Episode Nine

1225 Words
Nadatnan ni Gio si Aling Diding na nagliligpit at nag-aayos ng nasira nitong bahay. Pilit na sinasalba ang iba pang gamit na puwede pang gamitin. Habang hawak niya ang batang natagpuan niya sa Evacuation Center, nilapitan niya si Aling Diding at nagtanong. “Aling Diding, nakita n'yo ho ba si Inay?"” “Gio? Mabuti naman at nakaligtas ka!” gulat na tanong nito sa kanya. Natuwa dahil buhay ang binatilyo. “Si Nanay ho, nakita n’yo?” tanonng nito ulit kay Aling Diding. “Naku, Gio! Hindi ko nakita. Pero nasabihan ko kagabi na nasa hospital kayo ni Khate. Ay teka! Si Khate nga pala, nasaan na? Bakit ibang bata iyang kasama mo?” Binalingan ni Gio ang hawak nitong bata at nakatingin din ito sa kanya. At pagkatapos ay binalingan muli si Diding. “Ah, sige po, aalis na kami,” hindi nito sinagot ang tanong ng babae. “Teka lang, Gio,” pigil nito nang tumalikod ang huli. Hindi pinansin ni Gio si Aling Diding, sa halip ay nagpatuloy na sa paglalakad. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa tanong nito tungkol sa bunso niya. Nang makalayo sa babae ay saka nito kinausap ang kasamang bata. “Bata,” mahinang saad ni Gio. “Hanapin natin ’yung mga magulang mo. Puwede bang sabihin mo sa akin kung ano ang pangalan mo at sino ang mga magulang mo?” “Patay na po mga magulang ko.” Tuwirang sagot nito na siyang kinagulat ni Gio. “Eh, kamag-anak? ’Yung nag-aalaga sa ’yo.” “Si lola lang po ang kasama ko sa malaking bahay namin.” “Ganoon ba? Ano ’yong pangalan ng lola mo?” “Jera po. Jera Plaso.” “Ano naman ang pangalan mo?” “Jeza po ang pangalan ko.” Mabuti na lang at alam ng bata kung sino ang nag-aalaga sa kanya. Biglang may naalala si Gio nang kanyang marinig ang pangalan ng sinasabing lola nito. “Jera Plaso? Sandali. Si Doña Jera, iyan yung pangalan ng amo ni Nanay Rosalie. ’Yung may-ari ng malaking bahay!” Kinarga agad ni Gio si Jeza at dumulog sa kinauukulan na naroon din sa loob ng evacuation. Nakipila siya sa mahabang pila ng mga taong naghahanap ng mga nawawalang kamag-anak. Sa haba ng pila, naabutan tuloy ng tawag ng kalikasan si Gio. “Ah Jeza, rito ka lang ha! Magbabanyo lang ako sandali. Huwag kang aalis dito sa pila natin.” Tinitigan naman siya ni Jeza at maiging nakikinig. “0po,” Tipid nitong sagot. Umalis na si Gio sa tabi ni Jeza pagkatapos. Napakataas kasi ng pila kaya mahihirapan siyang pumila ulit dahil sa may dumadagdag pa. Ihing-ihi na talaga si Gio. Paulit-ulit niyang nilingon ang lugar ng bata at nakita niyang nakaupo na ito. Marahil napagod sa ilang oras ding kakatayo. Pero nang pinagmasdan niya ang bata, biglang sumagi sa isip niya ang bunsong si Khate. Dagli siyang napahinto at tinitigang mabuti saka siya bumalik sa bata. “Jeza, mamaya na lang ako magbabanyo. Kaya ko pa naman,” kunwaring saad nito sa bata. “Sige po.” Hindi nya naatim na iwan si Jeza sa pila. Naisip niya kasi na baka mawala ulit si Jeza kaya kanyang binalikan. Tiniis ang tawag ng kalikasan at kahit na namumulupot ay binalewala na lamang niya. “Maam, nandyan po ba ’yung pangalan ni Doña Jera Plaso sa listahan ng mga taong nawawala?” Sa wakas ay nakaharap na ni Gio ang babaeng nakatalaga na maghanap sa mga taong nakalista ang pangalan sa papel. “Sandali lang, hahanapin ko muna.” Matapos ang ilang segundong paghahanap sa pangalan ni Doña Jera, saka siya kinausap muli ng babae. “Wala rito ang pangalan ni Doña Jera.” Kilala rin ng babaeng ito ang Doña dahil sa kilala ang matanda bilang isa sa mga may-ari ng malaking mall sa lugar nila. Hindi alam ni Gio na nagmamay-ari ang Doña ng isa sa kilalang mall sa lugar nila. Isang lugar lang kasi ang kanyang pinupuntahan bukod sa bahay nila. ’Yun ay ang dalampasigan at kasama ang bunso niyang si Khate. “Ang mabuti pa, tingnan mo na lang ’yung listahan sa kabilang mesa,” mungkahi ng babae sa kaniya. “Po? Meron pa po palang ibang listahan ng mga nawawala?” “Mali ka. Listahan ng mga nasawi ang nandoon. Tingnan mo na roon.” Nalungkot si Gio sa narinig. Maari kasing nasa listahan ng mga nasawi ang pangalan ng lola ni Jeza. Bagay na nagpaiyak sa bata nang tanungin niya si Gio. “Kuya? Ano’ng ’yung listahan ng mga nasawi?” “Ha?” “Narining ko ’yung babae. Sabi niya baka nandoon ang pangalan ng lola ko.” “Jez, ’yung nasawi kasi, ibig sabihin namatay.” Nagbago ang hitsura ni Jeza. Mukhang naiintindihan na niya kung ano ang ibig sabihin ni Gio. “Pero, Jeza, hindi pa naman natin natitingnan. Baka wala rin doon?” “Eh kung wala roon? Saan?” naiinis na tanong ng bata. “Kaya nga titingnan muna natin doon. Halika na!” Mabuti na lang at maikli lang ang pila nang pumunta ang dalawa. Pagkatapos ng isang lalaki ay sila na agad. “Doña Jera Plaso po, pakihanap.” “Si Doña Jera ba? Iho! Patay na siya. Nakuha ang bangkay niya malapit sa loob ng kanyang bahay. Pati nga apo niya nawawala. Ang sabi ay bago pa man tumaas ang tubig ay may nagtangkang dumukot sa apo niya, ” hayag ng babae. “Ho?! Eh, heto po ang apo niya. Si Jeza. Jeza Plaso!” Itinuro ni Gio si Jeza na naroon sa kanyang tabi. “Totoo ba? Kung ganoon pumunta ka sa police station at sabihin mo na nasa sa iyo ’yung bata.” “Ganoon po ba?” Ang gusto lang niya ay maibalik si Jeza sa pamilya nito subalit sa kasamaang palad, patay na ang kaisa-isa nitong kadugo. “Sige po, salamat.” “Madali ka at nang makausap mo na rin ’yung abogado ni Doña Jera.” “A-Abogado? Bakit naman?” “Hinahanap nila ’yung bata kaya lumakad na kayo.” Tinanguan na lamang ni Gio ang babae saka dinala sa isang sulok si Jeza at kinausap ng masinsinan. “Jeza, patawad pero wala na ang lola mo. Patay na si Doña Jera,” malungkot nitong hayag sa bata. “Hindi totoo yan! Buhay pa lola ko!” nangingiyak na saad ni Jeza. “Narinig mo naman ’di ba?Wala na ang lola mo.” Napahagulgol nang malakas si Jeza. Nag-iisa na lamang ito at hindi rin nito alam kung sino ang iba pa niyang pamilya. “Tahan na, Je . . .” biglang naputol ang sasabihin ni Gio nang maalala niya si Khate. “Khate?” sambit niya habang nakatitig kay Jeza. “Lola . . . Lola . . .” sambit ni Jeza habang umiiyak. Sa awa ni Gio kay Jeza, niyakap niya ang bata ng mahigpit at ipinilog ang ulo sa balikat niya. “Tahan na.” Sunod-sunod ang daloy ng kanyang mga luha nang maalala niya si Khate. Pinapatahan niya si Jeza pero ang totoo, sarili niya ang kanyang pinapatahan. Hindi maalis-alis sa isip niya ang kaniyang bunso kapatid. Nananabik siya sa bawat yakap ng bunsong si Khate na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung patay na o buhay pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD