Yana
"Oh, anak, ba't mukhang bad trip ka?" Kakauwi ko lang kasi at nadaanan ko si Mama na inaayos 'yong mga anak niya este halaman niya.
Si Mama talaga, oh, gabi na.
"Wala, Ma, dami kasing paper works." Pero hindi naman talaga 'yon ang dahilan.
Ikaw ba naman hindi ma-bad trip umuwi, bukod sa nakita mo 'yong kamukha ng ghoster mong ex ay nagkaroon ka pa ng katabi sa jeep na amoy anghit na halos ipagduldulan sa mukha ko 'yong kili-kili niyang mabango.
Grabe lang, hindi nalang ako humihinga no'n.
"Magbihis ka na roon, baka luto na 'yong niluluto ko sa kusina. Inayos ko lang 'tong si Rosalinda." Tukoy niya sa rose na hawak niya.
Natawa nalang ako pero gaya ng ibang plantita ay binibigyan din ni Mama ng pangalan 'yong mga tanim niya.
"Sige, Ma, pagtabihin mo sila ni Fernando Jose, para dumami pa lalo lahi niyan." Natawa naman ako sa loob-loob ko. Si Mama kasi, eh.
Pumanhik na ako ng kwarto ko at nagbihis bago ulit lumabas at dumirestyo sa kusina.
Pagtingin ko naman sa ulam ay napakamot ako.
Ampalaya na naman? Hanggang dito ba naman sa bahay? Gano'n na ba talaga ka-bitter ang tingin nila sa akin?
"Oh, 'Nak, tititigan mo nalang ba 'yong pagkain?" ani Papa na mukhang napansin ang pagkatulala ko roon sa ulam.
Mabuti nalang at may fried tilapia rin na niluto si Mama. 'Yon nalang ang akin.
"Mukhang masama 'yang araw ng Anak mo, Lucio. Wag mo ng sitahin at baka mabara ka pa."
Grabe sila sa pagiging hugotera ko, oh. Hindi naman ako palaging gano'n.
"Ano bang nangyari, 'Nak?" Tsismoso talaga 'to si Papa, eh. Sa kanilang dalawa kasi ni Mama ay ito pa ang mas mausisa.
"Baka nakita ni Ate 'yong ex niya."
Bigla naman akong nabilaukan sa winika ng kapatid ko. Saglit na napatingin ito sa akin at natawa.
"So, tama pala ako, Ate?" Natawa pa nga.
"Che! Mali ka." Kamukha lang kaya ng ex ko ang nakita ko.
Natawa nalang ulit ito at hindi na sumagot. Tuwang-tuwa sila kapag inaasar ako.
"By the way, 'Nak, baka bukas okay na 'yong sasakyan natin kaya masusundo na kita." Si Papa.
Mabuti naman.
Pagkatapos kumain ay umakyat na ako sa kwarto ko na nasa ikalawang palapag.
Simple lang naman ang bahay namin. Moderno ang disenyo na may dalawang palapag.
Sala at kusina dito sa baba na may isang kwarto. Sa ikalawang palagpag naman ay may dalawang kwarto at isa sa akin roon.
Simple lang ang kulay ng kwarto ko. Sky blue ung wall at kisame at t'wing nagigising ako feeling ko ay nasa langit na ako. May mga poster din ng favorite kong singer o banda.
Bago matulog ay nag-check muna ako ng emails sa work and social media. Mas nagbababad ako sa twiks. Isang app din na maraming Marites pero madalas madaming nagpo-post doon para sa mga saloobin nila sa buhay. Doon kasi ako mas active. Doon kasi kahit anong post or sabihin mo okay lang, hindi ka magmumukhang tanga. Buti pa roon.
I posted "Mabuti pang mag-isa kaysa magtagal sa taong iiwan ka rin pala." Nakasanayan ko nangang gabi-gabi mag-post ng mga hugots or kung minsan habang nasa work ko kapag may naiisip ako. Feeling ko kasi nailalabas nito 'yong kung anong nasa loob ko.
Nahiga na ako nang magsawa sa pagkalikot ng laptop ko at phone ngunit nakatingin lang ako sa kisame. Bigla namang may pumasok na imahe sa isip ko.
Bigla naman akong napabangon nang ma-realize kung bakit ko siya biglang naisip.
'Yong bagong BM namin.
Hays.
Maybe dahil ba kamukha siya ng ex ko?
Siguro nga.
Ipinilig ko nalang ang ulo at pinikit ang mata.
Ayoko ng isipin pa.
Kinabukasan ay mas maaga akong nagising. May bangungot kasing pumasok sa panaginip ko.
Sino pa nga ba?
Wala namang ibang bangungot sa buhay ko.
Nagkita raw ulit kami tapos ayon tinatanong ko siya kung bakit bigla siyang nawala at naglahong parang bula tapos ayon hindi pa siya nakakasagot nang magising ako.
Letche, 'di ba? Pati sa panaginip wala siyang sagot kung bakit bigla siyang naglahong parang bula.
Pagkatapos maligo at mag-breakfast ay hinatid na ako ni Papa. Kaya ko naman na bumili nang sarili kong car sa savings ko kung tutuusin pero takot ako mag-drive. Ewan ko ba. Inaatake ako ng nerbyos kapag hawak ko na 'yong manibela.
Nakarating naman kami nang matiwasay pagkatapos salubungin 'yong traffic na unti-unti naman nang nakakapag-move on. Sana all nalang, 'di ba?
"Ingat, 'Pa." Kaway ko kay Papa at tumango lamang ito bago umalis.
Panget ng gising ko, wag na sanang dagdagan pa.
Papasok na ako ng elevator nang may makasabay akong tao.
Kakasabi ko lang, eh.
Gusto ko nalang umatras dahil kasabay kong pumasok ng elevator 'yong bagong BM namin. Ang sikip pa nga dahil sa dami ng sumakay kaya ang siste ay nagsusumiksik ako katabi ni new BM.
Inis man ay wala na rin akong nagawa. Sabi kong wag ng dagdagan, eh.
Pero—
Infairness ang bango niya, ah.
Habang nasa elevator ay hindi ko maiwasang tignan ang mukha niya.
Walang pagdududang gwapo nga ito. May hawig sa ghoster kong ex ngunit kung susumain ay mas angat ang appeal nito at mukhang mas bata ito.
Kaso para akong nahuli sa aktong pagnanakaw nang tumingin rin ito sa akin kaya agad akong nagbawi ng tingin ko dito.
Napadako lang naman ako ng tingin, ah.
Nang makarating ako sa floor ko ay dire-diretsyo na akong naglakad at hindi na ito tinignan.
Nakakahiya, eh. Baka isipin niya ninanakawan ko siya ng tingin kanina.
Hindi kaya.
"Oks ka lang, girl?" Napaangat naman ako nang tingin sa sumalubong na iyon sa akin.
Si Ernisto, este Ernista.
Ito talagang baklang 'to. Hilig mag-usisa. Gusto lang nang maagang tsismis, eh.
"Okay lang, may nakita lang akong hindi kaaya-aya."
Hindi ba talaga kaaya-aya?
Kaysa isipin ang kung ano-ano o pagnanakaw tingin ko sa lalaking kamukha ng ghoster kong ex ay hinarap ko nalang ang trabaho ko.
Ipinilig ko nalang ang ulo ko at nag-focus sa trabaho ko.
Habang abalang-abala sa harap ng computer ko at napapahikab ay may naramdaman akong tao na nakatayo sa gilid ko.
Babaliwalian ko na sana ngunit nagulat ako kung sino iyon.
"S-Sir?" Ba't nandito na naman 'tong lalaking 'to?!
"Yes, Miss Yana Madrigal? You can take a break naman kung inaantok ka pa." Nakakagulat naman si Sir.
Naghihikab lang, inantok kaagad?
"H-hindi naman po, Sir." Bakit feeling ko palagi akong sinusundan ni Sir? Nakakahiya tuloy.
"Ah, gano'n ba?" nakangiting sagot nito bago tatango at naglakad na paalis. Dumaan din ito sa mesa ng iba kong co-officemates.
Hindi ko tuloy alam kung seryoso ba 'yon o nang-aasar. Bakit ba feeling ko ako 'yong palaging napapansin niya?
Asar.
Dumating naman ang oras ng lunch at agad akong tumayo para daanan si Chloe.
Naabutan ko namang abala ito. Pinagmasdan ko muna ito at hindi talaga ako napansin kaagad.
Ayos. Busy talaga?
"Oh, sino na naman 'yang nakauto sa'yo at happy na happy ka na naman riyan?" tanong ko kay Chloe na abala sa phone nito at hindi man lang ako napansin na nasa harap na niya.
Yayayain ko na sana ang bruha dahil lunch time na pero ayon nga, naabutan ko itong nakangiting mag-isa at abala sa phone nito.
Naglulumandi na naman 'to, eh.
Ako na nag-adjust at tinapik pa ito sa balikat.
"Ikaw naman, bessy! Nanggugulat ka naman." At nagulat pa nga tapos sabay tago ng phone nito.
Itatago pa, eh, kita ko naman 'yon.
"Oo, ako lang 'to na kanina pa nakatayo dito." Ingos ko rito. Lunch time na kaya, wala ba siyang balak kumain?
"Sorry naman na, bessy, medyo busy kasi." Busy daw. Busy lumandi? Pagkatapos ano? Tapos iiwan din siya at paiiyakin. Kung sinukuan ko nang maghanap ng faithful na lalaki, sana makita rin ng bestfriend ko 'yon. Hindi ba siya napapagod?
"Sinasabi ko sa'yo, Chloe Herrera, kapag 'yan sinaktan at pinaiyak ka na naman, tumalon ka nalang sa San Juanico Bridge. Nakakapagod mag-alaga ng lasing."
Kasi kapag broken 'yan ay automatic inom at papakalasing talaga 'yan para makalimot. Eh, hindi naman nakalimot, umiyak pa nga tapos pag gising magrereklamo na masakit ang ulo.
Nakakagulat pa naman 'yan kapag lasing. Emotera ng taon. Nananakit pa 'yan. Ilang beses na ba akong nasampal? Ang sarap lang gantihan at upakan para matauhan pero syempre dahil nagmamalasakit tayong kaibigan ay iniintindi nalang. Ramdam ko naman siya. Masakit naman talagang masaktan.
"Grabe ka naman, bessy. Babiyahe pa 'ko ng Tacloban para lang tumalon sa tulay?"
"Eh 'di, kung ayaw mo, sa ilog pasig nalang para malapit-lapit lang."
Napahawak naman ito sa dibdib nito na waring nag-iinarte." Grabe ka talaga sa akin, bessy."
"Kaya nga sinasabi ko sa'yo, pumili ka ng matino, hindi lang dahil sa gwapo at may pandesal ay bibigay kana." Marupok sa mga gwapo, eh.
"Sorry na, bessy. Ang hirap naman kasing pigilan 'yong kilig kapag gwapo ang kaharap mo at nagtatapat nang pag-ibig sa'yo."
Napakamot na lamang ako ng ulo at napailing-iling. Marupok talaga. Kahit anong sabihin ko rito ay hindi rin naman makikinig.
"Tara na nga. Kain nalang tayo." Ito na ang nag-aya bago ito tumayo. Mabuti pa nga at gutom na ako.
"Pero, bessy, alam mo na ba 'yong tsismis?" Tignan mo. Naglalakad palang kami papuntang canteen, may tsismis na agad.
Speed.
"Si Kiko raw, may bagong dyowa na naman." Napatingin naman ako rito.
"Sinong Kiko? 'Yong matanda o 'yong bata?" takang tanong ko rito.
"Sira. Anong matanda o bata. Ang tinutukoy ko 'yong nagwo-work din dito. 'Yong gustong manligaw sa akin dati na sinabi mong mukhang hito." Napaisip naman ako.
Ah. Tanda ko na. Akala ko celebrity, eh.
Si Kiko ay kapwa rin naman na dito nagtatrabaho. Nanligaw ito dati kay Chloe. Sa hilatsya palang ng mukha nang hito na 'yon na hindi naman ka-gwapuhan ay duda na ako.
Samahan pa nang pagiging presko nito na t'wing nakikita kami ni Chloe ay panay ang pa-cute at kindat. Nakakata-cute naman.
Mabuti na lamang at hindi nagpauto itong katabi ko at binasted kaagad. Tapos isang linggo no'n nang malaman naming may girlfriend na ito at officemate din namin. Oh, 'di ba? Hindi nalang gwapo ang playboy ngayon.
Nang makarating kami ng canteen ay naroon na ang iba naming kaibigan na officemates din namin.
"Girls, may tinatanong 'tong si Cedric. Tamang-tama at nand'yan na kayo." Salubong sa amin ni Dexter nang makalapit na kami sa table.
"Ano 'yan? Sige. G lang." Si Chloe.
"Ano raw ba ang mas masakit? Ang maiwan o mang-iwan? ani Dexter.
"Sa love 'to, ah. Hindi kasama dito 'yong mga tangang naiwan sa outing o naiwan ng shuttle." Dagdag pa nito, minsan kasi hindi matino 'tong mga kasama ko sumagot kaya inunahan niya na.
Madalas kasi kami mag-kwentuhan ng random things ng mga kaibigan at officemates ko at kadalasan ay hugot kaya madalas ay sa akin talaga sila huling titingin para kumuha ng sagot.
Ako palaging trip nila, eh.
"For me, guys. Ang maiwan syempre. Hindi ko pa naman kasi nasubukan na ako 'yong mang-iwan. So, kaya mas masakit ang maiwan para sa akin." Ang bestfriend kong marupok na si Chloe.
Paano mang-iiwan 'yan? Eh, marupok nga.
"Ako rin, guys. Sang-ayon ako kay Chloe kasi masakit naman talagang maiwan." Si Aira at gano'n na rin ang sagot ng iba.
Puro maiwan.
Oo na. Masakit naman talaga kasi maiwan.
"Ako, guys. For me? Ang mang-iwan." Napatingin naman kaming lahat kay Dexter dahil naiiba ang sagot nito.
"Kasi— Ito, ah. Based lang sa sariling experience ko. What if kung mayroon siyang mabigat na reason kung bakit siya nang-iwan o bakit niya nagawa 'yon, 'di ba? What if ginawa niya 'yon para sa inyong dalawa? 'Di ba ang sakit-sakit din n'on sa part niya kung tutuusin? Ang mang-iwan para sa ikabubuti mo o ninyong dalawa. Isipin niyo 'yon."
Napaisip naman ako sa sagot nito at parang gusto ko itong irapan. Saang part ang masakit doon? Eh, may choice naman siya tapos pinili niyang mang-iwan. Nakakainis, 'di ba?
Napabuntong-hininga naman ako sa sagot nito.
"Nope." Napatingin naman silang lahat sa akin nang ako 'yong magsalita.
"Kung mahal niya 'yong tao in the first place, bakit niya iniwan? Kasi kahit gaano pa kalaki 'yong reason niya, 'di ba dapat mas pumili siya ng better way para ayusin ang lahat. Kasi hindi better way 'yong mang-iwan ka nalang nang gano'n kadali. Hindi better way 'yong sasaktan mo lang siya because of that f*cking big reason. Ang sakit-sakit maiwan sa ere lalo na kung hindi mo naman alam 'yong rason kung bakit ka niya iniwan. Kung alam niyo lang, guys." Dali-dali ko namang pinunasan ang mata kong maluha-luha na.
Mukhang natahimik sila sa sagot ko at hindi kaagad nakapag-react.
"Sino bang nag-topic niyan? Sapakin ko na kayo, eh. Kain na nga tayo. Ano order niyo?" Si Chloe na ang bumasag sa katahimikan ng mga kasamahan ko. Sorry na kung napa-sobra ang hugot ko pero gusto ko pa rin ipaalam sa kanila 'yong sagot ko para may matutunan sila.
Na hindi basta-basta ang pag-ibig kaya wag silang sumugal kaagad-agad nang gano'n kadali.