“Ate Yume… Ate Yume..”
Nakangiting isiniksik ko ang sarili ko sa mga halaman.
“Ate Yume, nasaan ka na?” dinig kong tanong ni Yuri.
Mas lalo akong sumiksik sa mga halaman, hindi alintana kung marumihan ang damit ko.
“Nakita mo si Ate Yume, Yuri?” si Yona.
“Wala eh.”
Narinig kong palapit ang yabag nila. Pinilit kong huwag gumawa nang ingay, kahit ang paghinga ko ay pinipigil ko.
Hanggang…
“Boom! Ate Yume!” sabay na wika nina Yona at Yuri na bigla na lang yumuko sa harap ko.
“Wahh! Ang galing ni'yo!” natatawa kong bulalas bago lumabas sa pinagtataguan ko. “Paano ninyo ako nakita?” tanong ko habang pinapagpagan ang damit ko.
“Kami pa...” nagmamayabang na sabay na saad ng kambal kong kapatid.
Napangiti ako, “Ang cute ninyo talaga,” ani ko at niyakap silang dalawa.
“Hmm... Ate, hindi ako makahinga,” natatawang ungot ni Yuri.
“Ate, naman ang arte eh,” kunwa’y naiinis na wika ni Yona.
Binitawan ko sila. “Tara na, baka hinahanap na tayo sa loob,” aya ko sa kanila.
“Tiyak usok na naman ang ilong ni Auntie,” natatawang wika ni Yona.
“Sshhh. Baka marinig ka niya,” saway ni Yuri.
Napailing na lang ako at hinawakan silang dalawa sa kamay, nasa kanan ko si Yona at nasa kaliwa si Yuri. Dama ko ang maliliit pero maiinit nilang palad sa mga kamay ko. Pumasok kami sa loob ng malaking mansion pero nang sumara ang pinto ay unti-unting naglaho ang mainit na pakiramdam ng mga kamay nila. Ramdam na ramdam ko ang malamig na hangin sa palad ko.
“Ate Yume!”
Napalingon ako sa magkabilang gilid ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang wala na ang dalawang kapatid ko sa tabi ko.
“Yona!” tawag ko.
“Tulungan mo kami!” nagsimulang gumiti sa noo ko ang pawis ng marinig kung saan ang takot na takot na boses ni Yona.
“Nasaan kayo, Yuri?” sigaw ko
“Ate Yume!!”
“Yona! Yuri!” takot na takot na sigaw ko habang umiikot ng tingin sa paligid pero ang paligid ay binalot na ng dilim.
Wala na sila… wala na…
NAGMULAT ako ng mga mata at unang tumambad sa paningi ko ay ang digital clock ko.
‘4:59, Friday.’
Nauna na naman ako ng isang minuto sa alarm clock ko. Pinagmasdan ko ang orasan hanggang sa mag 5:00. Pinatay ko agad ang alarm nang magsimula na itong tumunog. Ang bilis ng araw, hindi ko man lang napansin na Friday na pala. Malapit ko nang matapos ang unang linggo ng pasukan ng walang problema at nang walang inaalala.
Bumangon ako at nag-inat. Pagkatapos ayusin ang kama ay kumuha ako ng tubig. Habang umiinom ay binuksan ko ng konti ang kurtina na nakatabing sa malaking salaming dingding. Madilim-dilim pa sa labas pero makikita na nagsisimula nang kumalat ang liwanag mula sa langit. Lumagok ako ng tubig pagkatapos ay ibinaba ang baso sa malapit na table. Isasara ko na sana uli ang kurtina ng mapatingin ako sa palad ko. May nararamdaman akong init doon, kakaibang init. Dama ko na’yon nang magising ako pero hindi ko na lang pinansin. Siguro ay nanaginip na naman ako at gaya ng dati, wala na naman akong matandaan. Ang naiiwan lang na alaala ay ang pakiramdam na dulot ng panaginip, kung matatawag bang panaginip iyon.
Inpinilig ko ang ulo at minabuting maligo at maghanda na sa pagpasok.
“YES! It’s Friday.” Kitang-kita sa mukha ni Aila ang saya habang sumusubo ng pagkain.
“Yeah,” sang-ayon ko bago sumubo.
Hmmm... Their poached egg is the best. May ngiting ngumuya ako. Sa ilang linggo ko sa Galleria, nasisiyahan akong kumain sa Lounging Area. Madalas man na hindi ko kilala ang pumupunta roon o walang pumapansin sa amin, nasusulit ko ang bawat oras ko.
“Natutuwa rin akong nakatapos ka ng isang linggo na hindi mo naiisip mag-absent.” Muntik na akong masamid sa sinabi ni Brandon at alam ko, kahit hindi ako nakatingin ay binabato na naman ni Aila ito ng masasamang tingin.
Ngumunguyang sinulyapan ko si Aila.
“Hhmmpphh,” ingos ni Aila bago binalingan ako. “Yume, may gagawin ka ba mamaya pag-uwi? Di’ba, maaga ang labas natin ngayon?” tanong niya sa akin.
Nilingon ko siya, “Wala naman, bakit?”
“Baka gusto mong sumama sa akin,” ngiting-ngiting aniya.
“Saan?”
“May get together kasi mamaya, tsaka para maipakilala din kita sa iba pa.”
Hindi ako nakasagot. Aminado akong naging mabilis ang closeness naming dalawa ni Aila pero parang hindi ko pa kaya kung marami na.
“Huwag kang mag-alala, mga taga-rito lang din sila sa Galleria.” Hinawakan niya ako sa balikat.
“May mga napansin nga akong maraming bagong dating kanina,” ani Akane.
“Galing silang bakasyon,” wika naman ni Brandon. “Kaya buti na lang at nakilala ka namin, Miss Yume, dahil kung nagkataon isang linggo agad abs—”
“May sinasabi ka?” masama ang tingin na putol ni Aila sa mga sasabihin sana ni Brandon.
Unti-unti ay nasasanay ako sa presensiya nila. Hindi sila mahirap pakisamahan, lalo na si Aila. Siya ‘yong tipo ng babae na ‘what you see, is what you get’ at hindi ko man lang siya kinakikitaan nang pagpapanggap.
Siguro, wala rin namang masama kung susubukan kong kilalakin ang iba pa niyang kaibigan.
“Sige, susubukan ko,” nakangiting wika ko kay Aila.
“Yes!” masayang wika ni Aila.
Ibinalik ko ang atensyon ko sa pagkain ko. Sinalinan ni Akane ang baso ko ng tubig.
“Salamat,” ani ko habang nakangiti sa kaniya.
Gumanti rin siya ng ngiti, ngiting para bang sinasabing ‘masaya ako para sa’yo.’ Hindi niya kailangang magsalita dahil nauunawaan ko.
“YOU’RE really good at this,” manghang ani Aila habang tinitingnan ang painting na ginawa ko.
“Hindi naman.” Ibinalik ko ang atensyon ko sa pagpapatas ng canvas. Katatapos lang ng Arts namin at kaming dalawa ang natoka na magsalansan ng mga paintings at gamit.
“Pa-humble ka pa,” saad niya bago sinipat uli ang ginawa ko. “To think na hindi pa tapos ito ay lalong nakakamangha.”
Napailing na lang ako sa kaniya at hindi pinansin ang mga papuri niya. “Tapos na akong magpatas dito.”
“Tapos na rin ako.” Tumayo na ito mula sa pagkakasalampak sa sahig at binuhat ang lalagyan ng mga brush. “Ang yaman-yaman ng paaralang ito tapos tayo ang pinaglilinis,” nagmamaktol na sabi ni Aila.
“Hayaan mo na! Tara nang maghugas ng kamay,” hinila ko na siya palabas ng room.
Lumabas na kami at dumiretso sa C.R. Walang tao sa loob ng pumasok kami kaya mabilis kaming nakapaghugas ng mga kamay. Ilang segundo pa ay tumunog na ang bell tanda na magsisimula na ang sunod na subject.
“Tara na, Yume, baka ma—“
Nagpapatuyo ako ng kamay nang mapansing tumigil si Aila sa pagsasalita at paglalakad palabas ng C.R. Napalingon ako sa kaniya.
‘Anong?’ sigaw ng isip ko.
Lumipat sa akin ang pares ng matatalim at mapaglarong mga mata ni Ezelle. Nginisihan niya ako bago lumipat ang tingin kay Aila na nananatiling nakatingin dito.
“Aila Namesis, right?” tanong ni Ezelle.
Hindi sumagot si Aila sa halip ay binalikan ako at hinila palabas ng C.R. Buong akala ko ay pipigilan pa kami ni Ezelle pero wala itong ginawa maliban sa panoorin kaming maglakad palayo. May nakakakilabot na ngiti sa mga labi niya. Hindi pa man ay alam kong may naglalaro na namang hindi maganda sa isip niya.
Kung anuman iyon ay siya lang ang nakakaalam.
UWIAN na ay naghuhurumentado pa rin si Aila. Mukhang malaki ang disgusto nito kay Ezelle. Tuluyan na ring nawala ang maganda nitong mood kanina.
“Huwag mo na lang muna siyang isipin,” pampalubag-loob ko sa kaniya habang sabay kaming naglalakad papunta sa may gate.
“Makita ko pa lang ang mukha niya ay hindi ko na mapigilan ang sarili ko,” may diin ang bawat salita nito.
Nagyuko ako ng ulo. Marahil kahit ako’y hindi ko kayang basta alisin sa isip ko ang mukha ni Ezelle lalo na kung paano siya tumingin kanina. May kung anong pamilyar na pakiramdam ang unti-unting bumabalik.
“Bakit? Bakit ginawa mo ito?”
“Walang lugar ang mahihinang katulad mo dito.”
Wala sa loob akong napa-iling. Ayaw ko siyang isipin. Hindi ngayon. Kung sakali mang makaharap ko uli siya ay mas makakabuti kung umiwas na lang.
Nagtaas ako ng mga mata. Malapit na kami sa gate at tanaw ko na din sina Akane at Brandon.
“Nandito na sila,” ani ko.
Tumingin lang si Aila pero walang nagbago sa ekspresyon ng mukha niya. Magkahalong inis, lungkot… at takot ang nakalarawan sa mga mata niya. Pinagmasdan ko kung paano niya pinilit ngumiti bago tumingin sa akin.
“Pwede bang atin na lang ang nangyari ngayon?” halata sa mukha niya na peke ang ngiti niya kaya tumango na lang ako.
‘Aila...’ Hindi ko maiwasang hindi mag-alala sa kaniya.
“Miss Yume..” Nag-angat ako ng tingin namg madinig ang bati ni Akane.
‘Hi,” bati ko.
“Kumusta ang maghapon, Mi—“ Hindi na naituloy ni Brandon ang sasabihin ng magsalita na si Aila.
“Gusto ko munang magpahinga,” pagod ang tinig ni Aila. Binalingan niya ako, “Pasensiya na ha pero baka bukas na lang yung get together. Promise. Matutuloy na’yon.” Pilit niyang pinasisigla ang tinig. “Tara na,” aya ni Aila kay Brandon bago sumakay na ito ng kotse.
Hindi nakalingat sa akin ang nag-aalalang mukha ni Brandon. Sinulyapan niya kami ni Akane at tinanguan bago nagmamadaling sumakay ng kotse. Pinagmasdan namin ni Akane ang papapalayong sasakyan nila.
“Nakakapagod ba ang araw, Miss Yume?” dama ko pag-aalala sa boses ni Akane.
Nilingon ko siya, “Hindi naman masiyado, sa tingin ko’y naubos lang ang reserbang lakas ni Aila.”
Tumango ito at binuksan ang pinto sa backseat.
Akmang papasok na ako ng may maalala ako bigla, “Akane, pwede bang doon uli tayo dumaan?” tanong ko sa kaniya.
Nginitian niya ako. “Kung ‘yon ang gusto mo ay walang problema.”
“Salamat.”
NAGSIMULA sa limang minuto hanggang naging sampung minuto at ngayon ay kinse minuto na. Ganitong oras ay dapat labas na sila pero bakit hanggang ngayon ay wala pa rin sila.
“Gusto niyo bang tingnan ko, Miss Yume?”
Napalingon ako kay Akane. "Pero..”
“Wala sila sa mansion ng dumating ako kaya tiyak na hindi naman nila ako kilala,” pag-aassure ni Akane.
“Okay.” I sighed, thinking that maybe I’m just being paranoid.
“Hintayin mo na lang ako dito, Miss Yume.”
Tumango ako.
Bumaba si Akane ng sasakyan. Habang nasa loob ay pinagmasdan ko kung paano siya pasimpleng pumasok sa loob ng malaking gate ng VU ng elementary level. Nakatitig lang ako sa kaniya hanggang sa nawala na siya sa paningin ko, dahilan para magsimula na naman akong sumulyap sa wristwatch ko.
One minute…
Two minutes...
Three minutes….
Nakaraan na ang limang minuto ay wala pa ring Akane na dumadating, wala rin ang mga hinihintay kong makita.
“Sorry, Akane, but I can’t just stay here.” I whispered.
I opened the car door and get off. Naglakad ako papasok sa malaking gate. I used to come here before to fetch Yona and Yuri kaya saulo ko ang daan. May kalayuan ang mga room sa gate, bukod doon ay madadaanan mo pa ang malawak na playground ng school. Malapit na ako sa hilera ng mga benches nang may tumawag sa akin.
“Miss Yume!”
“Akane!” Nagmamadali akong lumapit sa kaniya.
“Bakit bumaba ka ng sasakyan?” humihingal na tanong niya.
“Pasensya na. Hindi ka kasi kaagad bumalik.”
Sandali niya akong tinitigan bago nagsalita, “Nakita ko na sila.” Tumingin siya sa wristwatch.
“Siguro ilang minuto pa ay palabas na sila ng gate.”
“Okay naman sila, di’ba?”
Tumango siya. “Late lang na-dismiss ang klase nila.”
“Okay na ako.” I forced a smile while trying to hide the sadness I suddenly felt. Gusto ko na uli silang makita. Gusto ko na uli silang mahawakan, mayakap.
“Miss Yume…”
Masiyadong napalalim ata ang pag-iisip ko kaya hindi ko namalayan na hawak na ako ni Akane sa pulsuhan at kasalukuyang hinihila. Nagulat ako sa ginawa niya.
“Anong ginagawa mo?” gulat na tanong ko.
“Gusto mo silang makita di’ba?” seryoso ang tinig na tanong niya.
“O-oo!” Sinubukan kong kumawala sa kaniya pero mas malakas siya sa akin. “Alam mong hindi pwede!” malakas kong protesta sa kaniya.
Hindi pwede! Hindi pwedeng makita ako ng mga kapatid ko.
Hindi siya nagsalita hanggang sa matanaw ko na ang gate.
Natigilan ako. Napako ang tingin ko sa dalawang batang babae na nakatayo sa harap ng mga halaman malapit sa may gate.
“B-Bitawan mo ako, Akane. Hindi nila ako pwedeng makita,” mahina pero mariin kong wika.
“Hindi, Miss Yume.” Seryoso pa rin niyang saad. “Mga kapatid mo sila at kung mahal mo sila, kahit ayaw ng buong mundo ay gagawa ka ng paraan para makita sila at mayakap.”
Natulala ako sa kaniya, parang nanghina ang mga kamay ko at tumigil sa pagpipiglas.
“Ayaw ko nang makita kang malungkot habang nakatingin lang sa kanila, gayong pwede mo naman silang lapitan at hawakan.”
Umiling-iling ako. “H-hindi mo nauunawaan. Sina mommy at daddy…”
“Isa lang ang nauunawaan ko, Miss Yume at ‘yon ay mahal mo sila kahit na lumayo o inilayo sila sa’yo. Hindi magbabago na ate ka nila at kapatid mo sila.”
Akmang magsasalita pa sana ako ng—.
“Ate Yume?”
Para akong napako sa kinatatayuan ko nang madinig ko ang pamilyar na tinig na iyon. Gusto kong lumingon pero hindi ko magawa.
“Ate Yume!” Sa pagkakataong ito ay dalawang malalamyos na tinig nang nadinig kong tumatawag sa akin. Pamilyar na mga tinig. Tinig na matagal kong hindi nadinig.
Sa pagkakataong iyon ay lumingon na ako. “Yona…. Yuri…” Hindi ko maiwasan ang maluha ng makitang tumatakbo palapit sa akin ang dalawa kong kapatid na babae. Naramdaman ko na lang na binitawan ako ni Akane. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon, sinalubong ko sila at ng magtagpo kami ay niyakap ang isa’t isa.
“Ate Yume!” umiiyak na bulalas ni Yuri.
“Ang daya mo, ate!” angil ni Yona pero kita ko ang luha sa mga mata niya habang nakatingin sa akin.
“Sorry.. Sorry… Sorry...” lumuluhang sambit ko habang hindi magkamayaw sa pagyakap at paghalik sa kambal kong kapatid.
“Bakit ngayon ka lang nagpakita uli?” may bahid ng hinanakit at lungkot na tanong ni Yuri.
“Kahit pumupunta kami ng mansion ay hindi ka namin nakikita...” Alam kong hindi malayong sumama ang loob nina Yona sa akin. Hindi ko sila masisisi.
“Sorry…Sana hindi kayo galit kay ate.” Hinawakan ko ang mga kamay nila. Maiinit pa rin ang palad nila at hindi na kagaya ng dati na maliliit. Ang bilis ng panahon, hindi ko man lang napansing malalaki na ang mga kapatid ko.
Umiling si Yuri, “Hindi. Kahit anong mangyari ay hindi ako magagalit sa’yo,” matigas na wika ni Yuri. “Na-miss kita, ate.”
“Alam namin ang ginawa nina mommy at daddy,” kita ko ang lungkot at tigas sa mukha ni Yona. Kahit kailan talaga ay matapang si Yona, malayong-malayo sa akin.
“Miss Yume, sa tingin ko ay kailangan na nating umalis.” Naging alerto bigla ang tinig ni Akane.
Tiningala ko siya. Nakatingin siya sa may gate dahilan para panlamigan ako ng katawan. Hindi. Ayaw ko pang iwan sina Yona at Yuri. Humigpit ang hawak ko sa dalawang bata.
“Sasama kami sa’yo, ate Yume.”
Manghang napalingon dahil ako sa sinabi ni Yona.
“Pero...”
“Madalas namin silang tinatakasan kaya hindi mo kailangang mag-alala, ate,” nakangiting pagbibigay-alam ni Yuri.
“Palapit na sila dito,” ani Akane.
“Bodyguard mo, ate?” tanong ni Yona.
Tumango ako. “Oo.”
“Miss Yume, nakikiusap kami bitawan mo ang mga bata.” Matigas na sabi ng isa sa mga lalaki ng makalapit sa kanila. Tatlong naka-black suit na lalaki ang dumating at lahat sila ay matitipunong mga lalaki.
“Wala kang karapatang utusan si Miss Yume.” Humarang si Akane sa harap namin.
Tumayo ako at yumakap naman sa may bewang ko ang kambal. “Gusto ko lang makita ang mga kapatid ko,” mahinahon kong wika.
“Alam ni'yo po ang utos ng daddy ni’yo. Hindi kayo pwedeng lumapit sa kanila,” ani ng isa pa.
Naningkit ang mga mata ko. “Kapatid ko sila kaya may karapatan ako,” mariin kong protesta. Naramdaman kong humigpit ang hawak sa akin nina Yona at Yuri. Kahit ngayon lang, gusto ko silang makasama, kahit ngayon lang susuway ako, makasama ko lang sila kahit sandali.
“Utos lang ng ama ni’yo ang sinusunod namin.” Nagsimula ng lumapit ang tatlong lalaki para sana ay lapitan sina Yona pero mabilis na nakaharang uli si Akane.
“Pasensiya din pero kung anong gusto ni Miss Yume, iyon ang sinusunod ko,” seryosong bigkas ni Akane.
“Ate, baka makita tayo ng mga guard,” ani Yuri habang nakatingin sa bakanteng guardhouse.
“Sasama kami kay, ate! Ano bang mahirap unawain doon, eh kapatid naman namin siya?” Malakas na pahayag ni Yona.
“Miss Yume…” Nilingon ko si Akane. Nakita kong sumenyas siya patungo kung nasaan ang kotse namin.
Tumango ako bago hinawakan nang mahigpit ang mga kamay nina Yona at Yuri.
“Kahit ngayon lang, sasama ba kayo kay ate?” Mahina kong tanong. Sabay na tumango ang dalawa at mahigpit ding humawak sa akin.
Eksaktong nakalapit ang dalawang guard ay nagsalita si Akane. “Ayaw namin ng gulo kaya kung maaari ay hayaan ninyo na lang sila.”
“Umalis ka diyan, bata,” matigas na dikta ng isa sa mga bodyguard kay Akane.
Hindi ko maiwasang hindi kabahan para kay Akane lalo pa at kitang-kita naman na malayo ang lamang ng mga bodyguard nina Yona at Yuri kesa sa kaniya pagdating sa pangangatawan. Mukhang body builder ang mga ito samantalang kahit matangkad si Akane ay mas maliit ang katawan nito.
“Miss Yume, pagbilang ko ng tatlo alam niyo na ang gagawin ninyo,” mariing bulong ni Akane.
Tumango ako.
“Wag na kayong sumubok, Miss Yume, hindi namin kayo paaalisin,” banta ng isa sa mga bodyguard.
Umurong si Akane, “Isa….”
“Binabalaan kita, bata.” Mas lumapit ang tatlong bodyguard. Halos matakpan ng mga ito si Akane.
“Dalawa…”
Kahit nakatalikod si Akane ay dama kong alerto siya. Hindi ko gustong mapasama siya pero malaki ang tiwala ko sa kaniya na hindi niya kami pababayaan.
“Tatlo! Takbo!”
Mabilis na iniharang ni Akane ang sarili niya ng akmang hahawakan ako ng isa sa mga bodyguard.
Mabilis kaming tumakbo pero hindi pa kami nakakalayo ng…
“Ate Yume!” Napalingon ako nang hawak ng isa sa mga bodyguard sa kamay si Yuri.
“Bitawan mo ang kambal ko!” malakas na sigaw ni Yona bago may inilabas sa bulsa. “Ate Yume!”
Sandali kong binitawan si Yona at kinuha ang nasa kamay niya.
“Yona sa sasakyan,” ani ko bago hinarap ang lalaking nakahawak kay Yuri. Alam kong hindi pa rin nila ako masasaktan kahit na gustuhin man nila. “Bitawan mo siya!” malakas kong wika.
“Hindi sila pwe— ahhh!!”
Bago pa siya makatapos ay ini-spray ko sa mukha niya ang pepper spray na ibinigay ni Yona. Nabitawan ng bodyguard si Yuri at sinamantala ko iyon para tumakbo. Mabilis kong pinasakay sina Yona sa backseat.
“Babalik ako,” masuyo kong bulong sa kanila.
Nilingon ko si Akane. Mukhang malayo sa inaasahan ko ang lahat.
“Miss Yume, sakay!”
Natigilan ako at naglipat ang tingin kina Akane at sa sasakyan. Nagsisimula na akong mataranta lalo na at nakita kong palapit na ang mga guard ng school. May isa pang guard na may kausap sa radio.
“Akane...”
“Ate, sumakay ka na!” sigaw nina Yona at Yuri.
“Pero…. Hindi ako marunong mag-drive,” laglag ang balikat na bulong ko. “Paano kami aalis?”
Ano ba itong pinasok ko?