Chapter 9: Ano Ba Ako Sa 'Yo?

3728 Words
CHAPTER 9: Ano Ba Ako Sa 'Yo? ILANG minutong nakatayo lang ako sa parking lot malapit sa motor ko habang pinagmamasdan ang paligid. Ilang saglit pa, dumating si Arjay sakay ng motor. At si Troy ang nagmamaneho! Huminto sila sa harap ko, bumaba si Arjay at nagpasalamat sa kanya si Troy. "Salamat talaga, 'tol," nakangiting ulit ni Troy at nag-alok ito ng pakikipagkamay kay Arjay. "Okay lang 'yon," tugon niya at nakipagkamay naman! Gusto kong matawa! Ano ba ang nangyari? Ba't parang malapit sila bigla? Ano magkaibigan na ang dating magkaribal?! Sinisigaw ng utak ko ang katanungang 'yon! Pero tahimik na nakatayo lamang ako. At parang nananadya ang bampirang ungas! Pakiramdam ko ang tagal nang magkahawak ng kamay nila! "Una na ako 'tol, bawi ako sa 'yo sa susunod," paalam ni Troy at nagmaneho na siya paalis. At parang nanadya talaga na parang wala ako sa harap nila! Ni 'di sa akin nagpaalam ang kumag! Napangiti ako at tumalikod. Iniwan ko si Arjay at naglakad ako pabalik sa kuwarto namin. Narinig ko ang tawag niya ngunit hindi ko siya pinansin. Bakit parang masakit? Nagseselos ba ako? Kalokohan! Hindi ko pa rin pinansin si Arjay nang nasa kuwarto na kaming dalawa, kumuha lang ako ng damit na masusuot at tumuloy sa washroom para makapagbanlaw na. Hinayaan ko ang pagbuhos ng tubig mula sa shower na bumabagsak sa buong katawan ko. Nakakaramdam ako ng galit! Pakiramdam ko may ibang nalalaman si Troy? Alam kong hindi sila malapit ni Arjay, pero bakit bigla na lang silang gano'n kanina? Pero nasa isip ko lang ba 'to dahil nagseselos ako? Nakakairita ang pakiramdam na 'to! Hindi ko napigilang lumabas ang mga pangil ko at tumalim ang aking mga kuko. Nakita ko rin sa repleksyon ko sa salamin ang pagpula ng aking mga mata. Madilim na nang makabalik ako sa kuwarto, nadatnang kong nakaupo sa kama sa baba na puwesto ko si Arjay. "Ganda ng mga kuha ko sa 'yo, Dark oh! Parang professional!" pagmamalaki niya at iprenisenta sa 'kin ang kuha niya sa camera ko, mga pictures ko habang nasa dagat ako kanina. Tumango lang ako sa kanya at ipinagpatuloy ang pagligpit sa mga gamit ko. "Nauhaw ako kanina, kaya pumunta ako ng canteen. Nagulat ako na nando'n si Troy, akala ko nga kasama niya si Selena pero mag-isa lang siya. Nasiraan siya ng motor, hiningi niya ang tulong ko." "Okay," sabi ko na tuloy lang sa ginagawa ko. Bigla niya akong hinila at pinaupo sa tabi niya. "Ba't ba ako nagpapaliwanag?" sabi niya sa 'kin. "Ewan ko sa 'yo?" "Ikaw kasi!" "Ba't ako?" "Ang tahimik mo kasi Dark. Kanina ka pa. Nakakailang, eh." nakita ko sa mga mata niya ang pagkadismaya. Tapos biglang tiningnan niya ako na may paghihinala. "Tama ba ang naiisip ko na nagseselos ka?" "Ba't ako magseselos?" tanggi ko. "Aayeh!" tukso niya sa 'kin at ginulo ang buhok ko. "Sorry kung 'di ako nakapagpaalam nang umalis ako kanina," seryosong sambit niya. Pinigilan kong ngumiti. Para akong baliw, kanina naiirita, ngayon naman parang bigla akong naging masaya. Sa pagpaliwanag niya at sa sorry niya, parang may nahawing maitim na ulap sa dibdib ko. At 'di lang 'yon, pakiramdam ko nagkaroon ng tipak ang pader. "Maligo ka na, asim mo na. Mag-dinner tayo pagtapos mo," sabi ko na lang. "Kanina ko pa gustong maligo, tagal mo eh," sabi niya pagkatayo niya. "Marami namang bakanteng paliguan do'n," sagot ko. "Baka mag-ninja moves ka habang naliligo ako, eh?" "Loko-loko!" sigaw ko sa kanya. "Hindi mo dadalhin ang bihisan mo?" Bumalik siya. "Ayaw mo bang dito ako magbihis?" pilyong tanong niya. Nilabas ko ang gamit niya mula sa bag ko. "Tigilan mo ako sa paganyan-ganyan mo, baka 'di na ako makatiis Dark," sambit ko. "Hindi mo 'to matitikman," pakantang sabi niya nang kunin niya sa 'kin ang mga damit niya. Napangiti ako. "Okay na ako basta kasama ka," seryosong sabi ko. Napalunok siya. Siya ang natahimik. "Banat," sabi niya at lumabas na ng kuwarto. "Loko-loko," nasabi ko na lang. Nakangiti akong napahiga sa kama. Pero 'yon naman ang totoo, basta nasa tabi ko lang siya, kontento na ako. ---------- TINUNGO NAMIN ang resto-bar ng resort para kumain. Kung sa kanya simpleng hapunan lang 'to, para sa 'kin, dinner date. Okay ang lugar, marami rin ang kumakain. At ang iba may alak na sa kanilang mesa. May live band na tumutugtog ng slow music. At salamat dahil may fried chicken sa menu na siya nang in-order ko. Habang kumakain kami, may pumasok na agad naming napansin. Tiningnan niya ako at ngumiti siya sa 'kin. Kanina habang naglalakad kami papunta rito sa resto-bar, sinabi niya sa 'kin na kung sakaling makaharap muli namin sina Francis ay 'wag ko nang patulan. Susundin ko siya. Kaya nang mapansin kong masama ang tingin sa 'kin ng apat ay binalewala ko na lang. Ayaw ko rin masira ang iniisip kong date namin. "Gusto mo nang mag-alak?" tanong ko kay Arjay pagkatapos naming kumain. "Gusto mo akong lasingin 'no?" ayan na naman ang pagiging boy hinala niya. "Para namang hindi pa tayo nagsamang lasing. 'Di ba kung tigre ako, hindi ko pipilitin si kuneho na kainin siya. Hahayaan kong gustuhin niyang magpakain sa 'kin," sagot ko. Tinawanan niya ang sinabi ko. "Mamaya na tayo uminom, lakad-lakad muna tayo, sobrang busog ko." "Good idea," sabi ko at tumayo na kaming dalawa. Nagpaalam siya na magbabanyo muna, kaya naiwan akong nakatayo sa may pinto. Nasagi ng tingin ko ang kinauupuan ng grupo ni Francis, nakita kong tumayo ang dalawa at tinungo ang direksyon ng banyo. Nakangising nakatitig sa 'kin si Francis at tumayo pa ang isa na tinungo rin ang banyo. Humakbang ako paatras at mabilis kong tinungo ang likod ng bar kung saan nakatapat ang restroom. Napakuyom ako nang may marinig akong magsalita. Tiningnan ko na rin ang back door na kapag may ginawa ang tatlo kay Arjay, mabilis ko silang mapupuntahan. Hangga't maaari, gusto kong sundin ang bilin niya na 'wag ko nang pansinin ang apat. Sinabi niya rin sa 'kin na kaya niya ang sarili niya. Ngunit hindi ako magdadalawang isip kapag muli siyang maapi sa harapan ko. "Nakausap namin si Troy, sabi niya 'wag ka na raw namin guluhin. Hindi namin alam ba't biglang bumait sa 'yo 'yon. Pero susundin namin ang tropa namin." Narinig kong sinabi ng isa. "Nangako kami nina Francis na susundin namin siya, pero ikaw lang ang sinabi niya na 'wag naming guluhin." Narinig ko ang tawanan ng tatlo. "Hindi kasama ro'n ang taga-Manila na kasama mo. Ito payo lang, 'wag kang makialam kung ano man ang gawin namin sa isang 'yon." Hindi umiimik si Arjay. "Gusto ka rin daw niyang kunin para maging assistant manager do'n sa restaurant sa Twin Rock. Kung ako sa 'yo, pumayag ka na. Pati mama mo, puwede rin daw mamasukan do'n." Sa huling sinabi ng isa, do'n na ako mas nagalit. Ano ang binabalak mo Troy?! Walang binitawang salita si Arjay, narinig ko na lang ang paghakbang niya. Nang marating niya ang pinto ng entrance, naroon na ako nakangiti sa kanya. "Lubid ihi mo, ah," bungad ko sa kanya. "Para may puwesto mamaya ang alak," nakangiting sagot niya. Naglakad kami patungo sa tabing dagat kung saan may ilang mga taong naglalakad din. Low tide at nagbibigay ng liwanag ang kalahating buwan. Maganda ang panahon, pero hindi ang nararamdaman ko. Hindi ang mga pumapasok sa utak ko! Walang silbi ang ihip ng hangin, hindi matangay ang masamang iniisip ko! "Dark, may problema ba?" biglang tanong niya. Nilingon ko siya. Gusto kong itanong sa kanya kung may sinabi sa kanya si Troy. Gusto ko nang itanong sa kanya ang tungkol sa mga narinig ko. Ngunit umiling lang ako bilang tugon sa tanong niya. "Wala," nasambit ko. Dahil sa palagay ko, ang gano'ng bagay ay dapat niyang kusang sinasabi sa 'kin kung talagang kaibigan ang turing niya sa 'kin. Inakbayan niya ako at nagpatuloy kami sa paglalakad. "Nagseselos ka pa rin ba? Lakas ng tama mo, ah," pang-aasar niya. Umakbay rin ako sa kanya. "Nasa akin ka ngayon, ba't ako magseselos?" Tumawa siya. "Tsaka ang taong 'yon, parehas babae ang gusto namin. Inagawan nga ako, eh," sambit niya. "Makatagpo lang talaga ako ng mas higit kay Selena, who you sila sa 'kin." Parang sementong nilapat sa tipak ng pader ang mga salita niya. At ang pader ay mukhang mas kumapal pa. Mapanakit. Pero tatanggapin niya kaya ang offer ni Troy? Iiwan niya ba ako na 'di nagpapaalam? Ginugulo ako ng mga katanungang iyon. At habang patuloy kami sa paglalakad papalayo, mas lalong nalalason ang utak ko sa mga idea na naiisip ko. Naisip ko marahil kaya siya nagyaya na maglakad-lakad kami ay may sasabihin siya, pero wala siyang binabanggit ngayon ni isang salita. Kung sakaling pabor sa 'kin ang sasabihin niya, hindi siya magdadalawang isip na sabihin sa 'kin 'yon. Baka nga ang naiisip kong ayaw kong mangyari, ay siya ngayong nasa isip niya kung kaya't hindi niya masabi sa 'kin 'yon. Nakakagago ang ganitong makiramdam! Ito ang hindi maganda kapag ika'y nagmamahal. Lalo pa't alam mo sa sarili mo, na hindi pareho ang inyong nararamdaman. Na ikaw lang ang kumakapit. Na ikaw lang ang siyang nagmamahal at alam mo sa sarili mo iyon. Ngunit sa kabilang banda, naiisip mo rin na mahal ka niya. At iyon ang mas masakit dahil patuloy kang magkakaroon ng katanungan, hangga't alam mong baka nasa isip mo lang ang lahat. Na tulad ko ngayon, baka ang pakiramdam ko na nasa puso niya rin ako ay isa lang palang ilusyong nilikha ko para pagaanin ang loob ko. Huminto ako sa paglalakad. "Balik na tayo," sambit ko. Nauna akong naglakad pabalik. "Dark?" tawag niya sa 'kin. "May sasabihin ka?" tanong ko sa kanya. Hindi siya agad nakasagot. "Wala," iyon ang sagot niya at naglakad na kami pabalik sa resto-bar. Nadatnan namin na halos lahat na customer ay nag-iinuman na lang, at nahagip ng mga mata ko ang grupo nina Francis na nasa bandang harapan. Sa likod na lang kami naupo, at nag-order ng isang bucket ng beer. Kumuha rin kami ng chicken at pork sisig. Pinilit kong ngumiti, gusto kong maging masaya ang gabi naming ito. Ayaw ko siyang bigyan ng rason para iwan ako pumayag siya sa alok ni Troy. Nais ko sanang mas kilalanin pa siya, lahat ng tungkol sa kanya mula pagkabata niya ay nais kong malaman. Pero parang hindi sa lugar na ito tamang magkuwentuhan ng masinsinan. At ramdam ko na wala sa personality niya na ikuwento ang tungkol sa kanyang buhay. Kabaliktaran noon ni Joana, si Joana ay bukas sa kuwento ng buhay niya. At isa pa, masyadong malakas ang banda at may nagbi-videoke pa. In-enjoy na lang namin ang ingay ng paligid. At sa totoo lang, ayaw ko munang magtanong sa nakaraan niya dahil nais kong ang ikuwento niya ay ang naging usapan nila ni Troy kanina. Ngunit parang wala talaga siyang balak na napag-usapan 'yon. Sinabayan namin ang kanta ng vocalist ng banda, may bagong awitin at may mga throwback hits. Mahilig din pala siya sa music tulad ko. Napapangiti ako, dahil mukhang walang hilig ang music sa kanya. Sa ingay ng paligid, malinaw kong naririnig ang pagkanta niya. Nagpaalam ako sa kanyang magbabanyo ako, naparami na ang alak sa katawan ko. Pumasok ako sa cubicle para umihi. At nang palabas na ako, hinarang ako ng tatlong kasama ni Francis. Masyado na kaming maraming pinagsamahan ng tatlong 'to pero 'di ko pa rin alam ang pangalan nila. Pero parang 'di ko naman kailangang kilalanin ang mga ungas na 'to. Dadaan lang dapat ako sa gitna nila, pero bigla nila akong tinulak at kinaladkad. Hindi na ako pumalag, hinayaan ko sila sa trip nila. Dinala nila ako sa dulong cubicle at tinali ang mga kamay ko ng telang lubid at pinulupot pa sa katawan ko. Pumikit ako na inaalala ang bilin sa 'kin ni Arjay na 'wag patulan ang mga kumag. "Siguro ngayon ilalagay mo na sarili mo sa lugar. Sa inodoro ka nababagay gago!" sabi sa 'kin ng isang mahilig magsombrero. Sasapakin niya sana ako pero inilagan ko. Inulit pa, pero mabilis na nakailag ulit ako na kinaasar niya. "Tama na 'yan, tol, baka may dumating pa," hila sa kanya ng isa at iniwan nila ako sa loob ng cubicle. Napailing ako. "Mga batang 'to," isang galaw ko lang, naputol ko ang tali at naglakad ako papubtang lababo para maghugas ng kamay na parang walang nangyari. Bumalik ako sa upuan ko, at habang naglalakad, gulat ang mga ungas nang makita ako at nagsisihan sila na 'di raw mahigpit ang pagtali sa 'kin. "Ayos ka lang? Wala ba silang ginawa sa 'yo? Nakita kong sinundan ka nila," ani Arjay nang makaupo na ako. Napangiti ako dahil nabatid ko talaga na nag-alala siya. "Sabi mo 'wag kong patulan, kaya 'di ko sila pinansin," sagot ko. "Wala ba silang sinabi sa 'yo?" tanong niya. "May dapat ba silang sabihin?" tanong ang naging tugon ko sa kanya. "Wala naman," sabi niya. Kumuha pa kami ng isang bucket. Pansamantalang tumigil ang banda, naghintay ako kung sakaling sa wakas ay may babanggitin na siya tungkol sa nais kong malaman. Ngunit ang mga lugar sa isla ng Catanduanes ang ibinida niya, mga lugar na maaari ko pa raw puntahan. At hindi niya sinabing namin. Nagpaalam muli ako para mag-CR. "Lasing ka na siguro Dark? Napapansin kong kapag umiinom tayo lagi kang umiihi? Ako nga 'di pa tumayo, eh," sabi niya. "Baka nga," sagot ko lang at umalis na ako. Ito talaga kasi ang tama sa 'kin ng alak, para akong nababalisawsaw at mapula ang ihi ko kaya sa cubicle ako umiihi imbes na sa urinal. Nang pabalik na muli ako sa table namin ni Arjay, paglabas ko ng cubicle, nakaharang na naman ang tatlo. Ako na ang kusang pumasok ulit cubicle at hinintay sila sa trip nila. Pumasok ang nakasombrero at sinakal ako, nagsilbi namang lookout ang dalawa. Tiningnan ko nang masama ang may hawak sa leeg ko. Hindi ko na napigilang hindi magalit. Naisip ko kung ginawa na ba nila ito kay Arjay? Dinanas na ba niya ang ganito sa mga ungas na 'to? Na kahit gusto niyang lumaban ay natatakot siya para sa mama niya at kapatid niya. Ano kaya ang nararamdaman niya nang ginawa sa kanya ng mga tarantadong 'to ang bagay na 'to? Parang gusto kong pumatay. "Sama mo makatingin, ah!" sigaw ni ogag. Hinawakan ko ang kamay niya at pinilipit ito sabay tulak ko sa kanya. Nagsisisigaw sa sakit ang loko at tinulak ko siya palabas na napalakas. Sumugod ang isa, hindi ko inilagan ang suntok niya. Napasigaw siya sa pagtama ng kamao niya sa mukha ko. Napaatras pa si gago at namilipit sa sakit. Tinangka akong sipain ng isa pa. Tinapik ko lang ang paa niya at napatumba siya sa sahig na malakad ang pagbagsak. Tiningnan ko sila nang masama na may pagbabanta. "Patayin ko kaya kayo?" madiing sabi ko. Napaatras ang tatlo na bakas ang takot at makikita sa mukha na nasasaktan pa sila sa ginawa ko. "Joke lang," nakangiting sabi ko at tinalikuran ko na sila. Agad kong napansin na wala si Arjay sa table namin nang pabalik na ako, at pagpihit ko ng aking tingin, nakita kong nasa ibang table siya kasama si Francis. Hindi ako nagpahalata at tumuloy lang sa table namin. Pinakinggan ko ang usapan nila gamit ang kakayahan kong marinig ang mga bagay sa malayo. "Napag-isipan mo na ba ang alok sa 'yo ni Troy?" tinig ni Francis. Friendly makipag-usap ni kumag. "Pinag-iisipan ko pa," sagot ni Arjay. Natigilan ako sa narinig ko. Pinag-iisipan niya? Tumawa ako nang malakas! Pinag-iisipan niya! Wow! Tinawag ko ang waiter at nagbigay ako ng pera na sobra para sa mga nainom namin. Agad akong tumayo at lumabas. Tulala akong naglakad palayo. Bakit ganito? Bakit siya gano'n? Naramdaman ko na may pumigil sa kamay ko. "Dark, sa'n ka punta?" si Arjay. "Bayad ko na 'yon," sagot ko. "Pero 'di pa tayo tapos, ilang bote pa 'yon?" Hinarap ko siya. "Hindi pa ba? Akala ko tapos na. Ah, pinag-iisipan mo pa?" "Ano bang sinasabi mo?" Ano ba ako sa 'yo? Hindi mo ba alam na nasasaktan mo ako? Wala ba akong halaga sa 'yo? Gano'n na lang 'yon? Ang tagal kong naghintay na muling makasama ka, tapos gano'n lang? Gusto kong sabihin sa kanya ang mga 'yon. Pero anong karapatan kong magsumbat? Ako ang may kasalanan dahil nakakapit pa rin ako. Kahit paulit-ulit ko pang sabihin na hindi ako susuko, na hindi ko siya bibitawan, na maghihintay ako, pero masakit pa rin, eh. Walang masama kung saglit muna akong lalayo. Ipagpapahinga ko muna ang nararamdaman ko. I-relax ko muna ang puso ko. Tinalikuran ko siya at naglakad ako palayo. Sa ikalawang pagkakataon, pinigilan niya ako. Hinawakan niya ang kamay ko at dinala ako sa lugar na walang ibang tao. Bumitaw siya sa 'kin at napabuntong-hininga. "Ano na naman ba 'to Dark? Anong drama 'to?" "Ano ba ako sa 'yo?" diretsong tanong ko. "Ha?" "Kung kaibigan mo ako, magiging tapat ka sa 'kin. Ba't 'di mo masabi sa 'kin kung ano ang sinabi sa 'yo ni Troy?" Hindi siya sumagot na parang nagulat na may alam ako. "Sa tingin mo hindi ko malalaman?" "Sinong nagsabi sa 'yo?" "Hindi na mahalaga 'yon. Isantabi na natin ang nararamdaman ko sa 'yo. Pero Dark pakiramdam ko natraydor ako." "Sa tingin ko kasi, hindi ko na kailangang sabihin sa 'yo 'yon." "A, bigla ka na lang aalis na walang paalam?" "Hindi 'yon Dark. Hindi naman kasi ako pumayag." "Pero ang sabi mo kay Francis, pinag-iisipan mo?" "Pa'no mo alam 'yon? Nagkausap ba kayo ngayon-ngayon lang?" pagtataka niya. Dahil ang sinabi kong 'yon ay usapan lang nila kanina. Loko-loko rin talaga ako. Ba't 'di ko inawat ang sarili ko?! "Naisip ko lang, sa tingin ko kasi iyon ang pinag-uusapan n'yo," palusot ko na lang. "Hindi ako pumayag pagkaalok pa lang sa 'kin ni Troy," paliwanag niya. "Hindi kita iiwan," sambit niya na nagpabilis ng t***k ng puso ko. Hinawakan ko siya sa magkabilaang braso. "Dark, ipangako mong hindi mo ako iiwan. Ipangako mo." Tila nagtaka siya sa biglang ikinilos ko. "Dark, ang werdo mo na naman," aniya. Napahigpit ang hawak ko sa kanya. "Dahil werdo talaga ako. Iba ako sa karamihan. Hindi ako katulad... ng iba." Biglang huminto ang paligid namin, maging ang pagkilos namin ni Arjay. Nagawa kong maipihit ang aking ulo nang may makita akong papalapit sa 'min mula sa madilim na bahagi ng lugar, si Troy. "Bakit hindi mo sabihin sa kanya kung ano ka?" Nakangising sambit nito. Nang magsasalita na ako, biglang naging normal ang lahat. Bumitaw ako kay Arjay. Nagulat siya na nasa harapan na namin si Troy. "Pre, musta? Lasing na?" bati nito kay Arjay. "Sakto lang. Papahangin lang," sagot naman ni Arjay. "Kung 'di ka puwede pre sa inaalok ko, ang mama mo baka puwede. Total, iisang barangay lang puwede niya pa maisama ang kapatid mo. Isipin mong pagtanaw ng utang na loob lang sa ginawa mong tulong sa 'kin kanina." Tiningnan ko nang masama si Troy. Parang gusto kong sumakal ng bampira. Ano ba ang pinaplano niya? "Tanungin ko si mama," sagot ni Arjay. "Tara, inom pa tayo. Nagyaya si Francis. Balita ko, okay na kayo." Ayaw niya paawat! "Sige pre, salamat. May iba kaming balak ng boss ko." Nang makaalis si Troy, humingi ako ng pasensiya sa ganiwa ko kanina. "Sorry Dark," sabi ko sa kanya. "Pero ano ba ang balak natin?" Ngumiti siya, 'yong ngiti niyang may hinala sa utak. "Hindi ang balak mo," sabi niya. Loko talaga! "Hintayin mo ako d'yan." Umalis siya at pagbalik niya, bitbit na niya ang tira naming apat na bote na nakalagay sa plastik at ang pulutan. "Sayang 'to bayad mo na 'to. Kinuha ko na rin 'yong sukli, binigay sa 'kin ng waiter." Tumango ako. "Saan mo balak uminom kasama ang boss mo?" tanong ko. Natawa siya. "Ayos sana sa tabing dagat, kaso baka lapitan na naman tayo ng mga 'yon. Sa totoo lang 'di ako komportable sa kanila." Napangiti ako sa sinabi niya. "Palapatol ka kasi, 'yan tuloy lapit sila nang lapit. Siguro crush mo mga 'yon?" Iniwan niya ako pagkasabi niya no'n. Nasisi pa ako? At anong crush? "Hoy! Sinasabi mo?!" sigaw ko. "Tara na!" natatawang sagot niya lang. Naka-received ako ng message habang sinusundan ko siya papasok sa building kung saan ang kuwarto namin. "Pangako," basa ko sa text, galing sa kanya. Nakangiting lumingon siya sa 'kin. At ako, napako na ang ngiti sa mukha ko. Nag-reply ako sa kanya, 'WALANG BAWIAN'. Kahit nakatalikod habang naglalakad, alam kong nakangiti siya nang mabasa ang text ko. Sa kuwarto kami namin itinuloy ang inuman. Nag-sound trip kami, sinabayan ang kanta na may sayaw-sayaw pa. At wala talagang hilig sa kanya ang kanta. Hindi man nabawasan ang pader, nahawi naman ang maitim na ulap. Nasagot ang mga gumugulo sa isip ko. Pinipili niya ako kaysa kay Troy. Ngunit hindi ako dapat makampante, alam kong may binabalak si Troy at nakahanap pa siya ng mga kakampi. Nagkatitigan kami. "Saya mo ah," sambit niya. "Sobra," sagot ko. Ngumuso ako sa kanya ng halik. "Sagwa!" natatawang reaksyon niya na tinawanan ko na rin. "Buti nailagan ko!" Napakasarap lang talaga sa pakiramdam na kasama ko siya. Kaya labis akong nasaktan na inalok siya ni Troy at naisip kong papayag siya at iiwanan niya ako. Habang nakatitig ako sa kanya na katabi siyang nakaupo sa iisang kama, parang nadedemonyo ako. Bilang nanuyo ang lalamunan ko at ang init ng pakiramdam ko. Ibang tama na ng alak ngayon ang nararamdaman ko. Parang gusto ko siyang yakapin at maramdaman sa bisig ko. Gusto kong tikman ang kanyang labi. Gusto ko siyang angkinin. Napalunok ako nang mahuli niya akong nakatitig pa rin sa kanya. "Hindi mo 'to matitikman!" pakantang sabi niya. "Loko!" sagot ko sa patama niya. Natigilan ako nang may marinig akong boses. "Tres!" Narinig kong pagtawag sa pangalan ko mula sa malayo. "Alam kong naririnig mo ako. Magpakasaya ka na, malapit nang matapos 'yan." Tumayo ako. "CR lang ako," paalam ko. Paglabas ko ng pinto, mabilis akong tumakbo. Nasa thrid floor kami, tinalon ko na ang balcony para puntahan si Troy. Naabutan ko siyang nakatayo sa tapat ng building. Agad ko siyang sinakal at kinaladkad sa madilim na parte. "Anong binabalak mo?" galit na tanong ko. Sinakal niya rin ako. "Ang hindi mo makuha ang matagal mo nang inaasam. Ang hindi mapasaiyo ang matagal mo nang hinihintay. Ang muling mawala ang muli mong nakita," nakangising sagot niya kasabay nang pagdiin sa pagkakasakal sa leeg ko. "Anong nalalaman mo?" Diniinan ko rin ang pagkakasakal ko sa kanya. "Lahat. Lahat-lahat!" Nakangiting demonyong sagot niya. "Sino ka ba?" Hindi ko na napigilang mag-anyong bampira. ---------- KINABUKASAN, nagpasya kaming maagang bumiyahe ni Arjay. Hindi na namin dinaanan ang ibang lugar na una na naming napag-usapan, nagkasundo kami na sa ibang araw na lang puntahan ang mga iyon. Sa pakiramdam ko kasi hindi ko na rin mai-enjoy ang mga lugar na makikita ko dahil sa palaisipang ibinigay sa akin ni Troy. Nang marating namin ang bahay, nagulat kami nang makita namin si Mengil. "Musta pasyal n'yo?" bati niya sa 'min. May dala siyang malaking bag na makikitang puno ng gamit. Lumapit siya sa 'min. "Enjoy. Musta?" tugon ko sa kanya. Tiningnan niya kami. "Pre, dito na rin ako titira," diretsong sabi niya sa 'kin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD