“Gio!” sigaw ng kanyang ina. Kinuha nito ang isang tuwalyang nakasabit mula pa kanina at saka pinaghahampas sa binatilyong anak. “Pasaway kang bata ka! Saan ka nanggaling! kanina ka pa namin hinahanap ni Khate. Tingnan mo nga iyang kapatid mo, halos hihikain na sa pag-uubo. Kanina pa panay ang iyak niyan kahahanap sa iyo!”
“’Nay, sorry po. Patawarin n’yo po ako. Hindi ko ipinaalam sa inyo na sasama ako kina Ton-Ton at Boy papunta kay Mang Ruben. Alam ko po kasi na ayaw n’yo po akong payagan,” paliwanag ni Gio habang nakaluhod sa harap ng inay niya. “Ito nga po, may pasalubong ako para kay bunso. Khate halika! May binili si kuya para sa ’yo!”
Tumigil sa pag-iyak si Khate nang marinig niya ang tawag ni Gio. Pero hindi agad ito lumapit dahil tila nagtatampo sa kapatid niyang hindi man lang nagpaalam na aalis.
“Naku, Gio, galit iyan sa iyo! Pina-iyak mo kasi nang buong maghapon. Ikaw naman kasi, kasalanan mo rin dahil pinag-alala mo kami ng bunso mo.”
Akala ni Gio ay hindi na siya hahampasing muli ng ina. Subalit itinaas na naman nito ang at saka muki siyang pinagpapalo. Subalit nang sumunod na palo ng ina ay biglang humarang si Khate. Niyakap nito ang kuya bagay na nagpatigil sa ginagawa ng kanilang ina.
Natigilan ang kanilang ina dahil nakita niya si Khate na nakayakap kay Gio. Muli itong umiyak.
“Nanay tama na po. Nasasaktan na po ang kuya,” mangingiyak na sabi ni Khate habang yakap si Gio.
“Bunso,” tanging sambit ni Gio at saka niyakap nang mahigpit ang kapatid.
“Kuya, huwag ka na pong aalis ulit, ha?Nami-miss po agad kita. Hindi po tayo nakapaglaro sa dagat kanina kaya ’di o ako nakaligo.”
“Patawarin mo si kuya bunso, ha. Promise na talaga, hindi na ako aalis.”
“Sinabi mo iyan, ah!” wika nito na panay pa rin sa paghikbi.
“Opo naman! Mahal ka ni kuya, eh. Kaya tahan na, huwag nang iiyak. Nandito na si kuya.”
“Eh, nasaan na po ’yung dala mo para sa akin?”
“Ay! Oo nga pala. Heto. . . ” Iniabot ni Gio ang bagay na kaniyang dala mula pa kanina. “Para sa iyo ’yan lahat!”
“Ano ba iyang dala mo?” maya-maya'y tanong ng ina kay Gio.
“Secret po, ’nay! Hayaan nating si Khate ang magbukas.”
Nahirapan si Khate nang buksan ang pasalubong ni Gio para sa kaniya. Isang karton na naglalaman ng paborito niya.
Nanlaki ang mga mata ng bata nang makita niya ang laman ng karton na kaniyang binuksan.
“Kuya, cake! At ang laki nito! May kandila pa,” natutuwang sabi ni Khate nang makita niya ang laman nito.
“Oh, bakit apat ang kandila na nakalagay riyan?” nagtatakang tanong ng kanilang ina.
“Siyempre po! Apat na kaarawan ni Khate ang nakalipas na walang cake. Kaya iyan, tinodo ko na!,” nangingiting sagot naman ni Gio.
Kumuha ng mga pinggan ang ina nila at saka inayos sa hapag ang pagkaing dala ni Gio.
“Sandali lang, dito ka bunso.” Binuhat ni Gio si Khate at pinaupo sa gilid ng mesa na naka harap sa kanya. “Para sa mahal naming bunso, Happy Birthday to you, Happy Birthday to you . . .,”
“Kuya, sa June pa po ang birthday ko,” sabi nito na siya namang nagpatigil sa pagkanta ni Gio.
“Alam ko ’yun, Khate. Pero wala kang cake noon, kaya isipin na lang natin na birthday mo ngayon. Pagbigyan mo na si kuya, bunso.”
“Sige kuya, kanta ka na po para matapos na. Gutom na ako kanina pa.” Pagkuway hinaplos nito ang sariling tiyan.
Masaya naman silang pinagmamasdan ng kanilang ina. Napaiwas pa nga ito ng tingin sa magkapatid dahil sa naluluha siya. Hindi niya maipaliwanag ang kasiyahang nadarama sa kaniyang mga anak.
Mahirap nga lang sila pero nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos dahil biniyayaan siya ng mga mapagmahal na anak.
Ang kanina’y galit na nadarama ng ina ni Gio ay napalitan ng walang katulad na kasiyahan. Hindi na niya inalam kung saan kinuha ni Gio ang perang pambili ng cake para sa kapatid. Alam naman niya na hindi gagawa ng masama ang kanyang panganay na anak.
Kinabukasan ay balik na naman sa mga gawaing bahay si Gio. Gaya ng dati, maagang nagluto at saka naglaba ng mga damit ang binatilyo. Matapos maglaba ay niyaya niya naman si Khate na pumunta sa dalampasigan para maglaro at maligo na tuloy.
“Kuya, ang ganda naman ng dagat! Tingnan mo po ’yung barko, ang laki at ang taas!”
“Tama ka bunso.”
“Kuya, sasakay tayo riyan kapag naging malaking-malaki ka na.”
“Hindi lang sasakay! Bibili pa tayo ng ganiyan.”
“Kasama si Nanay, kuya?”
“Siyempre naman! Tayong tatlo, pupunta tayo sa ibat-ibang lugar.”
Ngunit sa mga pangarap na iyon, hindi alam ni Gio kung ang lahat ba ay kaniyang matutupad para sa bunsong kapatid.
Alam niya sa kaniyang sarili na imposibleng maabot niya ang mga napakatayog na pangarap nito. Lalo na sa kanilang kalagayan ngayon. Mahirap ang buhay nilang magkapatid. Hindi gaya ng ibang bata na ipinanganak na may kutsarang ginto sa bibig.
Kailangan pang maghanap ng buhay nang maigi ang kanilang ina para lang may makain lang sila.
Minsan sumagi rin sa isip ni Gio, kung bakit siya ipinanganak nang mahirap. Kung bakit panay tuyo at kung minsan mantika na hinaluan ng toyo ang ulam nila? Kung bakit kailangan niyang huminto sa pag-aaral para lang maalagaan niya nang mabuti si Khate.
Subalit ang lahat ng tanong niyang bakit ay nakakalimutan niya sa tuwing nakikita niyang masaya ang pinakamamahal na bunso. Tila lumalambot ang kaniyang puso kapag si Khate na ang pinag-uusapan. Sadyang mahal na mahal niya ang kanyang bunsong kapatid.
“Khate,” mahina niyang tawag sa kaniyang kapatid.
“Bakit po kuya?” Lumingon naman agad ang bata.
“Mahal na mahal kita. Tandaan mo iyan,” madamdaming wika ni Gio sa nakatitig niyang kapatid.
“Mahal na mahal na mahal din po kita, Kuya Gio.”
Ngumiti si Gio at pagkatapos ginulo nang bahagya ang buhok ni Khate.
“Halika nga, yakapin ka ni Kuya.”
Lumapit naman si Khate at ginantihan din niya nang mahigpit na yaka si Gio.