KABANATA 1-MISYON
Yria's POV
Manghang-mangha ako sa aking nakikita, kahit pa ilang beses ko ng sinasadya ang lugar na ito.
Mahigpit na ipinagbabawal sa amin ng aming Guardian Fairy na bawal puntahan ang lugar na ito. Sagrado ang lugar na ito at para lamang ito sa mga nakatataas. Ngunit sadya yatang ipinanganak akong may katigasan ang ulo kaya naman kahit sinabihan na ako na bawal ay tinungo ko pa din ang lugar na ito.
Umupo ako sa damuhan at malaya kong pinagmasdan ang nasa paligid ko. Mga ibon na nagliliparan, tutubi at mga paru-paro na nag gagandahan ang kulay. Batis na sa sobrang linaw ay kitang kita ang mga nilalang na nasa ilalim niyon. Mga iba't-ibang uri ng bulaklak na palagi kong pinipitas bago ko lisanin ang lugar na ito.
Ang tawag ng ibang fairy sa lugar na ito ay isinumpa. Dahil daw lahat ng mga makikita dito ay isinumpa mula sa lupa. Ang iba naman ay ito daw ang lugar kung saan nananatili ang mga kaluluwa na ayaw pang umalis at gusto muling bumalik sa mundo ng mga tao para subaybayan ang naiwan na mga mahal nito sa buhay.
Ilan sa mga kaluluwang iyon ay hindi umaalis sa lugar na ito dahil may hinihintay sila na maaaring makatulong sa kanila para makabalik sa lupa.
Ngunit sadyang hindi ako marunong makinig sa mga kapwa ko fairy dahil heto ako ngayon, nasa ipinagbabawal at sagradong lugar kung saan sobra akong namamangha sa aking mga nakikita.
"Kung totoo man ang sinasabi nila, gusto ko makatulong isa man sa inyo," sambit ko habang pinagmamasdan ang mga ito na nagliliparan.
Napangiti ako ng may isang magandang paru-paro ang dumapo sa aking kamay. Napakaganda nito. Hindi nakakasawa pagmasdan ang kulay ng pakpak nito.
Tinitigan ko ito ng mabuti. Kakaiba ang pakpak nito dahil kumikinang iyon. Kasing tulad ng aking pakpak na sadyang naiiba sa mga katulad kong fairy.
"Isa ka ba sa mga gustong bumalik sa lupa? Kung kaya kitang tulungan maaari ko iyong gawin," suhestyon ko na animo'y maiintindihan ako.
Marahan ko itong hinipan dahil tila yata nagustuhan na nitong dumapo sa aking kamay. Ngunit nanatili pa din ito doon.
"Mukhang ikaw na ang magiging paborito ko dito, bago ka lang ba? Ngayon lang kasi kita nakita," patuloy ko.
"Yria!"
Lumingon ako sa pinanggalingan ng tumawag sa akin. Si Feya iyon, kapwa ko fairy. Hindi ito lumalapit sa kinaroroonan ko dahil maging ito ay iniiwasan na tumapak sa lugar kung nasaan ako ngayon. Ako lang talaga ang namumukod tangi na malakas ang loob na pumunta dito.
"Pinapatawag ka ng ating Guardian Fairy! At bakit nandito ka na naman? Ilang beses na sinabi sa atin na hindi natin ito maaaring puntahan?" paalala nito sa akin.
Tumawa lamang ako. Napansin ko din na lumipad na ang paru-parong nasa aking kamay.
"Wala naman dapat ikatakot sa lugar na ito, Feya. Napakaganda ng tanawin dito," pangungumbinsi ko sa kan'ya.
"Kahit maganda d'yan ay mahigpit na ipinagbilin na bawal ito puntahan. Halika na, pinapatawag ka ni Inang Yesha."
Hindi na ako nakipag diskusyon pa sa kan'ya. Bago ko tunguhin ang kinaroroonan nito ay muli kong sinulyapan ang mga nagliliparang paru-paro. Sa dami niyon ay hindi ko na nakita ang kaninang dumapo sa aking kamay.
"Babalikan ko kayo," nakangiti kong turan bago ako nagsimulang humakbang.
"Gusto mo ba talagang ipatapon na ng ating Guardian Fairy?" gagad nito sa akin ng makalapit ako.
"Hindi nila malalaman kung hindi mo sasabihin," nakikiusap ang tingin ipinukol ko sa kan'ya.
"Naku naman, Yria! Ikaw lang talaga nakagagawa ng mga bawal dito sa ating paraiso." Reklamo nito saka ako tinalikuran.
Natatawa akong sumunod sa kan'ya. Kinampay ko ang aking pakpak. Umangat ang paa ko mula sa lupa at nagsimula ako lumipad.
"Feya?" tawag ko dito.
"Bakit?" sagot nito ng hindi ako sinusulyapan.
"Hindi ba mas makabubuti kong lilipad tayo?" natatawa kong turan.
"Ewan ko sa'yo. Sa susunod Yria, hindi na ako mag-iisip ng dahilan. Hahayaan ko na lang na matuklasan ng Guardian Fairy ang mga ginagawa mo," sabi nito saka sumabay sa paglipad sa akin.
Tumawa ako sa sinabi nito. Ilang beses na nito iyon sinabi ngunit paulit-ulit pa din ako nitong tinutulungan.
Tumigil ako sa paglipad at nanatili lang akong nasa ere ng mapansin ko ang paru-paro kanina na dumapo sa aking kamay.
"Ginagawa mong biro ang lahat, Yria. Mapapahamak kami sa ginagawa mo." Patuloy nito ngunit wala na ang atensyon ko sa kan'ya kun'di sa kaharap kong paru-paro. Tila ba ay nakikipag titigan ito sa akin.
"Feya?" tawag kong muli rito.
Humarap siya sa akin. Nanlaki ang mata nito ng makita nito ang paru-paro. Bahagya siyang lumayo sa akin.
"Lumayo ka sa kan'ya, Yria. Mapanganib ang mga paru-paro."
"Pero kanina lang ay dumapo siya sa aking kamay. Wala naman nangyari sa akin. Hindi totoo ang mga kasabihang iyon." Pangungumbinsi ko pa sa kan'ya.
"Kahit pa, basta lumayo ka diyan," muli nitong sambit.
Lumayo ako at tinaas ko pa ang lipad ngunit hindi ko namalayan na sumunod ito pataas at sinalubong ako. Tumama iyon sa aking mukha dahilan para mawala ako sa konsentrasyon sa paglipad. Namalayan ko na lamang ang aking sarili na hindi ko na maigalaw ang aking pakpak at tuluyan na akong bumagsak sa lupa.
"Yria!" tanging narinig ko bago nandilim ang aking paningin.
Marahan kong ginalaw ang aking mga kamay at paa. Dumilat ako at ang mukha ni Inang Yesha ang aking nasilayan. Seryoso ang mukha nito na nakatitig sa akin.
"Muli kang sumuway, Yria," bungad nito sa akin.
Bumangon ako mula sa aking pagkakahiga. Sinipat ko ang aking sarili maging ang aking pakpak kung maayos pa iyon. Nakahinga naman ako ng maluwag ng malaya ko pang naigagalaw iyon.
"Inang Fairy, hindi na po mauulit," hingi kong paumanhin.
"Isang libong beses mo na iyan sinabi, Yria. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa iyo. Ikaw lang ang namumukod tangi sa mga kasama mo dito. Hindi ka marunong makinig. Gumagawa ka ng mga bagay na labag dito sa ating tirahan."
Tumalikod ito sa akin at tumanaw sa mga kapwa ko fairy na abala sa mga tungkulin ng mga ito.
Tumayo ako at humarap sa kan'ya. Yumukod ako para iparating dito ang pagbigay galang.
"Kung papatawan po ninyo ako ng parusa ay taos puso ko po iyong tatanggapin," sambit ko. Puno iyon ng sinseridad dahil totoo naman iyon.
"Wala akong ipapataw na parusa sa iyo, Yria," lumapit siya sa akin at pinatayo ako ng tuwid.
"Kailangan ka na bigyan ng misyon at dapat mo iyong gawin." May kung ano akong nabanaag sa mata ni Inang Yesha habang sinasabi nito iyon ngunit hindi ko iyon mapangalanan.
"Misyon po?" anas ko. Tumango ito at muling sumulyap sa mga kapwa ko fairy.
"May misyon ka sa lupa, hindi ka maaaring bumalik sa ating tirahan hanggat hindi mo natatapos ang tungkuling iyon." Tila hindi ako makapaniwala sa tinuran nito. Ibig sabihin matagal ako mamalagi sa lupa.
Sa aming mga fairy, tanging ako pa lamang ang hindi nabibigyan ng tungkulin. Kapag tinatanong ko isa sa mga Guardian Fairy ay parati nitong sinasabi na hindi pa daw panahon para bigyan ako ng tungkulin. Kaya hindi din nila ako masisisi kung parati ako nakagagawa ng problema sa paraiso namin.
"Tungkol saan po iyon?" tanong ko.
"Gabayan mo ang isang Hermes John Alejandro, Yria,"
"Iyon lang po ba?" bigla akong nanabik sa sinabi nito. Unang beses ko ito kaya sobra ang pananabik ko sa misyon na ito.
"Magiging isang ordinaryong tao ka Yria," dugtong nito.
Sa sinabi nitong iyon ay nawala ang kasabikan ko sa misyong binibigay nito. Hindi ko lubos maisip dahil ang mga kapwa ko fairy ay nananatiling fairy kahit may tungkulin na ginagampanan ngunit kakaiba ang sa akin. Hindi pumasok sa isip ko na magiging ordinaryong tao ako.
Kung noon ay sabik akong mabigyan ng misyon, ngayon ay parang gusto ko na iyon bawiin.
"Sigurado po ba kayo, Inang Fairy? Bakit kailangan ko pa po maging ordinaryong tao? Hindi po ba ay maaari naman manatili bilang isang fairy?" sunod sunod kong tanong.
"Nagpulong na kami hinggil sa mga katanungan mong iyan. Ngunit wala akong maibibigay na sagot sa iyo, Yria," sagot nito.
"Pero, bakit po? Dapat ko din malaman kung bakit ko kailangan maging ordinaryong tao samantalang ang mga kapwa ko fairy ay nananatili sa kaanyuan nila. Mahirap po iyan para sa akin, Inang Fairy," tanong kong muli kahit alam ko na hindi nito ako sasagutin.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan nito. Lumapit ito sa akin at hinaplos ang aking mukha.
"Kung gusto mong makabawi sa mga ginawa mo ay sundin mo na lamang ang gusto namin. Isa ka sa pinakaiingatan dito sa ating paraiso, Yria. Espesyal ang isang tulad mo ngunit kailangan mong gawin ang tungkulin mo at hindi kasama doon ang manatili kang isang fairy sa lupa." Mahabang paliwanag nito.
Hindi ako nakapagsalita sa sinabi nito.
"Maghanda ka na at marami ang ibibilin sa iyo ng ating mga Guardian Fairy." Tumalikod na ito at naiwan akong tulala.
Ngunit wala na akong nagawa kun'di ang pumunta sa lugar kung saan makakaharap ko ang mga nakatataas na fairy.
Nagtipon ang apat na mataas na fairy kasama doon si Inang Yesha. Si Inang Yesha ang tagapangalaga sa lahat ng fairy sa paraiso namin kaya siya ang madalas makita sa Wings Fairy. Ang pinakamataas ay si Inang Sutra, ang nangangasiwa sa aming paraiso at ang nakakaalam ng bawat isa sa aming mga fairy.
"Handa ka na ba Yria sa misyon mo?" tanong ni Inang Navi ang pangalawa sa mataas. Ang tungkulin naman nito ay gabayan ang bawat fairy na nagsisimula pa lamang sa binigay na misyon.
Nakaharap silang apat sa akin.
"Opo,"
"Dapat mong malaman na ipinagbabawal ang pag-gamit ng iyong kakayahan sa lupa," panimula ni Inang Tianna. Ito naman ay ang tagasundo sa mga fairy na tapos na ng kanilang misyon.
Nang marinig ko iyon na bawal gamitin ang kakayahan ko bilang isang fairy ay lihim akong natuwa. Hindi mawawala ang kapangyarihan ko kahit nasa lupa ako.
"Bagamat isa ka ng ordinaryong tao sa lupa ay hindi ka namin tatanggalan ng kapangyarihan. Kapag ginamit mo ang iyong kakayahan sa pansarili mong kaligayahan ay manghihina at mababawasan ang iyong buhay sa lupa. Maaari mo lamang itong gamitin sa oras na alanganin ang iyong buhay at ni Hermes na taga-lupa," patuloy nito.
"Bawal ka din mahalikan," dugtong pa nito.
Nanlaki ang mata ko sa tinuran ni Inang Tianna. Wala sa hinagap ko na mahalikan ng kung sino man na taga-lupa. Kung mangyari iyon ay agad kong tatawagin si Inang Tianna para ibalik ako sa aming paraiso. Noon pa man ay hindi ko gusto ang mga taga-lupa. Masyado silang mapang-api sa mga kapwa nila.
"Alam mo ba kung bakit bawal ka halikan?" tanong ni Inang Navi. Umiling ako dahil wala akong ideya kung bakit bawal ang ganoon.
"Bakit po?"
"Mawawala ang alaala ng iyong ginagabayan. Mawawala ang mga alaala niya sa panahong kasama mo siya. Ayaw mo naman siguro magtagal sa lupa, hindi ba Yria?" tila ba may kahulugan ang sinabing iyon ni Inang Navi.
Agad akong umiling dahil hindi ko pinangarap ang manirahan sa mundo ng mga tao.
"Ah...eh…Inang Fairy, paano kung hindi po ang ginabayan ko ang humalik sa akin at ibang tao po, mawawala din ba ang alaala ng humalik sa akin?" tanong ko.
Nagkatinginan ang apat na fairy at muling tumingin sa akin.
"Bakit, Yria, may balak ka bang magpahalik sa iba maliban sa gagabayan mo?" tanong ni Inang Sutra.
Napa-awang ang bibig ko. Hindi naman iyon ang ibig ko sabihin. Gusto ko lang naman malaman.
"H-hindi po Inang Fairy," habang sinasabi ko iyon ay mariin akong umiling.
"Mabuti kung ganoon dahil wala naman maaaring humalik sa iyo kun'di si--"
"Inang Fairy!" sabay sabay na bulalas ng tatlong fairy kay Inang Sutra. Agad naman itong nagtakip ng bibig. Tumikhim ito at tumuwid na ito ng tayo at muling itinuon sa akin ang atensyon.
"Kapag nahalikan ka ng iba ay walang mangyayari. Ngunit kapag si Hermes na taga-lupa ang humalik sa'yo ay asahan mo na mag-uumpisa ka sa simula. Kaya sana kung maaari ay h'wag mo pahintulutan si Hermes na halikan ka dahil alam mo na ang posibleng mangyayari." Mahabang paliwanag nito.
"Tatandaan ko po iyan Inang Fairy," sambit ko.
"May Isa ka pang dapat tandaan, Yria," sabi naman ni Inang Yesha.
"Ano po iyon?"
"Bawal kang umibig sa taga-lupa,"
Nang marinig ko iyon ay hindi ko napigilan ang sarili na tumawa. Wala din sa hinagap ko ang magkaroon ng ugnayan sa tao. Hindi mangyayari iyon.
"Walang nakakatawa sa sinabi ni Inang Yesha, Yria. Tandaan mo na walang puwang ang mga katulad nating fairy sa mundo ng mga tao." Seryosong wika ni Inang Sutra.
Tumigil ako sa pagtawa. Batid kong bawal nga iyon ngunit hindi ko akalain na sasabihin pa nila iyon sa akin.
"Paano po kapag hindi ko nagawa ang misyon na iyon?"
"Kung hindi mo man iyon magawa ay maaari kang mamili. Ang hindi makabalik sa ating tirahan o kahit makabalik ka man dito ay hindi na namin maaaring pahintulutan na ibalik sa iyo ang iyong pakpak." Saad ni Inang Navi.
Wala akong pagpipilian kundi ang tuparin ang tungkulin ko, kung hindi ay mawawala ang maganda kong pakpak.
"Makakaasa po kayo na tutuparin ko ang aking tungkulin. Hindi ko po kayo bibiguin."
"At higit sa lahat, bawal mong sabihin ang iyong tunay na katauhan," sambit naman ni Inang Yesha.
"Handa ka na ba, Yria?" tanong ni Inang Sutra at tinaas ang kamay habang nakabukas ang mga palad.
"Ngayon na po?"
Hindi na nagawang sumagot ng mga ito dahil naramdaman ko ang paghila sa akin mula sa likod. Nasilaw din ako sa liwanag na nagmumula doon. Hindi ko inaasahan na ngayong araw na iyon magaganap. Hindi ako naging handa. Hindi pa ako nakapagpaalam sa mga kapwa ko fairy.
Hinigop ako ng binuksan ni Inang Sutra ang portal na maghahatid sa akin sa mundo ng mga tao.
"Humayo ka, Yria. Alam ko na kaya mong gampanan ang tungkulin mo," umalingawngaw iyon sa loob ng portal kung saan sumusunod na lamang ako sa agos niyon.
Hanggang sa naramdaman ko ang pag-apak ng aking mga paa sa malamig na lupa. Inilibot ko ang aking paningin sa aking paligid. Wala akong makita kundi ang maliit na liwanag na papalapit sa akin. Dinig ko ang malakas na tunog niyon. Hindi ako nakakilos ng huminto iyon sa aking harap. May naaninag akong isang bulto. Lumapit iyon sa akin.
"Miss, okay ka lang?" tanging narinig ko at pilit ko inaaninag ang mukha ng nagsalita ngunit nakaramdam ako ng pagkahilo at tuluyan na ako nawalan ng malay.