CHAPTER 4
KUNG PAANO niya na-survive ang hindi inaasahang pangyayari ay hindi alam ni Aby. Wala siya sa sarili nang umuwi at namalayan na lamang niyang nakahiga na siya sa kama at nakatulala sa kawalan.
Para siyang pinaglalaruan ng pagkakataon. Sino ba ang mag-aakalang iisang tao lang pala ang lalaking nambastos sa kanya sa cafeteria, ang daddy ni Mika at ang malala ay ang inirereto sa kanya na kababata ni Candy? Nalaman din niyang ka-batch ito ni Hil kaya malaki rin ang posibiidad na kilala nito si Mark. Kung sa isang nobela, interesting ang istoryang gano`n dahil sa kakaibang twist pero dahil nasa realidad ay hindi niya ito ikinatutuwa.
Kung sa kuwentong pag-ibig lang, kabisado niya ang takbo ng aspetong ito. Bilang manunulat, alam na alam niya kung kailan nagsisimulang umusbong ang pag-ibig, at kung anu-ano ang mga posibleng mangyari bago magkaaminan ang dalawang bida. Pero, malaki ang pinagkaiba nito sa totoong buhay. Kahit gaano ka kagaling na writer, kahit ikaw pa ang pinaka-popular sa buong mundo, hindi mo mahuhulaan kung sino ang nakalaan para sa `yo at kung ang taong mamahalin mo ba ay mananatili sa iyong tabi o iiwan ka rin sa bandang huli. Because at the end of the day, ang Diyos lamang ang nakakaalam ng mangyayari.
Marami siyang inaalala ngayon. Una na rito ang paniniwala ni Mika na girlfriend nga siya ng ama nito kaya wala siyang choice kundi ang pumayag nang pakiusapan ni Raphael na magpanggap na lang muna. Pangalawa, si Honey. Wala nga sa hitura nito na basta na lang magpapatalo sa kanya. Ayaw niya ng may kaaway lalo na`t hindi naman totoo ang relasyon nila. Pangatlo, si Candy. Paano nga siya magpapaliwanag dito? Mas delikado kung naniwala ito sa sinabi nila ni Raphael kaysa sa magduda ito dahil tiyak na gagawa ito ng paraan para hindi sila maghiwalay. Pang-apat at ang pinakahuli, paano siya makikitungo kay Raphael? Paano siya iiwas dito? Paano niya mapipigilan ang sariling burahin ito sa isip kung palagi niya itong makikita sa loob ng isang buwan at kalahati? Kakayanin ba niyang magpakamanhid kung sa amoy pa lang nito ay nanghihina na siya?
“What did I ever do to the world para parusahan ako ng ganito?” ramdam niya at nakikini-kinita na ang mga mangyayari sa mga susunod na araw at hindi siya sigurado kung magagawa niyang itago ang atraksiyon kay Raphael.
KINABUKASAN, opisyal nang nagsimula ang pagiging assistant niya ni Candy. May isang salita siya kaya kahit dehado ay hindi niya binawi ang ipinangako rito. Isa pa, ang alam nito ay may relasyon sila ni Raphael kaya hindi talaga siya puwedeng umurong.
Ayon naman kay Candy, may pagka-workaholic si Raphael at bihirang mapirmi sa bahay kaya inaasahan niyang wala ito ngayon doon. Babalik kasi siya ro`n para i-check ang venue at kausapin si Mika tungkol sa mga gusto nitong maging tema ng party.
Gayunpaman, sinigurado niyang presentable siya bago umalis sa harap ng salamin.
“Hi, good morning!”
Natigilan siya nang pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Raphael.
Napakurap-kurap siya. Araw ng Miyerkules ngayon, alas-onse na ng umaga, akala ba niya ay busy itong tao?
Naka-t-shirt lamang ito at maong pants kaya hindi ito galing sa opisina o papunta pa lang. Kahit gano`ng naka-casual lamang ay lutang pa rin ang kaguwapuhan nito at nangangalingasaw ang napakabangong amoy nito na tila ba hinahanap-hanap na ng ilong niya.
“What are you doing here?” tanong niya.
“Ang sabi ni Candy pupunta ka sa bahay ngayon kaya sinundo na kita,”
“At bakit mo ako susunduin? Kaya kong bumiyahe mag-isa.” Ini-lock na niya ang pinto para makatalikod dito.
“Kumalma ka, Aby, huwag kang ma-tense sa kanya. Hindi mo siya gusto.” Sinaway niya ang sarili na akala mo naman ay mapipigian niya ang nararamdaman.
“Dahil gusto kong patunayan sa `yo na hindi ako talagang bastos na lalaki,” sagot nito. “Willing akong ihatid-sundo ka araw-araw,”
Umiwas siya ng tingin nang humarap siya. Kunwari ay may kinukuha siya sa bag. “Hindi ba`t may trabaho ka?”
“Puwede naman akong hindi pumasok kung hindi naman importante ang gagawin ko sa office. Naro`n naman ang dalawa kong secretary to take care of things for me.”
“Bumalik ka na lang mamaya, magla-lunch pa ako bago pumunta sa-”
“Naka-ready na ang lunch natin sa bahay. Doon ka na kumain, hinihintay ka ni Mika. I promised her na kasabay ka namin kumain ngayon.”
“Hindi ako-”
“Please?” hindi lang ang tono ito kundi pati ang mga mata ay nakikiusap din.
“Okay, whatever.” Wala na siyang nagawa.
Nang maglakad na sila papunta sa kotse nito ay hinawakan siya nito sa siko. Tinignan niya ito ng masama at sinabing ‘don`t touch me,’. Nag-sorry naman ito.
Pinagbuksan siya nito ng pinto sa passenger seat. Nagpasalamat naman siya nang hindi na ito sumulyap. Tiningnan niya lamang ito nang umikot ito ng kotse para sumakay.
“Muli, gusto kong humingi ng tawad sa nagawa ko sa cafeteria,” sabi nito bago paandarin ang sasakyan. “Ilang beses kitang binalikan do`n para humingi ng sorry pero hindi ka raw nagpupunta ro`n sabi ng napagtanungan kong crew,”
“It won`t change what you did to me back there.” Diretso ang tingin niya sa kalsada. “Ilang beses mo bang ginagawa `yon sa loob ng isang buwan? Ilang babae ba ang ginagamit mo para lang lubayan ng hipag mo?”
“First time lang `yon, Aby. Out of desperation,”
“A, so, gano`n ang tingin mo sa akin? Ang galing mo rin, ano?” waring napiktal ang pisi ng kanyang pasensiya.
“No, it`s not like that. Kahit hindi pa kita nakakasama, alam ko naman na hindi ka mababang babae. I think you`re one of the great person that I would ever met. Knowing Candy, mapili siya sa mga kinakaibigan niya and the fact na gusto ka niya, ibig sabihin ay special ka.” Kahit nagco-concentrate sa pagmamaneho ay nagawa nitong magpaliwanag ng maayos.
Na-touch naman siya sa sinabi nito kaya lihim siyang napangiti. Alam niyang totoo `yon dahil gano`n nga ang ugali ni Candy.
Katahimikan.
“Gusto mong magpatugtog ako ng music?”
“Mas gusto ko ang tahimik.” Mabilis niyang sagot.
“Okay.” Halos pabulong lang na wika nito.
Kahit hindi niya ito tignan, nakikita naman niya sa gilid ng kanyang mga mata na palinga-linga ito sa kanya kaya ilang na ilang siya. Mabuti na lang at maganda ang anggulo niya sa ganoong posisyon ayon kay Bianca. Isa kasi itong modelo at tinuturuan siya noon kung saan siya mas maganda. Photographer siya pero pagdating sa sarili niya ay hindi niya alam ang ganoong bagay.
“Parang ang bata mo naman nag-asawa?” tanong niya nang hindi makatiis hindi magsalita.
“I`m already 37,”
“Hindi nga?” nanlaki ang kanyang mga mata at saka pa lang napalingon dito.
“Why?” natatawa-tawa ito. Nagpasulyap-sulyap pa sa kanya upang makita ang kanyang reaksiyon.
“Akala ko kaedad lang kita. Matanda ka na pala,”
“Aray ko po,” pabirong daing nito.
“Pero katulad nga ng sinasabi ng Mom ko, habang tumatanda ang mga lalaki, mas lalo silang nagiging guwapo for some reason. Kaya siguro ganyan kalakas ang appeal mo kasi you`re...” kahit nai-preno niya ang bibig sa pagsasalita ay huli na rin dahil nasabi na niya ang nasa isip. Umiwas siya ng tingin at kunwari ay may nakitang kakaibang bagay sa nadaanan nila. “Ang ganda naman no`n! Sa susunod nga yayayain ko ang mga kaibigan kong mamasyal dito,”
Matamis na ngumiti si Raphael. “So, you think I`m handsome, huh?”
Waring nanuyo ang kanyang lalamunan kaya napalunok siya. Kahit naka-aircon ay parang nainitan siya bigla kaya naipaypay niya ang mga kamay.
“Iba ang temperature ngayon, ano? Tag-ulan na, parang summer pa rin,” ipinagdarasal niyang sakyan nito ang pag-iiba niya ng topic.
“Mainit ba? Excuse,” inihaba nito ng braso upang ayusin ang aircon na malapit sa kanya.
Sumandal siyang maigi ngunit nagtama pa rin ang kanilang mga braso at dahil naka-shirt lang ito at kitang-kita ang ganda ng biceps nito, napakagat siya ng pang-ibabang labi at ikinuyom ang mga kamay upang pigilan ang sariling hawakan iyon. Kaya naman pala nang akbayan siya nito ay naramdaman niya na secure na secure siya.
“Ano ba itong nangyayari sa akin? Dahil ba matanda na ako kaya napupuna ko na ang mga muscle ng lalaki? Sa kuwento ko lang ito dapat ginagawa hindi sa totoong buhay!”
“Okay na ba?”
Matipid na ngiti ang isinagot niya rito at pag-thumbs up.
“Sa palagay ko`y mas maganda ka kung palagi kang nakangiti.” Kung nambobola lang ito o nagsasabi ng totoo ay wala siyang pakialam dahil naniwala siya.
Pinigilan niya ngunit kumawala pa rin ang isang malawak na ngiti sa labi kasabay ang mga mata. Agad din itong naglaho at napilitan ng takot nang muntik na nilang mabunggo ang isang babaing tumawid. Hindi ito nakita ni Raphael dahil sa kanya nakatingin.
“I`m sorry, are you okay?” nag-aalalang tanong nito.
“Ako ba ang muntik mong madisgrasya?” mataray na sagot niya.
Nagmadali itong bumaba ng kotse at kinausap ang babaing mukhang sosyal dahil sa pananamit. Gusto niyang matawa dahil tila mas nawindang ito nang makita si Raphael kaysa sa nangyari. Nakatanga lang kasi ito at tila pautal-utal magsalita.
“Ganyan ba ang hitsura ko sa harap niya?” naitanong niya sa sarili.
Nakangiti si Raphael nang magbalik sa kotse. “Hindi naman daw siya nasaktan.”
“Ano ang sinabi niya sa `yo?” na-curious siya.
Nahulaan na niya nang bahagyang mamula ang pisngi nito. Umiling lang ito at pinaandar na ang sasakyan.
“See, Aby? Hindi ka nag-iisa sa mundo. Marami ang nagkakagusto sa kanya. Normal lang `yan.” Ikinatuwa niya ang kaalamang ito.
Nang makarating sila sa bahay nito ay sinalubong sila ni Mika. Malawak ang bakuran at malaki ang bahay ni Raphael. Kung ang mag-ama lang ang naninirahan doon ay mansiyong matatawag iyon. Halatang mayaman talaga ito at masuwerte ang anak nito dahil hindi makararanas ng problemang pinansiyal. Pero kung pagmamasdan mo si Raphael, sa kilos at pananalita nito, hindi mo mahuhulaan na marangya ang pamumuhay nito dahil wala itong kayabangan na mababanaag sa katawan. Ito`y base sa kanyang obserbasyon.
Muli niyang napuna ang painting ng namayapa nitong asawa. Pamilyar talaga ang mukha nito sa kanya ngunit hindi naman niya mawari kung saan niya ito nakita.
Sa dining na sila dumiretso kung saan nakahanda na ang pananghalian. Mistulang may piyesta sa dami ng nakahain sa mesa ngunit ang nakakatuwa ay karamihan sa mga putahe ay mga gulay naman.
“Si Manang Auring kasi,`yung cook namin mula pa noong bata ako, hindi puwede sa kanya ang puro karne ang kakanin namin,” tila nagpapaliwanag si Raphael nang mapunang inuusisa niya ang mga ulam. “Pero kung hindi ka mahilig sa gulay, magpapaluto ako ng gusto mo, ano ba ang paborito mong ulam?”
“Alam mo, magmula noong teenager ako hanggang ngayon, kung kani-kaninong bahay ako ng mga kaibigan ko nagla-lunch at nagdi-dinner dahil gala ako kaya lahat ng uri ng luto at pagkain, walang kaso sa akin.” Naikuwento niya upang hindi ito mag-alala at hindi nakakahiya sa nagluto.
“A...” napapatango ito. “Kaya pala sabi ni Candy, kahit iwan ka sa disyerto ay mabubuhay ka,”
Nasamid bigla siya nang tikman ang isang putahe.
“Water!” nakakatuwang ang katabi niyang si Mika ang nag-abot sa kanya ng isang baso ng tubig.
“Thank you, baby,” matapos makainom ay sabi niya sa bata. “Ang sweet mo naman,” at bumaling na siya kay Raphael. “Kung anuman ang sinabi ni Candy, huwag mo na lang pansinin.”
“Sa palagay ko`y mas okay nga ang mga kagaya mong cowgirl. Bihira akong makakilala ng-”
Sa kanyang pagtataka ay hindi nito itinuloy ang sinabi. Dinaan na lamang siya nito sa pagngiti at sumenyas na kumain na sila.
Nagtaka rin siyang ang dalawa sa mga kasambahay ay palihim na sumisilip sa kanila mula sa kusina at pasimpleng nagbubulungan.
“Mukhang hindi nila gustong magkaroon ng bisita ang amo nila, a. Siguro`y may mga gusto rin ito kay Raphael. Kung sabagay, hindi ko naman sila masisisi. Palagay ko`y sila ang uri ng mga kasambahay na mas ganadong magtrabaho kapag nariyan ang amo.”
“Daddy, palagi na po ba nating kasabay kumain si Mommy Aby?” tanong ni Mika.
Nagkatinginan sila ni Raphael. Hindi nito alam ang isasagot.
Naaawa talaga siya kay Mika. Maka-mommy din siya at kahit ngayong matanda na ay gusto pa rin niyang inaalagaan siya ng ina. Kaya nga miss na miss na niya ito dahil ilang taon na rin niyang hindi ito nakakasama ng matagal. Nahihirapan siya dahil malayo ang mommy niya, wala siyang nayayakap kapag gusto niyang umiyak, ano pa kaya si Mika?
“Sure, para ganahan kang kumain,” siya na ang sumagot.
Napapalakpak naman ang bata sa tuwa.
Matapos nilang kumain ay hiniling niya kay Raphael na dalhin na siya nito sa magiging venue ng party.
Nasa gilid ng bahay ang garden. Namangha siya sa hitsura nito. Parang sa mga story at sa picture lang niya nakikita ang ganoon kagandang lugar. Hindi artificial kundi totoo ang mga bulaklak na nakatanim sa paligid. Iba`t iba ang kulay ng mga ito kaya buhay na buhay ang paligid. Idagdag pa na natatamnan ng maliliit na d**o ang buong hardin.
May swing bench pa sa isang tabi na napapalibutan naman ang mga poste nito ng mga gumagapang na halaman. May tatlo pang magkakatabing upuang gawa sa kahoy at bakal ang nasa kabilang bahagi nito.
Sariwang-sariwa ang hangin at preskong-presko ang paligid. Magandang lugar iyon para magsulat. Magiging productive ang utak niya panigurado. Nakaka-good vibes kasi ang ambiance ng lugar.
“Ang asawa ko ang may idea na gawing ganito ang garden,” ani Raphael, pinagmamasdan ang buong paligid.
“Maganda ang taste ng asawa mo,” pagpuri niya. “Mahilig siya sa fairytale, ano?”
“Oo, pero hindi niya ito nakuha sa panonood ng mga Disney Princesses,”
“E, saan inspired ang garden ninyo?”
“Mahilig siyang magbasa ng romance pocketbook. Secretary ko siya kaya madalas kong mahuli na ginagawa niya `yon tuwing break time. Nang magkagusto ako sa kanya, hindi ko alam kung paano ako manliligaw kaya sinubukan kong basahin ang isang pocketbook na naiwan niya sa office. Ginaya ko lang ang paraan ng bidang lalaki sa kuwento kaya hayun, sinagot niya ako and later on, nagpakasal.”
Bagamat nakangiti si Raphael, nakikita sa mga mata nito ang lumbay. Marahil ay miss na miss na nito ang asawa at `yun ang dahilan kung bakit malungkot ang mga mata nito. Hindi niya tuloy maiwasan ang mainggit sa asawa nito.
“Sana lahat ng lalaki ay kasing loyal mo. Kahit wala na ang minamahal ay patuloy pa rin ang pagmamahal dito.”
“Nang maging mag-asawa kami, may isa siyang naging paboritong writer. May particular na nobela ito na ang pinaka-main setting ay ang isang garden. Ang sabi niya, gusto niyang palagi kaming may pupuntahan kapag nag-aaway kami kung saan magiging mahinahon kami katulad nang sa kuwento, so, we made just like the garden the author had had described and it really worked.”
Saglit siyang napaisip. Tila biglang naging pamilyar sa kanya ang hardin na iyon. Noong mga unang taon niya sa pagsusulat, parang may naaalala siyang may naisulat na rin siyang nobela tungkol sa garden. Ngunit iwinaksi niya rin agad sa isip dahil marami naman manunulat na gumagamit ng ganoong setting.
“Bilib nga ako sa writer na `yon, nagagawa niya kaming dalhin sa mundo niya. Naisip ko tuloy, siguro palaging in love `yon para makapagsulat siya ng mga ganoong nobela.”
“Alam mo, karamihan sa mga manunulat ay isinusulat lang nila ang mga pangarap nilang love story kaya nagiging maganda at may happy ending. Because in the story, they were able to edit all the mistakes they did or revised it if needed. But in real life, may ilan sa kanilang hanggang ngayon ay naghihintay pa rin at umaasa na may darating upang tawagin nilang prince charming,” ang sarili niya ang tinutukoy.
“How did you know? Writer ka ba?”
“Ha?” at bigla siyang tumawa. Hindi niya gustong ipinangangalandakan sa mga tao ang tungkol sa pagsusulat niya maliban na lamang kung writer din ito. Isa rin ito sa naging pakiusap niya sa mga kaibigan na nakakaalam, ang ilihim na isa siyang manunulat. Nagsusulat kasi siya dahil passion niya ito at hindi para sa fame. “Palagay ko lang naman,” ngumisi siya.
“Tungkol nga pala kay Honey,” napahugot ito ng malalim na hininga at sa malayo tumingin. “Hindi ko alam kung bakit siya ang gusto ni Nina na maging asawa ko. Alam naman niyang una pa lang ay hindi ko na gusto si Honey.”
“Pero may kasabihang the more you hate, the more you love.” nagbiro siya at natuwa siya nang ngumiti ito. Pero parang tinamaan din siya sa sinabi.
“Seriously, Honey is not a wife material.” Sabi nito. “Hindi rin siya guso ni Mika dahil madalas niyang pagalitan ang anak ko kaya takot sa kanya ang bata.”
“Si Candy, hindi rin?”
“No. Nakababatang kapatid ko na lang `yon.”
Napatango siya. “Now that Honey knows that you have a girlfriend, hindi ka na niya pipilitin magpakasal sa kanya to fulfill her sister`s last wish?”
“Sana. Alam mo, matagal ko nang problema si Honey. Malaking katahimikan para sa akin kung hindi na nga siya babalik dito.”
“Maghanap ka na kasi ng totoong pakakasalan mo nang tuluyan nang matapos ang problema mo.” Wika niya. Napunta ang atensiyon niya sa isang bulaklak na malapit lang sa kanya, nilaro-laro niya ito. “Kung sabagay, mukha naman mahal mo pa rin ang asawa mo at hindi ka pa talagang nakaka-move on sa pagkawala niya. Mahirap nga ang maghanap ng iba kung hindi ka buo. Siyempre, ayaw mo naman maging unfair sa magiging partner mo, `di ba? At siguradong si Mika ang priority mo kaya-” napakagat siya sa dila para pigilan na ang pagsasalita.
Hindi siya makatingin ng diretso nang humarap dito dahil sa pagkapahiya sa kanyang kadaldalan. “Pasensiya na.”
“I`m so glad that I've finally met someone na kayang intindihin ang sitwasyon ko kahit hindi ko ipinapaliwanag,”
Nang mag-angat siya ng tingin dito ay nagulat pa siyang nakangiti ito imbis na malungkot sa mga sinabi niya.
“Well... nanghula lang naman ako,” alanganin siyang napangiti.
“Good guess. That`s how I really feel for the past 4 years.”
Siya ang nalungkot para sa sitwasyon nito. Kung siya ang nasa katayuan nito, ano nga kaya ang gagawin niya? Magpapakasal kaya siya alang-aalang sa mahal niyang asawa o pipiliting maghanap ng iba?
Lalo tuloy siyang naging interesado rito.