Adrielle's POV
"Let's all welcome, Cedric!" Sabi ng host.
Napatalon ako sa sobrang saya. Nagkagulo at naghiyawan ang mga fans.
"Cedric!!!" Sigaw ko na may halong tili.
Nakisigaw ako sa iba at halos maputol na ang mga litid ko kaka-cheer.
Lalong nagkagulo ang lahat nang matapos na sa pagsasayaw si Cedric.
"Marami pong salamat sa pagpunta." Masayang bati ni Cedric sa aming mga fans niya at ginawa ang kanyang signature wink. Napatili ako.
Inalayan niya kami ng kanta. Este ako. Hahahaha
"One way or another I'm gonna find ya
I'm gonna getcha getcha getcha getcha
One way or another I'm gonna win ya
I'm gonna getcha getcha getcha getcha
One way or another I'm gonna see ya
I'm gonna meetcha meetcha meetcha meetcha
One day, maybe next week
I'm gonna meetcha, I'm gonna meetcha, I'll meetcha"
Nakisabay ako sa pagkanta ni Cedric. Makikilala mo na talaga ako. Hahaha
Natapos ang kanta ngunit grabe talaga mga security guards. Todo harang sila. Kailangan ko makalapit.
"Okay guys! Thank you so much! Mahal na mahal ko kayo!" Kumaway na siya at bumaba ng stage.
Tang juice ko! Hindi pa siya pwede umalis!
"Cedric!!!" Sigaw ko.
Nagulat ako nang may matandang babaeng tumulak kay kuya guard.
Natumba si kuya at agad-agad tumakbo ang matanda kung saan nagpunta si Cedric. Ginaya ko ang matanda. Agad-agad akong tumakbo kaya lang napatigil ako sa pagtakbo nang makita kong nadapa ang matanda.
"Hoy!" Sigaw ng guard.
Napalingon ako sa kuya guard na papalapit sa amin, sa matandang babaeng nadapa at sa daan kung saan dumaan si Cedric.
Tang juice! Hay! Tinulungan ko na ang matanda. Hayaan na nga. Napatingin ako sa daan na tinahak ni Cedric. Hindi pa siguro ngayon. Hindi pa siguro bukas. Napabuntong hininga na lang ako. Next time. May next time pa. Habang buhay may pag-asa.
"Kayo ha! Bumalik na nga kayo doon! Ipapahamak niyo pa ako!" Galit na saway sa amin ng guard.
"Opo." Mahina kong sagot sa guard.
"Halika na po." Inalalayan ko ang matanda maglakad. Bagsak ang mga balikat ko habang naglalakad. Hindi maipinta ang mukha ko. Parang gusto kong umiyak. Parang naubos ang positive energy ko na kanina ay nag-uumapaw.
Nag-alisan na ang ibang mga tao. Nalungkot talaga ako kasi akala ko chance ko na iyon. Di bale na nga lang baka naman hindi pa gusto ng tadhana. Tama! Iangat natin ang positive energy. Marami pang pagkakataon. Marami pa.
"Sorry iha."
Nagulat ako. Napatigil ako sa paglalakad. Nakalimutan kong kasama ko pa pala ang matandang babae.
Napatingin ako sa kanya. "Ano ka ba lola? Tinulungan mo nga ako e. Iyon nga lang hindi tayo umabot sa finish line." Pinasigla ko ang boses ko kasi parang mangiyak-ngiyak si lola.
"Pasensya na talaga iha." Malungkot na sabi ni lola. Hinawakan ko siya sa kaliwang braso at marahang inalog.
"Ano ka ba lola! Okay lang iyan. May next time pa." Nakangiti kong sabi. Sinubukan ko rin pasiglahin ang boses ko. Napatingin ako sa poster na dala niya. Fanatic din si lola. Hehehe
"Hindi okay iyon iha. Time is gold. Sayang yong pagkakataon na makita natin siya ng malapitan at mahawakan."
Napatitig ako kay lola. Oo nga sayang.
"Pero wag ka mag-alala lola. Babalik iyon. Malay mo next week." Tumawa ako para mapagaan ang loob ni lola.
"Impossible iyon. At saka bumalik man siya next week baka ako hindi na makabalik."
"H-ha?" Bakit mamamatay na ba siya? May taning na ba ang buhay niya? Ayoko tumanda at mamatay ng hindi man lang mahawakan si Cedric. Yung mahawakan siya na hindi unan na may print ng mukha niya. Yung mahawakan siya na hindi yung standee. Yung talagang siya.
Mangiyak-ngiyak kong niyakap si lola.
"Wag kayong mag-alala lola kung hindi mo na siya maabutan, kung hindi mo na kaya at hindi mo na mahintay dahil kailangan mo ng pumunta sa langit. Gabayan mo na lang akong makalapit ako sa kanya para iyayakap at ihahalik kita. Hindi lang halik sa noo, halik pa sa labi."
Nagulat ako nang ihampas sa akin ng matanda ang poster.
"Aray, lola!" Napahawak ako sa kaliwang braso ko.
"Grabe ka! Hindi pa ako mamamatay!"
"Ay, sorry! E bakit ba kasi sinabi mo na baka hindi ka na makabalik?"
"Kasi... Basta. Ganito samahan mo ako mag-CR iha." Hinatak na ako ng matanda.
"Ikaw ba iha ay mag-CCR din?" Tanong ng matanda.
"Hindi po. Wala na si Cedric. Wala na dahilan para mag-ayos."
"Ah... Sigurado ka?"
"O-opo?" Alanganin kong sagot. Naiihi ba ako? Pinakiramdaman ko muna ang sarili ko. Hindi naman e.
"Oh, eto!" Sabay abot niya sa akin ng cellphone.
"Ano 'to lola?"
"Cellphone."
Aba't itong si lola!
"Alam ko lola. Para saan ba ito?"
"Magselfie ka. May magic selfie app diyan. Matutuwa ka."
Magic selfie app? Napatingin ako sa cellphone ni lola.
"Bagong app iyon lola? Lola?" Paglingon ko ay wala na si lola. Nag-CR na siguro. Pero parang ang bilis naman ata niya maglakad? Ay, hayaan na nga!