihan ng mga nararamdaman. Kaya naman kahit paano ay napapayapa ang mga takot at pangamba sa puso niya dahil sa presensiya ng mga kapatid. She realized it was good to have sisters. Kasama niya sina Eira, Sky, Berry, Ate Vera Mae, at Ate Yumi sa silid ng huli. Mukhang windang din ang mga kapatid sa kanya-kanyang task at kondisyon bago makuha ang kanilang mga mana.
Ang akala ni Mabel ay kasama sa kondisyon ang “experience falling in love” upang makuha ang kanyang mana. Kaagad niyang tinawagan si Attorney Ferrer upang magtanong. Halos nanghina siya sa relief nang sabihin nitong ang pagtatrabaho sa loob ng isang buwan lang ang kondisyon upang mapasakanya na ang kanyang mana. Mga personal na habilin na lang ang ibang nasa sulat.
“But we should hope for the best, hija,” ani Attorney Ferrer. “Hindi mo alam ang mga maaaring mangyari sa buhay. Ang sabi nila, parang magnanakaw ang pag-ibig. It’ll sneak in your heart without you knowing and when you least expect it. Next thing you know, you were already robbed and it’s too late. You can’t do anything about it.”
Hindi naintindihan ni Mabel ang mga sinabi ng abogado. Mas pinagtuunan niya ng pansin ang kailangang gawin upang makuha ang kanyang mana. Bukas ay papasok na siya bilang mananahi sa Sagada Weaving. Kanina ay sinamahan siya ni Attorney Ferrer upang makilala ang may-ari. Mabait naman ang ginoo. Hindi lang niya mapigilang matakot para sa malaking pagbabagong nagaganap sa buhay niya. Hindi pa niya nararanasang magtrabaho sa kanyang buong buhay.
Noong bata si Mabel ay madalas silang magtungo ng yaya niya sa kapitbahay na mananahi. Kaagad niyang nakatuwaan ang sewing machine. Natutuwa siyang panoorin ang kapitbahay habang pumepedal at nagpaparaan ng tela sa karayom ng makina. Nag-umpisa ang pangingialam niya sapaglalagay ng mga sequin at bead sa mga gown. High school si Mabel nang turuan siya ng kapitbahay ng basic sa paggamit ng sewing machine. Humiling siya sa kanyang ina na ibili siya ng sewing machine. Kaagad naman siya nitong pinagbigyan.
Naging hobby na ni Mabel ang pananahi mula noon. Madalas na ang ina ang kanyang itinatahi ng kung ano-ano. Hindi niya gaanong maipaliwanag ngunit natutuwa talaga siya kapag nananahi. Kaya niyang umupo sa harap ng makina sa buong maghapon at hindi siya mababagot. Nang malaman niyang may sewing machine sa mansiyon na pag-aari ng namayapang abuela ay kaagad siyang humingi ng permiso sa abuelo upang magamit iyon. Naitahi na niya ng kung ano-ano ang ilan sa mga kapatid niya.
Hindi na dapat mag-alala si Mabel dahil magiging madali na lang marahil ang pananahi para sa kanya. Hindi siya nakasisiguro sa mangyayari sa kanya sa showroom ng Sagada Weaving at iyon marahil ang talagang ikinatatakot niya.
Ang sabi ng lolo niya ay kailangan niyang matutuhan kung paano tumayo sa sarili niyang mga paa. Sa loob lang ng isang buwan. Kaya ba niyang gawin iyon? All her life, she had been dependent to her mother. At magagawa nga ba niyang maging independent sa pamamagitan lamang ng pagtatrabo bilang mananahi?
Marahil ay kailangan niyang magpasalamat kahit paano sa abuelo sa pagbibigay sa kanya ng isang trabaho na kaya niyang gawin.
“How can someone fall in love in a month?” Gusto na niyang lubayan ang paksa ngunit hindi niya ganap na magawa. She had been curious. Sa hindi rin malamang kadahilanan, sumasagi sa isip niya ang isang partikular na lalaki na may lovely accent.
“Malay mo naman,” sabi ni Eira. Bahagya lang bumaba ang enerhiya ng bunsong kapatid pagkamatay ni Lolo Alfonso. Sinikap nitong maging masayahin uli dahil iyon daw ang gusto ng kanilang lolo. “It always happen in movies and books.”
Umismid si Mabel. “Sa books at movies lang `yon. Hindi nangyayari sa totoong buhay. Paano pala `pag kasama iyon sa kondisyon? Paano kung hindi ako ma-in love in a month? Di hindi ko makukuha ang mana ko?” Ayaw niyang magmukhang gahaman o atat na atat sa mana, ngunit kailangan niya ng mana para sa kanyang ina. Kailangan niya ang fifty million cash, ang stocks and shares sa ilang kompanya, pati na ang mga property abroad.
“Malay mo nga, eh,” ani Berry habang puno ang bibig. Kanina pa ito pumapapak ng macaroons. Nakaupo ang kapatid niya sa isang single-seater couch na malayo kay Sky. Ang totoo ay nakadistansiya silang lahat kay Sky na nakaupo sa isang sulok at abala sa tablet ni Ate Yumi. “Malay mo may makasalubong kang lalaki at ma-love at first sight ka.”
Nalukot ang mukha ni Mabel. “There’s no such thing as love at first sight.” Kung nababaghan siya sa pagsibol ng pag-ibig sa loob ng isang buwan, sa isang iglap pa kaya?
“There is,” ani Sky.
“Puwede naman kaya,” dagdag ni Berry.
“Oo nga, `yong kasingguwapo ni Attorney?” panunudyo ni Eira, sabay pukol ng tingin kay Berry na kaagad nasamid.
“Ikukuha kita ng maiinom,” sabi ni Sky habang gumagapang patungo sa personal ref ni Ate Yumi.
“Hep, tumigil ka!” pigil ni Berry kay Sky. “Ako na. Utang-na-loob, Sky, manahimik ka diyan sa isang tabi.”
Dahang-dahang gumapang si Sky pabalik sa dating puwesto nito at muling inabala ang sarili sa tablet. Dalangin ni Mabel na sana ay hindi nito masira ang tablet.
Tinikwasan ni Mabel ng isang kilay sina Sky, Eira, at Berry. Talaga bang naniniwala ang tatlo na maaaring umibig ang isang tao sa isang iglap lang? Tinapunan niya ng tingin si Ate Yumi na nakadapa sa kama at hindi gaanong nagsasalita mula pa kanina. Masyadong lulong sa pag-iisip ang nakatatandang kapatid.
Nilapitan ni Berry ang personal ref at kumuha ng maiinom. Hindi na bumalik sa couch ang kapatid, isinandal na nito ang sarili sa ref. May obsession si Berry sa mga ref.
Pumaikot sa balikat ni Mabel ang braso ni Ate Vera Mae. “Bakit nasabi ni Lolo na one man can make you hate all the guys? Umibig ka na ba at nabigo?”
“Sinaktan? Niloko? Ipinagpalit sa iba?” pagpapatuloy ni Berry habang puno na naman ang bibig.
Umiling siya. “Wala akong naging boyfriend. Walang naging manliligaw.”
“Pero nagka-crush ka naman siguro,” ani Sky na abala pa rin sa gadget. “Na-in love ka naman siguro sa isang lalaking hindi nasuklian ang pagmamahal mo.”
Muling umiling si Mabel. “Wala akong naging interes sa boys ever since.” Hindi siya naguwapuhan o nagka-crush sa mga naging kaklase niyang lalaki. Na-cute-an siya sa ilang celebrities ngunit hanggang doon na lang iyon. Bata pa lang siya ay panay na ang pangaral ng ina sa kanya tungkol sa mga lalaki.
“Hindi gaanong mapagkakatiwalaan ang mga lalaki, anak. Pakangaingatan mo ang puso mo. Huwag na huwag mong hahayaang masaktan ka. Huwag na huwag mong paiikutin sa isang lalaki ang mundo mo.”
“Bata ka pa, huwag ka munang ma-in love. Take your time. Patatagin mo muna ang puso mo. Kasi love hurts, anak.”
Iilan lamang iyon sa mga sinabi sa kanya ng ina. Minahal nitong talaga si Alfie at labis na nasaktan at nagdusa sa ginawa ng ama. Nasaksihan niya ang mga gabing umiyak si Lucinda kahit na sinikap nitong itago sa kanya. Nasemento sa isipan niya na totoo nga. Love hurts.
“Everyone says that love hurts, but that’s not true. Rejection hurts, loneliness hurts, losing someone hurts. But love is the only thing in this world that cover up all the pain and makes us feel wonderful.”
Halos sabay-sabay silang napatingin kay Sky sa sinabi nito. Hindi alam ni Mabel kung paano nito nabasa ang tumatakbo sa isip niya.
“What?” natatawang sabi ni Sky nang mapansin ang lahat ng matang nakatingin dito. “Nabasa ko lang sa isang app ni Ate Yumi. `Makes sense.” Ikinibit ni Sky ang balikat. “Right?”
“No,” tugon ni Mabel. Rejection, loneliness, and losing were part of falling in love. Ayaw niyang maranasan ang mga iyon. Ayaw niyang pagdaanan ang pinagdaanan ng ina.
“Hala, ba’t ayaw nang gumana!” bulalas ni Sky.
Napailing na lang silang lahat. Napabuntong-hininga si Ate Yumi. Nasira na ni Sky ang tablet.