Kabanata I

1158 Words
Bagong sikat pa lang ang araw ng dumating si Adelia sa Hulaynon. Tanaw niya sa malayo ang mga puno ng niyog na nakapalibot sa mga bahay-kubo. Sa harapan ng mga bahay na ‘to, may mga mangingisdang kakarating lamang galing sa laot at abalang sa paghahakot ng mga isda Sinalubong sila ng mga babaeng nag-aabang ng mga nahuli at ng mga batang naglalaro sa puting dalampasigan. Kahit na maraming nagaganap, umugong sa pandinig niya ang hampas ng alon, na para bang nagpapaalala sa kanya kung ano ang nagbabadya. Nang makarating si Adelia sa kumpulan ng mga tao sa tabi ng isang bangka, agad siyang lumapit sa isang ale para magtanong. “Saan ang daan papuntang sa Palan, yung bundok,” mahinang tanong ni Adelia “Ha? Walang bundok dito baka naligaw ka. Kahit sa tabing-bayan wala akong alam na ganyang pangalan,” ang naiiritang sagot ng babae kay Adelia habang tinitignan ito mula ulo hanggang paa. Agad umalis si Adelia at nagpatuloy sa paglalakad. Mukhang hindi magiging gan’on kadali ang paghahanap niya. “Napakawalang galang naman ng batang yun,” narinig niyang sabi ng babae sa mga kasama niya. Diretso lang sa paglalakad ang dalaga hanggang sa makarating siya sa sentro ng bayan. Sa kanan niya ay merong isang maliit na kapilya. Tumigil siya sa tapat nito saglit ng biglang bumatingting ang kampanilya. Nagsilabasan na ang mga tao. Bago pa siya makapagtanong sa kanila ay biglaan siyang inabutan ng barya ng mga taong dumadaan. “Sana makatulong sa’yo,” sabi nila. Hindi naman niya alam kung bakit siya binibigyan nito pero tinanggap na lang niya. Baka may mahanap siyang senyales doon, pero pagkatapos makipagtitigan sa mukha na nasa barya ay sinukuan na lang niya ‘yun. Tumungo na lang siya sa palengkeng malapit dito.  Pagpasok niya sa lugar ay para bang iniiwasan siya ng mga tao o tinitignan siya nang masama. “Saan ang daan papun—,” tanong niya sa isang bata. “NAAAYY! MAY MUMO!” Pasigaw na tumakbo ang bata papunta sa nanay niya bago pa masabi ni Adelia ang tanong. Hindi niya maintindihan kung bakit parang ayaw ng lahat sa kanya. Kung hindi ganito ang eksena, parehong sagot lang ang nakukuha niya sa mga tao. Walang bundok na gan’on ang pangalan. Gayunpaman, nagpatuloy lang si Adelia sa paglilibot at sa paghahanap ng kahit anong senyales ng bundok. Alam niyang malapit lang ito, nakatago sa kung saan. Dahil mukhang walang siyang mapapala sa lugar na ‘yon, umalis na siya agad at nagpatuloy sa paghahanap. Bakas na ang pagod sa tindig ni Adelia, at parang pabigat nang pabigat ang mga hakbang niya. Pero hindi siya pwedeng magpahinga. Pagkatapos ng matagal na paglalakbay, inakala niyang sa Hulaynon na niya makikita ang bundok. Hindi pa pala tapos ang kalbaryo ng misyon niya, dahil mismong daan o destinasyon hindi niya mahagilap. Pagkatapos ng ilang minuto ay dumiretso sa paglalakad hanggang sa makalabas sa sentro ng nayon. Ngayon ay napapaligiran na siya ng malawak na sakahan, at sa dulo nito ay mga kabahayan. Wala pa rin siyang nakitang senyales ng bundok. Puro kapatagan lang ang nasa paligid niya, na siyang ikinadismaya ni Adelia. Kailangan niyang makarating sa Palan. Kailangan niyang makarating dito upang itama ang lahat, upang mangyari ang dapat noon pa naganap. Dito nakasalalay ang misyon niya. Makakarating ka rin doon, sinambit niya sa sarili habang hawak ang suot niyang kuwintas. Sa unang tingin, parang gawa lang ito ng batang naghahanap ng mapagkakaabalahan. May palamuti itong maliit na kabibe sa manipis na pantali. Hindi niya ito pwedeng mawala. Malapit nang magdilim nang mapadpad ulit si Adelia sa pampang na nadatnan niya kanina. Sa harap ng tubig ay naaninag niya ang sarili. Magulo ang itim niyang buhok na hanggang baywang, at halata ang pagod sa itim niyang mga mata. Marumi na rin ang mukha niya at ang puting bistida niyang suot. Puno na rin ng galos ang mga paa niya. Napabuntong hininga na lang siya. Nabigo siyang ngayong araw na mahanap ang bundok. “Naglibot lang pala ako ngayong araw.” Napasapo si Adelia sa noo. Umupo na lang muna siya sa ilalim ng puno ng niyog at napag-isipang munang magpahinga. Sa kabilang banda, naulinigan niya ang usapan ng tatlong babaeng nakatayo malapit sa dalampasigan. “Pakonti na nang pakonti ang huli nila pagkatapos nung bagyo. Hindi naman ganito dati,” malungkot na sabi ng isa sa kanila. “Oo nga, ito na ata yung sinasabi nilang alamat, yung tungkol sa--” sabi ng babaeng katabi nito. “Sa?” “Basta, ‘yun.” Parang pinigilan niya ang sarili sa pagsasalita, takot na magbitaw ng pangalan o salita. Bigla namang napahalakhak ang pangatlong babaeng sa grupo. “Ha? Yun ba? Ano ba yan Maricel, naniniwala ka dun? Kung gusto niyang maghiganti edi sana matagal na niyang ginawa, imposible namang di pa siya gising hanggang ngayon. Saka sana matagal na siyang nagpadala ng kampon niya o kung ano man yung tawag nila Ka Isko ‘dun,” mataray na sagot ng isang aling habang nakapamewang. Nanlaki ang mata ni Maricel sa sinabi ng kaibigan at agad siyang humakbang papalayo rito. “Bahala ka nga riyan Hilda! Huwag mong batiin ang disgrasya, at huwag mo siyang tuksuhin. Baka marinig ka niya at ikaw pa ang unahin, tas madadamay pa kami!” Padabog na umalis si Maricel habang sinundan siya ng isa nilang kasama. Napangiti na lang ang naiwang si Hilda na tila ba natuwa sa pagkapikon ng kasama. “Damay ka naman talaga kung sakali! Galit naman ‘yun sa lahat!” Sigaw ni Hilda, habang sinusundan ang dalawa niyang kaibigan. Hindi pa rin umaalis si Adelia sa kinalalagyan. Marami na siyang narinig na kuwento pero hindi pamilyar ang narinig niya kanina. Bukas na lang niya iisipin ‘yun, sabi niya sa sarili. Sa ngayon ay kailangan muna niyang maghanap ng matutulugan dahil palubog na ang araw. Pagkatapos ng ilang minuto, tuluyan nang nabalot ng dilim ang paligid maliban na lang sa ilaw na nanggagaling sa mga bahay sa tapat ng dagat. Sa kalangitan naman, tahimik na kumikinang ang libo-libong mga bituin. Sa sentro ng mga ito, agaw-pansin ang kabilugan ng buwan at ang dilaw na liwanag nitong dala. Diretso lamang siya sa paglalakad, nagbabakasaling may abandonadong bahay o kahit anong pwede niyang masilungan. Sa paglalim ng gabi, biglaan siyang nakaramdam ng bigat. Biglang nanikip ang dibdib nito. Parang napuno ng karayom ang paghinga niya hanggang sa dahan-dahang kumalat ang sakit na ito sa buong katawan. Napaluhod si Adelia at kinuyom ang dibdib, habang hirap pa rin sa paghinga. Wala siyang ibang maramdaman maliban sa sakit, sunod-sunod na alon ng sakit. Nagsimulang tumulo ang mga luhang hindi niya mapigilan sa pagpatak. Nagpatuloy ito nang nagpatuloy, hanggang sa wala na siyang maramdaman. Ang sakit, napalitan ng puwang. Biglang nanlamig ang paligid, naging tahimik at madilim. Napahandusay na lang siya sa tabi ng dalampasigan, habang nakadungaw ang nanghihina niyang mga mata sa makinang na kalangitan.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD