CHAPTER 07

1759 Words
"Huwag kayong magtitiwala basta-basta lalo na sa mga taong malinis lang tignan sa panlabas na anyo." -- Kael Molari CHAPTER 07 Kael SIMULA kahapon na nagwalk-out si Kael mas naiinis na siya kay Sasha kaysa kay Miracle. Ang weird, parang kahit walang ginagawa si Sha kay Kael bigla na lang itong magagalit, kung minsan natutulala na lang kami sa ginagawa niya. There's something weird between them. "Lewis, mag-iinuman lang ba tayo sa birthday mo?" Rinig kong tanong ni Miracle sa katabi kong si Lewis. Magkahehelera lang kami ng upuan katabi ni Lewis si Kael, katabi ni Kael si Miracle at ang nasa huling upuan si Sasha. Nasa pinakalikod kami nakaupo para kapag magdadaldalan hindi kami agad mapapansin. Kapag college na kasi kahit saan naman pwedeng umupo depende na lang kung may sitting arrangement, wala pa kaming Prof ngayon dahil may meeting daw, siguro dahil kay Ms. Dela Vega usap-usapan na kasi ang tungkol sa kanya rito sa Univ. Ang tsismis talaga parang hangin ang bilis malanghap ng mga tao. Itinuloy ko lang ang paglalaro sa cellphone ko at nanahimik habang patuloy lang sa pag-usap sina Lewis at Miracle. "Ano bang gusto niyo? Syempre kakain din tayo saka habang umiinom, movie marathon o kwentuhan." Sagot ni Lewis. Pinause ko ang nilalaro ko at simpleng tumingin sa kanila, nahagip agad ng mata ko si Miracle na nakatayo habang hinahatak ang upuan niya papalapit sa gawi namin ni Lewis. Busy sa pagbabasa ng libro si Sasha at si Kael naman naka-earphone lang habang nakapikit at nakasandal ang ulo niya sa sandalan ng upuan. "Hindi naman exciting iyan!" Singhal niya nang nasa harap na namin siya. Marahan siyang umupo habang nakangisi. "College na tayo kaya dapat mas exciting!" Humagikgik pa siya habang nakataas ang kaliwang kilay niya. "Nako Miracle ano iyang exciting na iniisip mo!?" Sabat ko sa kanila. Bigla siyang napatingin sa akin at ngumisi. Muli siyang bumaling ng tingin kay Lewis. "Basta! Sa birthday mo na lang." Usal niya nang titig na titig sa mga mata ni Lewis. Simple kong tinignan si Lewis at nakatitig din ito kay Miracle, muli akong tumingin kay Miracle na nanatili lang nakatingin kay Lewis. Sandali kong pinagmasdan ang mga mata niyang sobrang lalim kung makatitig. Mabilis kong tinignan muli si Lewis na para bang natulala kay Miracle. "Huy." Tawag ko sa kanya at agad naman siyang nag-iwas ng tingin. Pabalik-balik ang tingin ko sa kanilang dalawa hanggang sa napako ang tingin ko kay Miracle. Sa bawat pagtingin nila parang may kakaiba lalo na sa mga titig ni Miracle, nanatili pa rin siyang nakatitig kay Lewis hanggang sa dahan-dahang sumilay ang pagngisi sa kanyang labi, habang nakatitig ako sa kanya ngayon ko lang napagmasdan kung gaano siya kaganda. Manipis at natural na pula ang labi niya, matangos ang ilong at ang hugis ng mukha niya bumagay sa kanya. Maganda si Miracle pero lalo siyang gumaganda kapag tinititigan, para bang nagkakaroon ng magic sa mata ng taong tititig sa kanya, nakahihipnotismo... Kahit ako, hindi ko maiwasan titigan siya. "May dumi ba mukha ko Zaf?" Agad akong napailing sa kanya at pilit na nginitian siya. Nag-iwas ako ng tingin at binalingan si Lewis. "Mas okay siguro kung mag movie marathon na lang tayo sa birthday mo diba?" Sandali siyang sumulyap sa akin. Umiinom ako ng alak noon pero itinigil ko na ito simula noong nahuli ako ni Ate Shi sa bahay ng classmate ko noong highschool. Sinumbong pa ako kay mama noon kaya natatakot akong mahuli ulit. "Pwede rin naman saka mag-iinuman tayo, basta walang aarte-arte! Lahat tayo iinom!" Singhal niya nang nakatitig sa kanang bahagi niya kung saan doon ang gawi nina Sasha at Kael. Nag-angat ang ulo ni Sasha at mabilis na umiling. "Kayo na lang, ayoko!" Inis na usal nito sabay balik muli sa binabasa niya. "Nako Sha!" Bumaling muli ang tingin namin kay Miracle. Hinawi nito ang iilang buhok na kumakawala sa kanyang mukha. "Huwag mo kaming idamay diyan sa pagiging manang mo!" Umirap ito kay Sasha at bumuntong-hininga. "Hindi naman ako manang Mira! Ayoko lang..." Bigla siyang napahinto sa pagsasalita at mabilis na sumulyap kay Kael na nanatili lang nakapikit at may earphone pa rin sa tainga. Muling bumaling ang tingin ni Sasha kay Miracle. Pabalik-pabalik ang tingin ko sa kanilang dalawa habang nakatitig sila sa isa't-isa. Mabibigat ang mga titig nila at mistulang nagsusukatan kung sino ang unang bibitaw hanggang sa bumuntong-hininga si Sasha at siya na ang unang nag-iwas ng tingin. Hindi na siya nagsalita at muling nagpatuloy sa pagbabasa. "Huwag niyo na lang pansinin iyan. Basta sa birthday ni Lewis tuloy ang inuman." Mataray na pagkakasabi niya at umirap-irap pa itong muli kay Sha. Hindi na ito nakita, si Sha kasi nakayuko muli ang ulo niya habang nagbabasa. Hindi ko alam kung nagbabasa ba talaga siya o nakikiramdam lang. "Tama na nga iyan Miracle. Huwag niyong pilitin ang ayaw." Utas ni Lewis. Bahagyang napakunot ang noo ni Miracle at magsasalita na sana siya nang biglang manguna sa pagsalita si Kael. "Ang hilig mong mamilit ng ayaw. Kung gawin sa iyo iyon matutuwa ka ba?" Bigla akong napatingin kay Kael na tinatanggal ang earphone sa tainga niya. "Oo." Rinig kong matigas na sagot ni Miracle. Nanatili akong nakatitig kay Kael, sandali ko siyang pinagmasdan at nag-iwas agad ako ng tingin. Hindi ko kayang titigan ang madidilim na mga mata niya, nakakapanindig balahibo na para bang nag-iinit ang mga mata ko kapag nakatitig sa kanya... Nakakapaso. Bumaling ang tingin ko kay Miracle, nag-igting ang bagang nito sa sobrang inis. "Palibhasa kasi kapag ginusto mong mangyari ang isang bagay gagawa't-gagawa ka ng paraan. Spoiled brat." Kalmadong untag ni Kael pero sa bawat salita nito nandoon pa rin ang diin ng tono. Napansin kong malalim ang paghugot ng hinga ni Miracle. Pilit niyang pinapakalma ang kanyang sarili, halata sa hitsura niyang inis na inis na siya. "Huwag kang magmalinis Kael, parang sinasabihan mo lang ang sarili mo. Huwag kang magtago sa sarili mong baho." Hindi ko maintindihan ang ibig sabihin ni Miracle. Ang pagtitig na inis ni Kael napalitan ito ng galit tila kulang na lang mag-usok o mag-apoy ang mga mata niya. Idagdag pa ang seryosong-seryoso niyang mukha. Ang gwapo niyang hitsura nabalutan ito ng nakakatakot na aura. Gusto kong sumabat sa kanila pero hindi ko magawa. "Hindi ako nagmamalinis dahil malinis talaga ako. Ikaw itong madumi at mas lalong dinudumihan ang sarili." Biglang tumayo si Miracle mula sa kanyang pagkakaupo dahil sa sinabi ni Kael. Agad na rin akong napatayo at hinawakan ang braso niya. Mas matangkad siya sa akin ng konti, bahagya kong inangat ang ulo ko para tignan siya, bumungad sa akin ang nanggigigil na bagang niya at nararamdaman ko nang naninigas ang braso niya sa sobrang galit. Nararamdaman ko na ang tensyon sa kanilang dalawa. "Shut up Kael." Bumaling ang tingin ko kay Kael. Nakatayo na rin si Lewis at hawak ang balikat nito. Sumilay ang nakalolokong ngiti ni Kael. Akala ko magsasalita ito pero bigla niyang kinuha ang bag niya, pinagmamasdan lang namin siya kung ano ang mga susunod na gagawin niya. Naglakad ito hanggang sa malagpasan niya ang pwesto ni Miracle. Pero hindi pa ito nakalalayo sa gawi namin nang magbitaw siya ng huling salita. "Huwag kayong magtitiwala basta-basta lalo na sa mga taong malinis lang tignan sa panlabas na anyo." Nagpatuloy siya sa paglakad hanggang sa tuluyang lumabas sa classroom namin. Dahan-dahan kong binitawan ang braso ni Miracle at binalingan siya ng tingin. Nakayuko lang ito habang nanatiling nakatayo, pinasadahan ko ng tingin ang mga blockmates namin, medyo nagulat pa ako nang nakatingin pala silang lahat sa amin. Sinulyapan ko si Sasha pero agad itong nag-iwas ng tingin, tinignan ko si Lewis na nagkibit-balikat na lang at umupo. Buti na lang may pumasok ng Prof sa classroom namin kaya bumalik na ulit kami sa mga upuan namin. Habang nagkaklase kami hindi ko mawagli sa isipan ko ang palitan ng salita kanina nina Kael at Miracle, alam kong may laman ang bawat binibitawan nilang salita may saysay ito at hindi lang basta-bastang saysay ang nasa loob ng bawat salitang iyon. Ang galit at inis nakikita ko sa mga mata nila pero may isang emosyon pang mas nangingibabaw, hindi ko alam kung tama ang hinala ko ayokong mag conclude agad-agad baka mali lang ako. "Ayos ka lang ba?" Nawala ang pag-iisip ko nang magsalita si Lewis. Diretso lang ang tingin ko sa Prof namin na kanina pa nagsasalita pero walang nakikinig sa kanya. "Oo." Tipid kong sagot. Mula sa gilid ng mga mata ko napansin kong tumango siya. "Binabangungot ka pa rin ba?" Agad akong napatingin sa kanya. Diretso lang ang tingin niya sa Prof namin, sandaling lumagpas ang tingin ko papunta sa upuan ni Miracle. Nakayuko siya sa arm chair niya siguro natutulog ito. "H-hindi na." Bigla akong nautal at nag-iwas ng tingin. "Sigurado ka?" "Oo." "Kapag alam mong hindi na normal ang panaginip mo sabihin mo agad sa akin mas magandang maagapan natin ayokong matulad ka kay Ms. Dela Vega." Hindi ako sumagot pero nakaramdam ako ng pangamba sa sarili ko... Ayokong maging katulad kay Ms. Dela Vega... Normal lang ang managinip, wala naman akong nakikitang kakaibang tao sa panaginip ko maliban lang sa isang boses.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD