Benjamin Resurrection (POV)
St. Monica Foundation- House of Fortunate
“Kamusta po kayo Sister Fe?” tanong ko sa pinakamatandang madre na nangangalaga rito sa foundation.
“Mabuti naman kami rito iho, salamat nga pala sa mga donasyon na pinapadala mo linggo-linggo,” tugon naman nito sa akin.
“Wala pong anuman! Ito po ‘yong pasalubong ko sa mga bata.” Inilapag ko sa mesa ang mga dalang pagkain at mga laruan.
“Tiyak matutuwa sila riyan sa mga dala mong pasalubong, pagpalain ka pa lalo ng Panginoon!” nakangiting wika ni Sister Fe.
Inilibot ko ang aking paningin sa paligid ng bahay ampunan, malaki na rin ang ipinagbago nito mula nang tumulong ako sa pagpapagawa ng building. Dito na ako lumaki mula nang ipaampon ako ng tiyahin ko dahil ‘di na niya ako kayang buhayin pa. Patay na ang aking mga magulang at tanging siya na lamang ang natitirang kamag-anak ko.
Sa edad na bente-otso ay nananatili pa rin sa puso ko ang bahay ampunan. Itinuring kong pamilya ang mga taong narito. Anuman ang narating kong tagumpay sa buhay ay ibinabahagi ko rito. Gumagaan ang aking pakiramdam ‘pag nakakasama ko ang mga bata pati na rin nila Sister.
Nakita kong nag-uunahan sa pagtakbo ang mga bata palapit sa akin. Sinalubong ko sila ng yakap isa-isa.
“Kuya Benj, buti po napasyal ka ulit dito,” sabi ni Hanna, ang pinakabata sa lahat.
Kuya Benj ang tawag nila sa akin dito.
“Kuya, mga pasalubong mo po ba sa amin ‘to?” Turo ni Jason sa mesa. Sumunod kay Hanna
“Opo, mga pasalubong ko ang mga ‘yan sa inyo kasi mga mababait kayong bata,” sabi ko sa kanila..
“Yehey!” Nagtatatalong sigawan ng mga bata.
Napangiti ako sa nakikitang saya sa kanilang mga mukha.
“Benj, ba’t ‘di ka pa mag-asawa para naman may mag-aalaga na rin sa’yo?” tanong ni Sister Claire ang pumukaw sa akin.
“Hindi ko pa po siya maligawan Sister,” nakangiting sabi ko naman.
“Naku, bilis-bilisan mo at baka maunahan ka pa ng iba,” pabirong turan naman nito sa'kin.
Kinurot ni Sister Fe sa kanyang tagiliran si Sister Claire at nagkatawanan na lamang kaming lahat. Sumagi sa isipan ko ang maamong mukha ni Annalyn, napangiti ako nang maisip ang dalaga.
Natanaw ko mula sa sasakyan si Annalyn na naglalakad sa kabilang kalsada.
“Saan kaya punta niya?” tanong ko sa sarili.
Sinundan ko ang dalaga at nakita kong huminto siya sa isang park. Umupo ito sa isang upuan na bato roon. Ipinarada ko ang aking sasakyan at mabilis na nilapitan ang dalaga.
“Ms. Cruz, anong ginagawa mo rito?” Umupo ako sa tabi niya.
Lumingon ito sa akin at nakita kong may nakasungaw na luha sa kanyang mga mata. Ngayon ko lamang napansin na umiiyak pala ito.
“Umiiyak ka Ms. Cruz, may problema ka ba?” nag-aalalang tanong ko sa kanya.
Humagulgol ang dalaga kaya kinabig ko ito palapit sa aking dibdib.
“Makikinig ako Annalyn, tell me.” At hinagod ko ito sa kanyang buhok.
“Ang hirap maging mahirap Sir, hindi mo alam kung saan ka kukuha ng pera pambili ng mga pangangailangan ninyo araw-araw. Kailangan mo muna kumayod bago ka magkaroon nito,” humihikbing sabi niya.
“Kaya ka ba naglalakad?” tanong ko sa kanya.
“Kung ‘di lang siguro ako maagang nag-asawa, maganda siguro ang buhay ko ngayon.”
“Nasaan ba ang asawa mo?” tanong ko sa kanya.
“Ang wal*nghiya, ipinagpalit kami sa ibang babae.”
“Ano ba ang dahilan niya?” tanong ko pa sa kanya.
“Hindi niya na raw ako mahal. Ang masakit hanggang ngayon hindi ko matanggap sa aking sarili kung ba’t niya ako iniwan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili kung saan ako nagkulang,” patuloy sa paghikbing kwento niya.
Niyakap ko siya at pinunasan ang mga luha sa kanyang mga mata. Patuloy sa paghikbi ang dalaga kaya hinagod ko ang kanyang likuran upang payapain ito.
Nang huminto ito sa pag-iyak ay sinilip ko siya at nakatulog na pala ang dalaga. Pinangko ko ito at napansin kong sira ang swelas ng kanyang sapatos. Dinala ko ang dalaga sa sasakyan at doon ay malaya kong pinagmasdan ang maamo niyang mukha.
"Mabuti naman at gising ka na,” nakangiting sambit ko sa kanya.
"Pasensiya na Sir, pati po ikaw ay naabala ko pa.” Hinging paumanhin niya sa'kin at yumuko pa ito. Akmang bababa na ito nang pigilan ko.
“Samahan mo muna akong kumain bago ka umuwi," nakangiting sabi ko sa kanya. "Ihahatid na lamang kita sa inyo pagkatapos natin.”
“Naku, ‘wag na po Sir, nakakahiya naman po.” Tanggi niya sa akin.
“I insist! Tara na!” Tumango naman ito bilang tugon.
Pinaandar ko ang sasakyan at mabilis na umalis sa lugar na ‘yun.
Nagpunta kami sa isang mall at una ko siyang dinala sa shoe store. Pinapili ko siya ng mga sapatos ngunit tinanggihan niya ito. Hindi ako pumayag na umalis kami roon na walang nabibili na sapatos kaya pumili ako ng tatlong pares para may pagpipilian siya pamasok. Sunod kaming pumasok sa department store at bumili ng mga damit pambata para sa anak nito. Binilhan ko rin siya ng mga damit at make-up. Pilit niyang tinatanggihan ang mga ito ngunit napilit ko rin siya sa bandang huli na kuhanin. Pagkatapos namin mamili ay pumasok kami sa isang restaurant at doon ay um-order ng pagkain.
“Sir ang dami naman po nang in-order mong pagkain, baka ‘di natin maubos ‘yan,” bulong niya sa'kin.
“It’s okay, i-take out na lang natin ang matira para pwede mo pang iuwi sa anak mo,” sagot ko naman sa kanya.
“Sobra-sobra na po Sir, ang mga ibinigay mo sa amin,” nahihiyang sambit nito.
“Pwede ko naman ibawas 'yan sa sahod mo,” pabirong wika ko.
"Ay! Walang ganyanan Sir.” Napalakas ang boses nito sa pagsagot sa'kin.
Nagkatawanan kaming dalawa ng malakas na naging dahilan nang pagtingin ng mga tao sa aming dalawa. Nahiya naman siguro ito kaya mahinang ibinato niya sa’kin ang panyo. Lalo ko lamang itong tinawanan.
Tapos na kaming kumain nang mapansin kong may tinititigan ang dalaga. Sinundan ko iyon ng tingin at nakita ko ang magkaparehang malapit sa pinto ng restaurant. Ikinuyom ng dalaga ang kanyang mga kamao at bigla itong tumayo upang lapitan ang mga ito.
Natulala ako sa ginawa ni Annalyn. Nakita kong binuhusan niya ng nagyeyelong tubig sa baso ang babae sa ulo. Nabigla ang babae at ‘di agad ito nakahuma. Nang mahimasmasan ito ay nagtititili ito.
“Annalyn, itigil mo ‘yan!” Saway ng lalaki kay Annalyn.
“Mga hay*p kayo!” sigaw ni Annalyn sa kanila.
Akmang susugurin muli ni Annalyn ang babae nang mabilis na pumagitna ang lalaki sa kanila. Pinagsusuntok ito ni Annalyn sa likod at nakita kong itinulak niya ang dalaga kaya napabagsak ito sa sahig.
“Sh*t!” Nagtagis ang mga ngipin ko sa galit sa nakitang pagbagsak ni Annalyn sa sahig. Tumayo ako upang lapitan ang mga ito.
“Sinabi ko sa’yo Annalyn, tapos na tayo kaya ‘wag mo na akong guluhin pa!” narinig kong wika ng lalaki.
“H*yop ka! Pinagsisisihan kong minahal pa kita!” umiiyak na sabi ni Annalyn.
“At pinagsisisihan ko rin na ikaw ang pinakasalan ko!” sagot naman ng lalaki.
“Huwag mo na kasi ipinagpilitan pa ang sarili mo sa lalaking ayaw naman sa’yo. Look at yourself girl, you look pathetic!” insulto naman ng babae kay Annalyn.
Akmang susugod muli si Annalyn nang maagap kong nahawakan kamay nito.
“Tama na yan Annalyn, hindi makakabuti sa’yo ang galit,” malamig na sabi ko kay Annalyn.
“At ikaw naman Pre, sa susunod na saktan mo ulit si Annalyn, kamao ko ang sasalubong sa’yo,” mahinahon kong wika sa lalaki.
“Let’s go!” Mabilis kong hinila si Annalyn palabas ng restaurant.
Iyak nang iyak ang dalaga habang hila-hila ko siya papuntang sasakyan. Gusto kong sapakin ‘yong lalaking tumulak sa kanya kanina, akala mo ‘di lalaki kung umasta. Nainis ako sa ginawang pag-iwan sa akin ni Annalyn sa mesa upang sugurin lamang ang ex-husband niya. At kahit ‘di niya pa sabihin alam kong ‘yong lalaking ‘yun ang ex-husband niya.
Ngunit mas lamang ang nararamdaman kong awa para sa dalaga dahil nakita ko rin kung pa’no ito ipagtabuyan ng lalaking ‘yon. Hindi deserve ng dalaga ang ganoon trato dahil sa maikling panahon ay nakita ko kung pa’no ito magmahal sa trabaho at natitiyak kong ganun din ito sa tao. Nakita ko sa mga mata nito ang lungkot kahit pa sabihing nakangiti ang mga labi nito.
Huminto kami sa harap ng sasakyan at niyakap ko ang dalaga upang kumalma ito. Ipinaramdam ko sa kanya na ‘di siya nag-iisa. Gumanti ng yakap ang dalaga sa akin at doon ay hinayaan ko itong umiyak nang umiyak sa aking dibdib.
“Mga wal*nghiya sila!” sigaw nito at pilit kong pinapakalma sa kanyang pag-iyak.
“Gaganti ako! Gagantihan ko kayo!” patuloy niyang sigaw.
"Tutulungan kita.” Tumingala ito sa akin at tinitigan ako sa aking mga mata.
“Tutulungan mo akong gumanti sa kanila?” paniniyak nitong tanong sa akin.
“Oo, tutulungan kitang makaganti sa kanila pero tulungan mo rin ang sarili mong bumangon upang maging mas malakas ka sa muli ninyong paghaharap,” sabi ko pa sa kanya.
“Pangako! Gagawin ko ang lahat upang makapaghiganti ako sa kanila. Sisingilin ko silang lahat sa mga kasalanan nila sa akin!” gigil na gigil nitong sabi.
“Ganyan nga Annalyn, maging malakas ka para makaganti ka sa kanila.” Tumango-tango ito at pinahid ng kanyang kamay ang mga luha sa mga mata niya.
“Oo, magpapalakas ako at gagantihan ko silang lahat!” wika niya.