Chapter 2

1460 Words
Chapter 2 *Trixie* Tumunog ang alarm clock ko. Agad akong bumangon pagkarinig pa lang no’n. Para bang sanay na ang katawan ko na gumising kaagad tuwing makakarinig ng tunog ng alarm. Alas dose ng tanghali ako gumigising dahil alauna ang klase ko. Third year college na ako ngayon sa kursong hotel management. Pangarap ko kasing makapagtrabaho sa mga hotel lalo na sa ibang bansa. Next year, ay mag-o-OJT na ako. Kailangan ng pera para doon kaya naman kahit bente pesos o kahit sampung piso… nagtatabi ako araw-araw. Natuto na akong magtago ng pera dahil sa mga magulang kong lulong sa sugal at bisyo. Nadala na ako dahil palagi nilang nahahanap ang taguan ko ng pera. Kaya naman sa bahay nina Joyce ko tinatago ang perang iniipon ko. Matalik kaming magkaibigan ni Joyce at mas pinagkakatiwalaan ko siya kaysa sa mga magulang ko. “Tere!” Tawag sa’kin mula sa labas. Napangiti ako. Agad akong lumabas ng kwarto para buksan ang pinto. “Kagigising mo lang, ‘no?” Nakanguso nitong tanong sa akin nang masilayan ako. Tumango ako ng isang beses. “Pasok ka,” paanyaya ko sa kaniya at dumiretso sa banyo para buksan ang gripo. Maliligo pa ako at maghahanda para sa pagpasok sa eskwela. Habang inaantay mapuno ang timba doon ay kinuha ko na ang sinampay kong uniform. Ipinasok ko na lang dito sa bahay kahit hindi pa tuyo dahil baka pagdiskitahan ng mga adik sa labas dahil bukas pa ako makakauwi. Sinilip ko rin ang kaldero at nakita kong simot lahat ang laman no’n. Kumain na pala sila. Nasa sugalan na naman siguro. Nagkikita-kita lang kami kapag may kailangan sila sa’kin. Umupo siya sa sala at nilabas ang maliit na salamin. Nilabas niya ang foundation make up niya at naglagay sa mukha. Ako nga ay kahit pulbong maliit, hirap makabili. Sardinas na rin kasi ‘yon o ‘di kaya’y dalawang itlog. “Maliligo lang ako,” paalam ko sa kaniya. “Hindi mo na kailangang magpaalam sa’kin. Sa araw-araw ba naman, Tere… sanay na ako sa’yo,” saad niya habang nakatitig sa salamin. Napangiti na lang ako at pumasok sa banyo. Palagi kaming magkasama dahil magkaklase kami at pareho ng pinapasukang fast food restaurant sa gabi. Working student din si Joyce dahil halos walang pinagkaiba ang buhay ko sa buhay niya. Pareho kaming nakatira sa squatter area. Ang mga magulang niya ay lulong din sa sugal. Ang pagkakaiba nga lang namin ay hindi nagdodroga ang mga magulang niya. At kahit papaano ay nagtatrabaho rin sila at hindi nakaasa kay Joyce. Kaya lang naman siya nagwo-working student ay para mapag-aral ang sarili niya. Ang buong sweldo niya ay para lang sa sarili niya. Hindi tulad sa akin na palaging sa mga gasutusin napupunta. Sa mga utang pa lang namin… ubos na ubos na. Idagdag pa ang bayarin sa tubig, kuryente at iba pang gastusin dito sa bahay… iisipin ko pa lang ‘yon, napapagod na agad ako. Kaya madalas, binabalewala ko lang at tuloy pa rin ang buhay. Kung magpapatalo ako, paano na lang ang mga pangarap ko. Pagkatapos maligo ay nagbihis kaagad ako. May nakahanda na akong uniform. Ito ‘yong nilabhan ko naman kahapon. Hindi na ako nagsuot ng stockings dahil wala rin akong pambili at ipinagpapasalamat kong makinis ang balat ko sa hita kaya walang problema. Sinuot ko ang black shoes na pinaka-iniingat-ingatan ko. Kapag nasira, wala akong pambili kaya todo ingat ako. Pinatahi ko rin ‘to para hindi bumuka. Kapag baha naman ay pinipili kong magpaa na lang huwag lang mabasa ang sapatos ko. Lumabas ako ng kwarto na dala ang suklay. Ngayon naman ay nakatutok na si Joyce sa cell phone niya. Nag-angat ito ng tingin sa akin. “May pulbo ako dito,” saad niya kaya nakangiti akong lumapit sa kaniya. Inabot niya sa’kin ang maliit na pulbo. Nilabas niya rin ang lip balm niya. “Gumamit ka nito para magkakulay ka naman. Ang putla-putla mo na tignan,” nakasimangot niyang saad. “Palagi ka kasing tumatanggap ng overtime sa trabaho kaya hayan… halos wala kang tulog palagi. Kung papatayin mo ‘yang sarili mo… magsisimula na ba akong maghukay ng lilibingan mo?” Pabiro at tila paninermon niya sa akin. Pagod akong ngumiti sa kaniya. “Kailangan e,” saad ko at kinuha ang lip balm at naglagay ng kaonti. Tinapos ko na rin ang pagsusuklay at pinusod maigi ang buhok. “Tumira ka na lang kasi sa amin,” saad niya. “May gampanin ako dito sa bahay,” makahulugang wika ko at ni-check ang laman ng bag. Nang makitang kumpleto ay sinabit ko na ‘yon sa balikat ko. Mabigat siyang bumuntong-hininga. “Ayokong maglibing ng kaibigan, Tere. Kinakawawa mo ‘yang sarili mo. Robot nga nalo-lowbat, ikaw pa kayang tao,” sermon niya sa’kin. Nasa boses niya rin ang pag-aalala. Mas may pakialam pa si Joyce sa akin kaysa sa tunay kong pamilya. Sobrang nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng kaibigang katulad niya. “Kaya ko naman. Nakakatulog pa naman ako,” saad ko. Nalukot naman ang mukha niya. “Kaya ba ang apat na oras na tulog para sa maghapon at magdamag?” Makahulugang tanong niya. “Male-late na tayo,” pag-iiba ko ng usapan. Inirapan niya ako kaya natawa na lang ako. Sabay kaming lumabas at naglakad patungo sa kalsada. Sakto namang nakasalubong namin ang grupo ni Rodrigo. Nakangiti itong nakatitig sa akin. Siniko naman ako si Joyce at binulungan. “Manliligaw mo,” bulong niya. Binilisan namin ang paglalakad para lampasan sila. “Woah! Woah! Nagmamadali yata ang baby ko ah,” wika niya at hinawakan ako sa siko. Agad ko ‘yong binawi. “Male-late na kasi kami,” nagmamadaling turan ko at tinuloy ang paglalakad. Bigla namang humarang si Rodrigo sa dinaraanan namin. Malaki ang pangangatawan niya at hindi maikakailang gwapo. Pero aanhin ko naman ito kung masama namang tao. “Hatid ko na kayo,” wika niya at binuksan ng isa sa mga tauhan niya ang pintuan ng mamahalin niyang sasakyan. Kahit anong rangya ng sasakyan niya ay alam ko kung saan galing ‘yon. Sa sugalan at pagbebenta ng droga. “Hindi na. Salamat na lang,” pagtatanggi ko pero nakaharang pa rin siya sa danaan namin. Seryoso ko siyang tinignan. “Ikaw na ang may sabi… male-late na kayo. Tamang-tama na ihatid ko na kayo,” nakangiting saad niya. Nilingon ko si Joyce sa tabi ko. Mahina siyang tumango sa akin. “Sige na, Tere. Nakakatakot ang mga tauhan niya,” mahinang bulong niya. Bumuntong-hininga ako. Ayoko sana… ayoko talaga. Pero anong magagawa ko kung sampung tauhan niya ang nakaharang sa amin. Sumakay kami ni Joyce sa marangya niyang sasakyan. Ang gusto niya pa ay sa passenger seat ako pero agad akong tumanggi. Hindi naman siya nangulit at hinayaan ako sa backseat kasama si Joyce. Siya ang nagmaneho ng sasakyan patungo sa unibersidad kung saan kami nag-aaral ni Joyce. Mas mabilis at libre. Pero naglabas pa rin ako ng pera at inabot sa kaniya. Agaw atensiyon ang magara niyang sasakyan. Ang mga estudyante ay napapatitig sa salamin na para bang pinipilit makita kung sino at ano ang nasa loob. Tiyak na magbubulungan sila kapag nakita nila kaming lumabas. “Hindi na kailangan. Sunduin ko na rin kayo mamaya,” saad niya nang makita ang perang hawak ko at bumaba sa sasakyan para pagbuksan kami. Magkasunod kaming bumaba doon ni Joyce. Tama nga ako, nagbulungan nga ang ilang estudyante. May iba pang kababaihang kinikilig dahil sa lalaking kasama namin. “Hindi na rin kailangan. May mga trabaho pa kami,” wika ko at agad siyang tinalikuran. Ayokong magpasalamat dahil alam kong bibilangin niya ‘yon. Lalaki ang ulo at ipagmamalaki pang hinatid kami. Kahit hindi ko siya pinayagang ligawan ako… binalita niya sa lahat na manliligaw ko siya at balang araw magiging asawa niya. Kaya sa barangay namin, walang lalaki ang naglalakas-loob lumapit sa akin dahil ang alam nila… pag-aari ako ni Rodrigo. Kinatatakutan siya sa lugar namin. “Alam ko lahat, Trixie,” pahabol niya. Kinabahan man sa sinabi niya ay hindi ko na lang pinansin. Nagmadali kaming pumasok sa gate ni Joyce at nang makapasok na ay tila doon lang ako nakahinga ng maluwag. Kahit malinis ang sasakyan ni Rodrigo, mabango at mukhang bago… para pa rin akong hinihika kapag nasa loob no’n. Mabigat sa pakiramdam makasama ang leader ng sindikato sa loob ng sasakyan. Hindi ka kampante at parang palaging may dalang panganib sa buhay mo. Muli kong naalala ang sinabi niyang alam niya lahat. Ang pagkasalubong namin kanina… alam niya yatang papasok na ako sa eskwela. Kung alam niya lahat, ibig sabihin… pinababantayan niya ako? Napalingon ako sa gate. Nakita ko siyang nakatingin sa akin. Nakakapangilabot. “T-Tara na,” aya ko kay Joyce.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD