Chapter 1

2041 Words
Bukas na ang alis ni Tiya Sonita. Nakaimpake na ang aking mga gamit sa maliit na bag. Itinago ko ito sa ilalim ng malaking bayong para hindi makita ni Ate Aying. Tamang-tama ako lamang ang tao sa bahay ng araw na iyon dahil nasa bayan ang ate at si Itay naman ay nasa kabilang bayan din para magtrabaho. Sina Onion at Ginger naman ay nasa paaralan pa. Dali-dali akong nagbihis. Kinuha ko ang bag kong itinago sa ilalim ng bayong at kailangang maabutan ko si Tiya Sonita. Halos lakad-takbo ang ginawa ko para maabutan lamang siya. "Tiya!" malakas kong tawag sa kaniya dahil nasa kalsada na siya at nagbabantay na ng bus. "Garlic? Bakit may dala kang bag? Saan ba ang punta mo ha?" taka niyang tanong sa akin. "S-sasama po ako sa inyo sa M-Maynila, Tiya. ‘Di ba sabi ko sa iyo, sasama ako?" hapong-hapong nasabi ko sa kaniya. "Ha? Pumayag ba ang itay mo at saka ang Ate Aying mo na sasama ka sa akin?" "Oo naman po. Tingnan mo nga at may tatlong daan pa ako, pabaon ito ng itay. Pero, Tiya, sabi ni Itay ikaw na muna ang magbayad ng pamasahe ko, ha. Utang lang po muna at babayaran ko din kapag naging artista na ako sa Maynila," pagsisinungaling ko para hindi na siya mag-abalang magtanong pa. "Naku, ikaw talagang bata ka. Basta ha, kung ano ang mangyari sa iyo roon sa Maynila huwag na huwag ninyo akong sisihin," kunot-noong turan ni Tiya Sonita. “Maraming salamat po, Tiya. Not worry, walang masamang mangyari sa akin doon. Sa wakas, makikita ko na ang kagandahan ng Maynila.” Napahawak pa ako sa kaniyang braso dahil sa sobrang tuwa. Nakita kong papalapit na ang bus at ipinara ito ni Tiya at saktong papaibis din ang traysikel. Nakita ko si Ate Aying na sakay nito at bumaba malapit sa bus na huminto sa tapat namin kaya agad akong tumalon pasakay ng bus. "Hoy, Garlic, saan ka ba pupunta, ha?" rinig ko pang sigaw ni Ate ngunit humagibis na ang bus kaya kumaway na lamang ako sa bintana. "Ba-bye, Ate. See you around the world. I love you from the moon back to sun!" malakas ko ring sigaw sa kaniyang kumakaway habang nakatulala siya sa gilid na sinusundan na lamang ako ng matalim na tingin. Bumaling si Tiya Sonita sa akin. Nasa tabi siya ng upuan ko. "Garlic, tila galit yata ang ate mo Aying. Sigurado ka bang pinayagan ka ng itay mong sumama sa akin?" Siko ni Tiya Sonita sa akin. Ipinikit ko ang aking mga mata. Nagtutulog-tulugan ako at kunwaring naghihilik pa para hindi na ako e-interview-hin ng aking tiyahin. Masakit sa tainga ang paulit-ulit niyang tanong kaya naramdaman ko na ring bumuntong-hininga siya. Dahil nga sa malakas na hanging pumapasok sa bus ay nakatulog nga ako. Namalayan ko na lamang na tinapik na ng Tiya Sonita ang aking balikat. "Gising na. Nandito na tayo, sasakay pa tayo ng jeep papuntang pantalan." Niyugyog niya ako sa balikat. “Huh?” Pinahid ko ang bibig ko dahil tila basa, naglalaway pala ako sa mahabang pagkatulog sa bus. "Nandito na pala tayo sa siyudad, Tiya? Ambilis naman po nang takbo ng bus na ito," agad ko namang wika sabay kuha na ang bag ko at sumunod kay Tiya Sonita. "Oo, sumasabay sa bilis ng bus ang bilis nang naglaglagan mong laway. Ang sarap-sarap ng tulog mo, Garlic, hindi mo pa yata namalayang nauuntog na ang ulo mo sa bintana ng bus," natatawa pang sabi ni Tiya Sonita. "Kaya pala nakaramdam ako ng sakit ng ulo, nauntog pala ako. Naku po, Tiya, ang suot ko palang tsinelas ay mali. Iba po itong kapares niya. Kay Ate Aying itong isa at saka itong sa kabila ay kay Itay naman," puna ko nang yumuko at nakitang hindi pala sa akin ang mga tsinelas na suot ko. Naisip ko tuloy na sinusundan talaga ako nina Ate Aying at Itay. "Sa pagmamadali mo siguro kanina. Sigurado ka bang pinayagan ka talaga ng itay mo?" muli na namang tanong niya sa akin. "Tiya, hayun oh, may jeep na paparating, sasakay na po ba tayo?" “Oo, sasakay na tayo.” Hinawakan ako ni Tiya Sonita sa kamay at sumakay na kami ng jeep papuntang pantalan. Mabuti na lamang at may nakita akong dumaang jeep dahil paulit-ulit na naman ang tanong niya sa akin. Sumiksik talaga ako nang upo dahil medyo siksikan sa loob ng jeep. Hinawakan ko nang mabuti ang aking bag. Napansin ko ang isang pasaherong nasa harapan kong tingin nang tingin sa akin. Nakasuot pa ito ng sunglasses na itim ngunit dahil sa sikat ng araw, makikita ko pa rin ang repleksiyon ng kaniyang mga mata. "Nagagandahan siguro 'tong mokong na ito sa akin," usal ko sa aking sarili. Dahil medyo jologs naman ang kaharap ko ay ngumiti ako nang pagkatamis-tamis sa kaniya. Baka anak-mayaman siya at magkagusto pa sa akin. Kaso nga lang, pupunta na kami ng Maynila kaya walang tsansa. Labas pa talaga ang ngipin ko sa pagkakangiti. Ngumiti rin siya sa akin at ininguso pa ang kaniyang bibig sa bibig ko. "Bastos nito, ah, gusto pa yata akong halikan." Parang sapakin ko na siya dahil nakakainsulto na ang ngiti niya. Para hindi naman mahalatang nainis din ako, muli akong ngumiti at halos lumabas na talaga pati gilagid ko. "Miss…" tawag niya sa aking nagngunguso pa rin sa bibig ko. "Mister, ano ba ang nginunguso mo sa akin, ha?" na-curious ko nang tanong sa kaniya at lumingon si Tiya Sonita sa akin dahil hindi niya inakalang nakipag-usap ako sa pasahero. "Miss, gusto ko lang sanang sabihin sa iyo na maganda ka kapag nakangiti." "Ay matagal ko na pong alam na maganda po ako." Napangiti pa siya na tila nakakainsulto. "Kaso nga lang, iyang nasa gitna ng ngipin mo parang may tinga yata at kulay berde," walang kyime niyang sabi na napatingin naman sa akin ang ibang mga pasahero. Agad ko namang kinalikot ang ngipin ko gamit ang kuko ng aking kalingkingan at nadala nga ang dahon ng kangkong. Bigla kong naalalang ginisang kangkong pala ang ulam ko kanina. Hindi ako nakapag-tooth brush dahil sa pagmamadali kong makabihis para maabutan si Tiya Sonita. Napayuko ako at pinahid sa bag ko ang nakuhang kangkong sa aking ngipin. Ang kaharap kong pasahero ay kumikindat-kindat pa na parang nanunuya at pangiti-ngiti. Nakita ko ring nagtakip ng bibig ang ilang mga pasahero, marahil natawa sila sa ginawa ko o ‘di kaya’y nainis. "O, Garlic baba na. Nandito na tayo sa pantalan," sabi ni Tiya at inusog na ako para makababa. "Bababa na po tayo, Tiya?" "Oo nga sabi. Dalian mo na." Dahil madaanan ko ang pasaherong nasa harapan ko kanina ay sinadya kong apakan ang kaniyang paa. "How dare you!" rinig kong sabi niya at may munting mura pa. Pagkababa namin ni Tiya ay binalingan ko siya at dinilaan. Kahit sa ganoong paraan makaganti man lang ako sa kaniya. Narinig ko pa ang tawanan sa loob ng jeep samantalang ang kaharap ko kanina ay nagngingiwi. Naapakan yata ang baog niyang kuko. Bahala siya. "Ikaw talagang bata ka. Naku, baka kung mapaano ka nito sa Maynila. Huwag kang tatanga-tanga roon, ha. Maraming manloloko ngayon," sermon sa akin ni Tiya habang binabagtas namin ang port para makakuha na ng ticket. "Huwag po kayong mag-alala Tiya, madiskarte ako. Pagdating doon sa Maynila, pupunta ako kaagad sa ABC SBN o kaya'y sa AGMA para mag-audition dahil tiyak na papasa ako bilang bida sa isang pelikula," pangiti-ngiti ko pang sabi at kumikislap ang aking mga mata napakibit-balikat naman siya sa sinabi ko. "Ang dami mong alam na bata ka. Huwag kang lalayo dahil baka maiwanan kita mamaya." Andaming pumapasok sa utak ko gayong makaaapak na ako ng Maynila. "Sure my beautiful tiyahin. Makararating ako ng Maynila. Pagdating ko roon mag-auditiom ako para magiging modelo ako at madaling makuha bilang artista. O, 'di ba ang taray kapag ganoon, Tiya?" "Sigurado ka ba sa sinasabi mo ha? Hay naku, akala mo siguro gaoon lang kadali ang mag-audition? Pero sa totoo lang Garlic, pinayagan ka ba talaga ng itay mo na sasama sa akin?" muli na namang tanong ni Tiya. "Ano ka ba, Tiya, ulyanin na tayo, ah. Ilang beses ka nang nagtatanong nang ganiyan. Isa pang tanong at magbabayad ka sa akin ng limandaang peso," irap ko sa kaniya. Nakita ko talagang kumunot ang noo niya sa tinuran ko. Hindi na nga nagtanong si Tiya Sonita. Natakot din palang magbayad ng limandaan sa akin. Naghintay kami ng ilang oras sa loob ng port bago kami nakaakyat ng barko. Andaming pasaherong nagsisiksikan. Hindi ko talaga binitawan ang dala kong bag. Nasa loob kaya ang mga damit ko at mga personal kong gamit. First time kong sumakay ng barko. Excited talaga ako. Nakikinita ko na kung gaano kaganda ang Maynila. "Tiya, nagugutom na po ako. Puwede ba tayong bumili ng pagkain?" sabi ko kay Tiya Sonita. Marami ang mga pasahero sa sulok na kinaupuan namin. May mga bata pang umiiyak kaya masyadong masakit sa tainga. "Ang mamahal ng mga bilihin dito sa barko, Garlic. Kung gusto mo may baon ako ritong biscuit. Kainin mo muna ito. Meron ding libreng tubig doon sa canteen at puwede kang humingi roon," turan ni Tiya sabay abot ng soda biscuit sa akin. Kinain ko na rin ang ibinigay ni Tiya dahil sa sobrang gutom. May katabi kaming mag-iina, sa tantiya ko ay mga limang taong gulang at saka walong taong gulang na at kapwa babae ang kasama nitong mga anak. Umiinom sila ng fresh milk. Lumunok ako dahil nanunuyot na ang lalamunan ko. Inilagay ng batang limang taon sa tantiya ko ang iniinom niyang fresh milk malapit sa gilid ko. Magkatabi lamang kami. Takam na takam na talaga ako kaya nang ibaling niya ang kaniyang tingin sa kaniyang ate ay agad kong sinipsip ang kaniyang fresh milk. Naka-apat na sipsip ako bago ko ito nalasahan. "Aahhh...ang sarap," mahina kong sabi at agad na ibinalik sa gilid nito ang fresh milk. Ang sarap kasi lalo na at masyado pa itong malamig. Binalikan ng bata ang fresh milk at saka ininom ngunit nagtaka siya siguro dahil kunti na lang ang laman. Tumingin siya sa akin na para bang may ibig sabihin. Ipinikit ko ang aking mga mata para kunwaring natutulog habang ninanamnam ko pa ang lasa ng gatas. Hindi na ako muling tumikim ng fresh milk dahil baka mahuli na niya ako at bigla na lamang mapahiyaw sa iyak. Ilang sandali pa ay kumalam muli ang aking tiyan. Nakaramdam ako nang hindi maganda. Tumutunog ang aking tiyan at tila nagrarambulan sa loob ang hangin. Sa hindi inaasahan, lumabas ang malakas na hangin at pati ako ay nabigla rin. Nagkatinginan ang mga kasama naming pasahero. Halos lahat yata ay sa akin nakatingin nang imulat ko ang aking mga mata. "Ano ba iyan, ang baho naman," reklamo ng matandang babae at nagtakip pa ng flat niyang ilong na nasa ‘d kalayuan lamang sa amin ni Tiya Sonita. "Sino ba ang umutot? Sobrang baho, parang may dala yatang gata ng niyog," sabi pa ng isa. Siniko ako ni Tiya Sonita. "Ikaw ba ang umutot, Garlic?" "P-po? Naku, ano ka po ba, Tiya, hindi ha. May good manners and right conduct po ako. Ewan ko ba kung sino ang umutot. Pero, Tiya saan ba rito ang palikuran? Parang ang sama ng tiyan ko. Gusto ko pong umibak," pabulong kong tanong sa kaniya. Napailing si Tiya Sonita at napangiti. Parang alam niya talaga kung sino ang umutot. Mahaba-haba ang biyahe namin. Napaisip ako tuloy kina Itay at Ate Aying. "Pasensiya na po kayo, Itay, at saka Ate. Pangarap ko po talagang makapunta ng Maynila. Darating din ang araw na babalik ako at tiyak na matutuwa kayo at magiging proud kapag maging ganap na akong artista. Kukunin ko kaagad sina Onion at Ginger, gagawin ko silang ekstrang sangkap sa mga luto ko este sa mga shooting ko." Ito ang laman ng isipan ko habang ang Tiya Sonita ay nakabaluktot sa maliit na katre at tila tulog na tulog. Hindi ako makatulog. Sabik na akong makita kung gaano kasosyal at kaganda ang Maynila. Naisip ko, ito ang mundong naghihintay kay Garlic Habonito. Doon marahil ang maganda kong kapalaran kaya paghandaan ko ang aking bagong mundo sa Maynila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD