"The world is full of obvious things which nobody by any chance ever observes." -- Arthur Conan Doyle
CHAPTER 09
Next Door
"ZAF, sigurado ka bang ayos ka lang? Napapadalas na iyang bangungot mo." Diretso lang akong nakatingin sa kawalan at hindi pinansin ang sinasabi ni Miracle sa akin.
"Zaf, nandito lang naman kami kung kailangan mo ng makakausap."
"Mors prope est..." Wala sa sarili kong sambit.
"Death is near." Halos tumalon ang puso ko sa sobrang kilabot na naramdaman ko.
Agad akong napatingin kay Sasha na nasa harap ko. Mariin ko siyang tinitigan at napabuntong-hininga naman siya.
"Mors prope est is a latin word, it means death is near." Simple niya kaming pinasadahan ng tingin at muling bumaling sa akin. "Bakit Zaf? Saan mo nakita o nabasa iyan?" Usisa niya.
Nag-iwas ako ng tingin sa kanya at bahagyang napayuko. "Wala." Umiling ako.
"Zaf, kung hindi mo sasabihin lalong magiging malala iyan." Napaangat ang tingin ko kay Kael at nag-iwas naman ito ng tingin sa akin.
Naririnig ko ang mabibigat na pagbuntong-hininga ni Lewis na tanging nasa tabi ko. "Iyong panaginip ko..." Bahagya akong napakagat sa ibabang labi ko nang maramdaman kong lahat sila nakatingin sa akin, bigla akong napayuko. "Hindi ko maintindihan." Halos hangin na ang lumabas sa bibig ko sa sobrang hina nang pagkakausal ko.
"Zaf, ikwento mo." Muli kong inangat ang ulo ko at agad na napadako ang aking tingin kay Sasha.
"Hindi ko maintindihan Sha... Minsan madalim, malamig o mainit tapos may boses, may nakakikilabot na pagtawa at kung minsan naman nakakapanindig balahibong pagsitsit." Sunod-sunod kong bigkas habang mabibilis na humuhugot nang paghinga.
Nagkatinginan sina Kael, Sasha at Miracle sa isa't-isa at muling tumingin sa akin. "A-ano pa Zaf?" Nauutal na tanong ni Miracle.
"Iyon lang... Tama iyon lang." Umiling ako nang mabilis sa harap nila at pilit inaalis sa isip ko ang pagbibilang sa panaginip ko.
"Sigurado ka?" Simple kong sinulyapan si Lewis na nasa tabi ko. Tumango ako sa kanya at muling tinignan sina Sasha na nasa harap ko.
"Bakit ba ako nananaginip ng ganoon?" Tanong ko sa kanila.
Nag-iwas ng tingin sina Kael at Miracle. "Wala namang ibang nangyayari sa panaginip mo sa tingin ko normal lang iyan baka binabangungot ka lang, basta Zaf magdasal ka." Bigla akong napalunok sa sinabi ni Sasha.
"Table 16!" Nawala ang atensyon sa akin nang dumating sa pwesto namin ang mga pagkain na kani-kaniya naming inorder.
Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa napaginipan ko kanina akala ko totoo ang lahat ng iyon... Lalo na ang matinding pagsaksak ko kay Czarima, hindi ko lubos maisip na kaya kong pumatay ng walang dahilan kung sa totoong buhay mangyari iyon. Kagimbalgimbal ang bangungot ko kanina hindi ko mawari kung totoo ba iyon o gawa-gawa na lang ng utak ko at mas lalong hindi ko maintindihan kung bakit ang bilis kong magkaroon ng panaginip. Hindi ako ganito dati, mananaginip lang ako kapag sobrang malalim ang pagtulog ko. Iba na ito...
Sandali akong napapikit nang maalala ko ang hitsura ni Czarima sa panaginip ko. Ang dibdib niyang punong-puno ng dugo at halos nakikita na ang laman lalo na ang mukha niyang hindi na makilala.
"Zaf! Ayos ka lang?" Gulat na tanong ni Lewis.
Sunod-sunod akong tumango at hinawakan ang bibig ko. Halos muntik na akong maduwal nang sumagi sa isip ko iyon. "Ayaw mo ba ng lasa Zaf?" Tanong ni Miracle.
Umiling ako sa kanila. "Hindi... May naalala lang ako." Pilit kong winawagli sa isipan ko ang nangyari kanina sa panaginip ko.
Nakisabay na lang ako sa usapan nila at nang hindi ko na maalala ang panaginip ko kanina. Siguro isa rin sa dahilan kung bakit nangyayari sa akin ito masyado kong iniisip ang mga ganoong bagay.
"Sha, kailan ba kayo lilipat sa unit ko?" Biglang tanong ko sa kanila.
Uminom ng tubig si Sasha habang nakatingin kay Miracle at muling bumaling sa akin. "Maybe next week." Aniya habang inilalapag nang marahan ang baso sa harap niya.
"Pagkatapos ng birthday ni Lewis." Dugtong ni Miracle.
"Teka magsasama kayong tatlo sa unit ni Zaf?" Untag bigla ni Kael.
Napatingin ako sa kaniya na pabalik-balik ang tingin sa amin ni Sasha. "Oo." Sagot ni Miracle sa kanya. "Maganda na rin iyon para mabantayan namin si Zaf." Bumaling ng tingin sa akin si Miracle at nginitian ako.
Napansin kong tapos nang kumain si Kael. "Dapat tayong lima!" Ngumisi siya at biglang tumingin sa akin sabay dako ng tingin sa katabi kong si Lewis. "Diba pre?" Tanong niya.
Bahagya ko siyang tinitigan at hindi pa rin nawawala ang pagngisi niya. "Oo nga naman! Dapat kasama rin kami!" Pagsang-ayon ni Lewis.
Biglang binatukan ni Miracle si Kael na katabi lang niya. Hindi naman gaanong malakas iyon pero alam kong nasaktan si Kael sa ginawa niya.
"Bullshit!" Iritang singhal niya habang hinihimas ang parte ng ulo niyang binatukan ni Miracle.
"Puro babae kami!" Umirap si Miracle at pinagpatuloy ang kanyang kinakain.
"Edi sa kabilang unit na katabi niyo na lang!" Biglang lumawak ang ngiti ni Kael sa sinabi ni Lewis.
Sinulyapan ko si Lewis na malawak ang ngiti kay Kael at nag-apiran pa silang dalawa. Umiling na lang ako at bumaling ng tingin kay Sasha. "May nakatira sa magkabilang tabi ng unit ko." Usal ko sa kanila at muling kumain.
"Sigurado ka ba?" Natatawang tanong ni Kael. "Basta titignan pa rin namin. Ano Dane? Payag ka? Ayoko sa bahay masyadong malayo ang hassle kapag babyahe pauwi." Dane ang tawag ni Kael kay Lewis. Hindi raw siya komportable tawagin sa pangalang Lewis.
"Balak ko talaga magdorm. Tignan na lang natin mamaya iyong unit ni Zaf." Napahinto ako sa pagnguya at sinulyapan si Lewis. "Sabay-sabay na tayong umuwi pagkatapos ng last class natin."
"Ano naman gagawin niyo kung doon kayo titira?" Hindi ko napigilang itanong.
"Wala lang." Napatingin ako kay Kael na tumatawa. "Saka masaya kung sama-sama tayong lima." Ngumisi siya habang pinapasadahan kami ng tingin.
Ibang-iba na siya ngayon nakikipagbiruan na siya at sumasabay na sa gusto namin. Hindi ko alam kung pakitang tao lang ba niya ito o talagang nagbago na siya pero hindi pa rin nawawala ang paminsan-minsan nilang pagtatalo nina Sasha at Miracle. Pero mas okay ng ganito, lahat kami nagkakasundo sana.
"Kapag wala tayong klase magmomovie marathon tayo!" Narinig kong humagikgik si Miracle sa sinabi ni Kael.
"Nakakaexcite iyan!" Napatingin ako kay Miracle na ngiting-ngiti ngayon habang hawak ang kutsara't-tinidor niya.
Hindi na ako nakatanggi sa kanila at hinayaan ko na lang ang gusto nilang gawin. Hindi ko naman pagmamay-ari ang tenement na iyon para pigilan silang umupa. Pagkatapos naming kumain dumiretso na agad kami sa last class namin, medyo naiilang ako kay Czarima at sa tuwing nagtatama ang mga mata naming dalawa hindi ko maiwasang hindi kilabutan. Hindi ko alam kung bakit sa dami ng taong kakilala ko siya pa ang nasa panaginip ko.
Mas tinuon ko na lang ang atensyon ko sa tinuturo ng Prof namin. Ito iyong pumalit kay Ms. Dela Vega, nahinto na ang usap-usapan tungkol sa kanya at wala na akong balita kung nagigising pa ba siya. Hindi ko lubos maisip na pwede pa lang mangyari sa totoong buhay ang mga ganoong bagay parang ang hirap paniwalaan pero kapag naranasan mo na, nalaman o makikita ng dalawang mata mo, sa ayaw at sa gusto mo maniniwala't-maniniwala ka.
Natatakot ako sa nangyayari sa akin ngayon hindi ko alam kung normal pa ba ito o iba na. Pero isa lang ang mas kinatatakutan ko ang maguluhan kung ano na ang totoo at hindi sa nangyayari...
* * *
"Kung magtanong kaya tayo?"
"Huwag na baka hindi rin nila alam, ako na lang bahala umuwi na kayo." Palubog na ang araw at alam kong sa mga oras na ito mahirap nang makahanap ng sasakyan pauwi.
"Huwag na Zaf, kami ang uupa kaya dapat kami ang mag-aasikaso."
Nagkibit-balikat na lang ako kay Lewis, hindi ko alam kung nasaan ang nangangasiwa ng tenement na ito at kanina pa kami nagtatalong lima kung magtatanong ba o hindi pero mas nasunod pa rin si Lewis.
"Ayan! Tanungin mo pre!" Singhal ni Lewis at tinulak pa si Kael papalapit doon sa babaeng lumabas sa kabilang unit.
Hindi na nakareklamo si Kael at bahagya itong naglakad papunta sa babae. Nagkatinginan kaming apat at sinundan na lang siya.
Hindi ko kilala ang babaeng ito, parang ngayon ko lang yata itong nakitang lumabas sa pangatlong unit na kafloor ko. "Ale." Tawag ni Kael sa babae. Sa tingin ko nasa edad trenta pataas ito.
Hindi kami pinansin at nagpapatuloy lang ito sa pagdidilig ng mga halaman sa tapat ng unit niya. Bahagyang sumulyap si Kael sa amin at tinanguan naman siya ni Lewis. Nananatili lang kaming nasa likod niya.
"Pwede po ba magtanong?" Nararamdaman kong irita na itong si Kael dahil hindi na naman siya pinansin.
Muli siyang lumingon sa amin na kunot ang noo. Simple kong sinulyapan si Lewis na nakangisi lang, muli akong tumingin kay Kael na akmang kalalabitin sana ang Ale pero bigla itong huminto sa pagdidilig at sinulpayan kami. Bahagyang napa-atras si Kael sa kanyang kinatatayuan at ganoon din kami.
Mariin kaming inisa-isang tinitigan ng ale. "Ano iyon?" Seryoso niyang tanong nang dumako ang tingin niya kay Kael.
"Itatanong lang po namin kung may number po ba kayo ng nangangasiwa ng tenement na ito?"
Napasinghap ang ale at ibinaba ang hawak niyang bote na naglalaman ng tubig. "Kumare ko ang nangangasiwa ng tenement na ito, bakit?"
Agad na napasulyap sa amin si Kael at simple itong nagthumbs-up habang nakangisi. Muli siyang bumaling sa ale. "Magrerent po sana kami ng isang unit. Kung pwede po katabi ng unit na iyon." Usal niya at tinuro ang unit ko.
Napatingin kaming lahat doon at muling tumingin sa babae. Magsasalita sana ako nang bigla itong nagsalita. "Sa kanan may nakatira riyan pero sa kaliwa wala." Halos nanlaki ang mata ko sa sinabi niya.
Bigla kong tinignan si Sasha na nasa tabi ko at muli akong sumulyap sa ale. "Teka po ale." Sabat ko at bigla itong napatingin sa akin.
"Rosa." Pakilala niya.
"Aling Rosa, may nakatira po sa dalawang katabi ng unit ko." Halos nanginginig kong bigkas.
Biglang napakunot ang noo nito. Nararamdaman kong mabibigat ang tingin sa akin nila Lewis. "Ikaw ba ang nakatira riyan?" Tanong nito na tinutukoy ang unit ko, hindi ako sumagot bagkus tumango na lang ako. Umiling ito at ngumisi.
"Matagal ng hindi pinapaupahan iyan, naging bodega na ang unit na iyan."
Mabilis akong umiling at naramdaman ko na ang panginginig ng tuhod ko. "Hindi po!" Tumaas ang boses ko sa kanya.
"Zaf..." Naramdaman kong hinawakan ni Sasha ang kamay ko.
"May nakatira po sa magkabilang tabi ng unit ko!" Singhal ko kay Aling Rosa.
Hindi pwedeng walang nakatira roon! Dahil sa unit na iyon doon nakatira si Jeah!