Chapter 11: Nasaan Ka?

2399 Words
Chapter 11: Nasaan Ka? MAY SALAMING PINTUAN kaming pinasukan pagkadating sa ikalawang palapag na hindi maaaninag ang nasa loob. Bumungad sa 'min ang mahinang instrumental na musika na para kang hinihili pagkapasok namin. Wala kang makikitang pader sa silid dahil purong kurtina ito na from floor to ceiling, makakapal na itim na kurtina kaya wala rin makikita sa labas at hindi mo malalaman kung sementong pader ba o salamin ang nasa likod ng kurtina. At itim rin ang sahig na marble tiles. Ang magarang kulay gintong chandelier na sa palagay ko ay totoong ginto ang nagbibigay ng liwanag sa paligid. Nasa tapat nito ang bilog na mesa na may walong upuan. Ginto rin ang kulay ng mga iyon na may detalyadong desinyo ng mga bulaklak at bungo. Matataas ang sandalan ng mga upuan na may malambot na sandalan at mauupuan. Nakahanda na sa mesa ang mga pagkaing nakalagay sa kulay ginto rin na mga gamit. Mukhang matagal nang nabubuhay sa mundo ang pamilyang ito ng mga bampira at naging napakayaman na nila. Pinaupo nila ako, may dalawang bakanteng upuan sa magkabilang gilid ko. Katapat ko ang nanay na katabi sa kaliwa niya ang kanyang asawa na katabi naman ang binatang anak nila. Sa kanan naman niya ang batang babae na katabi naman si Troy. "Sharon nga pala ang pangalan ko," pakilala ng ginang na may matamis na ngiti. "At ang aking makisig na asawa na si Rolando." Itinuro niya ang kanyang asawa at ngumiti ito sa 'kin. "At ang aking mga anak." Isa-isa niyang itinuro ang tatlo sa pagbigkas niya ng mga palangan nito. "Nakilala mo na si Troy. Siya naman si Hector. At ito si Adejane." "Mommy, Ivy na po name ko ngayon," simangot na sambit ng bata. "Sorry, nakakalimutan ni mommy," tugon ni Sharon sa kanyang anak at hinalikan pa ito sa noo. Mukhang siya ang may mas kontrol sa kanilang pamilya kaysa sa asawa niyang lalaki. Para silang pangkaraniwang pamilya mula sa mayamang angkan, ngunit hindi maitatanggi ang pakiramdam na kakaiba sila. Mistulang walang totoo sa kanilang ipinapakita. Sinipat ko sila ng tingin isa-isa, lahat sila ay nakatitig sa akin na mukhang minamasdan ang reaksyon ko sa mga pagkaing nakahanda sa harapan namin. Lahat na nakahandang pagkain ay may sariwang dugo ng tao. May mga boneless na hilaw na karneng manok na maayos na nakahiwa, maaamoy ang mga iba't ibang spices na binudbod dito at nakalutang ito sa dugo. May dessert na pulang jelly na dugo rin ang syrup. At ang inumin ay wine na may dugo rin ng tao. Amoy na amoy na sariwa ang dugo na ilang oras pa lamang kinuha sa katawan ng tao. Sumasakit ang tiyan kp, natatakam akong tikman ang mga pagkaing nakahanda sa harapan ko. "Hindi ko mabasa ang iniisip mo?" direktang sabi sa 'kin ng batang si Ivy. "Hindi mo na kailangang basahin ang iniisip niya, halatang pinipigilan niyang kumain," nakangising sabi ni Hector at sumubo ito ng karne ng manok at humigop ng dugo gamit ang kutsara. Si Troy ay nakangisi rin na matalim ang tingin sa 'kin. "Walang lason 'yan," sabi ni kumag sabay subo sa piraso ng manok na nakatusok ng tinidor na pulang-pula dahil sa dugo. "Masamang tumanggi sa grasya, hijo," malumanay na sambit ni Rolando at muli niyang kinokontrol ang katawan ko. "Humigop ka." Kusang gumalaw ang kamay ko para hawakan ang kutsara. Pumalag ako sa ginagawa ni Rolando, nagawa kong makontrol ang aking kamay. Parehas kaming may telekinetic, hindi ko lang alam kung katawan lamang ang kaya niyang makontrol o pati mga bagay na aking nagagawa. Tumayo ako, malakas kong naitulak ang kinauupuan ko. Napayuko sina Troy at mga kapatid niya na tila may pinangingilagan. Ang kanilang ama naman ay dismayado akong tiningnan at napapailing pa ito. At si Sharon, ang ina ng pamilya ay seryoso akong tinitigan, matalim ang kanyang mga mata na para bang sinasaksak na ako nang paulit-ulit. "Maupo ka," sambit ni Sharon. "Aalis na ako," tugon ko. "Maupo kaaaaa!!!" malakas na sigaw nito sa 'kin at biglang matamis na ngumiti. "Mas masarap ang dugo kapag nakalagay sa ginto." Napailing ako. Baliw. May saltik sa utak. Iyon ang mga salitang rumihestro sa isip ko. Hindi ko siya pinakinggan at ginamit ko ang aking bilis upang puntahan ang pinto para lumabas. Ngunit hindi ko na ito mabuksan. At nang hawiin ko ang kurtina, nakaharang na sa labas ng pinto ang mga staff na bambira. ---------- > NAKABALIK AKO ng alas-tres ng hapon. Pagdating ko, wala pa rin si Tres sa bahay, wala ang motor niya sa garahe. Loko-lokong 'yon 'di man lang sinabi kung saan siya pumunta. Lumipas ang oras, nakapagluto na ako ng hapunan namin, prepared na rin ang para sa tagay namin pero wala pa rin siya. Hanggang sa dumating na si Mengil, wala pa rin si Tres. Pasado alas-siyete na, wala pa rin siya. Nagsimula na akong mag-alala lalo pa't naiwan niya sa sala ang kanyang cellphone. Pati si insan parang kinabahan na rin. Ilang beses na niyang sinubukang katukin ang kuwarto ni Tres baka nando'n lang siya, pero wala talaga. Dahil wala nga ang motor niya, hindi naman niya siguro iiwan 'yon kung saan. Alas-diyes ng gabi, wala pa rin siya. Alas-dose... Ala-una... Ala-dos ng madaling araw, wala pa rin si Tres... "Insan, idlip ako saglit, may delivery kami mamaya nina tatay," paalam ni pinsan. Tumango ako sa kanya bilang tugon. Tulad ko, hindi siya natulog at naghintay rin kasama ko. Nasa sala kami habang umiinom na naghihintay. May kaba na akong nararamdaman. Wala akong idea kung saan si Tres pumunta. At bago lang siya sa lugar na 'to, mas nakakapagtaka ang mahabang oras na pagkawala niya. Kahit may espirito ng alak sa katawan ko, hindi ako dalawin ng antok. Hindi. Dahil hindi ko nais matulog. Loko na 'yon, masyado niya akong pinag-aalala. "Nasaan ka, Dark?" Alas-kuwarto na ng umaga, mula kagabi, gising pa rin ako at hinihintay siya. Pagdilat ko, nasa madilim na kagubatan ako. Nakatayo lang ako at hindi alam kung bakit ako narito? Ang huling naaalala ko, nasa sala ako sa bahay ni Tres habang hinihintay siya? "Nakatulog ba ako?" Nag-lakad ako na hindi alam kung saan pupunta? Ba't ba ako narito? Kalokohan! Naglakad ba ako nang tulog? At saan ang lugar na 'to? Pero habang naglalakad ako, parang naging pamilyar sa 'kin ang lugar. Parang hindi ito ang unang beses na napunta ako rito? Pero Imposible 'yon? Dahil sa panaginip ko lang nakikita ang lugar na 'yon? Natigilan ako sa paglalakad, may babaeng nakahiga sa damuhan at lalaking kagat ang kanyang leeg? Gago, ano 'to? B-Bampira? Dinig ko ang pag-ungol ng babae at dahil sa liwanag ng buwan nakikita ko ang dugo mula sa kanyang leeg habang kagat siya ng lalaki. Hindi pumapalag ang babae na parang may pahintulot siya na gawin sa kanya ng lalaki 'yon? Gusto kong tumakbo, ngunit hindi ko maigalaw ang mga paa ko. Naririnig ko na ang matinding kaba ng dibdib ko. Ngunit hindi ko alam kung takot ba 'to? Pamilyar sila sa 'kin? Sa panaginip ko, ilang beses ko nang nasaksihan ang eksenang ito. Tiningnan ako ng babae, walang emosyon ang kanyang mukha. At lumingon din sa 'kin ang lalaki na duguan ang bibig, hindi ko gaanong makita ang buo niyang mukha dahil sa haba ng kanyang buhok na natatakpan ang kanyang mga mata, ngunit alam kong nakatitig siya sa 'kin dahil malinaw kong nakikita ang mga pula niyang mata. Muling bumilis ang pintig ng puso ko dahil sa kanya at naramdaman kong kilala ko siya. "S-Sino ka?" tanong ko. Nakatitig lamang siya sa 'kin. Hindi ko alam kung ako na ba ang sunod niyang biktima? Gusto kong umatras ngunit hindi ko pa rin maihakbang ang aking mga paa. "Kalokohan," nasambit ko habang nanlalaki ang aking mga mata sa nakikita ko. Ang babae kanina ay naging ako? Alam kong ako siya, kilala ko ang sarili ko! Muling kumagat ang lalaki, at sa pagkakataong 'yon, ako na mismo ang kinagat niya sa leeg at naramdaman ko ang pagbaon ng matatalim niyang pangil sa aking katawan. Ako na ang nakahiga sa damuhan habang sinisipsip ng lalaki ang aking dugo. Dapat ay itulak ko siya, ngunit parang hinahayaan kong inumin niya ang dugo ko? At hinaplos ko pa ang mahaba niyang buhok - umiiyak ang lalaki. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko, napaluha na lamang ako habang sinasaid niya ang dugo ko sa katawan hanggang tuluyan na akong manghina at maging madilim ang lahat. Pagdilat ko, maliwanag na at nakaupo ako sa sofa sa sala ng bahay ni Tres. Naririnig ko sa labas ang huni ng mga ibon at ingay ng mga sasakyan. May luha sa aking mga mata at puno ng katanungan ang aking isipan. Panaginip? Ngunit parang totoo na naranasan ko? Napahawak ako sa aking leeg, dahil parang totoo talaga ang lahat? Agad akong tumayo upang puntahan ang kuwarto ni Tres. Nakailang beses akong katok at paulit-ulit ko siyang tinawag sa labas ng kanyang silid, ngunit walang sumagot. Tinungo ko ang hagdan at muling bumaba, diretso ako sa main door at binuksan ito. "Nasa'n ka na, Dark?" may kabang nasabi ko. Wala ang motor niya, hindi pa rin siya bumabalik. >> ][ LUMIPAS ANG DALAWANG TAON ][ SA LUMIPAS na dalawang taon, hindi pa rin siya mawala sa isip ko. Isang malaking katanungan pa rin ang kanyang pagkawala. Halos araw-araw kaming naghanap ni Mengil no'n, maging sina Tito Andoy at Tito Ramom. Nag-report kami sa barangay at maging sa pulis ay lumapit upang makatulong na rin sa paghahanap, ngunit hindi na siya muli pang nakita. Maging ang motor niya ay hindi natagpuan. Kung buhay pa siya o isa nang bangkay, walang nakakaalam. Labis na kalungkutan ang naramdaman ko na parang nawala ako sa sarili ko. Parang kalahati ng parte ng buhay ko ang nawala kasabay ng biglaang paglaho niya. Sobra akong naapektuhan. Nakakaloko. Na may gabing bigla na lang akong lumuha at nandoon ang kagustuhang muli siyang makita. Kaya nagpasya akong lumuwas ng Maynila para makalimutan siya at makalimot sa hindi ko alam na nararamdaman ko. Ngunit kahit lumipas na ang mga taon, hindi siya nawala sa isipan ko at nanatili ang kalungkutang nararamdaman ko na pilit kong tinatakasan. Na sa bawat paglingon ko, umaasa akong tatambad siya sa akin na nakangiti at tatawagin akong 'Dark'. Gustong-gusto ko na siyang muling makita. Kalokohan, pero tila sinakop na ni Tres ang buhay ko. Hindi siya mawala sa isipan ko. Laging may hope na sana makita ko na siya kahit pa gusto ko sanang kalimutan na lang ang pagkakakilala ko sa kanya. "Sigurado ka na ba anak na gusto mo nang umuwi?" tanong ni mama sa kabilang linya. Naging saksi si mama sa kalungkutan ko. Tutol man siya no'ng una sa balak ko na pumunta rito sa Maynila, pumayag na rin siya kung iyon ang makakapagbalik ng sigla ko. Pero lumipas ang mga taon, walang nagbago sa nararamdaman ko. Kaya naman nagpasya na lang akong bumalik sa Catanduanes at doon na lang magtrabaho at para makasama sina mama at kapatid ko. Dahil mas lalo lang akong nalulungkot na wala sila sa piling ko. "Opo 'ma," sagot ko kay mama. "May ticket na rin po ako. Bukas na ang biyahe ko. Nakapagpaalam na rin po ako sa trabaho at naayos na ang mga papel ko, nakuha ko na po certificate ko sa trabaho." Napahiga ako sa kama ko. Lagpas isang taon rin naging tahanan ko ang kuwartong ito. Tatlo kaming umuupa rito. Nagpaalam na rin ako sa kanila nang maayos, katrabaho ko sila sa pinapasukan kong restaurant. Hindi na ako nagpatuloy sa pag-aaral, mas ginusto kong kumita ng pera at maging busy para makalimot. Pero palpak, dahil hanggang ngayon, nakakulong pa rin ako sa nakaraan. ---------- KINABUKASAN, HABANG papunta ako sa terminal ng bus, iniisip ko na baka sakaling makita ko siya habang nasa biyahe. Tanggap ko na, mas lumala ang sitwasyon ko. Mas hindi ko siya makalimutan. Mas nais kong makita siya sa bawat araw na dumaraan. Naloko na ang utak ko. 'Di na normal ang mga iniisip ko, nasakop na niya ang kalahati ng utak ko. Tipong sa restaurant na pinapasukan ko, lagi akong may 'Whag if', what if makita ko siya? What if isang araw, siya ang costumer na pagsisilbihan ko? Pero ang mga whag if na 'yon ay nanatiling baka sakali hanggang sa araw na 'to. Pagpasok ng bus, nandoon na naman ang baka sakali na baka isa siya sa pasahero. Na lagi kong baka sakali sa tuwing nakasakay ako sa jeep papasok ng trabaho, na baka makasabay ko siya. Pero hanggang makaupo ako sa upuan ko, walang siya. Tulad ng dati, baka sakali lang. ---------- LABING-ISANG ORAS mula Cubao, narating ng sinasakyan kong bus ang Tabaco pier kung saan sasakay pa ako ng barko papunta sa isla ng Catanduanes, ang islang tahanan ko. Ganito pala ang pakiramdam na malapit ka na sa mga mahal mo sa buhay. Na ang lugar na kinalakihan mo ay muli mong mababalikan. May saya na humahaplos sa puso mo parang punong-puno ka ng pag-asa. At ganito pala... 'yong may babalikan kang lugar na tinakasan mo para maging okay ka, pero sa huli hindi pa pala. Parang gusto kong bumalik ulit sa siyudad. Parang hindi pa ako handa. Pero miss ko na ang pamilya ko. Hindi ako puwedeng magpakulong sa nakaraan. Tuloy ang buhay, alam kung masasagot din lahat na tanong ko. Makailang beses ko nang sinasabi sa sarili ko na palayain ko na ang sarili ko, at hindi pagtakas ang makakagawa no'n kundi ang harapin 'yon. Magiging okay ako, pangako 'yon. Pero tukso ang tadhana, siya ba ang nakikita ko? Sa pagsagupa ng barko sa mga malalaking alon, sumagupa rin ang paningin ko, ang nakikita ng mga mata ko ay kinokontra ng utak ko. Siya ba ang lalaking nakikita kong nakatalikod na nakatayo at nakatanaw sa karagatan? Tumambad siya sa 'kin sa pag-akyat ko ng roof deck ng barko. Seryoso ba 'to? O kalokohan lang? "Tres?" tawag ko sa kanya, sa lalaking nasa harapan ko habang papalapit ako. "Tres? Dark?" muling tawag ko nang makalapit na ako, ngunit nanatiling nakatalikod lamang siya. . . . "Sorry, po," paumanhin ko sa lalaki. Loko-loko. Hindi siya si Tres. Umalis ang lalaki na tiningnan ako na parang ang werdo kong tao. Hinawakan ko pa naman siya sa balikat, pero paglingon niya, ibang tao pala. Napabuntong hininga na lang ako at napangisi, at pinagmasdan ang karagatan habang umaandar ang barko. Sobrang laki ng epekto niya talaga sa 'kin. Ano ba ang pinanghihinayangan ko sa bigla niyang pagkawala? Isa siyang lalaki na nagtapat sa akin ng nararamdaman niya. Ang lakas ng loob niya kahit pa lalaki rin ako tulad niya. Bukod ba sa nag-aalala ako bilang kaibigan niya ay may iba pa? Muli na lang akong napabuntong hininga at inilibot ang tingin ko sa malawak na karagatan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD