7

2002 Words
NAGTUNGO sa home office niya si Santino pagkatapos niyang iwan si Aurora. Kahit na nasa bahay ay puro trabaho pa rin ang kanyang inaatupag. Sa pagkakataon na iyon ay wala siyang ganang magtrabaho. Isinandal niya ang sarili sa swivel chair at ipinikit ang mga mata. Luminaw sa kanyang isipan ang ilang masasayang sandali na pinagsaluhan nila ni Aurora. Grade six si Santino noong maulila siya. Baby pa siya noong mamatay ang kanyang ama. Ang ina na ang bumuhay sa kanya mula noon. Masikap ang kanyang ina at nag-iisa lamang siya kaya hindi man magarba ang kanilang pamumuhay, naibibigay naman sa kanya ang mga kailangan niya. Hindi siya sumala sa pagkain. Hindi man palaging bago ang kanyang damit, palagi namang malinis ang mga iyon. Grade six siya noong atakehin sa puso ang kanyang ina. Bata pa ito kung tutuusin ngunit nangyayari raw talaga iyon paminsan-minsan. Mabubuhay sana ang kanyang ina kung hindi ito tinanggihan sa unang ospital na pinagdalhan. Napunta si Santino sa kapatid ng kanyang ina, kay Tiya Leticia. Doon naranasan ni Santino ang halos dalawang taong paghihirap at pagmamalupit. Hindi siya nakapasok kaagad sa high school dahil ayaw ni Tiya Leticia. Mabait naman ang asawa nito ngunit “under” sa asawa. Ginawa siyang  alila sa bahay. Halos walang matirang pagkain para sa kanya. Pabigat ang tingin sa kanya ng tiyahin at madalas nitong sabihin iyon sa kanya. Madalas nitong sabihin na kailangan niyang bayaran ang bawat butil ng bigas na kinakain niya. Wala siyang nadamang pagmamahal o pamamalasakit mula sa kamag-anak. Isang araw ay binisita si Santino ng Tiyo Rodel niya, ang nakababatang kapatid ng kanyang ama. Taga-probinsiya ang tiyuhin at hindi kaagad nito nalaman ang pamamayapa ng kanyang ina. Wala siyang gaanong maalala tungkol sa tiyuhin dahil hindi naman sila madalas umuwi sa probinsiya. Ipinagbenta ng ama niya ang parte nito sa minanang lupa upang maipangnegosyo sa Maynila. Negosyong nalugi paglaon. Kaagad nakita ni Tiyo Rodel ang pagmamalupit kay Santino. Noon din ay nagpasya ang tiyuhin na kunin siya sa malupit na tiyahin at iuwi sa probinsiya. Malugod na ipinasa ni Tiya Leticia ang responsibilidad kay Tiyo Rodel. Maigi na raw iyon upang mabawas-bawasan naman ang pinapakain nito. Hindi noon sigurado si Santino kung ikatutuwa niya ang nangyari. Halos nasisiguro kasi niya na hindi rin gaanong magbabago ang sitwasyon niya. Aalilain din siya sa probinsiya. Mabait naman si Tiyo Rodel ngunit inihanda niya ang sarili sa hindi magandang pagtanggap ng asawa nito, ni Tiya Irma. Mabait si Tiya Irma, maging ang dalawang nakababata niyang pinsan na sina Realin at Ismael. Nasa baryo ang bahay ng tiyuhin ngunit hindi ganoon kalayo mula sa bayan. Medyo malayo sa mga kapitbahay ang bahay dahil may piggery sina Tiyo Rodel. May maliit ding puwesto ang mga ito sa palengke. Bumibili, nag-aalaga, at kumakatay ng baboy ang tiyuhin at ang tiyahin naman ang tao sa puwesto, ibinebenta ang mga karne. Tumutulong siyempre sa trabaho si Santino ngunit hindi labis-labis ang hinihingi ng mag-asawa sa kanya. Binibigyan din siya ng mga ito ng suweldo. Pagsapit ng pasukan ay nais siyang i-enroll sa nag-iisang pribadong high school sa bayan, ngunit mas pinili ni Santino na mag-aral sa pampublikong high school. Ipinatahian siya ni Tiya Irma ng bagong uniporme, ibinili ng bagong sapatos at bag. Kinompleto nito ang kagamitan niya sa pagpasok. Anuman ang bilhin ng mag-asawa para sa mga anak ay kabilang din siya. Mas tumataba ang puso niya nang makitang hindi alintana ng mga pinsan ang mga ibinibigay ng mga magulang. Kasa-kasama siya sa mga family outing. Itinuring siyang kuya nina Ismael at Realin. Santino felt welcomed and loved. He found a home, a family. Mabilis na napamahal kay Santino ang pamilya ni Tiyo Rodel. Hindi inakala ni Santino na magugustuhan niya ang paninirahan sa isang munting bayan. Noong una ay hindi siya sanay sa bagal ng takbo ng pamumuhay. Hindi siya sanay na hindi nagmamadali, hindi nagkukumahog. Hindi rin siya sanay na binabati ng lahat ng kapitbahay kahit na malayo-layo sila sa mga bahay. Hindi rin siya sanay na may nag-aabot ng isang mangkok ng ulam, na maaari siyang humihingi ng mga prutas at gulay na nakatanim sa ibang bakuran. Hindi siya sanay na maagang natutulog sa gabi, na iba-ibang uri ng tunog mula sa insekto ang naririnig imbes na mga nagdaraang sasakyan. Life in San Pioquinto had been peaceful and lovely. Ngunit sa kaibuturan ng puso ni Santino, alam niyang aalis siya sa lugar na iyon balang-araw. Babalik siya ng Maynila. Marami siyang pangarap na dapat tuparin. Sabik si Santino sa unang araw niya sa bagong high school. Second year high school na siya. Muli siyang papasok sa eskuwelahan na walang gaanong inaalala. Hindi na rin siya papasok na walang laman ang tiyan dahil kahit na abala ang mag-asawa sa trabaho at negosyo ay sinisiguro ng mga ito na sagana ng pagkain sa bahay. Inako ni Santino ang paghahanda ng almusal dahil kailangang maaga palagi ang tiyuhin at tiyahin niya sa palengke at s*******r house. Minsan ay sinasabayan niya ng gising ang mga ito. Unang nagtagpo ang mga landas nila ni Aurora sa malaking gate ng national high school.  Pinituhan siya nito dahil walang busina ang sinasakyan nitong bike. Nang tumabi siya at lumingon ay nakita niya ang nakangiting mukha ni Aurora. Basa pa ang buhok nito. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay nakita na niya ang pinakamagandang babae sa buong mundo. Halos wala sa loob na sinundan niya ng tingin ang papalayong dalaga hanggang sa mawala ito sa kanyang paningin. Nangako si Santino na hahanapin niya ang babae sa eskuwelahan. Isang magandang sorpresa nang malaman niyang kabilang sila sa iisang section. Nang mahanap niya ang classroom ay nakita niyang halos magkakakilala na ang mga naroon. Siya lamang yata ang transfer. Malamang na magkakaklase na ang karamihan noong nakaraang taon o mula pa noong elementarya. Uupo na sana siya sa bakanteng upuan sa likuran nang mapukaw ang kanyang atensiyon ng matinis na tili ng isang babae. “Auriiing!” Mabilis na sumagot ang tinawag. “Soleeng!” Napatingin sa babae si Santino. At noon nalaman ni Santino ang pangalan ng babaeng hinahangaan. Auring. Nang isa-isang magpakilala ay nalaman niyang ang buong pangalan nito. Maria Aurora. Dahil noon lang nagka-crush si Santino, nagkasya na siya sa pagtingin-tingin sa dalagita sa tuwing hindi ito nakatingin sa kanya. Hindi maipaliwanag na ligaya ang kanyang nadarama sa tuwing titingin siya at mahuhuli niyang nakatingin na sa kanya si Aurora. May pagkakataon na umiiwas ng tingin ang dalagita, waring nahihiya dahil nahuhuli. May pagkakataon din naman na gagawaran siya nito ng isang matamis na ngiti na sapat na upang magpabuo ng araw niya. Mababait ang mga naging kaklase ni Santino. Medyo kinagigiliwan ng mga ito ang pagiging taga-Maynila niya. Medyo naging celebrity siya sa tingin ng mga ito dahil ipinanganak at lumaki siya sa Maynila. Ang karamihan ay napakarami ng tanong tungkol sa buhay sa Maynila. Mabilis siyang nagkaroon ng mga kaibigan. Sina Soleng at Aurora ang buhay sa kanilang klase. Palaging tumatawa at nagpapatawa. Palaging masigla. Nakakabuo ng araw ang ngiti ni Aurora. Habang lumilipas ang mga araw ay mas gumaganda ang dalagita sa kanyang paningin. Hindi nga lang sila nagkakatabi sa upuan. Si Diosdado ang madalas na katabi at kausap ni Aurora. Nagkaroon lang sila ng pagkakataong magkausap at maging magkaibigan talaga nang maging magkagrupo sila sa Biology. Nagsimula ang regular nilang batian sa loob at labas ng classroom. Mas nadalas ang kanilang pagkukuwentuhan. Pagkatapos ng school year ay fully adjusted na si Santino sa buhay sa probinsiya. Masaya siya sa bagong buhay. Masaya siya sa piling ng pamilya. Araw-araw siyang sabik sa pagpasok sa eskuwelahan dahil kay Aurora. Naging inspirasyon niya ang dalagita. Proud na proud sa kanya ang tiyuhin at tiyahin nang magkaroon siya ng honors sa pagtatapos ng school year. Regular pa rin ang pagkikita nila ni Aurora kahit na bakasyon. Nagtrabaho kasi si Aurora sa isang gownshop sa bayan ng San Pioquinto. Tao ito ng puwesto at tagalagay rin ng mga sequins at beads sa mga gown. Tuwing tanghalian ay sinasabayan niya sa pagkain si Aurora. Alam ng tiyuhin at tiyahin niya na liligawan niya si Aurora at sinuportahan siya ng mga ito. Magkasama sila sa pagsisimba Linggo-linggo. Hindi niya nilulubayan ng tingin ang dalaga sa tuwing kumakanta o tumutugtog sa choir. Magkasama sila sa peryahan at sagala. Magkasama sila sa mga outing ng barkada at kani-kanilang mga pamilya. Nagsimula na naman ang pasukan. “Santinooo!” ang masayang bati ni Aurora nang makita siyang nag-aabang sa may gate. “Auriiiing!” ang ganting bati niya. Mariin niyang pinisil ang pisngi nito. Nagpatuloy sila sa pagiging malapit na magkaibigan. Hindi lingid sa kanilang mga kaklase na may espesyal silang pagtingin sa isa’t isa at hindi lamang basta magkaibigan kaya madalas silang tampulan ng tukso. They became the class loveteam. Hindi nagtagal ay opisyal na nanligaw si Santino kay Aurora. Si Aurora ang unang inibig ng kanyang puso. Hanggang ngayon, kahit na alam niyang batang-bata pa sila, masasabi niyang umibig pa rin sila. Batang pag-ibig na mas sumisidhi sa paglipas ng mga araw. Pag-ibig na nag-apoy sa kanilang mga puso. Medyo nagulat si Santino nang sagutin siya ni Aurora matapos ang tatlong araw ng panunuyo. “O, ba’t ganyan ang mukha mo?” nakakunot ang noo na tanong ni Aurora pagkatapos nitong ibigay kay Santino ang matamis na oo. “Mukhang hindi ka masaya?” “Hindi masaya? Masayang-masayang-masaya!” Tumikhim si Santino bago nagpatuloy. Hindi niya sigurado kung dapat pa siyang magpaliwanag ngunit ginawa pa rin niya. “Medyo nagulat lang ako kasi nakahanda ako sa mahabang ligawan.” “Ah...” Tumango-tango si Aurora. “Inasahan mo na gagayahin ko si Dolor?” Si Dolor ang itinuturing na “beauty queen” sa kanilang klase. Madalas nang sumama ang dalagita sa mga beauty pageant. Mayroong manliligaw ang dalagita na mahigit isang taon na raw nitong pinapaasa. Humihingi ng regalo at kung ano-ano ang ipinapagawa. Sinalubong ni Aurora ang mga mata ni Santino. “Santi, gusto kita. Mahal na kita. Mula noong summer ko pa kaya hinihintay na pormal kang manligaw. Bakit ko patatagalin ang isang bagay na alam ko naman kung saan mauuwi? Bakit pa tayo magsasayang ng panahon? Bakit pa ako magkukunwari? Ano ang magiging saysay ng pagpapakipot? Hindi ko na kailangang patunayan na seryoso ka sa akin. Hindi naman iyon nakukuha sa pagbibigay ng regalo at pagsunod sa kung anumang iutos ko.” At nagsimula ang isang magandang relasyon sa pagitan nilang dalawa. Noong una ay itinago muna nila sa mga magulang ni Aurora ang tungkol sa relasyon nila. Hindi naman daw direktang sinabi na hindi maaaring makipagrelasyon ang dalaga. Narinig lang ni Aurora ang mga magulang na pinagsasabihan si Aisa na hindi maaaring makipagrelasyon hanggang sa hindi nakakatapos ng pag-aaral. She assumed it was the same for her. Ngunit hindi rin sila nakatiis. Hindi nila kayang magsinungaling nang matagal. Sneaking had been fun. Hindi pa rin nagbabago ang katotohanan na nanloloko sila at nagsisinungaling gayunpaman. Nagpasya si Aurora na sabihin ang totoo sa mga magulang. Nakahanda sila ni Aurora sa galit ng mga magulang nito. Inasahan nang paghihiwalayin silang dalawa. Kahit na paano ay may mga naging plano naman si Santino. Kakausapin niya ang mga magulang nito at mangangako na mamahalin, igagalang at aalagaan si Aurora. Tatawanan marahil ang salita niya bilang isang bata, ngunit sasabihin pa rin niya ang nasa puso. Hindi na kailangang mahirapan ni Santino dahil naging okay sa relasyon nila ang mga magulang ni Aurora. Nagulat ang mga ito at noong una ay pinagalitan ang dalaga. Ngunit hindi naman kasi nahuhuli ng uwi si Aurora sa bahay. Hindi bumababa ang grades. Hindi napapabayaan ang mga responsibilidad. Kaya hinayaan na lang na makipag-boyfriend. “May tiwala sa akin ang mga magulang ko,” ang masayang sabi ni Aurora noon. Sang-ayon naman si Santino. Responsable naman kasing talagang anak, kapatid at estudyante si Aurora. Ngunit sa likod ng kanyang isipan, naitanong niya kung bakit si Aisa ay hindi pinapayagang makipagnobyo. Si Soleng ang sumagot ng tanong na iyon para sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD