Dahan-dahang idinilat ni Kelvin ang kanyang mga mata. Sa naniningkit niyang mga mata ay nakita niya ang kisame. Humikab nang pagkalaki-laki si Kelvin pagkatapos ay inalis niya ang pagtingin sa kisame at ibinaba ang paningin niya. Napansin ni Kelvin na wala na pala si Yvonne sa kandungan niya. Bahagyang kumunot ang kanyang noo. Maya-maya ay suminghot-singhot si Kelvin. Nakaamoy siya ng mabangong pagkain. Lumingon-lingon siya at napunta ang paningin niya sa kusina. Sumilay ang ngiti sa labi niya nang makitang naroon si Yvonne, nakasuot ito ng red na apron habang nagluluto ng almusal. Napansin niyang nakaligo na ito dahil medyo magulo ang pagkakapusod ng buhok nito at nakapag-bihis na rin ito dahil nakasuot na ng maluwag na puting t-shirt at short-short saka tsinelas habang siya ay hindi

