Chapter 10: Ngiti Ng Kaibigan O Kaaway

2941 Words
CHAPTER 10: Ngiti Ng Kaibigan O Kaaway HINATID KO SI Mengil sa magiging kuwarto niya habang si Arjay, niligpit ang mga gamit namin at lalabhan na rin daw niya ang mga damit namin. Nailang pa ako no'ng una pero mapilit siya at sinabihan niya pa akong boss ako kaya magpahinga na lang. "Pre, ito ang magiging kuwarto mo," ani ko kay Mengil. Katabi ng kuwarto ni Arjay ang magiging silid niya. "Salamat, pre," nakangiting tugon niya at niyakap niya ako na ikinagulat ko. "Walang ano man," tugon ko. "Ayos nga tatlo na tayo." Napabitaw ako nang makita ko ang pagpasok ni Arjay sa kuwarto. "Mga gamit mo," sabi ni Arjay. "Sa'n ko lagay 'to?" tanong niya. "Ako nang bahala d'yan," sabi ko at kinuha ko sa kanya ang camera at bag kong may cellphone. Agad nang umalis si Arjay na wala nang sinabi pa. "Nagpaalam ako kay tatay na pakapananghali na pupunta ng palengke. Bibili ako ng tanghalian natin," presenta ni Mengil. "Hindi na pre, may malulutong manok d'yan," sagot ko. "Ako na ang magluluto," muling presenta niya. Nakilala kong palakaibigan at masiyahin siya pero parang iba ang pinapakita niya ngayon. "Pre, may problema ba?" natanong ko sa kanya habang naglalakad kami pababa ng hagdan. Nakangiting umiling siya. "Ayaw mo ba ako rito, pre?" Ngumiti ako. "Hindi naman. Para kasing may iba sa 'yo ngayon. Tsaka parang biglaan na gusto mo rito?" Umakbay siya sa 'kin. "Basta gusto ko lang," sagot niya. "Ako, parang alam ko kung bakit?" si Arjay, kasalubong namin siya habang pababa kami ni Mengil ng hagdan. "Kunin ko na rin ibang labahan mo, Dark." "Iyon lang labahan ko," sagot ko kay Arjay. Bakit ba laging sa ganitong eksena siya sumusulpot? Parang gusto kong tanggalin ang pagkakaakbay ni Mengil sa 'kin. Sabay-sabay na kaming naglakad patungong kusina. "Ako na insan magluluto para sa tanghalian natin," ani Mengil kay Arjay. "Hindi ka ba pupunta ng palengke?" tanong ni Arjay. "Pakapananghali na," sagot ni Mengil. Tumango lang si Arjay at bumalik na kung saan siya naglalaba. Inihanda namin ni Mengil ang mga ingredients na gagamitin niya sa pagluluto. Dahil manok na naman, nag-suggest ako kay Mengil kung puwede ay inihaw or grill style ang lutuin niya na siya namang pinagbigyan niya. May magagamit kaming pan para sa pag-grill. Hindi na niya ako pinatulong, sinabihan niya akong maupo na lang habang naghihiwa siya. Sinunod ko si Mengil, at habang abala siya, ginamit ko ang pandinig ko para pakiramdaman si Arjay sa laundry area. Naririnig ko ang pagpindot ni Arjay sa washing machine at ang pag-ikot ng tubig. Maging ang mahinang yapak ng mga paa niya sa simento ay malinaw kong naririnig. At napangiti ako nang marinig ko ang pag-awit niya. Kelan niya kaya malalaman na hindi para sa kanya ang pagkanta? Natigil ang pag-iispiya ko kay Arjay nang makaamoy ako ng sariwang dugo ng tao. Napatayo ako at nakaramdam ng pagkatuyo ng lalamunan. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang hiwa sa daliri ni Mengil na may dumadaloy na dugo. "Ah!" daing ni Mengil. Tiningnan niya ako at nahuli niya ang pagkakatitig ko sa kanyang sugat. "Takot ka sa dugo?" tanong niya nang magtama ang aming mga mata. "Oo," sagot ko at tinalikuran ko siya. Iniwan ko sa kusina si Mengil at mabilis kong tinungo ang aking kuwarto. Mabilis kong binuksan ang ref kung saan nakasilid ang mga tumbler na may dugo ng tao. Agad akong lumagot at sinadyang hindi ubusin ang laman ng tumbler. Nang uminom ako ng dugo nang nakaraang araw, ang akala ko'y aabot ng buwan na hindi ako mauuhaw sa dugo ng tao. Ngunit bakit tila mas lalo akong nauuhaw ngayon at nais kong isagad ang pag-inom! Muli akong lumagok hanggang masaid ang laman ng tumbler. Nanginginig akong isinara ang ref. Napaatras ako at bumagsak sa sahig. Pumapasok sa isip ko ang kagustuhang uminom ng sariwang dugo mula mismo sa buhay na tao! Kasabay no'n ang pagpapalit anyo ko patungo sa isang halimaw na bampira. Ang pawis ko ay namuo at naging yelo dahil sa sobrang lamig. Naguguluhan ako sa nangyayari sa sarili ko! Nauuhaw ako! At nais kong pumatay! Dahil na rin siguro sa panglalason ni Troy sa utak ko! Sa panggagalit niya sa 'kin, tila nais kumawala ng halimaw na nasa loob ko! Kagabi, kung wala lang mga taong nagdatingan, hindi ko bibitawan ang kanyang leeg hangga't hindi niya sinasabi sa 'kin ang lahat na kanyang nalalaman. Tumayo ako. "Aalamin ko ang nalalaman niya," madiing pangako ko. Dahil hindi ko lubos maisip na may bampirang alam ang aking nakaraan. At tila kilalang-kilala ako maging ang paghahanap ko kay Joana. May narinig akong katok habang humahakbang ako papasok ng banyo. "Pre, ayos ka lang?" Si Mengil. Sasagot na sana ako nang muli ko siyang marinig na magsalita. "Alam ko kung ano ka Tres. Hindi ako takot sa 'yo. Pakiusap, papasukin mo ako." Natahimik ako. "Alam kong naririnig mo ako, Tres." Anong ibig niyang sabihin? Nabigla ako sa aking narinig. Tila lumiliit ang mundo ko. Ang pagiging bampira ko ba ang tinutukoy niya? "Insan?" Tinig ni Arjay. "Anong ginagawa mo d'yan?" "Nahiwa ako kanina, tatanungin ko lang si Tres kung may band aid siya?" "Wala siya no'n. Sinilip ko kayo akala ko kung ano nang ginagawa n'yo?" natatawa sambit ni Arjay. Loko-loko. Ano bang akala niyang gagawin namin ng pinsan niya? "Sige, bili ako sa labas," paalam ni Mengil. Narinig ko ang paghakbang niya palayo. Narinig ko na rin ang pagsunod ni Arjay pababa ng hagdan. Tinungo ko na ang banyo at sinet ang heater ng shower sa pinakamainit upang mawala ang panlalamig ng buo kong katawan. Nabuo ang makapal na usok sa pagtama ng tubig sa aking katawan. Ano ang nalalaman nila? Kusang muling nag-anyong bampira ako. Nabakas ang kulay pulang mga mata ko sa dark-grey na tiles ng banyo. ---------- HABANG KUMAKAIN kami, hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Mengil. At habang tinitingnan ko siya, wala akong maramdamang banta sa kanya. Alam kong mabait siya at mapagkakatiwalaan, ngunit hanggang saan ba ang kanyang nalalaman? Ano ang tinatago niya? "Ayos ka lang, Dark?" tanong sa 'kin ni Arjay. "Ha? Ayos lang," sagot ko sa kanya. "Nakatulala ka kasi?" pagtataka niya. Itinuloy ko ang pagkain ko, iniwas ko ang tingin ko kay Mengil pero alam kong nakatingin siya sa 'kin? Kahit nabigyan na ako ng pagkakataon, sinubukan kong 'wag siyang kausapin tungkol sa sinabi niya kanina sa 'kin habang nasa loob ako ng kuwarto. Upang itanggi ang kung ano mang iniisip niya tungkol sa 'kin. "Nakausap ko si mama kanina." Napatingin ako kay Arjay nang muling magsalita siya. "Tinatanong niya ako kung papayag ako na pumasok siya sa Twin Rock, nakausap na pala siya ni Troy." "Huwag!" sabay naming sambit ni Mengil at nagkatinginan pa kami. "More money," sambit ni Arjay. "Kailangan talaga sabay?" pagtataka niya. Napakuyom ako. Talagang seryoso si Troy sa kung ano mang binabalak niya. "Huwag mong payagan ang mama mo, Dark," sambit ko. "Tama si Tres, insan. Sa palagay ko, hindi magandang idea 'yon. Halos do'n na rin sa resort nakatira ang magulang ni Selena, hindi pa sila ayos ni tita, 'di ba?" pahayag ni Mengil. Napatango si Arjay. "Yon nga rin ang iniisip ko. At nabanggit din ni mama 'yon kaya nga siya nagpapaalam sa 'kin," saad niya. Muli akong napatingin kay Mengil. Alam kong may ibang ibig sabihin ang pagtanggi niya kanina. Alam niya rin kaya ang pagiging bampira ni Troy? "Dark?" tawag ko kay Arjay. "Nabanggit ng mama mo na nais niyang magbukas ng tindahan, magkano ba ang kailangang puhunan?" sambit ko. Napangisi si Arjay. "May natatabing pera si mama, sapat na 'yon para sa pagsisimula ng tindahan," sabi niya lang at tumuloy sa pagkain. "Mukhang masarap 'tong manok para pulutan mamaya, ah?" "Marami pang naka-marinate sa ref," sabi Mengil. Napangisi akong Tiningnan sila. Mukhang kasabay nang pagkakilala ko sa kanila, ang pagiging parte ng alak sa buhay ko. --------- PAGKATAPOS NAMING kumain, nagpaalam na si Mengil. Nakangiti siya nang magpaalam sa 'kin, kasabay no'n, may nabubuong katanungan sa isip ko kung ano ba ang ibig sabihin ng kanyang mga ngiti. Ngunit pinilit kong maging normal lang sa 'min ang lahat. Ngiti rin ang sukli ko sa bawat ngiti niya, at maging ako ay hindi alam ang ibig sabibin ng aking ngiti. Isang tapik sa puwet ang nagpawala sa gumugulo sa isip ko habang nakatayo ako sa sala. "Uy?" gulat na reaksyon ko sa ginawa ni Arjay. Sa pagiging kampante ko sa kanya, hindi ko na gaanong ginagamit ang extra ordinary senses ko rito sa bahay kaya nagagawa niya minsan na magulat ako. "Loko ka kanina," sambit niya. "Bakit?" pagtataka ko. "Yong pag-alok mo ng tulong para sa tindahan ni mama, baka kung anong isipin ni insan?" nangingiting sabi niya. "Na ano?" "Na may gusto ka sa 'kin? Baka makahalata 'yon?" "Hindi ko naman tinatago na may gusto ako sa 'yo?" Natigilan siya sa sinabi ko. "Wala akong dapat ikahiya at itago kung nagmamahal ako ng totoo," diretsong sabi ko sa kanya kasabay nang saglit na pagpisil ko sa baba niya. At kasabay rin no'n ang mabilis na pagpintig ng puso ko na sinabayan rin ng mabilis na t***k ng puso niya na malinaw kong naririnig. At tila huminto ang oras, bumagal ang lahat na tila saglit na kami na lamang dalawa ang nasa mundo at ang paligid ay amoy rosas. "Banat!" pagbasag niya sa segundong paraisong naranasan ko. Niliyad niya ang palad niya. "Mamimili ako," sambit niya. "Sasama ka?" Napaisip ako. Nais ko mang samahan siya at makasama, ngunit may iba akong plano. "May pupuntahan din ako," sagot ko habang inaabot ang pera. "Sama ko na rito pambili ng alak?" Tumango ako sa tanong niya. "Mukhang alak," nakangising sabi ko sa kanya. "Mukhang patay na patay ka," pagyayabang na sagot niya at kumindat pa. Napangisi na lang ako at tumango sa kanya para iparating na 'oo, patay na patay ako sa 'yo' na bigla na namang natigilan siya. Sabay kaming lumabas ng bahay ni Arjay ngunit pinauna ko siyang makaalis bago ko tinungo ang lugar na pupuntahan ko. Mabilis akong nagmaneho ng motor papunta sa barangay ng Igang upang puntahan ang Twin Rock Beach Resort. Nais ko lang marating ang lugar, na sa palagay ko ay may misteryong nagaganap. Base sa kuwento ni Mengil noong nakaraang araw, mga taga-Manila at ang iba'y galing sa norte na nasa kabilang dulo ng islang ito ng Catanduanes ang mga staff ng resort na nakakapagtaka, isang lugar na mga dayo ang namamalakad. At dahil sa bampirang miyembro ng pamilyang may ari nito. Maaaring bampira ang buong pamilya ni Troy, at maaaring maging ang mga staff. Nang marating ko ang lugar, sa tapat pa lamang ng entrance, naramdaman ko na ang kakaibang pakiramdam. Naririnig ko sa loob na maraming tao, mga nagsisiyahan at mga naliligo sa pool at dagat. Nang matitigan ko ang dalawang guard alam ko nang iba sila kahit pa nakangiti nila akong binati nang i-check nila ako. Maging ang hardenero na abala sa mga halaman, naramdaman kong hindi rin siya tao. Matamis pa siyang ngumiti sa 'kin nang madaanan siya pagka-park ko ng aking motor para puntahan ang building kung nasaan ang reception area. Isang pamilya ang tumambad sa akin na tila hinihintay ang aking pagdating sa labas ng dalawang palapag ma building, mag-asawa, dalawang binata at isang batang babaeng mga nasa siyam na taong gulang. Lahat sila ay dark-blue ang kulay ng mga suot. Isa sa binata si Troy, naka-T-shirt siya at hapit na maong na may butas at boots na itim ang kanyang sapatos. Long-sleeved naman ang suot ng isa pang binata na pormal tingnan. Ganoon din ang tatay, pormal ito na may necktie pa at nakasalamin. Bistida naman ang suot ng nanay at batang babae, mahaba lang ang suot ng ginang na balot ang buo niyang katawan. Seryoso silang lahat na nakatingin sa 'kin at biglang ngumiti nang makalapit ako sa kanila. "Maligayang pagdating sa aming resort," bati sa 'kin ng ginang na palagay ko ay nasa mid-30s. Lumapit siya sa 'kin at sinuutan ako ng garlands na gawa sa bulaklak. Alam nila ang pagdating ko na tila hinihintay talaga akong mapadpad sa lugar na ito. "Sana ma-enjoy mo ang aming lugar, ang resort ng aming pamilya," bati ng lalaking nakasalamin na umakbay sa ginang, halos magkasing-edad silang tingnan. Tama nga akong pamilya sila at alam kong bampira silang lahat. At alam din nilang ganoon din ako. "Hindi siya narito para mamasyal at maligo," sambit ng batang babae. "Lily, sabi 'di ba ni mommy, bawal ang powers?" nakangiting sabi ng ginang habang hinahaplos ang buhok ng bata. "Pasensiya ka na hijo, kaya niya kasing magbasa ng iniisip ng iba." "Sorry po, mommy," paumanhin ng bata at ngumiti ito sa 'kin. Matamis ang ngiti nilang lahat ngunit alam kong may demonyo sa likod ng kanilang mga ngiti. At ang bugok na Troy, kung umasta ay parang hindi pa namin tinagkang kitilin ang buhay ng isa't isa. "Tamang-tama, hijo. Magla-lunch pa lang kami, sumabay ka sa 'min bilang special guest namin," paanyaya ng ginang. Naglakad ito na hindi hinintay ang sagot ko. "Masamang tumanggi sa grasya," nakangiting sabi ng asawa nito at kusa kong naramdaman ang paghakbang ng aking mga paa. Ginagamitan ako lalaki ng kakaibang kakayahan. Nakita ko ang pagngisi ni Troy na kasabay kong naglalakad. Napapagitnaan nila ako ng isa pang binatang miyembro ng pamilya. Nasa unahan namin ang mag-asawa at batang babae. Naramdaman ko ang paglapit ng binata sa 'kin na tila may inamoy. "Mukhang malapit ka sa tao?" sambit nito. Nakangiti ito nang magtama ang aming mga mata. "Mukhang masarap ang dugo niya?" Tiningnan ko ng masama ang binata at huminto ako sa paglalakad, nagawa kong mapigilan ang pagkontrol sa akin ng lalaki. Nilingon ako ng lalaki. "Kakaiba ka nga," nakangiting sabi nito. "Oo nga. Kakaiba siya," nakangiting pagsegunda ng binata na inunahan na ako sa paglalakad. "Sabi ko sa inyo, eh," masayang sambit ni Troy at inakbayan niya ako. "Bitawan mo ako," sambit ko na sinunod naman niya at naglakad ako. "Mukhang nag-e-enjoy ka sa lugar namin?" mahinang sabi ni Troy at sinabayan niya ako sa paglalakad. Matalim ang tingin namin sa isa't isa na parang ano mang segundo ay didiinan ang leeg ng bawat isa. Dinala ako ng pamilya sa restaurant na iba't ibang luto sa manok ang hinahain. Modern and industrial ang tema ng exterior na maraming halaman. Pagpasok, mapapansin ang industrial theme ng restaurant, bawat detalye ay masasabi mong mabusising pinag-isipan. Amoy mo ang masarap na niluluto, maraming tao at madaling mapansin ang mga nakaitim na staff na may mga pulang sombrerong may hugis manok. Nakangiti ang mga staff, matatamis ang mga ito, ngunit ramdam ko sa kanila na hindi sila pangkaraniwang tao, tulad ng hinala ko, mga bampira nga sila. Naramdaman ko rin iyon sa labas nang mapansin ko ang mga staff ng resort na naglalakad na mga kulay asul at puti ang uniform, bawat matitigan ko ay nakangiti sa 'kin kahit pa ang ilan ay nasa malayo. Tumuloy kami sa second floor. At habang humahakbang ako paakyat ng hagdan, pakiramdam ko ay pumapasok ako sa madilim na tunnel na hindi ko alam kung ano ang aking kahihinatnan. May pakiramdam na may panganib, ngunit hindi ko magawang umatras kahit pa walang kumokontrol sa 'kin. Nangingibabaw sa utak ko ang kagustuhang malaman ang tungkol sa kanila - kaibigan ko ba sila o kaaway? Dahil ang ngiti ng bawat isa ay hindi nangangahulugan ng galak o pagtanggap, ito'y maaaring lason o panaksak. ---------- = KANINA SA BAHAY ni Tres, hindi mawari ni Arjay ang nararamdan niya. Habang nasa laundry area siya, parang hinihila siyang pumasok sa bahay. Nang makita niya ang camera at bag ni Tres, kinuha niya ito at inakyat upang iabot kay Tres kahit hindi naman sana kailangan. Naabutan niyang magkayakap sina Tres at pinsan niyang si Mengil. "Mga gamit mo," bungad ni Arjay. Agad napabitaw si Tres kay Mengil at napansin niya sa mukha nito ang pagkabigla. "Sa'n ko lagay 'to?" tanong niya. "Ako nang bahala d'yan," sagot ni Tres at kinuha nito sa kanya ang camera at bag. Agad na siyang umalis at wala nang sinabi pa. Pagkababa niya ng hagdan, lumingon pa siya sa taas. Habang sinisimulan niya na ang paglaba, naisip niyang muling pumasok sa bahay upang tanungin si Tres kung may labahan pa itong damit kahit pa sinabi na nitong iyon lamang na dala nila sa biyahe nila ang labahan nito. Naaktuhan naman niyang nakaakbay si Mengil kay Tres habang pababa ang dalawa ng hagdan at masayang nag-uusap. "Ako, parang alam ko kung bakit?" biglang sambit niya nang makasalubong ang dalawa. "Kunin ko na rin ibang labahan mo, Dark," aniya pa. "Iyon lang labahan ko," sagot ni Tres sa kanya. Napansin niya na muling nabigla ito. Sabay-sabay na silang naglakad patungong kusina habang nakaakbay pa rin ang pinsan niya kay Tres at 'di niya mapigilang sulyapan ang dalawa. Habang nasa washing machine na ang labahan niya, natutukso siyang silipin ang dalawa na nasa kusina. At 'di niya napigalan ang tukso nang tila naging tahimik ang kusina. At nang puntahan niya, wala na ro'n sina Tres at Mengil. Nakaramdam siya ng kakaiba. "Anong ginagawa nila?" Natanong niya. Humakbang si Arjay papunta sa second floor, habang nasa hagdan, narinig na niya ang pagtawag ng pinsan niya kay Tres. Nasugatan pala ito at naghahanap ng band aid. Sinabi niyang wala sa bahay ng hinahanap ng kanyang pinsan at sabay na silang bumaba ng hagdan. Lumabas ang pinsan niya at tumuloy naman siya sa ginagawa niya. Natawa siya sa sarili niya dahil sa maling iniisip niya. Habang kumakain, napansin niyang tahimik si Tres at nahuhuli niya itong paminsan-minsan at nakatitig kay Mengil. At gano'n din ang kanyang pinsan, may panakaw na sukyap din ito kay Tres. Nagtataka si Arjay sa sarili niya, bakit ba lagi na lamang kay Tres ang kanyang mga mata? At habang nagpapaalam si Mengil kay Tres, napansin niya rin ang matamis na ngiti sa labi ng dalawa. At nang maghiwalay sila sa tapat ng bahay, habang nakasakay siya sa tricycle, nilingon niya pa si Tres hanggang sa magmaneho na ito ng motor. "Loko-loko ka," dismayadong sabi niya sa kanyang sarili. Naguguluhan siya, bakit ba may namumuong katanungan at kung anong bagay sa isipan niya? At bakit parang hindi okay sa kanya ang pakiramdam na 'yon? =
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD